Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 7:1-8:17

Tinalo ni Gideon ang mga Midianita

Nang araw na iyon, maagang gumising si Jerubaal (na siya ring tawag kay Gideon) kasama ng mga tauhan niya. Nagkampo sila sa may bukal ng Harod. Nagkampo ang mga Midianita sa hilaga nila sa lambak malapit sa Bundok ng Moreh. Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami mong kasama. Baka isipin nila na natalo nila ang mga Midianita dahil sa sarili nilang kakayahan at hindi dahil sa akin. Kaya sabihan mo sila na kung sino man ang natatakot ay maaari nang umalis dito sa Bundok ng Gilead at umuwi na.” Nang sinabi ito ni Gideon, umuwi ang 22,000, at 10,000 na lang ang natira.

Pero sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Marami pa rin ang naiwan. Dalhin mo sila sa ilog at susubukin ko sila. Kung sino ang sasabihin kong makakasama ay isama mo, at ang sasabihin ko na huwag isama ay huwag mong isama.”

Kaya dinala sila ni Gideon sa ilog. At dooʼy sinabi ng Panginoon, “Ibukod ang lahat ng umiinom ng tubig sa kanilang kamay na parang umiinom na aso, at ibukod din ang umiinom nang nakaluhod.” May 300 tao ang uminom sa kanilang mga kamay, at ang iba naman ay uminom na nakaluhod. Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng 300 taong ito ay ililigtas ko kayo at pagtatagumpayin sa mga Midianita. Ang mga natirang tao ay pauwiin na sa kani-kanilang lugar.” Kaya pinauwi nga sila ni Gideon matapos ipaiwan ang mga dala nilang baon at mga trumpeta; pinaiwan din niya ang 300 taong napili.

Ang kampo ng mga Midianita ay nasa ibaba lang ng bundok, kung saan sa itaas nito ay naroon sila Gideon. Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Maghanda ka na! Lusubin nʼyo na ang kampo ng mga Midianita, dahil ipapatalo ko sila sa inyo. 10 Kung natatakot kang lumusob, isama mo ang lingkod mong si Pura at pumunta kayo sa kampo ng mga Midianita, 11 at pakinggan nʼyo kung ano ang sinasabi nila. Tiyak na lalakas ang loob mong lumusob dahil sa maririnig mo.” Kaya pumunta silang dalawa sa hangganan ng kampo ng mga Midianita, kung saan may mga sundalong nagbabantay. 12 Nagkampo sa lambak ang mga Midianita, Amalekita at ang iba pang mga tao sa silangan na parang kasindami ng balang. Ang mga kamelyo nila ay parang buhangin sa dagat na hindi mabilang.

13 Nang naroon na sina Gideon, may narinig silang dalawang tao na nag-uusap. Sinabi ng isa, “Nanaginip ako na may isang pirasong tinapay na sebada na gumulong papunta sa kampo natin at tumama ito nang malakas sa isang tolda. Pagkatapos, natumba ang tolda at nawasak.” 14 Sumagot ang isa, “Ang panaginip moʼy walang iba kundi ang espada ni Gideon, ang Israelitang anak ni Joash. Pagtatagumpayin siya ng Dios laban sa mga Midianita at sa ating lahat.”

15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, nagpuri siya sa Panginoon. At bumalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi niya sa kanyang mga kasamahan, “Magsipaghanda kayo dahil pagtatagumpayin tayo ng Panginoon laban sa mga Midianita.” 16 Hinati niya sa tatlong grupo ang 300 niyang tauhan, at binigyan ang bawat isa ng trumpeta at mga banga na may ilaw sa loob nito. 17 At sinabi niya sa kanila, “Sundan nʼyo ako ng tingin. Kapag naroon na kami sa dulo ng kampo ng kalaban, gawin nʼyo kung ano ang gagawin ko. 18 Kapag pinatunog ko at ng mga kasama ko ang mga trumpeta namin, ganoon din ang gawin nʼyo sa palibot ng kampo, at isigaw nʼyo nang malakas, ‘Para sa Panginoon at kay Gideon!’ ”

19 Maghahatinggabi na nang dumating si Gideon at ang 100 niyang kasama sa hangganan ng kampo ng kalaban, kapapalit lang ng guwardya noon. Pinatunog nina Gideon ang mga trumpeta nila at pinagbabasag ang kanilang mga banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng ibang grupo. At habang hawak nila ang ilaw sa kaliwang kamay at ang trumpeta sa kanang kamay, sumisigaw sila, “Lumaban tayo gamit ang ating espada para sa Panginoon at kay Gideon.” 21 Ang bawat isa ay pumwesto sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, pero ang mga kalaban nila ay nagsisisigaw na nagsitakas. 22 Habang tumutunog ang trumpeta ng 300 Israelita, pinaglaban-laban ng Panginoon ang mga Midianita sa loob ng kampo. Ang iba ay tumakas papunta sa Bet Shita malapit sa Zerera hanggang sa Abel Mehola malapit sa Tabat.

23 Ipinatawag ni Gideon ang mga Israelita mula sa lahi nina Naftali, Asher at sa buong lahi ni Manase, at ipinahabol sa kanila ang mga Midianita. 24 Nagsugo rin si Gideon ng mga mensahero para sabihin sa mga naninirahan sa kabundukan ng Efraim na magbantay sila sa Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara para hindi makatawid ang mga Midianita roon. Sinunod ito ng lahat ng lalaki sa Efraim, at binantayan nila ang Ilog ng Jordan hanggang sa sapa ng Bet Bara. 25 Nabihag nila ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa bato na tinawag na Bato ni Oreb, at si Zeeb ay pinatay nila sa pisaan ng ubas na tinawag na Pisaan ng Ubas ni Zeeb. Patuloy nilang hinabol ang mga Midianita. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ni Oreb at ni Zeeb kay Gideon na naroon sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Pinatay ni Gideon sina Zeba at Zalmuna

Ngayon, tinanong ng mga taga-Efraim si Gideon, “Bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Midianita?” Nakipagtalo sila nang matindi kay Gideon. Pero sumagot si Gideon sa kanila, “Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara sa nagawa ninyo. Kahit ang maliit na ginawa nʼyo ay higit pa kung ikukumpara sa lahat ng nagawa ng pamilya namin. Hinayaan ng Dios na matalo nʼyo ang dalawang pinuno ng mga Midianita na sina Oreb at Zeeb. Ano ba ang nagawa ko kung ikukumpara roon?” Nang masabi ito ni Gideon, huminahon na sila.

Pagkatapos, tumawid si Gideon at ang 300 tauhan niya sa Ilog ng Jordan. Kahit pagod na pagod na, patuloy pa rin nilang hinabol ang mga kalaban nila. Nang makarating sila sa Sucot, humiling si Gideon sa mga taga-roon. Sinabi niya, “Pahingi po ng pagkain. Pagod na pagod at gutom na gutom na kami, hahabulin pa namin ang dalawang hari ng Midian na sina Zeba at Zalmuna.” Pero sumagot ang mga opisyal ng Sucot, “Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.” Sinabi ni Gideon, “Kung ganoon, kapag ibinigay na sa amin ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna, paghahahampasin ko ang katawan nʼyo ng matitinik na sanga!”

Mula roon, umahon sina Gideon sa Penuel[a] at ganoon din ang hiniling niya sa mga taga-roon, pero ang sagot nila ay katulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi ni Gideon sa kanila, “Pagkatapos naming manalo sa mga kalaban namin, babalik kami rito at gigibain ko ang tore ninyo.”

10 Ngayon, sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor kasama ang 15,000 nilang sundalo na natira. Mga 120,000 na ang namatay sa kanila. 11 Nagpatuloy sina Gideon sa paghabol. Dumaan sila Gideon sa lugar ng mga taong nakatira sa tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha. Saka nila biglang sinalakay ang mga Midianita. 12 Tumakas sina Zeba at Zalmuna, pero hinabol sila ni Gideon at nadakip, kaya nataranta ang lahat ng sundalo nila.

13 Nang umuwi na sina Gideon mula sa labanan, doon sila dumaan sa Paahong Daan ng Heres. 14 Nakahuli sila ng isang kabataang lalaki na taga-Sucot, at tinanong nila kung sinu-sino ang mga opisyal ng Sucot. At isinulat ng kabataang lalaki ang pangalan ng 77 opisyal na tagapamahala ng Sucot. 15 Pagkatapos, pinuntahan nina Gideon ang mga taga-Sucot at sinabi, “Natatandaan pa ba ninyo ang inyong pang-iinsulto sa akin? Sinabi ninyo, ‘Hulihin muna ninyo sina Zeba at Zalmuna at saka namin kayo bibigyan ng pagkain.’ Ngayon, heto na sina Zeba at Zalmuna!” 16 Kinuha ni Gideon ang mga tagapamahala ng Sucot at tinuruan sila ng leksyon sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng matitinik na sanga. 17 Giniba rin niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga lalaki roon.

Lucas 23:13-43

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(A)

13 Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, 14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. 15 Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” 17 [Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.] 18 Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” 19 (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.) 20 Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus. 21 Pero patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!” 23 Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. 24 Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. 25 At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Pero ibinigay niya si Jesus sa kanila para gawin ang gusto nila.

Ipinako sa Krus si Jesus(B)

26 Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus.

27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. 28 Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. 29 Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ 30 Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’[a] 31 Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan,[b] ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?”[c]

32 Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. 34 [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus. 35 Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!” 36 Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, 37 at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” 38 May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.”

39 Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” 40 Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. 41 Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” 42 Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” 43 Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”

Salmo 97-98

Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari!
    Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
    at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
    Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
    at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
    Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
Panginoon, narinig ng mga taga-Zion[a] at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
    kaya tuwang-tuwa sila.
Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
    Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
    Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
    at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
    at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
    Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

Kawikaan 14:7-8

Iwasan mo ang mga hangal dahil wala kang mabuting matututunan sa kanila.
Ang karunungan ng taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ang nagbibigay sa kanya ng kaalaman kung ano ang kanyang gagawin, ngunit ang kahangalan ng taong hangal ang magliligaw sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®