The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.
Ang Pagkamatay ni Moises
34 Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan, 2 ang buong lupain ng Naftali, ang lupain ng Efraim at ng Manase, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[a] 3 ang Negev, at ang buong lupain mula sa Lambak ng Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon.”
5 Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon. 6 Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet Peor, pero hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga siya inilibing. 7 Si Moises ay 120 taong gulang nang mamatay, pero malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin. 8 Nagluksa ang mga Israelita kay Moises doon sa kapatagan ng Moab sa loob ng 30 araw.
9 Ngayon, si Josue na anak ni Nun ay binigyan ng Espiritu ng karunungan dahil pinili siya ni Moises na pumalit sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay nito sa kanya. Kaya sinunod siya ng mga Israelita, at ginawa nila ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 Mula noon, wala nang propeta pa sa Israel na katulad ni Moises, na nakakausap ng Panginoon nang harapan. 11 Isinugo ng Panginoon si Moises para gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay sa Egipto laban sa Faraon, sa kanyang mga opisyal at sa buong bansa. 12 Wala nang nakagawa pa ng mga makapangyarihan at kamangha-manghang bagay na katulad ng ginawa ni Moises sa harap ng lahat ng Israelita.
Ang Paghahanda sa Pag-agaw ng Canaan
1 Nang mamatay na si Moises na lingkod ng Panginoon, sinabi ng Panginoon sa kanang-kamay ni Moises na si Josue na anak ni Nun, 2 “Patay na ang lingkod kong si Moises. Kaya ngayon, maghanda kayo, ikaw at ang lahat ng Israelita, sa pagtawid sa Ilog ng Jordan papunta sa lupaing ibibigay ko sa inyo. 3 Ayon sa ipinangako ko kay Moises, ibibigay ko sa inyo ang lahat ng lupaing mararating ninyo. 4 Ito ang magiging teritoryo nʼyo: mula sa disyerto sa timog hanggang sa kabundukan ng Lebanon sa hilaga, at mula sa malaking Ilog ng Eufrates sa silangan, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo sa kanluran, at ang lupain ng mga Heteo.
5 “Walang makakatalo sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagsama ko kay Moises. Hindi kita iiwan o kayaʼy pababayaan. 6 Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mamumuno sa mga taong ito para angkinin ang lupaing ipinangako ko sa mga ninuno nila. 7 Bastaʼt magpakatatag ka lang at magpakatapang. Sundin mong mabuti ang lahat ng kautusan na ibinigay sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag mo itong kalilimutan para magtagumpay ka sa lahat ng ginagawa mo. 8 Huwag mong kalimutang basahin ang Aklat ng Kautusan. Pagbulay-bulayan mo ito araw at gabi para malaman mo kung paano mo matutupad nang mabuti ang lahat ng nakasulat dito. Kung gagawin mo ito, uunlad ka at magtatagumpay. 9 Alalahanin mo palagi ang bilin ko sa iyo: Magpakatatag ka at magpakatapang. Huwag kang matakot o kayaʼy manghina, dahil ako, ang Panginoon na iyong Dios, ay sasaiyo kahit saan ka pumaroon.”
10 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pinuno ng Israel, 11 “Libutin ninyo ang kampo at sabihin ninyo sa mga tao na maghanda sila ng mga pagkain nila dahil sa ikatlong araw mula ngayon, tatawid tayo sa Ilog ng Jordan para angkinin ang lupaing ibinigay sa atin ng Panginoon na ating Dios.”
12 At sinabi ni Josue sa mga lahi nina Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase, 13 “Alalahanin nʼyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon. Sinabi niya na bibigyan kayo ng Panginoon na inyong Dios ng lugar na matitirhan na may kapahingahan. At ito na nga ang lupaing ibinigay niya sa inyo: 14 Ang silangang bahagi ng Ilog ng Jordan. Mananatili rito ang mga asawa, mga anak at mga hayop ninyo. Pero dapat mauna ang mga sundalo sa pagtawid sa Jordan para tulungan ang mga kapatid ninyo, 15 hanggang sa masakop nila ang lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon na ating Dios. Pagkatapos, maaari na kayong bumalik dito sa silangang bahagi ng Jordan, para angkinin ang lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod niya.”
16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi nʼyo, at pupunta kami kahit saan nʼyo kami ipadala. 17 Susunod kami sa inyo gaya ng pagsunod namin kay Moises. Samahan nawa kayo ng Panginoon na inyong Dios gaya ng pagsama niya kay Moises. 18 Papatayin ang sinumang lalabag sa pamumuno at utos ninyo. Kaya magpakatatag po kayo at magpakatapang!”
Nagpadala si Josue ng mga Espiya sa Jerico
2 Pagkatapos, lihim na nagpadala si Josue ng dalawang tao mula sa kampo ng mga Israelita sa Shitim para mag-espiya sa lupain ng Canaan, lalung-lalo na sa lungsod ng Jerico. Nang makarating ang dalawang espiya sa Jerico, nakituloy sila sa bahay ni Rahab na isang babaeng bayaran.
2 Nabalitaan ng hari ng Jerico na may dumating na mga Israelita nang gabing iyon para mag-espiya sa kanila. 3 Kaya nagpadala ng mensahe ang hari kay Rahab, na sinasabi: “Palabasin mo ang mga taong nakituloy sa bahay mo, dahil nandito sila para mag-espiya sa lupain natin.”
4-6 Sinabi ni Rahab, “Totoo pong may mga taong nakituloy dito, pero hindi ko po alam kung taga saan sila. Umalis sila nang madilim na at pasara na ang pintuan ng lungsod. Hindi ko alam kung saan sila pupunta, pero kung susundan nʼyo agad sila, maaabutan nʼyo pa sila.” (Pero ang totoo, itinago ni Rahab ang dalawang espiya sa bubong ng bahay niya at tinakpan niya sila ng mga pinagputol-putol na halaman na ginagawang telang linen na pinapatuyo niya roon.)
Umalis ang mga tauhan ng hari para habulin ang dalawang espiya. 7 Paglabas nila sa lungsod, isinara agad ang pintuan nito. Sa paghabol nila nakarating sila hanggang sa tawiran ng Ilog ng Jordan.
8 Bago matulog ang dalawang espiya, umakyat si Rahab sa bubong at 9 sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupaing ito at labis ang pagkatakot ng mga tao rito sa inyo. 10 Nabalitaan namin kung paano pinatuyo ng Panginoon ang Dagat na Pula nang lumabas kayo sa Egipto. Nabalitaan din namin kung paano nʼyo pinatay ang dalawang hari ng mga Amoreo na sina Sihon at Og, sa silangan ng Jordan. 11 Natakot kami nang mabalitaan namin ito at naduwag ang bawat isa sa amin dahil sa inyo. Sapagkat ang Panginoon na inyong Dios ay siyang Dios sa langit at sa lupa. 12 Kaya ngayon, ipangako nʼyo sa pangalan ng Panginoon na tutulungan nʼyo ang pamilya ko gaya ng pagtulong ko sa inyo. Bigyan nʼyo ako ng patunay 13 na hindi nʼyo papatayin ang mga magulang ko, mga kapatid ko at ang buo nilang sambahayan.”
14 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Itataya namin ang buhay namin para sa inyo! Huwag mo lang ipagsasabi ang pag-espiya namin dito, hindi ka namin gagalawin kapag ibinigay na ng Panginoon ang lupaing ito sa amin.”
15 Si Rahab ay nakatira sa bahay na nasa pader ng lungsod, kaya tinulungan niya ang dalawang espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. 16 Sinabi ni Rahab sa kanila, “Pumunta kayo sa kabundukan para hindi kayo makita ng mga humahabol sa inyo. Magtago kayo roon sa loob ng tatlong araw hanggang makabalik sila rito. Pagkatapos, maaari na kayong umuwi.”
17 Sinabi ng dalawang espiya kay Rahab, “Tutuparin namin ang ipinangako namin sa iyo, 18 pero kailangang gawin mo rin ito: Kapag nilusob na namin ang lupain nʼyo, itali mo ang pulang lubid na ito sa bintanang binabaan namin. Tipunin mo sa bahay mo ang mga magulang mo, mga kapatid mo at ang buo nilang sambahayan. 19 Kung may isang lalabas at pupunta sa daan, hindi na namin pananagutan kapag namatay siya. Pero may pananagutan kami kapag may namatay sa loob ng bahay mo. 20 Pero kung ipagsasabi mo ang mga ginagawa namin, hindi namin tutuparin ang ipinangako namin sa iyo.” 21 Sumagot si Rahab, “Oo, payag ako.” Pagkatapos, pinaalis sila ni Rahab, at itinali niya agad ang pulang lubid sa bintana.
22 Nang makaalis na ang dalawang espiya, pumunta sila sa kabundukan. Doon sila nagtago sa loob ng tatlong araw habang hinahanap sila ng mga tauhan ng hari sa mga daanan. Hindi sila nakita, kaya umuwi na lang ang mga tauhan ng hari. 23 Bumaba ng kabundukan ang dalawang espiya, at tumawid sa ilog at bumalik kay Josue. Ikinuwento nila kay Josue ang lahat ng nangyari. 24 Sinabi nila, “Totoong ibinibigay ng Panginoon ang buong lupain sa atin. Ang mga tao roon ay takot na takot sa atin.”
Ang Makipot na Pintuan(A)
22 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon. 23 May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sumagot si Jesus, 24 “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’ Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ 26 At sasabihin ninyo, ‘Nakasalo po ninyo kami sa pagkain at pag-inom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’ 27 Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’ 28 Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin[a] kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta na napabilang sa paghahari ng Dios, habang kayo naman ay itinaboy sa labas.[b] 29 Makikita rin ninyo ang mga hindi Judio mula sa ibaʼt ibang dako[c] ng mundo na kasalo sa handaan ng paghahari ng Dios. 30 May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Pag-ibig ni Jesus sa mga Taga-Jerusalem(B)
31 Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Jesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” 32 Sumagot si Jesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat[d] na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamang espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at hanggang bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko. 33 Basta kailangang ipagpatuloy ko ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang propeta sa labas ng Jerusalem.
34 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na isinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 35 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[e]
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Minamanas
14 Isang Araw ng Pamamahinga, inanyayahan si Jesus na kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo. Minamanmanan siyang mabuti ng mga taong kumokontra sa kanya. 2 Doon ay may isang lalaking minamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling ng may sakit sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” 4 Pero hindi sila sumagot. Kaya hinawakan ni Jesus ang may sakit, pinagaling at saka pinauwi. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Kung mahulog ang anak o baka ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan nʼyo na lang ba ito? Siyempre, iaahon nʼyo agad, hindi ba?” 6 Hindi sila nakasagot sa tanong niya.
Panalangin para sa Kalayaan ng Bansa
79 O Dios, sinalakay ng mga dayuhan ang lupaing pag-aari ninyo.
Nilapastangan nila ang inyong banal na templo at winasak ang Jerusalem.
2 Ipinakain nila sa mababangis na ibon at hayop ang bangkay ng inyong tapat na mga lingkod.
3 Ibinuhos nila ang dugo ng inyong mga mamamayan na parang tubig sa buong Jerusalem,
at wala ni isa mang natira sa kanila upang ilibing ang mga namatay.
4 Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan ng mga bansang nasa palibot namin.
5 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Wala na ba itong katapusan?
Hanggang kailan mag-aapoy ang inyong panibugho?
6 Doon nʼyo ibuhos ang inyong galit,
sa mga bansa at kaharian na ayaw kumilala at sumamba sa inyo.
7 Dahil pinatay nila ang mga mamamayan[a] nʼyo at winasak ang kanilang mga lupain.
8 Huwag nʼyo kaming parusahan dahil sa kasalanan ng aming mga ninuno.
Sa halip ay iparating nʼyo agad ang inyong habag sa amin dahil kami ay lugmok na.
9 O Dios na aming Tagapagligtas, tulungan nʼyo kami,
para sa kapurihan ng inyong pangalan.
Iligtas nʼyo kami at patawarin sa aming mga kasalanan,
alang-alang sa inyong pangalan.
10 Huwag nʼyo pong hayaan na sabihin sa amin ng ibang mga bansa,
“Nasaan na ang inyong Dios?”
Habang kami ay nakatingin, ipaunawa nʼyo sa mga bansang ito na maghihiganti kayo sa kanila dahil sa pagpatay nila sa inyong mga lingkod.
11 Pakinggan nʼyo ang hinaing ng mga mamamayan nʼyo na binihag nila.
Nakatakda silang patayin kaya palayain nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
12 O Panginoon, gantihan nʼyo ng pitong ulit ang mga kalapit naming bansa dahil sa ginawa nilang pangungutya sa inyo.
13 At kaming mga mamamayan, na inyong inaalagaan na gaya ng mga tupa sa inyong pastulan ay magpapasalamat sa inyo magpakailanman.
Purihin kayo ng walang hanggan.
26 Ginagabayan ng taong matuwid ang kanyang kaibigan, ngunit ililigaw ka ng taong masama.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®