The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang mga Lupain na Ibinigay sa mga Lahi nina Efraim at Manase
16 Ang lupain na ibinigay sa mga lahi ni Jose ay nagsimula sa Ilog ng Jordan malapit sa Jerico, sa silangan ng mga bukal ng Jerico, papunta sa ilang at sa kabundukan hanggang sa Betel. 2 Mula sa Betel (na siyang Luz),[a] dumaraan ito sa Atarot na kung saan nakatira ang mga Arkeo 3 at pababa sa kanluran papunta sa lugar ng mga Jafleteo, hanggang sa hangganan ng mababang Bet Horon. At nagpatuloy ito sa Gezer hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 4 Ito ang bahaging natanggap ng mga lahi nina Manase at Efraim na mga anak ni Jose.
5 Ito ang nasasakupan ng lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan: Ang hangganan nito sa silangan ay nagsisimula sa Atarot Adar papunta sa mataas na Bet Horon 6 hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Micmetat, at paliko pasilangan sa Taanat Shilo, at dumaraan sa silangan ng Janoa. 7 At mula sa Janoa ay pababa ito sa Atarot at Naara, at dumaraan sa Jerico papunta sa Ilog ng Jordan. 8 Mula sa Tapua, ang hangganan ay papunta sa kanluran at dumaraan sa Lambak ng Kana, hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang lupain na ibinigay sa lahi ni Efraim na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. 9 Kasama nito ang mga bayan at baryo na sakop sa lupain ni Manase. 10 Hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na nakatira sa Gezer; kaya may mga Cananeo na nakatira kasama ng mga taga-Efraim hanggang ngayon, pero ginawa silang mga alipin.
Ang Lupain ng Kalahating Lahi ni Manase
17 May ibinigay din na mga lupain para sa kalahating lahi ni Manase, na panganay na anak ni Jose. Ang Gilead at ang Bashan sa silangan ng Ilog ng Jordan ay ibinigay kay Makir dahil mabuti siyang sundalo. (Si Makir ang panganay ni Manase at ang ama ni Gilead.) 2 Ang lupain sa kanluran ng Jordan ay ibinigay sa ibang mga lahi ni Manase: ang mga sambahayan nina Abiezer, Helek, Asriel, Shekem, Hefer at Shemida. Sila ang mga lalaking anak ni Manase, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan.
3 Ngayon, may isang tao na ang pangalan ay si Zelofehad. Anak siya ni Hefer at apo ni Gilead. Si Gilead ay anak ni Makir, at si Makir ay anak ni Manase. Si Zelofehad ay walang anak na lalaki kundi mga babae lang. Silaʼy sina Mahlah, Noe, Hogla, Milka at Tirza. 4 Pumunta sila kina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at sa mga pinuno, at sinabi, “Nag-utos po ang Panginoon kay Moises na bigyan kami ng lupain gaya po ng mga kamag-anak naming lalaki.” Kaya binigyan sila ng bahagi nila ayon sa iniutos ng Panginoon. 5 Ito ang dahilan kung bakit ang lahi ni Manase ay nakatanggap ng sampung bahagi ng lupain, hindi kasama ang Gilead at Bashan sa silangan ng Jordan, 6 dahil binigyan din ng bahagi ang mga kalahing babae kagaya ng mga kalahi niyang lalaki. Ang Gilead ay ibinigay sa iba pang lahi ni Manase.
7 Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase ay nagmula sa Asher hanggang sa Micmetat, sa silangan ng Shekem papuntang timog sa lupain ng mga nakatira malapit sa bukal ng Tapua.[b] 8 (Ang mga lupain sa paligid ng Tapua ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase, pero ang Tapua, na nasa hangganan ng lupain ni Manase ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim.) 9 Tumuloy ito sa hangganan na papunta sa Lambak ng Kana. Sa timog ng lambak na ito ay may mga bayan na pagmamay-ari ng lahi ni Efraim, kahit na kasama ito sa mga bayan ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lahi ni Manase ay patuloy sa hilaga ng lambak hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 10 Ang lupain sa timog ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Efraim at ang lupain sa hilaga ng ilog ay pagmamay-ari ng lahi ni Manase. Ang hangganan ng lupain ng lahi ni Manase sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo. Ang nasa hilaga ng lahi ni Manase ay ng lahi ni Asher, at ang nasa silangan ay ng lahi ni Isacar. 11 Ito ang mga bayan sa lupain ng lahi nina Isacar at Asher na ibinigay sa lahi ni Manase: ang Bet Shan, Ibleam, Dor (na tinatawag ding Nafat Dor), Endor, Taanac, Megido at ang mga bayan sa paligid nito. 12 Pero hindi naangkin ng mga lahi ni Manase ang mga bayan na ito dahil hindi nila mapaalis ang mga Cananeo roon. 13 Ngunit nang matatag na ang mga Israelita, inalipin nila ang mga Cananeo, pero hindi nila itinaboy nang lubusan ang mga ito.
14 Sinabi ng mga lahi ni Jose kay Josue, “Bakit isang bahagi lang ng lupain ang ibinigay mo sa amin? Napakarami namin dahil pinagpala talaga kami ng Panginoon.”
15 Sumagot si Josue, “Kung talagang marami kayo at maliit para sa inyo ang mga kabundukan ng Efraim, pumunta kayo sa mga kagubatan ng mga Perezeo at Refaimeo. Linisin nʼyo ang lugar na iyon para sa sarili ninyo.”
16 Sinabi ng mga lahi ni Jose, “Ang mga kabundukan ay maliit para sa amin. At hindi namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan dahil may mga karwahe silang bakal. At ganoon din ang mga Cananeo sa Bet Shan at sa mga bayan sa paligid nito at sa Lambak ng Jezreel.”
17 Sumagot si Josue, “Dahil napakarami nʼyo at makapangyarihan, hindi lang isa ang bahagi nʼyo, 18 magiging inyo rin ang mga kagubatan ng kabundukan. Kahit magubat ito, linisin na lang ninyo, dahil magiging inyo ito mula sa unahan hanggang sa dulo. At tiyak na maitataboy nʼyo ang mga Cananeo kahit makapangyarihan pa sila at may mga karwaheng bakal.”
Ang Pagkakahati-hati ng Iba pang Lupain
18 Nang matapos nilang sakupin ang lupain, nagtipon ang buong mamamayan ng Israelita sa Shilo, at nagtayo ng Toldang Tipanan. 2 May pito pang lahi ng mga Israelita na hindi pa napapartihan ng lupa. 3 Kaya sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Kailan nʼyo pa ba sasakupin ang natirang lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nʼyo? 4 Pumili kayo ng tatlong tao sa bawat lahi. Papupuntahin ko sila para suriin ang natirang lupain. Pagkatapos, babalik sila sa akin na may dalang mapa na ginawa nila na nagpapakita kung papaano hahatiin ang lupaing iyon. 5 Dapat hatiin ang lupain sa pitong bahagi, hindi kasali ang lupain ng lahi ni Juda sa timog at ang lupain ng lahi ni Jose sa hilaga. 6 Pagkatapos madala ang mapa sa akin, magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon na ating Dios, kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain. 7 Pero ang mga Levita ay hindi papartihan ng lupa, dahil ang bahagi nila ay ang paglilingkod sa Panginoon bilang mga pari. Ang mga lahi nina Gad, Reuben, at ang kalahating lahi ni Manase ay nakatanggap na ng mga bahagi nilang lupain sa silangan ng Jordan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”
8 Nang papaalis na ang mga napiling tao, sinabi ni Josue sa kanila, “Suriin nʼyo ang buong lupain at gawan nʼyo ito ng mapa. Pagkatapos, bumalik kayo rito sa akin sa Shilo, dahil magpapalabunutan agad ako sa presensya ng Panginoon kung kaninong lahi mapupunta ang bawat bahagi ng lupain.” 9 Kaya lumakad ang mga tao para suriin ang buong lupain. Pagkatapos, ginawan nila ito ng mapa, na ang lupaʼy nahati sa pitong bahagi, at inilista nila ang mga bayan at baryo na sakop ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 At pagkatapos magpalabunutan sa presensya ng Panginoon, binigyan ni Josue ng bahagi ang mga lahi ng Israel na walang lupain.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Benjamin
11 Ang unang bahagi ng lupain ay napunta sa lahi ni Benjamin. Nasa pagitan ito ng mga lupaing ibinigay noon sa lahi ni Juda at sa mga lahi ni Jose. 12 Ang hangganan nito sa hilaga ay nagsisimula sa Ilog ng Jordan papunta sa hilagang libis ng Jerico. Pagkatapos, paahon ito sa kanluran sa mga kabundukan hanggang sa disyerto ng Bet Aven. 13 Mula roon, papunta ito sa libis na nasa bandang timog ng Luz (na siyang Betel). Pagkatapos, pababa ito sa Atarot Adar, sa bundok sa timog ng Mababang Bet Horon. 14 Mula roon, papunta ito sa kanluran ng bundok na nakaharap sa Bet Horon at papunta sa timog. Nagtapos ito sa Kiriat Baal (na siyang Kiriat Jearim), isang bayan ng lahi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran.
15 Ang hangganan sa timog ay magmumula sa hangganan ng Kiriat Jearim. Mula roon, papunta ito sa kanluran sa mga bukal ng Neftoa. 16 Pababa ito sa paanan ng bundok na nakaharap sa Lambak ng Ben Hinom. Ang lambak na ito ay nasa hilaga ng Lambak ng Refaim. Mula roon, papunta ito sa Lambak ng Hinom, sa timog na ng lungsod ng mga Jebuseo, pababa sa En Rogel. 17 Paliko agad ito pahilaga papuntang En Shemesh, hanggang sa Gelilot na nakaharap sa Daang Paahon ng Adumim. Pagkatapos, pababa ito sa Bato ni Bohan na anak ni Reuben 18 at dumaraan sa hilagang libis na nakaharap sa Lambak ng Jordan[c] pababa sa Lambak mismo. 19 Pagkatapos, papunta ito sa hilagang libis ng Bet Hogla, at nagtapos ito sa hilagang daanan ng tubig ng Dagat na Patay, na siyang hangganan ng Ilog ng Jordan sa timog. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog ng Jordan ay ang hangganan sa silangan.
Iyon ang mga hangganan ng lupaing natanggap ng lahi ni Benjamin ayon sa bawat sambahayan.
Ang mga Lungsod na Natanggap ng Lahi ni Benjamin
21 Ito ang mga lungsod na ibinigay sa lahi ni Benjamin na hinati ayon sa bawat sambahayan:
Jerico, Bet Hogla, Emek Keziz, 22 Bet Araba, Zemaraim, Betel, 23 Avim, Para, Ofra, 24 Kefar Ammoni, Ofni at Geba – 12 bayan kasama ang mga baryo nito. 25 Dagdag pa rito ay ang Gibeon, Rama, Beerot, 26 Mizpa, Kefira, Moza, 27 Rekem, Irpeel, Tarala, 28 Zela, Haelef, Jebus (na siyang Jerusalem), Gibea at Kiriat Jearim[d] – 14 na bayan, kasama ang mga baryo nito.
Ito ang natanggap ng lahi ni Benjamin na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan.
Si Zaqueo
19 Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. 2 May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. 3 Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. 4 Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. 5 Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” 6 Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. 7 Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” 8 Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” 9 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(A)
11 Habang nakikinig ang mga tao, ikinuwento ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga, dahil malapit na sila sa Jerusalem at ang akala ng mga tao ay makikita na nila ang paghahari ng Dios. 12 Sinabi ni Jesus, “May isang kilala at mayamang tao na pumunta sa malayong lugar upang tanggapin ang awtoridad bilang hari sa kanyang lugar, at pagkatapos nitoʼy babalik siya agad sa kanyang bayan. 13 Bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa mga alipin niya at binigyan sila ng magkakaparehong halaga ng pera. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, ‘Gawin ninyo itong puhunan sa negosyo hanggang sa bumalik ako.’
14 “Pero ayaw sa kanya ng mga kababayan niya. Kaya pagkaalis niya, nagpadala sila ng mga kinatawan doon sa pupuntahan niya para sabihin sa kinauukulan na ayaw nila na maghari siya sa kanila. 15 Pero ginawa pa rin siyang hari. Nang makauwi na siya sa bayan niya, ipinatawag niya ang sampung alipin na binigyan niya ng puhunan para malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. 16 Lumapit sa kanya ang una at sinabi, ‘Ang perang ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo po ng sampu.’ 17 Sinabi ng hari, ‘Magaling! Mabuti kang alipin! At dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ 18 Lumapit ang ikalawa at nagsabi, ‘Ang pera po na ibinigay nʼyo sa akin ay tumubo ng lima.’ 19 Sinabi ng hari, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ 20 Lumapit ang isa pang alipin at nagsabi, ‘Ito po ang pera ninyo. Binalot ko po sa isang panyo, 21 dahil natatakot ako sa inyo. Alam ko kasing mabagsik kayo; kinukuha ninyo ang hindi ninyo pinaghirapan, at inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim.’[a] 22 Sinabi ng hari, ‘Masamang alipin! Hahatulan kita ayon sa sinabi mo. Alam mo palang mabagsik ako, na kinukuha ko ang hindi ko pinaghirapan at inaani ko ang hindi ko itinanim. 23 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay makuha ko ito ng may tubo?’ 24 Sinabi ng hari sa mga naroon, ‘Kunin nʼyo sa kanya ang pera, at ibigay sa tumubo ng sampu.’ 25 Sinabi nila, ‘Kumita na po siya ng sampu.’ 26 Sumagot ang hari, ‘Tandaan ninyo: ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 27 Tungkol naman sa mga kaaway ko na ayaw pasakop sa akin bilang hari, dalhin nʼyo sila rito at patayin sa harap ko.’ ”
Papuri sa Jerusalem
87 1-2 Itinayo ng Panginoon ang lungsod ng Jerusalem[a] sa banal na bundok.
Mahal niya ang lungsod na ito kaysa sa lahat ng lugar sa Israel.[b]
3 Magagandang bagay ang kanyang sinasabi tungkol sa lungsod na ito.
4 Sabi niya, “Kung ililista ko ang mga bansang kumikilala sa akin,
isasama ko ang Egipto,[c] ang Babilonia, pati na ang Filistia, Tyre at Etiopia.
Ibibilang ko ang kanilang mga mamamayan na tubong Jerusalem.”
5 Ito nga ang masasabi sa Jerusalem, na maraming tao ang ibibilang na tubong Jerusalem.
At ang Kataas-taasang Dios ang siyang magpapatatag ng lungsod na ito.
6 Ililista ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan
at isasama rin niya ang maraming taong ibibilang niyang mga tubong Jerusalem.
7 Silang lahat ay magsisiawit ng, “Ang lahat ng ating mga pagpapala ay sa Jerusalem nagmula!”
11 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®