Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Josue 7:16-9:2

16 Kinabukasan, maagang pinalapit ni Josue ang mga Israelita ayon sa lahi nila. At napili ang angkan ni Juda. 17 Pinalapit ang lahi ni Juda, at napili ang angkan ni Zera. Pinalapit ang angkan ni Zera at napili ang pamilya ni Zabdi.[a] 18 Pinalapit ang pamilya ni Zabdi at napili si Acan. (Si Acan ay anak ni Carmi. Si Carmi ay anak ni Zabdi. At si Zabdi ay anak ni Zera na mula sa angkan ni Juda.)

19 Sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, parangalan mo ang Panginoon, ang Dios ng Israel; magsabi ka ng totoo sa harapan niya. Ano ang ginawa mo? Huwag mo itong ilihim sa akin.”

20 Sumagot si Acan, “Totoong nagkasala ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel. Ito po ang ginawa ko: 21 Sa mga bagay na nasamsam natin, may nakita akong isang magandang damit na mula sa Babilonia, pilak na mga dalawang kiloʼt kalahati at isang baretang ginto na may bigat na kalahating kilo. Naakit ako sa mga ito, kaya kinuha ko. Ibinaon ko ito sa lupa sa loob ng tolda ko. Ang pilak ang nasa pinakailalim.”

22 Kaya nagsugo si Josue ng mga tao, at patakbong pumunta ang mga ito sa tolda ni Acan. At nakita nga nila roon ang mga bagay na ibinaon, ang pilak ay nandoon nga sa ilalim nito. 23 Dinala nila ito kay Josue at sa lahat ng mga Israelita, at inilapag sa presensya ng Panginoon.

24 At dinala ni Josue at ng lahat ng mga Israelita si Acan sa Lambak ng Acor,[b] pati ang pilak, damit, isang baretang ginto, ang mga anak niya, mga baka, mga asno, mga tupa, tolda at ang lahat ng ari-arian niya. 25 Sinabi ni Josue kay Acan, “Bakit mo kami ipinahamak? Ngayon, ipapahamak ka rin ng Panginoon.”

Binato ng mga Israelita si Acan hanggang sa mamatay. Binato rin nila ang pamilya niya at sinunog ang lahat ng bangkay at ang kanyang mga ari-arian. 26 Pagkatapos, tinabunan nila si Acan ng mga bato. Nandoon pa ang mga bato hanggang ngayon. At ang lugar na iyon ay tinatawag na Lambak ng Acor hanggang ngayon.

At napawi ang galit ng Panginoon.

Ang Pagsakop sa Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot o kayaʼy manghina. Isama mo ang lahat ng iyong sundalo at lusubin ulit ninyo ang Ai, dahil ibinigay ko na sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga mamamayan, ang kanyang bayan at ang kanyang lupain. Kung ano ang ginawa ninyo sa Jerico at sa hari nito, ganoon din ang gawin ninyo sa Ai. Pero sa pagkakataong ito, maaari na ninyong kunin ang kanilang mga ari-arian at mga hayop para sa inyong sarili. Maghanda kayo at tambangan ninyo sila sa likod ng lungsod.”

Kaya umalis sila Josue at ang lahat ng sundalo niya para lusubin ang Ai. Pumili si Josue ng 30,000 sundalo na mahuhusay makipaglaban at pinaalis nang gabi. Ito ang bilin ni Josue sa kanila, “Magtago kayo sa likod ng lungsod, pero huwag masyadong malayo. Humanda kayo sa paglusob kahit anong oras. Ako at ang mga kasama ko ay lulusob sa harapan. Kung lalabas na sila sa pakikipaglaban sa amin, tatakas kami, gaya ng nangyari noon. Iisipin nilang natatakot kami kagaya noon, kaya hahabulin nila kami hanggang sa makalayo sila sa lungsod. Pagkatapos, lumabas kayo sa pinagtataguan nʼyo at sakupin ang lungsod. Ibibigay ito sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Kapag nasakop nʼyo na ang lungsod, sunugin nʼyo ito ayon sa sinabi ng Panginoon. Tiyakin nʼyong gagawin ito ayon sa iniutos.” Pinaalis sila ni Josue, at nagtago sila sa bandang kanluran ng Ai, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. At sina Josue naman ay nagpaiwan sa kampo nang gabing iyon.

10 Kinaumagahan, maagang tinipon ni Josue ang mga tauhan niya. Pinangunahan niya at ng mga pinuno ng Israel ang mga tao sa pagpunta nila sa Ai. 11 Nakarating sila sa lugar na nakaharap sa lungsod, sa bandang hilaga nito, at doon sila nagtayo ng mga tolda. May lambak na nakapagitan sa kanila at sa Ai. 12 Nagpadala si Josue ng 5,000 sundalo para tambangan ang lungsod sa bandang kanluran nito, sa kalagitnaan ng Ai at Betel. 13 Kaya pumwesto na ang mga sundalo. Ang ibang mga sundalo ay nasa bandang hilaga ng lungsod, at ang iba naman ay naroon sa bandang kanluran nito.

Nang gabing iyon pumunta sina Josue sa lambak. 14 Nang makita ng hari ng Ai sina Josue, maaga paʼy agad-agad na siyang lumabas sa lungsod kasama ang mga tauhan niya, at pumunta sa lugar na nakaharap sa Lambak ng Jordan[c] para makipaglaban sa Israel. Hindi nila alam na may lulusob sa kanila galing sa likod ng lungsod. 15 Sina Josue at ang mga tauhan niya ay nagkunwaring natalo sila, at tumakas papuntang ilang. 16 Kaya hinabol silang lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa unti-unti silang lumalayo sa lungsod. 17 Lahat ng kalalakihan sa Ai at sa Betel ay hinabol ang mga Israelita, kaya walang naiwan para ipagtanggol ang lungsod.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ituro mo ang sibat mo sa Ai dahil ibibigay ko ito sa inyo.” Kaya itinuro ni Josue ang sibat niya sa Ai. 19 Nang ginawa niya iyon, lumabas at nagsitakbo ang mga tauhan niyang nananambang sa bayan, lumusob sila papasok sa lungsod, at dali-daling sinunog ito. 20 Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nila ang makapal na usok sa ibabaw ng lungsod. Wala na silang matatakbuhan, dahil bigla na lang silang hinarap ng mga Israelita na hinahabol nila sa ilang. 21 Dahil nang makita ni Josue at ng mga tauhan niya na nakapasok na sa lungsod ang mga kasama nila at sinunog na nila ito, bumalik sila at nilusob ang mga taga-Ai. 22 Lumusob din ang mga Israelitang pumasok sa lungsod, kaya napagitnaan nila ang mga taga-Ai. Pinatay nilang lahat ang mga ito at walang nakatakas o kayaʼy naiwang buhay sa kanila, 23 bukod lang sa hari nila. Binihag siya at dinala kay Josue.

24 Nang mapatay na nilang lahat ang taga-Ai na humabol sa kanila sa ilang, bumalik sila sa lungsod at pinatay din ang lahat ng naiwan doon. 25 Nang araw na iyon, namatay ang lahat ng naninirahan sa Ai – 12,000 lahat, lalaki at babae. 26 Nanatiling nakatutok ang sibat ni Josue sa lugar ng Ai hanggang hindi nalilipol ang lahat ng mamamayan nito. 27 Kinuha ng mga Israelita ang mga hayop at mga ari-arian ng lungsod, ayon sa sinabi ng Panginoon kay Josue. 28 Pagkatapos, ipinasunog ni Josue ang buong Ai, at hindi na ito muling maitatayo; hanggang ngayon wala nang nakatira rito. 29 Pinabitin ni Josue sa isang puno ang hari at pinabayaan doon maghapon. Paglubog ng araw, ipinakuha niya ang bangkay at ipinatapon sa labas ng pintuan ng lungsod. Pinatambakan nila ito ng malaking bunton ng mga bato, at hanggang ngayon ay makikita pa roon ang mga batong ito.

Binasa ang Kasunduan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos, nagpagawa si Josue ng altar sa Bundok ng Ebal para sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 31 Ipinagawa niya ito ayon sa utos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga Israelita. Nakasulat ito sa Aklat ng Kautusan ni Moises at ito ang sinasabi: “Gumawa ka ng altar na bato na hindi natabasan ng gamit na bakal.” Sa ibabaw ng altar, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 32 Sa harap ng mga Israelita, kinopya ni Josue sa mga bato[d] ang kautusang isinulat ni Moises. 33 Ang lahat ng mga Israelita, kasama ang kanilang mga tagapamahala, mga opisyal at mga hukom nila, pati ang mga dayuhang kasama nila ay tumayo sa dalawang grupo na magkaharap. Ang isang grupo ay nakatalikod sa Bundok ng Gerizim at ang isaʼy nakatalikod sa Bundok ng Ebal. Sa gitna nila ay nakatayo ang mga paring Levita na nagbubuhat ng Kahon ng Kasunduan. Nag-utos sa kanila noon si Moises na lingkod ng Panginoon na gawin ito sa panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas.

34 Binasa ni Josue ang Aklat ng Kasunduan, pati ang pagpapala at sumpa na nakasulat dito. 35 Isa-isang binasa ni Josue ang mga utos ni Moises sa harap ng buong mamamayan ng Israelita, kasama na ang mga babae, anak at mga dayuhang naninirahan kasama nila.

Niloko ng mga Taga-Gibeon ang mga Israelita

Narinig ng lahat ng hari sa kanluran ng Jordan ang pagtatagumpay ng mga Israelita. (Ito ay ang mga hari ng mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hiveo, at mga Jebuseo.) Nakatira sila sa mga kabundukan, kaburulan sa kanluran[e] at sa baybayin ng Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Lebanon. Nagtipon silang lahat para makipaglaban kay Josue at sa Israel.

Lucas 16:1-18

Ang Tusong Katiwala

16 Nagkwento pa si Jesus sa mga tagasunod niya: “May isang mayaman na may katiwala. Nabalitaan niyang nilustay ng katiwalang ito ang mga ari-arian niya. Kaya ipinatawag niya ang katiwalang ito at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Kuwentahin na natin ang lahat ng ipinagkatiwala ko sa iyo dahil aalisin na kita bilang katiwala.’ Naisip ng katiwala, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Aalisin na ako bilang katiwala. Hindi ko kakayanin ang mabibigat na trabaho tulad ng paghuhukay, at nahihiya naman akong mamalimos. Alam ko na! Gagawa ako ng paraan para tanggapin ako ng mga tao sa tahanan nila kapag inalis na ako sa trabaho ko.’ Isa-isa niyang ipinatawag ang mga may utang sa amo niya. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa amo ko?’ Sumagot ito, ‘100 banga[a] ng langis ng olibo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Maupo ka at isulat mong 50 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa pa, ‘At ikaw, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘100 sako ng trigo.’ ‘Heto ang kasulatan ng pagkakautang mo. Isulat mong 80 na lang ang utang mo,’ sabi ng katiwala. Nang malaman ng amo ang ginawa ng madayang katiwala, pinuri niya ang kanyang katiwala dahil kumilos ito nang may karunungan. Sapagkat mas marunong ang mga taong makamundo kaysa sa mga taong naliwanagan na tungkol sa Dios.

“Kaya sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo sa pakikipagkaibigan ang kayamanan ninyo sa mundong ito para kapag naubos man ito ay may tatanggap naman sa inyo sa tahanang walang hanggan. 10 Ang taong mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaking bagay. At ang taong madaya sa maliliit na bagay ay magiging madaya rin sa malalaking bagay. 11 Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng kayamanan na talagang para sa inyo?

13 “Walang aliping makapaglilingkod nang sabay sa dalawang amo. Sapagkat tatanggihan niya ang isa at susundin naman ang isa, magiging tapat siya sa isa at tatalikuran ang isa. Ganoon din naman, hindi kayo makapaglilingkod nang sabay sa Dios at sa kayamanan.”

Ang Iba pang mga Itinuro ni Jesus(A)

14 Nang marinig iyon ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus dahil mahal nila ang salapi. 15 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Nagbabanal-banalan kayo sa harap ng mga tao pero alam ng Dios kung ano talaga ang nilalaman ng inyong puso. Sapagkat ang mga bagay na itinuturing ng tao na mahalaga ay kinasusuklaman ng Dios.

16 “Bago dumating si Juan na tagapagbautismo, ang Kautusan ni Moises at ang isinulat ng mga propeta ang siyang sinusunod ng mga tao. At mula nang dumating si Juan, ipinangangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios, at marami ang nagpupumilit na maging sakop nito. 17 Pero hindi ibig sabihin na wala nang kabuluhan ang Kautusan, dahil mas madali pang mawala ang langit at lupa kaysa sa mawalan ng kabuluhan kahit ang kaliit-liitang bahagi ng Kautusan.

18 “Ang lalaking hiniwalayan ang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkasala siya ng pangangalunya. At ang mag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.

Salmo 82

Pinagsabihan ng Dios ang mga Namumuno

82 Pinamumunuan ng Dios ang pagtitipon ng kanyang mga mamamayan.
    Sa gitna ng mga hukom[a] siya ang humahatol sa kanila.
Sinabi niya sa kanila, “Hanggang kailan kayo hahatol ng hindi tama?
    Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?
Bigyan ninyo ng katarungan ang mga dukha at ulila.
    Ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga nangangailangan at inaapi.
Iligtas ninyo ang mahihina at mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao!
Wala silang nalalaman! Hindi sila nakakaintindi!
    Wala silang pag-asa, namumuhay sila sa kadiliman at niyayanig nila ang pundasyon ng mundo.
Sinabi ko na sa inyo na kayo ay mga dios, mga anak ng Kataas-taasang Dios.
Ngunit gaya ng ibang mga namumuno ay babagsak kayo, at gaya ng ibang tao ay mamamatay din kayo.”
Sige na, O Dios, hatulan nʼyo na ang lahat ng bansa sa mundo, sapagkat sila namaʼy sa inyo.

Kawikaan 13:2-3

Ang taong nagsasalita ng mabuti ay gagantihan ng mabuting bagay, ngunit ang salita ng taong hindi tapat ay gagantihan ng karahasan.
Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag-iingat ng kanyang buhay. Ngunit ang taong madaldal, dulot sa sarili ay kapahamakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®