The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Mga Tuntunin Tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat
13 Ang mga tuntuning ito ay ibinigay ng Panginoon kina Moises at Aaron: 2 Kung ang balat ng isang tao ay namamaga, may mga butlig at namumuti, iyon ay tanda ng malubhang sakit sa balat.[a] Siyaʼy dapat dalhin sa paring si Aaron o sa isa sa mga paring mula sa angkan niya. 3 Susuriin ng pari ang balat niya, at kung makita niyang ang balahibo ay namumuti at parang tagos sa laman, may nakakahawang sakit sa balat ang taong iyon. Ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay itinuturing na marumi.[b] 4 Pero kung ang namumuting balat ay hindi tagos sa laman at hindi rin namumuti ang balahibo, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 5 Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari, at kung makita niyang ganoon pa rin ang kanyang balat, at hindi kumalat, siyaʼy ibubukod pa rin ng pari sa mga tao sa loob pa rin ng pitong araw. 6 At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari. At kung gumaling na ang kanyang sakit sa balat at hindi ito kumalat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis[c] na, dahil itoʼy butlig lang. Pagkatapos nito, lalabhan ng tao ang kanyang damit,[d] at siyaʼy ituturing na malinis na. 7 Pero kung kumalat ang mga butlig sa kanyang balat pagkatapos na siyaʼy magpasuri sa pari at ipinahayag na siyaʼy malinis na, dapat muli siyang magpasuri sa pari. 8 At kung kumalat na ang mga butlig, muling ipapahayag ng pari na marumi siya dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa.
9 Ang sinumang may nakakahawang sakit sa balat ay dapat magpasuri sa pari. 10 Kung sa tingin ng pari ay namumuti ang namamagang balat o namumuti ang balahibo, at nagkakasugat na, 11 itoʼy isang sakit na paulit-ulit at nakakahawa. Kaya ipapahayag ng pari na marumi siya. Hindi na kailangang ibukod pa siya para suriin dahil tiyak nang marumi siya.
12 Kung sa pagsusuri ng pari ay kumalat na ang sakit sa buong katawan ng tao, 13 kailangan pa rin niya itong suriing mabuti. At kung talagang kumalat na nga sa buong katawan ang sakit, at namumuti na ang lahat ng kanyang balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.[e] 14-15 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nagkakasugat na ang kanyang sakit sa balat, ipapahayag niya na ang taong itoʼy marumi at may sakit sa balat na nakakahawa. At ang lumalabas sa sugat ay ituturing na marumi. 16 Ngunit kung gumaling ang sugat at pumuti ang balat, muli siyang magpapasuri sa pari. 17 At kung makita ng pari na talagang magaling na ito, ipapahayag ng pari na malinis na siya.
18 Kung ang isang taoʼy may bukol na gumaling, 19 pero muling namaga o namuti, itoʼy dapat ipasuri sa pari. 20 At kung nagkasugat at ang mga balahibo ay pumuti, ipapahayag ng pari na marumi ang taong iyon, dahil ang taong itoʼy may sakit sa balat na nakakahawa at nagsimula ito sa bukol. 21 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman nagkakasugat ang balat at hindi rin namumuti ang balahibo at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 22 Ngunit kung itoʼy kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi dahil iyon ay tanda na may sakit siya sa balat na nakakahawa. 23 Pero kung hindi naman kumalat, at itoʼy peklat lang ng gumaling na bukol, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
24 Kung ang isang tao ay napaso at naimpeksiyon ito, at ito ay namumuti o namumula, 25 itoʼy dapat ipasuri sa pari at kung itoʼy nagkakasugat at ang balahibo ay namumuti, may sakit siya sa balat na nagsimula sa paso. Itoʼy nakakahawa kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy marumi. 26 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay wala namang nagkakasugat at hindi rin namumuti ang balahibo, at parang gumagaling na ito, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 27 At sa ikapitong araw, muli siyang susuriin ng pari kung ang sakit ay kumalat sa ibang bahagi ng balat, ipapahayag ng pari na marumi siya dahil iyon ay tanda ng sakit sa balat na nakakahawa. 28 Pero kung hindi naman kumakalat at medyo gumagaling na, pamamaga lang iyon ng napaso. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
29 Kung ang isang tao[f] ay may tanda ng nakakahawang sakit sa balat sa ulo o sa baba, 30 dapat ipasuri niya iyon sa pari. Kung iyon ay sugat na nga, at ang buhok o balbas ay naninilaw at madalang ang pagtubo, ipapahayag ng pari na ang taong iyon ay marumi, dahil may sakit siya sa balat na nakakahawa sa ulo o baba. 31 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niya na hindi naman lumalalim ang sugat at wala ng maitim na buhok o balbas, ibubukod siya ng pari sa mga tao sa loob ng pitong araw. 32 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit sa balat. At kung hindi naman kumalat at hindi rin nagkasugat ang balat at hindi rin naninilaw ang buhok o balbas, 33 dapat niyang kalbuhin ang kanyang buhok o ahitin ang kanyang balbas, maliban sa bahaging may sakit sa balat. At muli siyang ibubukod ng pari ng pitong araw pa. 34 At sa ikapitong araw, muling susuriin ng pari ang kanyang sakit. At kung hindi na kumalat ang sakit sa balat at hindi rin nagkasugat, ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis. Kaya lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing na siyang malinis. 35 Pero kung ang sakit sa balat ay muling kumalat sa kanyang katawan pagkatapos na maipahayag ng pari na malinis na siya, 36 muli siyang susuriin ng pari. At kung kumalat na ang sakit sa kanyang balat, hindi na niya kailangang magpasuri pa sa pari kung may buhok o balbas na naninilaw dahil tiyak na marumi siya. 37 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi iyon kumalat, at may itim na buhok o balbas na tumutubo, magaling na iyon. Kaya ipapahayag ng pari na siyaʼy malinis.
38 Kung may namumuti sa balat ng isang tao, 39 kinakailangang magpasuri siya sa pari. At kung ang mga namumuting balat ay maputla, iyon ay mga butlig lang na tumutubo sa balat. Kaya ang taong iyon ay ituturing na malinis.
40-41 Kung ang isang tao ay nakakalbo sa bandang noo o sa gitna ng ulo, malinis siya. 42-44 Pero kung may namumula at namamaga sa nakakalbong bahagi ng kanyang ulo, dapat siyang magpatingin sa pari. At kung ang namumula at namamaga ay katulad sa nakakahawang sakit sa balat na tumutubo sa ibang bahagi ng katawan, ipapahayag ng pari na marumi siya.
45 Ang taong may sakit sa balat na nakakahawa ay dapat magsuot ng punit na damit, guluhin niya ang kanyang buhok, at takpan ang ibabang bahagi ng kanyang mukha. At siyaʼy sisigaw, “Akoʼy marumi! Akoʼy marumi!” 46 Siyaʼy ituturing na marumi habang siyaʼy hindi gumagaling sa sakit niyang iyon. At dapat siyang tumirang nag-iisa sa labas ng kampo.
Mga Tuntunin Tungkol sa Amag sa Damit
47-50 Kung ang may sakit sa balat na nakakahawa ay magkakaroon ng amag[g] sa damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat, itoʼy dapat ipasuri sa pari. Pagkatapos suriin ng pari ang damit o balat, ibubukod niya iyon sa loob ng pitong araw. 51-52 Sa ikapitong araw, muli itong titingnan ng pari. At kung kumalat pa ang amag, ituturing na marumi ang damit o balat na iyon, at dapat sunugin dahil ang amag na ito ay kumakalat 53 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang hindi naman ito kumakalat, 54 palalabhan niya ang damit o balat na iyon, at ibubukod sa loob ng pitong araw. 55 Pagkatapos ng pitong araw, muli itong titingnan ng pari. Kung ang amag ay hindi nagbabago ang kulay, ang damit o balat na iyon ay ituring na marumi kahit hindi na kumalat ang amag, at dapat sunugin, nasa labas man o nasa loob ng damit ang amag. 56 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay nakita niyang kumukupas ang amag, punitin na lang niya ang bahaging iyon ng damit o balat na may amag. 57 Ngunit kung may lumitaw pa ring amag at kumalat, dapat nang sunugin ang damit o balat. 58 Kung nawala ang amag pagkatapos labhan ang damit o balat, muli itong labhan at itoʼy ituturing na malinis na. 59 Ito ang mga tuntunin kung papaano malalaman ang malinis o maruming damit na lana o linen o anumang gamit na yari sa balat na nagkaroon ng amag.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? 3 Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. 4 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” 5 Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)
Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. 7 Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 8 At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. 9 Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(C)
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15 Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.
16 Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17 Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20 Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22 Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23 At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26 Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28 inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan
39 Sinabi ko sa aking sarili,
“Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
2 Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
3 Akoʼy tunay na nabahala,
at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
4 “Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
5 Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
6 o kayaʼy parang anino na nawawala.
Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
7 At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
8 Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
9 Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]
12 “Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”
10 Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®