Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 22:17-23:44

Mga Tuntunin tungkol sa Pagpili ng Hayop na Ihahandog

17 Inutusan ng Panginoon si Moises 18 na sabihin ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, sa lahat ng mga Israelita pati na sa mga dayuhang naninirahang kasama nila:

Kung ang iaalay ay handog na sinusunog bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, 19 ang kailangan ay lalaking baka o tupa, o kambing na walang kapintasan para tanggapin ko. 20 Huwag kayong maghahandog ng may kapansanan dahil hindi ko iyon tatanggapin. 21 Kung ang handog para sa mabuting relasyon sa akin ay inialay bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, itoʼy kailangang baka, tupa, o kambing na walang kapintasan upang itoʼy tanggapin ko. 22 Huwag kayong maghahandog sa akin ng bulag, may bali, may sugat, o may sakit sa balat. Huwag ninyo itong ialay sa altar bilang handog sa akin sa pamamagitan ng apoy. 23 Pero maaari kayong mag-alay ng handog na kusang-loob na baka o tupang bansot o may kapansanan ang isang bahagi ng katawan, pero hindi ito maaaring ialay bilang handog para tuparin ang isang panata. 24 Huwag kayong maghahandog sa akin ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Huwag ninyong gagawin iyon sa inyong lupain. 25 Huwag din kayong bumili ng mga hayop na ganoong uri mula sa ibang lugar at ihandog sa akin, dahil hindi ko iyon tatanggapin.

26-27 Ang bagong ipinanganak na baka, tupa, o kambing ay dapat manatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw. Pero mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay sa akin bilang handog sa pamamagitan ng apoy. 28 Huwag ninyong ihahandog nang sabay sa isang araw ang baka o tupa at ang kanyang anak.

29 Kung kayoʼy maghahandog sa akin ng handog ng pasasalamat, sundin ninyo ang tamang paraan sa paghahandog nito para tanggapin ko ito. 30 At dapat ninyo itong kainin sa araw ding iyon ng paghahandog at huwag kayong magtitira hanggang sa kinabukasan. Ako ang Panginoon.

31 Sundin ninyo ang aking mga utos. Ako ang Panginoon. 32 Huwag ninyong lapastanganin ang banal kong pangalan, at akoʼy kilalanin ninyong banal. Ako ang Panginoong nagtalaga sa inyo para sa akin. 33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto para maging Dios ninyo. Ako ang Panginoon.

Mga Espesyal na Araw ng Pagsamba

23 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin sa mga Israelita ang mga tuntuning ito tungkol sa mga espesyal na araw na magtitipon sila para sumamba sa Panginoon.

Ang Araw ng Pamamahinga

May anim na araw kayo para magtrabaho, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo, dahil ito ang Araw ng Pamamahinga. Huwag kayong magtrabaho sa araw na ito, sa halip ay magtipon kayo para sumamba dahil ito ang araw para purihin ang Panginoon.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa(A)

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay mga natatanging upang magtipon ang mga Israelita para sumamba sa Panginoon. Ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ginaganap sa gabi nang ika-14 na araw ng unang buwan. At sa ika-15 araw ng buwan ding iyon, magsisimula naman ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pitong araw ang pistang ito at sa mga araw na iyon, ang tinapay na kakainin ninyo ay dapat walang pampaalsa. Sa unang araw ng pistang ito, huwag kayong magtatrabaho, sa halip ay magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo sa Panginoon ng handog sa pamamagitan ng apoy. At sa ikapitong araw, huwag kayong magtatrabaho sa halip ay magtipon nga kayo at sumamba sa Panginoon.

Ang Pista ng Pag-aani(B)

9-11 Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Panginoon, ihandog ninyo sa kanya ang unang bigkis ng bawat ani. Dalhin ninyo ito sa pari sa susunod na araw pagkatapos ng Araw ng Pamamahinga. Itataas ito ng pari sa Panginoon para tanggapin kayo ng Panginoon sa pamamagitan nito. 12 Sa araw ding iyon, maghahandog din kayo sa Panginoon ng tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog. 13 Kasama nito, maghandog din kayo ng apat na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at isang litrong katas ng ubas bilang handog na inumin. Mga handog ito sa pamamagitan ng apoy, at ang mabangong samyo nitoʼy makalulugod sa Panginoon. 14 Kung hindi pa kayo nakapaghahandog nito, huwag kayong kakain ng kahit anong klase ng pagkain mula sa inyong bagong ani, ito may sariwa o binusa o nilutong tinapay. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

15-17 Pagkatapos ng pitong linggo mula sa araw na kayoʼy naghandog ng mga ibinigkis na ani, muli kayong magtipon at mag-alay ng handog ng pagpaparangal mula sa mga ibinigkis ng unang ani ninyo. Itoʼy sa ika-50 araw, ang araw pagkatapos ng ikapitong Araw ng Pamamahinga. Ang inyong ihahandog ay dalawang tinapay na bawat isa ay gawa sa apat na kilo ng magandang klaseng harina na may pampaalsa. Ihandog ninyo ito bilang handog na itinataas, mula sa inyong unang ani. 18 Kasama nito, magdala rin kayo ng pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapansanan, isang batang toro, at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Ihahandog ninyo ang mga ito bilang handog na sinusunog kasama ng handog ng pagpaparangal sa Panginoon at handog na inumin. Mga handog ito para sa Panginoon. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. 19 Maghandog din kayo ng isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. At dalawang tupa na tig-isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon. 20 Itataas ng pari sa presensya ng Panginoon ang dalawang tupa at ang handog na mula sa unang ani. Itoʼy banal na mga handog sa Panginoon dahil itoʼy bahagi ng mga pari. 21 Huwag kayong magtatrabaho sa araw ding iyon, kundi magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

22 Kung aani kayo, huwag ninyong uubusin ang mga nasa gilid ng inyong mga bukid, at huwag na ninyong balikan para ipunin ang mga naiwan. Ipaubaya na lang ninyo iyon sa mga dukha at sa mga dayuhan. Ito ang utos ng Panginoon na inyong Dios.

Ang Pista ng Pagpapatunog ng mga Trumpeta(C)

23-24 Sa unang araw ng ikapitong buwan, magpahinga kayo para alalahanin ang Panginoon. Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipon kayo para sumamba sa kanya. 25 Huwag kayong magtrabaho sa araw na iyon, sa halip mag-alay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

Ang Araw ng Pagtubos(D)

26-28 Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ding iyon ay Araw ng Pagtubos.[a] Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon kundi magtipon kayo sa pagsamba sa Panginoon na may pag-aayuno at pag-aalay ng handog sa pamamagitan ng apoy. Sapagkat sa araw na iyon gagawin ang seremonya ng pagtubos sa inyong mga kasalanan sa Panginoon na inyong Dios. 29 Ang ayaw mag-ayuno sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Papatayin ng Panginoon ang sinumang magtatrabaho sa araw na iyon. 31-32 Kaya magpahinga kayo at mag-ayuno mula sa paglubog ng araw nang ikasiyam na araw ng buwang iyon hanggang sa susunod na paglubog ng araw. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ng susunod pang mga henerasyon.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol(E)

33-34 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol at itoʼy ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw. 35 Sa unang araw, huwag kayong magtatrabaho, sa halip magtipon kayo at sumamba sa Panginoon. 36 Sa loob ng pitong araw, mag-aalay kayo ng handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Sa ikawalong araw,[b] hindi rin kayo magtatrabaho kundi muli kayong magtipon sa pagsamba sa Panginoon, at maghandog sa kanya. Iyan ang panghuling araw ng inyong pagtitipon.

37 Iyon ang itinakdang espesyal na mga araw na magtitipon kayo para sumamba sa Panginoon at para mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Dapat magdala kayo ng mga handog na sinusunog, handog ng pagpaparangal sa Panginoon, at mga handog na inumin. Ang mga handog na ito ay kinakailangang ihandog ninyo sa itinakdang araw ng paghahandog nito. 38 Ipagdiwang ninyo ang itinakdang mga araw na ito bukod pa sa lingguhang Araw ng Pamamahinga na ginagawa ninyo. At ang mga handog na ito ay dapat ninyong ialay dagdag sa inyong mga kaloob, mga handog para tuparin ang isang panata, at handog na kusang-loob na iniaalay ninyo sa Panginoon. 39 Tungkol naman sa Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, ipagdiriwang ninyo ito para parangalan ang Panginoon mula sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng anihan. Ipagdiwang nʼyo ito sa loob ng pitong araw. Huwag kayong magtatrabaho sa una at sa ikawalong araw. 40 Sa unang araw, kumuha kayo ng pinakamagandang bunga ng mga punongkahoy, mga dahon ng palma, mga mayayabong na sanga ng puno sa lambak, at kayoʼy masayang magdiwang sa presensya ng Panginoon na inyong Dios sa loob ng pitong araw. 41-43 Ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa ikapitong buwan bawat taon para parangalan ang Panginoon. Sa loob ng pitong araw, lahat kayong mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol para malaman ng inyong mga anak na pinatira ng Panginoon na inyong Dios ang inyong mga ninuno sa mga kubol nang sila ay inilabas sa Egipto. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

44 Ito ang tungkol sa mga itinakdang pagdiriwang sa pagsamba sa Panginoon na sinabi ni Moises sa mga Israelita.

Marcos 9:30-10:12

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

30 Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya, 31 dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.

Sino ang Pinakadakila?(B)

33 Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?” 34 Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. 35 Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.” 36 Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila, 37 “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(C)

38 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 39 Pero sinabi ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil walang sinumang gumagawa ng himala sa aking pangalan ang magsasalita ng masama laban sa akin. 40 Ang hindi laban sa atin ay kakampi natin. 41 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang magbigay sa inyo ng kahit isang basong tubig, dahil kayo ay kay Cristo, ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

Mga Dahilan ng Pagkakasala(D)

42 “Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa dagat. 43-44 Kung ang kamay mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang kamay mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay mo pero sa impyerno ka naman mapupunta, kung saan ang apoy ay hindi namamatay. 45-46 Kung ang paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo! Mas mabuti pang isa lang ang paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang paa mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 47 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero kabilang ka sa kaharian ng Dios, kaysa sa dalawa ang mata mo pero itatapon ka naman sa impyerno. 48 Ang mga uod doon ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi rin namamatay.

49 “Sapagkat ang lahat ay aasinan[a] sa apoy. 50 Mabuti ang asin, pero kung mawalan ng lasa,[b] wala nang magagawa upang ibalik ang lasa nito. Dapat maging tulad kayo sa asin na nakakatulong sa tao. Tulungan ninyo ang isaʼt isa upang maging mapayapa ang pagsasamahan ninyo.”[c]

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(E)

10 Umalis si Jesus sa Capernaum at pumunta sa lalawigan ng Judea, at saka tumawid sa Ilog ng Jordan. Pinuntahan siya roon ng maraming tao, at tulad ng dati ay nangaral siya sa kanila.

Samantala, may mga Pariseong pumunta sa kanya upang hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Tinanong din sila ni Jesus, “Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?” Sumagot ang mga Pariseo, “Ipinahintulot ni Moises na maaaring gumawa ang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at pagkatapos ay pwede na niyang hiwalayan ang kanyang asawa.”[d] Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ibinigay ni Moises sa inyo ang kautusang iyan dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit sa simula pa, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae.’[e] ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[f] Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.”

10 Pagbalik nila sa bahay, tinanong siya ng mga tagasunod niya tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, “Kung hiwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nangangalunya siya at nagkasala sa una niyang asawa. 12 At kung hiwalayan ng isang babae ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala rin ng pangangalunya.”

Salmo 44:1-8

Dalangin para Iligtas ng Dios

44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
    ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
    ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
    samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
Nasakop nila ang lupain,
    hindi dahil sa kanilang mga armas.
    Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
    kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
    dahil mahal nʼyo sila.

O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
    Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
    at pupurihin namin kayo magpakailanman.

Kawikaan 10:19

19 Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®