Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 1:1-2:9

Nabihag ng Lahi ni Juda at ng Lahi ni Simeon si Adoni Bezek

Pagkamatay ni Josue, nagtanong ang mga Israelita sa Panginoon kung sino sa mga lahi nila ang unang makikipaglaban sa mga Cananeo. Sumagot ang Panginoon, “Ang lahi ni Juda, dahil ipinagkatiwala ko sa kanila ang lupaing iyon.” Kaya sinabi ng lahi ni Juda sa lahi ni Simeon na kanilang kadugo, “Tulungan nʼyo kaming sakupin ang lugar ng mga Cananeo na para sa amin at tutulungan din namin kayo na sakupin ang lugar na para sa inyo.” Kaya tinulungan sila ng lahi ni Simeon sa labanan. 4-5 Nang lumusob ang angkan ni Juda, pinagtagumpay sila ng Panginoon laban sa mga Cananeo at Perezeo. May 10,000 tao ang napatay nila sa Bezek. Habang nakikipaglaban sila sa Bezek, nakalaban nila roon si Adoni Bezek na hari sa lugar na iyon. Tumakas si Adoni Bezek, pero hinabol siya ng mga Israelita at nahuli. Pinutol nila ang mga hinlalaki nito sa kamay at paa. Sinabi ni Adoni Bezek, “Noon, may 70 hari ang pinutulan ko ng hinlalaki sa kamay at paa at namulot sila ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayon, sinisingil na ako ng Dios sa ginawa ko sa kanila.” At dinala nila si Adoni Bezek sa Jerusalem, at doon siya namatay.

Nilusob ng mga lahi ni Juda ang Jerusalem at sinakop nila ito. Pinatay nila ang mga naninirahan doon at sinunog ang lungsod. Pagkatapos, kinalaban nila ang mga Cananeo na nakatira sa mga kabundukan, sa Negev at sa mga kaburulan sa kanluran.[a] 10 Nilusob din nila ang mga Cananeo na nakatira sa Hebron (na noon ay tinatawag na Kiriat Arba), at pinatay nila sina Sheshai, Ahiman at Talmai.

Sinakop ni Otniel ang Lungsod ng Debir(A)

11 Mula sa Hebron, nilusob din nila ang mga nakatira sa Debir (na noon ay tinatawag na Kiriat Sefer). 12 Sinabi ni Caleb, “Ibibigay ko bilang asawa ang anak kong si Acsa sa lalaking makakaagaw ng Kiriat Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb ang nakaagaw ng lungsod. Kaya sa kanya ibinigay ni Caleb ang anak niyang si Acsa para maging asawa. 14 Nang ikinasal na sila, hinikayat ni Acsa ang asawa niya na humingi sila ng dagdag na lupain sa ama nito. Pagkatapos, pumunta si Acsa kay Caleb, at nang makababa na siya sa kanyang asno, tinanong siya ni Caleb kung ano ang kailangan niya. 15 Sumagot si Acsa, “Hihingi po sana ako ng pabor sa inyo, gusto ko po sanang bigyan nʼyo ako ng lupaing may mga bukal, dahil ang lupaing ibinigay nʼyo sa akin sa Negev ay walang bukal.” Kaya ibinigay sa kanya ni Caleb ang lugar na may mga bukal sa itaas at sa ibaba ng Negev.

Ang mga Pananakop ng lahi ni Juda at ng lahi ni Benjamin

16 Pag-alis ng lahi ni Juda sa lungsod ng Jerico,[b] sumama sa kanila ang mga Keneo, na mula sa angkan ng biyenan ni Moises, papunta sa ilang ng Juda. Tumira sila kasama ng mga tao roon, malapit sa bayan ng Arad sa Negev.

17 Pagkatapos, ang lahi naman ni Simeon ang tinulungan ng lahi ni Juda na sakupin ang lungsod ng Zefat na tinitirhan din ng mga Cananeo. Winasak nila nang husto[c] ang lungsod, kaya tinawag itong Horma.[d] 18 Sinakop din nila ang mga lungsod ng Gaza, Ashkelon at Ekron, pati ang mga teritoryo nito sa paligid.

19 Tinulungan ng Panginoon ang mga lahi ng Juda. Sinakop nila ang mga kabundukan, pero hindi nila madaig ang mga tao na nakatira sa mga kapatagan dahil may mga karwahe silang yari sa bakal. 20 At tulad ng ipinangako ni Moises, ibinigay kay Caleb ang Hebron. Itinaboy ni Caleb ang tatlong pamilya na nakatira sa lugar na ito, na mula sa angkan ni Anak. 21 Hindi itinaboy ng lahi ni Benjamin ang mga Jebuseo na nakatira sa Jerusalem. Kaya hanggang ngayon, naninirahan pa rin ang mga ito kasama ng mga lahi ni Benjamin.

Sinakop ng Dalawang Lahi ni Jose ang Betel

22-23 Ngayon, nilusob ng mga lahi ni Jose ang lungsod ng Betel (na noon ay tinatawag na Luz), at tinulungan sila ng Panginoon. Nang nagpadala sila ng mga tao para mag-espiya sa Betel, 24 may nakita ang mga espiya na isang tao na papalabas mula sa lungsod na iyon. Sinabi nila sa kanya, “Tulungan mo kami kung paano makapasok sa lungsod at hindi ka namin gagalawin.” 25 Tinuruan niya sila, at pinatay nila ang lahat ng nakatira sa lungsod na iyon. Pero hindi nila pinatay ang tao na nagturo sa kanila pati ang buong sambahayan nito. 26 Ang taong itoʼy pumunta sa lupain ng mga Heteo, at doon nagtayo ng isang lungsod na tinawag niyang Luz. Ito pa rin ang pangalan nito hanggang ngayon.

Ang mga Tao na Hindi Itinaboy ng mga Israelita sa Kanilang mga Lupain

27 Hindi itinaboy[e] ng lahi ni Manase ang mga nakatira sa Bet Shan, Taanac, Dor, Ibleam, Megido, at ang mga bayan sa paligid ng mga ito dahil determinado ang mga Cananeo na huwag umalis sa lupaing iyon. 28 Nang naging makapangyarihan na ang mga Israelita, pinilit nila ang mga Cananeo na magtrabaho para sa kanila, pero hindi nila itinaboy ang mga ito.

29 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Efraim ang mga nakatira sa Gezer. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila.

30 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Zebulun ang mga Cananeo na naninirahan sa mga lungsod ng Kitron at Nahalol. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama nila. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

31 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Asher ang mga nakatira sa Aco, Sidon, Aczib, Helba, Afek at Rehob. 32 Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo roon kasama ng lahi ni Asher.

33 Hindi rin itinaboy ng lahi ni Naftali ang mga nakatira sa Bet Shemesh at Bet Anat. Kaya patuloy na nanirahan ang mga Cananeo kasama ng lahi ni Naftali. Pero pinilit silang magtrabaho para sa kanila.

34 Hindi naman pinahintulutan ng mga Amoreo na tumira sa kapatagan ang mga lahi ni Dan, kaya nanatili na lamang sila sa kabundukan. 35 Determinado ang mga Amoreo na huwag umalis sa Bundok ng Heres, Ayalon at Saalbim. Pero nang lumakas ang kapangyarihan ng mga angkan ni Jose, pinilit nila ang mga Amoreo na magtrabaho para sa kanila. 36 Ang hangganan ng lupain ng mga Amoreo ay mula sa Daang Paakyat ng Akrabim at paakyat pa mula sa Sela.

Ang Anghel ng Panginoon sa Bokim

Pumunta ang anghel ng Panginoon sa Bokim mula sa Gilgal. At sinabi niya sa mga Israelita, ito ang ipinapasabi ng Panginoon: “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala dito sa lupain na ipinangako ko sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ko sisirain ang kasunduan ko sa inyo. Sinabi ko rin na huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tao sa lupaing ito kundi gibain nʼyo ang mga altar nila. Pero ano ang ginawa ninyo? Hindi nʼyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila itataboy sa lupain ninyo. Magiging parang tinik sila sa daraanan ninyo at ang mga dios nila ay magiging parang bitag sa inyo.”

Nang marinig ito ng mga Israelita, humagulgol sila. Kaya tinawag nilang Bokim[f] ang lugar na iyon. At doon sila naghandog sa Panginoon.

Nang pinauwi na ni Josue ang mga Israelita, umalis sila upang angkinin ang lupain na nakalaan para sa kanila. At naglingkod sila sa Panginoon habang nabubuhay si Josue. At kahit namatay na siya, patuloy pa rin silang naglingkod sa Panginoon habang nabubuhay ang mga tagapamahala ng Israel na nakakita ng lahat ng kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel. Ang lingkod ng Panginoon na si Josue na anak ni Nun ay namatay sa edad na 110. Inilibing siya sa kanyang lupain doon sa Timnat Heres, sa kabundukan ng Efraim, sa hilaga ng Bundok ng Gaas.

Lucas 21:29-22:13

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(A)

29 Ikinuwento sa kanila ni Jesus ang paghahalintulad na ito: “Tingnan ninyo ang puno ng igos at ang iba pang punongkahoy. 30 Kapag nagkakadahon na ang mga ito alam ninyong malapit na ang tag-init. 31 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Dios. 32 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 33 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[a]

Maging Handa Kayo

34 “Kaya mag-ingat kayo na huwag mawili sa kalayawan, sa paglalasing, sa pagkaabala sa inyong kabuhayan, at baka biglang dumating ang araw na iyon 35 nang hindi ninyo inaasahan.[b] Sapagkat darating ang araw na iyon sa lahat ng tao sa buong mundo. 36 Kaya maging handa kayo sa lahat ng oras. Palagi kayong manalangin upang magkaroon kayo ng lakas na mapagtagumpayan ang lahat ng mangyayaring kahirapan, at makatayo kayo sa harap ko na Anak ng Tao nang hindi napapahiya.”

37 Araw-araw, nagtuturo si Jesus sa templo. Pagsapit ng gabi, pumupunta siya sa Bundok ng mga Olibo para magpalipas ng gabi. 38 At maagang pumupunta ang mga tao sa templo upang makinig sa kanya.

Ang Planong Pagpatay kay Jesus(B)

22 Nalalapit na noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paglampas ng Anghel.[c] Ang mga namamahalang pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang maipapatay si Jesus ng hindi magkakagulo, dahil natatakot sila sa mga tao.

Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(C)

Pumasok si Satanas kay Judas na tinatawag na Iscariote. Isa siya sa 12 tagasunod ni Jesus. Pumunta siya sa mga namamahalang pari at mga opisyal ng mga guwardya sa templo, at pinag-usapan nila kung paano niya maibibigay sa kanila si Jesus. Natuwa sila at nakipagkasundo kay Judas na bayaran siya. Pumayag naman si Judas sa kasunduan, at mula noon, humanap siya ng pagkakataon upang maibigay sa kanila si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao.

Paghahanda ng Hapunan para sa Pista(D)

Dumating ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. At sa araw na ito, kailangang maghandog ang mga Judio ng tupa na kakainin nila sa Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Ihanda ninyo ang hapunan natin para sa Pista ng Paglampas ng Anghel.” Nagtanong sila, “Saan nʼyo po kami gustong maghanda?” 10 Sumagot si Jesus, “Pagpasok ninyo sa lungsod ng Jerusalem, sasalubungin kayo ng isang lalaking may pasan na banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na papasukan niya, 11 at sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong ng Guro kung saan ang kwartong kakainan niya ng hapunan na kasama ang mga tagasunod niya upang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel.’ 12 Isasama niya kayo sa itaas at ituturo sa inyo ang isang malaking kwarto na kumpleto ang kagamitan. Doon kayo maghanda ng hapunan natin.” 13 Lumakad sila at nakita nga nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.

Salmo 90-91

Ang Dios at ang Tao

90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
    at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
    Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
    Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
    kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
    matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
    Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
    Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
    Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Ang Dios ang Ating Tagapagtanggol

91 Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya.
Masasabi niya[a] sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol.
    Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”
Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot.
Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak.
    Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.
5-6 Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot,
    o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw.
Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo.
Makikita mo kung paano pinaparusahan ang mga taong masama.
Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol,
10 walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11 Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.
12 Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato.[b]
13 Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
14 Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.
15 Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya;
    sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya.
    Ililigtas ko siya at pararangalan.
16 Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”

Kawikaan 13:24-25

24 Ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina ng kanyang anak. Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak itutuwid mo ang kanyang ugali.
25 Ang taong matuwid ay makakakain ng sapat, ngunit ang masasama ay magugutom.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®