The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Tubig na Ginagamit sa Paglilinis
19 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 2 “Ito pa ang isang tuntunin na gusto kong tuparin ninyo: Sabihan ninyo ang mga Israelita na dalhan kayo ng isang pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa nagagamit sa pag-aararo.[a] 3 Ibigay ninyo ito kay Eleazar na pari at dalhin ninyo sa labas ng kampo at katayin sa kanyang harapan. 4 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng dugo nito sa pamamagitan ng kanyang daliri, at iwiwisik ito ng pitong beses sa harapan ng Toldang Tipanan. 5 At habang nakatingin si Eleazar, susunugin ang buong baka – ang balat, ang laman, dugo at mga bituka nito. 6 Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng isang putol ng punong sedro, isang sanga ng tanim na isopo at pulang panali na ihahagis lahat sa sinusunog na baka. 7 Pagkatapos, kailangang labhan ni Eleazar ang kanyang damit at maligo siya. At pagkatapos, makakapasok na siya sa kampo, pero ituturing siyang marumi hanggang hapon. 8 Ang taong nagsunog ng baka ay kailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo, at ituturing din siyang marumi hanggang hapon.
9 “Ang taong itinuturing na malinis ang siyang kukuha ng abo ng baka, at ilalagay niya ito sa isang lugar na itinuturing na malinis sa labas ng kampo. Itatago ito pero gagamitin ng mamamayan ng Israel na panghalo sa tubig na gagamitin sa paglilinis. Ginagamit ang seremonyang ito para mawala ang kasalanan. 10 Kailangang labhan ng taong kumuha ng abo ng baka ang kanyang damit, at ituturing din siyang marumi hanggang sa hapon. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng mga Israelita at dayuhan na naninirahang kasama ninyo magpakailanman.
11 “Ang sinumang hihipo sa bangkay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12 Kailangang linisin niya ang kanyang sarili ng tubig na ginagamit sa paglilinis sa ikatlo at ikapitong araw. Pagkatapos, ituturing na siyang malinis. Pero kung hindi siya maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw, hindi siya ituturing na malinis. 13 Ang sinumang makakahipo sa bangkay na hindi naglinis ng kanyang sarili[b] ay para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. Kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan ang taong iyon. Dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.
14 “Ito ang tuntunin kung may taong mamatay sa loob ng tolda: Ang sinumang pumasok sa tolda o kayaʼy naroon na sa loob nang mamatay ang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15 At ituturing din na marumi ang anumang mga lalagyan sa tolda na walang takip.
16 “Ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw ang sinumang nasa labas ng kampo na nakahipo ng bangkay, pinatay man ito o namatay sa natural na paraan. Ganoon din sa nakahipo sa buto ng tao o nakahawak ng libingan.
17 “Upang mawala ang pagiging marumi, ilagay sa lalagyan ang ibang mga abo ng baka na inihahandog para sa paglilinis at pagkatapos, dadagdagan ito ng tubig. 18 Pagkatapos, kukuha ang taong itinuturing na malinis ng isang sanga ng tanim na isopo, at isasawsaw niya ito sa nasabing tubig, at iwiwisik sa tolda na may namatay at sa lahat ng kagamitan dito, at sa mga tao na nasa tolda. Wiwisikan din ang taong nakahipo ng buto ng tao o ng libingan, o ang sinumang pinatay o namatay sa natural na kamatayan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, wiwisikan ng malinis na tao ang maruming tao. At sa ikapitong araw, kailangang labhan ng taong nilinisan ang kanyang damit at maligo siya, at sa gabing iyoʼy ituturing na siyang malinis. 20 Pero kung ang taong marumi ay hindi maglilinis, huwag na siyang ituring na kababayan ninyo, dahil para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon. At dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya. 21 Ang tuntuning ito ay dapat nilang sundin magpakailanman.
“Ang taong nagwisik ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay kailangang maglaba ng kanyang damit, at ang sinumang humipo ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay ituturing na marumi hanggang hapon. 22 Ang sinuman o anuman na hahawak o hihipo sa maruming tao ay magiging marumi rin hanggang hapon.”
Ang Tubig na Lumabas sa Bato(A)
20 Noong unang buwan, dumating ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin, at nagkampo sila sa Kadesh. Doon namatay si Miriam at inilibing.
2 Walang tubig doon, kaya nagtipon na naman ang mga tao laban kina Moises at Aaron. 3 Nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Mabuti pang namatay na lang kami kasama ng mga kababayan naming namatay noon sa presensya ng Panginoon. 4 Bakit dinala mo kaming mga mamamayan ng Panginoon dito sa disyerto? Para ba mamatay kasama ng aming mga alagang hayop? 5 Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto at dinala kami rito sa walang kwentang lugar na kahit trigo, igos, ubas o pomegranata ay wala? At walang tubig na mainom!”
6 Kaya iniwan nina Moises at Aaron ang mga mamamayan, at nagpunta sila sa Toldang Tipanan at nagpatirapa sila para manalangin. Pagkatapos, nagpakita sa kanila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. 7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 8 “Kunin mo ang iyong baston at tipunin ninyo ni Aaron ang buong mamamayan. At habang nakatingin sila, utusan mo ang bato na maglabas ng tubig, at mula dito aagos ang tubig. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ninyo ng tubig ang mamamayan para makainom sila at ang kanilang mga hayop.”
9 Kaya kinuha ni Moises ang baston sa presensya ng Panginoon, doon sa may Toldang Tipanan, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. 10 Pagkatapos, tinipon nina Aaron ang buong mamamayan sa harapan ng bato, at sinabi ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga suwail, dapat ba namin kayong bigyan ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang baston, pinalo ng dalawang beses ang bato, at bumulwak ang tubig mula rito, at uminom ang mamamayan at ang kanilang mga hayop.
12 Pero sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Dahil sa hindi kayo naniwala sa akin na ipapakita ko sa inyo ang aking kabanalan sa harap ng mga Israelita, hindi kayo ang mamumuno sa pagdadala ng mga mamamayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”
13 Ang lugar na ito ay tinatawag na Meriba[c] dahil nakipagtalo ang mga Israelita sa Panginoon sa lugar na ito, at dito rin ipinakita ng Panginoon ang kanyang kabanalan.
Hindi Pinayagan ng mga taga-Edom na Dumaan ang mga Israelita
14 Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan. 15 Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio, 16 pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.
“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo. 17 Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan[d] at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18 Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.” 19 Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20 Sumagot muli ang hari ng Edom:
“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita. 21 Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.
Namatay si Aaron
22 Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor. 23 Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 24 “Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba. 25 Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor. 26 Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”
27 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan. 28 Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok. 29 Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.
Pasimula
1 1-3 Kagalang-galang na Teofilus:
Marami na ang sumulat tungkol sa mga nangyari rito sa atin. Isinulat nila ang tungkol kay Jesus, na isinalaysay din sa amin ng mga taong nangaral ng salita ng Dios at nakasaksi mismo sa mga pangyayari mula pa noong una. Pagkatapos kong suriing mabuti ang lahat ng ito mula sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, 4 upang lubusan mong matiyak na totoo ang mga aral na itinuro sa iyo.
Nagpakita ang Anghel kay Zacarias
5 Noong si Herodes ang hari sa Judea, may isang pari na ang pangalan ay Zacarias na kabilang sa grupo ng mga pari na tinatawag na “Grupo ni Abijah.” Ang asawa niya ay si Elizabet na kabilang din sa angkan ni Aaron. 6 Silang dalawa ay kapwa matuwid sa harap ng Dios. Maingat nilang sinusunod ang lahat ng utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elizabet, at matanda na silang pareho.
8 Isang araw, ang grupo ni Zacarias ang nakatalagang maglingkod sa templo ng Panginoon. 9 At katulad ng nakaugalian nila bilang mga pari, nagpalabunutan sila, at si Zacarias ang nabunot. Kaya siya ang pumasok sa loob ng templo para magsunog ng insenso sa altar. 10 Habang nagsusunog siya roon ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Biglang nagpakita kay Zacarias ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ang anghel sa bandang kanan ng altar na pinagsusunugan ng insenso. 12 Nabagabag at natakot si Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Pero sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Dios ang panalangin mo. Magkakaanak ng isang lalaki ang asawa mong si Elizabet, at Juan ang ipapangalan mo sa kanya. 14 Matutuwa kayo at magiging maligaya dahil sa kanya, at marami ang magagalak sa pagsilang niya, 15 dahil magiging dakila siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lang ng kanyang ina ay sasakanya na ang Banal na Espiritu. 16 Maraming Israelita ang panunumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Dios. 17 Mauuna siya sa Panginoon upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Panginoon. Gagawin niya ito sa tulong ng Banal na Espiritu at sa pamamagitan ng kapangyarihang katulad ng kay Elias noon. Tuturuan niya ang mga magulang[a] na mahalin ang kanilang mga anak, at ibabalik niya sa matuwid na pag-iisip ang mga taong masuwayin sa Dios.”
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano po mangyayari ang mga sinabi nʼyo? Matanda na ako, at ganoon din ang asawa ko.”
19 Sumagot ang anghel, “Ako si Gabriel na naglilingkod sa harapan ng Dios. Siya ang nagsugo sa akin para sabihin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil hindi ka naniwala sa sinabi ko, magiging pipi ka. Hindi ka makakapagsalita hanggaʼt hindi natutupad ang sinabi ko sa iyo. Sapagkat tiyak na mangyayari ang sinabi ko pagdating ng panahong itinakda ng Dios.”
21 Samantala, hinihintay ng mga tao ang paglabas ni Zacarias. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita at sumesenyas na lang siya. Kaya inisip nila na may nakita siyang pangitain sa loob ng templo. At mula noon naging pipi na siya.
23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi na si Zacarias. 24 Hindi nagtagal, nagbuntis si Elizabet, at sa loob ng limang buwan ay hindi siya umalis ng bahay. 25 Sinabi niya, “Napakabuti ng Panginoon. Inalis niya ang kahihiyan ko sa mga tao bilang isang baog.”
Dalangin ng Pagtitiwala sa Dios[a]
56 O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway.
Palagi nila akong pinahihirapan.
2 Kinukutya nila ako at laging sinasalakay.
Kay dami nilang kumakalaban sa akin,
O Kataas-taasang Dios.[b]
3 Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo.
4 O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako.
Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
5 Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko.
Lagi silang nagpaplano na saktan ako.
6 Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago,
binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako.
7 Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan.
Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit.
8 Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak.
Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat?
9 Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway.
Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi.
10 Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako.
11 Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo.
Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala!
12 Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo.
Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo.
13 Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan
at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa.
Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios,
sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.
8 Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®