The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Ang mga Trumpetang Pilak
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang pilak, at gamitin mo ito upang tipunin ang mga tao at ihanda sila sa paglalakbay. 3 Kapag pinatunog na nang sabay ang dalawang trumpeta, magtitipon ang buong mamamayan sa pintuan ng Toldang Tipanan. 4 Kapag isa lang ang pinatunog, ang mga pinuno lang ng bawat lahi ang magtitipon sa iyong harapan. 5 Kapag pinatunog ang trumpeta para ihanda ang mga tao sa paglalakbay, ang mga lahi sa silangang bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. 6 Kapag pinatunog ang trumpeta ng dalawang beses, ang lahi naman sa gawing timog na bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. Ang pagpapatunog na ito ang magiging hudyat ng kanilang paglakad. 7 Pero iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.
8 “Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.
9 “Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay aalalahanin kayo at ililigtas sa inyong mga kaaway. 10 At sa panahon ng inyong pagsasaya – sa inyong pagdiriwang ng pista, pati na ng Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] – patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Dios ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”
Umalis ang mga Israelita sa Sinai
11 Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang inilabas ang mga Israelita sa Egipto, pumaitaas ang ulap mula sa Toldang Sambahan kung saan nakalagay ang Kasunduan. 12 Pagkatapos, umalis ang mga Israelita sa disyerto ng Sinai at nagpatuloy sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang ulap sa disyerto ng Paran. 13 Ito ang unang pagkakataon na naglakbay sila ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 14 Ang unang grupo na naglakbay dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Juda. Ang pinuno nila ay si Nashon na anak ni Aminadab. 15 Ang lahi ni Isacar ay pinamumunuan ni Netanel na anak ni Zuar, 16 at ang lahi ni Zebulun ay pinamumunuan ni Eliab na anak ni Helon.
17 Pagkatapos kalasin ang Toldang Sambahan, dinala ito ng mga angkan ni Gershon at ng mga angkan ni Merari, at sumunod sila sa paglalakad.
18 Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Reuben. Ang kanilang pinuno ay si Elizur na anak ni Sedeur. 19 Ang lahi ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurishadai, 20 at ang lahi ni Gad ay pinamumunuan ni Eliasaf na anak ni Deuel.
21 At ang sumunod ay ang mga angkan ni Kohat na nagdadala ng mga banal na kagamitan ng Tolda. Kailangang naiayos na ang Tolda bago sila dumating sa susunod na lugar na kanilang pagkakampuhan.
22 Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Efraim. Ang kanilang pinuno ay si Elishama na anak ni Amihud. 23 Ang lahi ni Manase ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Padazur, 24 at ang lahi ni Benjamin na pinamumunuan ni Abidan na anak ni Gideoni.
25 Ang kahuli-hulihang lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Dan. Sila ang mga guwardya sa likod ng lahat ng mga grupo. Ang kanilang pinuno ay si Ahiezer na anak ni Amishadai. 26 Ang lahi ni Asher ay pinamumunuan ni Pagiel na anak ni Ocran, 27 at ang lahi ni Naftali ay pinamumunuan ni Ahira na anak ni Enan.
28 Ito ang pagkakasunud-sunod ng paglalakbay ng mga lahi ng Israel na magkakagrupo. 29 Ngayon, sinabi ni Moises kay Hobab na kanyang bayaw na anak ni Reuel na Midianita, “Maglalakbay na kami sa lugar na sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa amin. Kaya sumama ka sa amin at hindi ka namin pababayaan, dahil nangako ang Panginoon na pagpapalain niya ang Israel.” 30 Sumagot si Hobab, “Ayaw ko! Babalik ako sa aking bayan at sa aking mga kamag-anak.” 31 Sinabi ni Moises, “Kung maaari, huwag mo kaming iwan. Ikaw ang nakakaalam kung saan ang mabuting lugar sa disyerto na maaari naming pagkakampuhan. 32 Kung sasama ka sa amin, babahaginan ka namin ng lahat ng pagpapalang ibibigay sa amin ng Panginoon.”
33 Kaya umalis sila sa bundok ng Panginoon at naglakbay ng tatlong araw. Nasa unahan nila palagi ang Kahon ng Kasunduan para humanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan. 34 Kung araw, ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag naglalakbay sila. 35 Bawat panahon na dadalhin ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “O Panginoon, mauna po kayo at pangalatin po ninyo ang inyong mga kaaway. Sanaʼy magsitakas sila.” 36 At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises, “Panginoon, bumalik na po kayo rito sa libu-libong mamamayan ng Israel.”
Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises
11 Nagreklamo ang mga Israelita kay Moises dahil sa hirap na kanilang dinaranas. Nang marinig ito ng Panginoon, nagalit siya at nagpadala siya ng apoy na sumunog sa ilang dulong bahagi ng kampo. 2 Dahil dito, humingi ng tulong ang mga Israelita kay Moises, at nanalangin si Moises sa Panginoon, at namatay ang apoy. 3 Kaya ang lugar na iyon ay pinangalanang Tabera,[b] dahil nagpadala ang Panginoon ng apoy sa kanila.
4 May mga grupo ng dayuhan na sumama sa mga Israelita na naghahanap ng mga pagkaing gusto nilang kainin, kaya nagreklamo pati ang mga Israelita na nagsasabi, “Kung makakakain man lang sana tayo ng karne. 5 Noong naroon tayo sa Egipto, nakakakain tayo ng mga libreng isda at ng mga pipino, melon, sibuyas at mga bawang. 6 Pero dito wala tayong ganang kumain;[c] puro ‘manna’ lang ang ating kinakain.”
7 Ang mga “manna” na ito ay parang mga buto na maliliit at mapuputi. 8-9 Pinupulot ito ng mga Israelita sa lupa tuwing umaga at ginigiling nila ito o binabayo sa lusong. Pagkatapos, niluluto nila ito sa banga at ginagawang manipis na tinapay. Ang lasa nito ay katulad ng tinapay na niluto sa langis ng olibo.
10 Narinig ni Moises ang reklamo ng bawat pamilya sa pintuan ng kanilang mga tolda. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila, at dahil ditoʼy nabahala si Moises. 11 Nagtanong siya sa Panginoon, “Bakit nʼyo po ako binigyan na inyong lingkod ng malaking problema? Ano po ba ang ginawa ko na hindi kayo natuwa kaya ibinigay ninyo sa akin ang problema ng mga taong ito? 12 Mga anak ko po ba sila? Ama ba nila ako? Bakit ninyo sinasabi sa akin na alagaan ko sila katulad ng isang yaya na kumakarga sa isang bata, at dalhin sila sa lupaing ipinangako ninyo sa kanilang mga ninuno? 13 Saan po ba ako kukuha ng karne para sa mga taong ito? Dahil patuloy ang pagrereklamo nila sa akin na bigyan ko sila ng karneng makakain nila. 14 Hindi ko po sila kayang alagaang lahat nang mag-isa. Napakahirap nito para sa akin. 15 Kung ganito lang po ang pagtrato ninyo sa akin, patayin na lang ninyo ako ngayon. Kung nalulugod kayo sa akin, huwag ninyo akong pabayaang magdusa.”
16 Kaya sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang 70 sa mga tagapamahala ng Israel na kilalang-kilala mo na mga pinuno ng mga mamamayan, at papuntahin sila sa Toldang Tipanan at patayuin sila roon kasama mo. 17 Bababa ako at makikipag-usap sa iyo roon, at ibibigay ko sa kanila ang ibang kapangyarihan[d] na ibinigay ko sa iyo upang makatulong sila sa pamamahala ng mga tao para hindi lang ikaw mag-isa ang namamahala.
18 “Pagkatapos, sabihin mo sa mga tao na linisin nila ang kanilang sarili[e] dahil bukas, may makakain na silang karne. Sabihin mo ito sa kanila: ‘Narinig ko ang inyong reklamo na gusto ninyong kumain ng karne. At sinasabi ninyo na mas mabuti pa ang inyong kalagayan sa Egipto. Kaya bukas, bibigyan ko kayo ng karne para makakain kayo. 19 Hindi lang isang araw, o dalawa, o lima, o 10, o 20 araw ang pagkain ninyo nito, 20 kundi isang buwan, hanggang sa magsawa kayo[f] at hindi na kayo makakain nito. Dahil itinakwil ninyo ako na sumasama sa inyo, at nagreklamo kayo sa akin na sanaʼy hindi na lang kayo umalis sa Egipto.’ ”
21 Pero sinabi ni Moises, “600,000 lahat ang tao na kasama ko, at ngayoʼy sinasabi po ninyo na bibigyan ninyo sila ng karne na kanilang kakainin sa loob ng isang buwan? 22 Kahit po katayin pa namin ang lahat ng tupa at baka o kahit hulihin pa namin ang mga isda sa dagat, hindi po ito magkakasya sa kanila.” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “May limitasyon ba ang aking kapangyarihan? Makikita mo ngayon kung mangyayari ang sinabi ko o hindi.”
Ang Planong Pagpatay kay Jesus(A)
14 Dalawang araw na lang noon bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel[a] at Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng pagkakataon upang lihim nilang madakip at maipapatay si Jesus. 2 Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(B)
3 Nang si Jesus ay nasa Betania, habang kumakain siya sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, dumating ang isang babae. May dala siyang mamahaling pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. Ang pabangong ito ay puro at mula sa tanim na “nardo.” Binasag niya ang leeg ng sisidlan at saka ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. 4 Nagalit ang ilang tao na naroon. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabango? 5 Maipagbibili sana iyan sa halagang katumbas ng isang taong sweldo, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” At pinagalitan nila ang babae. 6 Pero sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Bakit nʼyo siya ginugulo? Mabuti itong ginawa niya sa akin. 7 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama at maaari kayong tumulong sa kanila kahit anong oras, pero ako ay hindi nʼyo laging makakasama. 8 Ginawa ng babaeng ito ang makakaya niya para sa akin. Binuhusan niya ng pabango ang katawan ko bilang paghahanda sa aking libing. 9 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)
10 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari upang ipagkanulo si Jesus. 11 Natuwa sila nang malaman nila ang pakay ni Judas, at nangako silang bibigyan siya ng pera. Kaya mula noon, humanap si Judas ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.
Ang Huling Hapunan ni Jesus Kasama ang mga Tagasunod Niya(D)
12 Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ito ang araw na inihahandog ang tupa na kinakain sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 13-14 Inutusan niya ang dalawa sa mga tagasunod niya, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, at doon ay may masasalubong kayong isang lalaking may pasan na isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking kwarto sa itaas, kumpleto na ng kagamitan at nakahanda na. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 16 Umalis ang dalawa niyang tagasunod. At nang dumating sila sa lungsod, nakita nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.
17 Kinagabihan, dumating si Jesus at ang 12 tagasunod. 18 Habang kumakain na sila sa mesa, sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo na kasalo ko sa pagkain ay magtatraydor sa akin.” 19 Nalungkot sila nang marinig ito, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba?” 20 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Isa siya sa inyong 12 na kasabay kong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin. Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.”
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
31 Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.
32 Alam ng taong matuwid ang angkop at tamang sabihin, ngunit ang alam lang sabihin ng taong masama ay puro kasamaan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®