The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Simeon
19 Ang ikalawang pinartihan ng lupa ay ang sambahayan ng lahi ni Simeon. Ang lupain nila ay nasa gitna ng lupaing ibinigay sa lahi ni Juda. 2 Kasama rito ang Beersheba (o Sheba),[a] Molada, 3 Hazar Shual, Bala, Ezem, 4 Eltolad, Betul, Horma, 5 Ziklag, Bet Marcabot, Hazar Susa, 6 Bet Lebaot at Sharuhen – 13 bayan kasama ang mga baryo sa paligid nito. 7 Dagdag pa rito ang Ayin, Rimon, Eter at Ashan – 4 na bayan, kasama ang lahat ng mga baryo sa paligid nito, 8 hanggang sa Baalat Beer (na siyang Rama) sa Negev.
Ito ang lupaing natanggap ng lahi ni Simeon na hinati-hati ayon sa bawat sambahayan. 9 Ang ibang bahagi ng lupang ito ay galing sa parte ng lahi ni Juda dahil ang ibinigay sa kanila ay sobrang maluwang para sa kanila. Kaya natanggap ng lahi ni Simeon ang kanilang lupain sa gitna ng lupain ng lahi ni Juda.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Zebulun.
10 Ang ikatlong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Zebulun.
Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Sarid. 11 Mula roon, papunta ito sa kanluran: sa Marala, sa Dabeshet, at patuloy sa daluyan ng tubig sa silangan ng Jokneam. 12 Mula sa kabilang bahagi ng Sarid, papunta ito sa silangan sa hangganan ng Kislot Tabor, at patuloy sa Daberat hanggang Jafia. 13 Mula roon, papunta ito sa silangan sa Gat Hefer, sa Et Kazin, sa Rimon at paliko papuntang Nea. 14 Ang hangganan ng Zebulun sa hilaga ay dumaraan sa Hanaton at nagtatapos sa Lambak ng Ifta El: 15 Lahat ay 12 bayan, kasama ang mga baryo sa paligid nito. Kasama rin ang mga bayan ng Katat, Nahalal, Shimron, Idala at Betlehem. 16 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Zebulun na hinati ayon sa bawat sambahayan.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Isacar
17 Ang ikaapat na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Isacar. 18 Ito ang mga lungsod na sakop nila: Jezreel, Kesulot, Shunem, 19 Hafaraim, Shion, Anaharat, 20 Rabit, Kishion, Ebez, 21 Remet, En Ganim, En Hada at Bet Pazez. 22 Ang hangganan ng lupain ay umaabot sa Tabor, Shahazuma at sa Bet Shemesh at nagtatapos sa Ilog ng Jordan – 16 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 23 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Isacar na hinati ayon sa bawat sambahayan.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Asher
24 Ang ikalimang pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Asher. 25 Ito ang mga bayan na sakop nila:
Helkat, Hali, Beten, Acshaf, 26 Alamelec, Amad at Mishal. Ang hangganan nitong lupain sa kanluran ay umaabot sa Carmel at Shihor Libnat, 27 paliko ito pasilangan papuntang Bet Dagon at umaabot sa Zebulun at sa Lambak ng Ifta El. Pagkatapos, papunta ito sa hilaga papuntang Bet Emek at Niel. Papunta pa ito sa hilaga hanggang Cabul, 28 Ebron,[b] Rehob, Hammon, Kana at hanggang sa Malaking Sidon. 29 Pagkatapos, liliko ito patungong Rama at sa napapaderang bayan ng Tyre, at papuntang Hosa, at nagtatapos sa Dagat ng Mediteraneo. Ang iba pang mga bayan na sakop nila ay ang Mehebel, Aczib, 30 Uma, Afek at Rehob – 22 bayan lahat, kasama ang mga bayan sa paligid nito. 31 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Asher na hinati ayon sa bawat sambahayan.
Ang Lupaing Ibinigay sa Lahi ni Naftali
32 Ang ikaanim na pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Naftali.
33 Ang hangganan ng lupain nila ay nagsimula sa Helef at sa puno ng terebinto sa Zaananim papuntang Adami Nekeb at Jabneel hanggang sa Lakum, at nagtapos sa Ilog ng Jordan.
34 Mula roon, paliko ito sa kanluran papuntang Aznot Tabor, pagkatapos sa Hukok, hanggang sa hangganan ng Zebulun sa timog, sa hangganan ng Asher sa kanluran at sa Ilog ng Jordan[c] sa silangan. 35 Ang mga napapaderang lungsod na sakop ng lupaing ito ay ang: Zidim, Zer, Hamat, Rakat, Kineret, 36 Adama, Rama, Hazor, 37 Kedesh, Edrei, En Hazor, 38 Iron, Migdal El, Horem, Bet Anat at Bet Shemesh – 19 na bayan lahat, kasama ang mga baryo sa paligid nito. 39 Iyon ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Naftali na hinati ayon sa bawat sambahayan.
Ang Lupaing Ibinigay sa Angkan ni Dan
40 Ang ikapitong pinartihan ng lupa ay ang mga sambahayan ng lahi ni Dan. 41 Ito ang mga bayan na sakop nila: Zora, Estaol, Ir Shemesh, 42 Shaalabin, Ayalon, Itla, 43 Elon, Timnah, Ekron, 44 Elteke, Gibeton, Baalat, 45 Jehud, Bene Berak, Gat Rimon, 46 Me Jarkon at Rakon, pati rin ang lupain na nakaharap sa Jopa. 47 Nahirapan ang mga lahi ni Dan sa pag-agaw ng lupain nila, kaya nilusob nila ang Leshem[d] at pinatay ang mga naninirahan dito. Naagaw nila ito at doon sila tumira. Pinalitan nila ang pangalan nito ng Dan ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan.
48 Ito ang mga bayan at baryo na natanggap ng lahi ni Dan na hinati ayon sa bawat sambahayan.
Ang Lupaing Ibinigay kay Josue
49 Pagkatapos hatiin ng mga Israelita ang lupain nila, binigyan nila si Josue na anak ni Nun ng bahagi niya. 50 Ayon sa iniutos ng Panginoon, ibinigay nila sa kanya ang bayan na hinihiling niya – ang Timnat Sera sa kabundukan ng Efraim. Ipinatayo niyang muli ang bayan at doon tumira. 51 Ang naghati-hati ng lupain ay sina Eleazar na pari, Josue na anak ni Nun at ang mga pinuno ng bawat lahi ng Israel. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng palabunutan sa presensya ng Panginoon, sa pintuan ng Toldang Tipanan doon sa Shilo. Kaya natapos na ang paghahati ng lupain.
Ang mga Lungsod na Tanggulan(A)
20 At sinabi ng Panginoon kay Josue, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na pumili sila ng mga lungsod na tanggulan ayon sa sinabi ko noon sa inyo sa pamamagitan ni Moises. 3 Ang taong nakapatay nang hindi sinasadya ay maaaring makakatakas roon at makapagtago mula sa mga taong gustong gumanti sa kanya. 4 Maaari siyang magtago sa isa sa mga lungsod na ito. Haharap siya sa tagapamahala na naroon sa pintuan ng lungsod at magpapaliwanag tungkol sa nangyari. Pagkatapos, papapasukin siya at doon patitirahin. 5 Kung hahabulin siya roon ng gustong gumanti sa kanya, hindi siya ibibigay ng mga naninirahan doon. Kakampihan nila siya dahil hindi niya sinadya ang pagpatay sa kanyang kapwa, at napatay niya ito hindi dahil sa kanyang galit. 6 Mananatili siya sa lungsod na iyon hanggang madinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan at hanggang hindi pa namamatay ang punong pari na naglilingkod nang panahong iyon. Pagkatapos, makakauwi na siya sa kanila.”
7 Kaya pinili nila ang Kedesh sa Galilea sa kabundukan ng Naftali, ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at ang Kiriat Arba (na siyang Hebron), sa kabundukan ng Juda. 8 Sa silangan ng Ilog ng Jordan at ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa disyerto sa talampas na sakop ng lahi ni Reuben, ang Ramot sa Gilead na sakop ng lahi ni Gad at ang Golan sa Bashan na sakop ng lahi ni Manase. 9 Ito ang mga lungsod na tanggulan na pinili para sa mga Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama nila. Ang sinumang makapatay nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas papunta sa mga lungsod na ito para hindi siya mapatay ng mga gustong gumanti sa kanya habang hindi pa dinidinig ang kaso niya sa harapan ng kapulungan.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(A)
28 Pagkatapos magkwento ni Jesus, nagpatuloy siya sa paglalakad at nanguna sa kanila papuntang Jerusalem. 29 Nang malapit na sila sa mga nayon ng Betfage at Betania, sa bundok na kung tawagin ay Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa niyang tagasunod. 30 Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok nʼyo roon makikita ninyo ang isang batang asno na nakatali. Hindi pa ito nasasakyan ng kahit sino. Kalagan ninyo at dalhin dito. 31 Kung may magtanong kung bakit ninyo kinakalagan ang asno, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon.” 32 Kaya lumakad ang dalawang inutusan, at nakakita nga sila ng asno ayon sa sinabi ni Jesus. 33 Nang kinakalagan na nila ang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” 34 Sumagot sila, “Kailangan ito ng Panginoon.” 35 Dinala nila ang asno kay Jesus, at isinapin nila ang kanilang mga balabal nila sa likod ng asno at pinasakay si Jesus. 36 Habang nakasakay siya sa asno papuntang Jerusalem, inilatag ng mga tao ang kanilang mga balabal sa dadaanan niya. 37 Nang pababa na siya sa Bundok ng mga Olibo at malapit na sa Jerusalem, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng tagasunod niya at nagpuri nang malakas sa Dios dahil sa mga himalang nasaksihan nila. 38 Sinabi nila, “Pinagpala ng Panginoon ang haring kanyang ipinadala.[a] Mayroon na tayong magandang relasyon[b] sa Dios. Purihin ang Dios sa langit!”
39 Sinabi sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, sawayin mo ang mga tagasunod mo.” 40 Pero sinagot sila ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo: kung tatahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw ng papuri.”
Umiyak si Jesus para sa mga Taga-Jerusalem
41 Nang malapit na si Jesus sa Jerusalem at nakita niya ang lungsod, umiyak siya para sa mga taga-roon. 42 Sinabi niya, “Sana nalaman ninyo sa araw na ito kung ano ang makapagbibigay sa inyo ng kapayapaan. Ngunit natakpan ang inyong pang-unawa. 43 Darating ang araw na papaligiran kayo ng kuta ng inyong mga kaaway. Palilibutan nila kayo at kabi-kabilang lulusubin. 44 Lilipulin nila kayo at ang inyong mga anak, at wawasakin nila ang lungsod ninyo. Wala silang iiwang bato na magkapatong. Mangyayari ang lahat ng ito sa inyo, dahil binalewala ninyo ang araw ng pagliligtas sa inyo ng Dios.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(B)
45 Pagdating nila sa Jerusalem, pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda roon. 46 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang aking bahay ay bahay-panalanginan.’[c] Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[d]
47 Nagtuturo si Jesus sa templo araw-araw, habang pinagsisikapan naman ng mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mga pinuno ng bayan na patayin siya. 48 Pero wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil nakikinig nang mabuti ang mga tao sa mga itinuturo niya.
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
12 Ang hangarin na naantala ay nakapanghihina, ngunit ang hangarin na natupad ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla.[a]
13 Ang taong tumatanggi sa turo at utos sa kanya ay mapapahamak, ngunit ang sumusunod dito ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng taong may karunungan ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay at mailalayo ka sa kamatayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®