Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 14

Paglilinis ng Tao Matapos Gumaling sa Nakakahawang Sakit sa Balat.

14 1-2 Ito ang mga tuntuning ibinigay ng Panginoon kay Moises tungkol sa paglilinis ng taong gumaling sa malubhang sakit sa balat:

Pagkatapos maipahayag ng pari na ang taoʼy gumaling na sa kanyang sakit, lalabas ang pari sa kampo at susuriin niya ang katawan ng taong iyon. Kung gumaling na nga siya sa kanyang sakit, magpapakuha ang pari ng dalawang malinis[a] na ibong buhay, isang putol na kahoy na sedro, panaling pula, at isang kumpol ng halaman na isopo. Ipapatay ng pari ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig na galing sa isang bukal. Pagkatapos, muli siyang kukuha ng buhay na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon. At ang tubig na may dugo ay kanyang iwiwisik ng pitong beses sa taong gumaling sa kanyang sakit sa balat, at kanyang ipapahayag na magaling na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buhay na ibon sa bukid.

Pero bago siya ituring na malinis, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo.

10 Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taong gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala rin siya ng isang basong langis. 11 Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang handog niya sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan.

12 Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis, at ihahandog niya ito bilang handog na pambayad ng kasalanan. Pagkatapos, itataas niya ito sa Panginoon bilang handog na itinataas. 13 At papatayin niya ang tupa sa Banal na Lugar, doon sa pinagpapatayan ng mga handog sa paglilinis at handog na sinusunog. Ang tupang ito na handog ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog na pambayad ng kasalanan. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog na pambayad ng kasalanan at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog at sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa. 15 Kukuha rin ang pari ng langis at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad, 16 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 17 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa ng taong pinahiran niya mismo ng dugo. 18-20 Ang natitira pang langis sa palad ng pari ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon, at saka niya ihahandog ang handog sa paglilinis. Pagkatapos nito, papatayin ng pari ang handog na sinusunog at ihahandog niya ito sa altar pati ang handog ng pagpaparangal. Ganito ang gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para matubos ang karumihan ng tao at magiging malinis siya.

21 Pero kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala na lang siya ng isang lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon. At magdala pa siya ng isang basong langis. 22 Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Alinman ang kanyang makakayanan sa mga ito, ang isaʼy bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.

23 Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa presensya ng Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya ito sa pari. 24 Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang pambayad ng kasalanan at ang isang basong langis, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas. 25 Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki niya sa kanang kamay at paa. 26 Pagkatapos, maglalagay ang pari ng langis sa kanyang kaliwang palad, 27 at ilulubog niya sa langis ang mga daliri sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon. 28 Ang ibang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa, doon mismo sa pinahiran ng dugo. 29-31 Ang natirang langis sa palad ng pari ay ipapahid sa ulo ng tao. Pagkatapos, ihahandog ng pari ang dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato. Ang isaʼy handog sa paglilinis at ang isaʼy para sa handog na sinusunog. Ihahandog din niya ang handog ng pagpaparangal. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari sa presensya ng Panginoon, maaalis ang karumihan ng tao. 32 Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat at kung ano ang dapat niyang gawin kung hindi niya kaya ang handog sa paglilinis.

Ang mga Tuntunin Tungkol sa mga Amag na Kumakalat sa Bahay

33 Ito ang sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron 34 tungkol sa dapat gawin kung patutubuin ng Panginoon ang mga amag[b] sa kanilang mga bahay kapag silaʼy nasa Canaan na, ang lugar na ibibigay ng Panginoon sa kanila bilang pag-aari:

35 Kung mapuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong sabihin sa pari. 36 At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay 37 at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,[c] 38 lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw. 39 Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding, 40 ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 41 At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 42 At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.

43 Pero kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay, 44 pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay. 45 Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.

46 Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 47 At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.[d]

48 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag. 49 At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo. 50 Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal. 51 At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buhay na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay. 52 Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buhay na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay. 53 Pagkatapos, pakakawalan niya ang buhay na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.

54-57 Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na nakakahawa at kumakati, o namamaga, o may butlig o namumuti, at tungkol sa amag ng damit at amag sa bahay. At sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi.

Marcos 6:30-56

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)

30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.

33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang po tayo at malapit nang gumabi. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig nayon at bukid para makabili ng pagkain.” 37 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Aabutin po ng walong buwang sahod ang gagastusin para sa kanila! Bibili po ba kami ng ganoong halaga ng tinapay para ipakain sa kanila?” 38 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Sige, tingnan nga ninyo.” Tiningnan nga nila, at sinabi kay Jesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”

39 Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na paupuin ng grupo-grupo ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila ng grupo-grupo, tig-100 at tig-50 bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Pagkatapos, tinipon nila ang natirang tinapay at isda, at nakapuno sila ng 12 basket. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay 5,000.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)

45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.

Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(C)

53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[a] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.

Salmo 40:1-10

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
    at dininig niya ang aking mga daing.
Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
    ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
    mapahamak.
Tinuruan niya ako ng bagong awit,
    ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
    at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
    at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
    o sumasamba sa mga dios-diosan.

Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
    Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
    at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
    Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
    Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
    Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Kaya sinabi ko,
    “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
    Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”

Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
    At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
    Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
    Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
    Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.

Kawikaan 10:11-12

11 Ang salita ng taong matuwid ay makatutulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala.
12 Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®