Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Bilang 8-9

Ang Paglalagay ng mga Ilaw

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na kung ilalagay na niya ang pitong ilaw, kailangan na maliwanagan ng ilaw ang lugar sa harapan ng lalagyan nito.”

Kaya ginawa ito ni Aaron; inilagay niya ang mga ilaw na ang sinag nito ay nagliliwanag sa harapan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang buong lalagyan ng ilaw, mula sa ilalim hanggang sa itaas ay ginawa mula sa ginto ayon sa disenyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagtatalaga ng mga Levita

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibukod ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at linisin sila.[a] Ganito ang gagawin mong paglilinis sa kanila: wisikan mo sila ng tubig na ginagamit sa paglilinis, ahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang mga damit. Pagkatapos nito ay ituturing na silang malinis. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng batang toro at ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon. Pagdalhin mo rin sila ng isa pang batang toro bilang handog sa paglilinis.

“Pagkatapos, tipunin mo ang buong mamamayan ng Israel at italaga ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan. 10 Dalhin mo ang mga Levita sa aking presensya at ipapatong ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa mga ulo nito. 11 Si Aaron ang magtatalaga sa kanila sa aking presensya bilang espesyal na handog[b] mula sa mga Israelita, para makapaglingkod sila sa akin.

12 “Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang mga kamay nila sa ulo ng dalawang toro na handog para sa akin. Ang isa ay bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog, para mapatawad sila sa kanilang mga kasalanan. 13 At patatayuin sila sa harapan ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki, at itatalaga sila bilang espesyal na handog sa akin. 14 Sa pamamagitan nito, ibubukod mo ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at magiging akin sila.

15 “Pagkatapos na malinisan mo ang mga Levita at maitalaga sila sa akin bilang espesyal na handog, makapaglilingkod na sila sa Toldang Tipanan. 16 Sila ang mga Israelita na ibinukod para lang sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. 17 Dahil ang bawat panganay sa Israel ay akin, tao man o hayop. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel. 18 At kinuha ko ang mga Levita kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng Israel. 19 Sa lahat ng mga Israelita, ang mga Levita ang pinili ko na tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. Maglilingkod sila sa Toldang Tipanan para sa mga Israelita, at gagawa sila ng mga seremonya para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga Israelita, para walang panganib na dumating sa kanila kapag lumapit sila sa Toldang Tipanan.”

20 Kaya itinalaga nila Moises, Aaron at ng buong mamamayan ng Israel ang mga Levita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. 21 Naglinis ang mga Levita ng kanilang sarili at nilabhan nila ang kanilang mga damit. Pagkatapos, itinalaga sila ni Aaron sa presensya ng Panginoon bilang espesyal na handog, at gumawa si Aaron ng seremonya para sa kapatawaran ng mga kasalanan nila, at para maituring silang malinis. 22 Pagkatapos noon, naglingkod na ang mga Levita sa Toldang Tipanan sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. Kaya ginawa nila sa mga Levita ang iniutos ng Panginoon kay Moises.

23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24 “Para sa mga Levita ang mga tuntuning ito: Magsisimula ang mga Levita sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa edad na 25, 25 at titigil sila sa paglilingkod sa edad na 50. At kapag magreretiro na sila, 26 maaari silang makatulong sa kapwa nila Levita sa pamamagitan ng paglilingkod bilang tagapagbantay sa Tolda, pero hindi na sila gagawa ng mga gawain sa Tolda. Ganito ang paraan kung paano mo ibibigay ang mga tungkulin sa mga Levita.”

Nang unang buwan ng ikalawang taon, mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, “Ipagdiriwang ng mga Israelita ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa nakatakdang panahon. Simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng buwang ito, kailangang sundin ninyo ang lahat ng tuntunin tungkol sa pistang ito.”

Kaya sinabihan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel, at sinunod nila ito roon sa disyerto ng Sinai nang lumubog ang araw nang ika-14 na araw ng unang buwan. Ginawa ito ng lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Pero may iba sa kanila na hindi nakapagdiwang ng Pistang ito dahil nang araw na iyon, itinuturing silang marumi dahil nakahipo sila ng patay. Kaya nang mismong araw na iyon, pumunta sila kina Moises at Aaron at sinabi nila, “Naging marumi kami dahil nakahipo kami ng patay, pero bakit ba hindi kami pinapayagan sa pagdiriwang ng pistang ito at sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon kasama ng ibang mga Israelita sa naitakdang panahon?” Sumagot si Moises sa kanila, “Maghintay muna kayo hanggang sa malaman ko kung ano ang iuutos ng Panginoon sa akin tungkol sa inyo.”

Sinabi ng Panginoon kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita na kahit sino sa kanila o sa kanilang mga lahi na naging marumi dahil sa paghipo ng patay o dahil bumiyahe siya sa malayo, makakapagdiwang pa rin siya ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 11 Ipagdiriwang nila ito pagkalipas ng isang buwan, simula sa paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Kakain sila ng tupa kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapait na halaman. 12 Kailangang wala silang iiwanang pagkain kinaumagahan, at hindi rin nila babaliin ang mga buto ng tupa. Kung magdiriwang sila ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang sundin ang lahat ng mga tuntunin tungkol dito.

13 “Pero ang tao na hindi nagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kahit na itinuturing pa siyang malinis at hindi bumiyahe sa malayo, ang taong iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan, dahil hindi siya nag-alay ng handog para sa Panginoon sa nakatakdang panahon. Magdurusa siya sa kanyang kasalanan.

14 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang ipagdiwang niya ito ayon sa lahat ng mga tuntunin nito. Magkapareho lang ang mga tuntunin para sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan.”

Ang Ulap sa Toldang Tipanan(A)

15 Nang araw na ipinatayo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, natakpan ito ng ulap. Ang ulap na ito ay nagliliwanag na parang apoy mula gabi hanggang umaga. 16 Ganito palagi ang nangyayari – ang ulap ay bumabalot sa Toldang Tipanan kung araw at nagliliwanag naman ito na parang apoy kung gabi. 17 Kapag pumapaitaas na ang ulap, umaalis na rin ang mga Israelita at nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay, at kung saan tumitigil ang ulap, doon sila nagkakampo. 18 Kaya naglalakbay at nagkakampo ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. Hindi sila naglalakbay habang nasa ibabaw pa ng Tolda ang ulap. 19 Kahit magtagal ang ulap sa ibabaw ng Tolda, naghihintay lang sila sa utos ng Panginoon at hindi sila umaalis. 20 Kung minsan, mga ilang araw lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda, kaya nananatili rin doon ang mga tao ng ilang araw. Pagkatapos, aalis ulit sila ayon sa utos ng Panginoon. 21 Kung minsan namaʼy nananatili lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng isang gabi at pumapaitaas na ito kinaumagahan, at nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Araw man o gabi, naglalakbay ang mga Israelita sa tuwing pumapaitaas ang ulap. 22 Kung nananatili ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng dalawang araw o isang buwan o isang taon, ganoon din katagal nananatili ang mga Israelita sa kanilang kampo. 23 Kaya nagkakampo at naglalakbay ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon. At sinunod nila ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Marcos 13:14-37

Ang Kasuklam-suklam na Darating(A)

14 “Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo, at nakatayo ito sa lugar na hindi dapat kalagyan nito.” (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) “Kapag nangyari na ito, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 15 Ang nasa labas ng bahay[a] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 17 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 18 Idalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig. 19 Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Dios ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 20 Kung hindi paiikliin[b] ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.

21 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 23 Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”

Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(B)

24 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, 25 at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[c] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 26 At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap na taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(C)

28 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 29 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 30 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito.

31 “Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[d]

Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(D)

32 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 33 Kaya mag-ingat kayo at laging magbantay, dahil hindi ninyo alam kung kailan ako darating. 34 Maaari natin itong ihambing sa isang taong papunta sa malayong lugar. Bago siya umalis ng bahay ay binigyan niya ng kanya-kanyang gawain ang bawat alipin at saka binilinan ang guwardya sa pintuan na maging handa sa kanyang pagdating. 35 Kaya maging handa kayo, dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang may-ari ng bahay; maaaring sa hapon o sa hatinggabi, sa madaling-araw o sa umaga. 36 Baka bigla siyang dumating at datnan kayong natutulog. 37 Kaya ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko rin sa lahat: Maging handa kayo!”

Salmo 50

Ang Tunay na Pagsamba

50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
Nagliliwanag siya mula sa Zion,
    ang magandang lungsod na walang kapintasan.
Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
    Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
    at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
    sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
    na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
    dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
    Ako ang Dios, na inyong Dios.
    Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
    na palagi ninyong iniaalay sa akin.
Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
    ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
    at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
    dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
    Hindi!
    Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
    Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
    at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
    At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
    “Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
    Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
    nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
    kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
    Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
    dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
    at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”

Kawikaan 10:29-30

29 Ang pagsunod ng matuwid sa pamamaraan ng Panginoon ay mag-iingat sa kanya, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak.
30 Ang matuwid ay hindi paaalisin sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay paaalisin.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®