Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 11-12

Si Jefta

11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang magiting na sundalo. Si Gilead ang kanyang ama at ang kanyang ina ay isang babaeng bayaran. May mga anak si Gilead sa asawa niya. At nang lumaki sila, pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin sa aming ama, dahil anak ka sa ibang babae.” Kaya lumayo si Jefta sa kanila at tumira sa Tob, kung saan sumama sa kanya ang isang grupo ng mga taong palaboy-laboy.

Nang panahong iyon, naglaban ang mga Ammonita at mga Israelita. Dahil dito, pinuntahan ng mga tagapamahala ng Gilead si Jefta roon sa Tob. Sinabi nila, “Pamunuan mo kami sa pakikipaglaban namin sa mga Ammonita.” Pero sumagot si Jefta, “Hindi baʼt napopoot kayo sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Ngayon na nasa kagipitan kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin?” Pero sinabi nila, “Kailangan ka namin. Sige na, sumama ka sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita at ikaw ang magiging pinuno sa Gilead.” Sumagot si Jefta, “Kung sasama ako sa labanan at pagtagumpayin ako ng Panginoon, ako ba talaga ang gagawin nʼyong pinuno?” 10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno. Ang Panginoon ang saksi namin.”

11 Kaya sumama si Jefta sa kanila at ginawa siyang pinuno at kumander ng mga taga-Gilead. At doon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon, sinabi ni Jefta ang mga pangako niya bilang pinuno.

12 Nagsugo si Jefta ng mga mensahero para itanong sa hari ng mga Ammonita kung bakit nilulusob nila ang Israel. 13 Ito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga mensahero ni Jefta: “Nang dumating ang mga Israelita mula sa Egipto, sinakop nila ang mga lupain namin mula sa Arnon hanggang sa Jabok, papunta sa Ilog ng Jordan. Kaya ngayon, ibalik nʼyo ito sa amin nang maayos.”

14 Pinabalik ni Jefta ang mga mensahero sa hari ng mga Ammonita 15 para sabihin, “Hindi namin sinakop ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, dumaan sila sa ilang papunta sa Dagat na Pula hanggang nakarating sila sa Kadesh.

17 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa hari ng Edom para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito, pero hindi sila pinayagan. Ganito rin ang ginawa ng hari ng Moab sa kanila. Kaya nagpaiwan na lang sila sa Kadesh.

18 “Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa ilang. Dumaan sila paikot ng Edom at Moab hanggang nakarating sila sa silangan ng Moab sa kabila ng Arnon. Doon sila nagkampo, pero hindi sila tumawid sa Arnon dahil hangganan iyon ng Moab.

19 “Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo (na naghari sa Heshbon) para hilinging payagan silang dumaan sa lupain ng mga ito para makarating sila sa lugar nila. 20 Pero hindi nagtiwala si Sihon sa kanila. Sa halip, tinipon niya ang mga sundalo niya sa Jahaz at nilusob ang mga Israelita. 21 Pero ipinatalo sila ng Panginoon, ang Dios ng Israel, sa mga Israelita. Kaya sinakop ng mga Israelita ang lahat ng lupain ng mga Amoreo na nakatira sa lugar na iyon: 22 mula sa Arnon hanggang sa Jabok, at mula sa ilang hanggang sa Ilog ng Jordan.

23 “Ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ang siyang nagtaboy sa mga Amoreo at nagbigay ng kanilang lupain sa mga Israelita. At ngayon gusto nʼyo itong kunin? 24 Angkinin nʼyo ang ibinigay sa inyo ni Kemosh na inyong dios. At aangkinin din namin ang ibinigay sa amin ng Panginoon naming Dios. 25 Ano, mas magaling ka pa ba kay Balak na anak ni Haring Zipor ng Moab? Hindi ba, hindi nga sila nakipag-away sa Israel tungkol sa lupain o nakipaglaban sa kanila? 26 May 300 taon nang nakatira ang mga Israelita sa Heshbon, Aroer at sa mga bayan sa paligid nito, at pati sa mga bayan sa tabi ng Arnon. Bakit hindi nʼyo ito binawi noon pa? 27 Wala kaming masamang ginawa sa inyo, pero masasama ang ginagawa nʼyo sa amin dahil gusto nʼyong makipaglaban sa amin. Ang Panginoon na sana ang humatol sa atin kung sino ang tama.”

28 Pero hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita ang mensahe ni Jefta.

29 At pinagharian si Jefta ng Espiritu ng Panginoon. Pumunta siya sa Gilead at sa Manase para tipunin ang mga sundalo. Pagkatapos, bumalik siya sa Mizpa na sakop ng Gilead. At mula roon, nilusob niya ang mga Ammonita. 30 Nangako si Jefta sa Panginoon. Sinabi niya, “Kung ipagkakaloob nʼyo pong matalo ko ang mga Ammonita, 31 iaalay ko po sa inyo bilang handog na sinusunog ang unang lalabas sa pintuan ng aking bahay para salubungin ako sa aking pagbabalik mula sa labanan.”

32 Nakipaglaban si Jefta sa mga Ammonita, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 33 Natalo nila ang mga Ammonita, at napakarami nilang pinatay. Sinakop nila ang 20 bayan mula sa Aroer papunta sa paligid ng Minit hanggang sa Abel Keramim.

Ang Anak ni Jefta

34 Nang umuwi si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw habang tumutugtog ng tamburin. Siya ang nag-iisang anak ni Jefta. 35 Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit dahil sa kalungkutan, at sinabi, “Anak ko, pinalungkot mo ako dahil nangako ako sa Panginoon na ihahandog ko sa kanya ang unang sasalubong sa akin, at hindi ko na ito mababawi.”

36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Ama, nangako po kayo sa Panginoon, kaya tuparin nʼyo po iyon, dahil pinagtagumpay kayo ng Panginoon sa mga kalaban nʼyong mga Ammonita. 37 Pero may isang bagay lang akong hihilingin sa inyo: payagan nʼyo po akong mag-ikot-ikot ng dalawang buwan sa bundok para makapaghinagpis kasama ng mga kaibigan ko, dahil mamamatay na ako at hindi na makakapag-asawa.” 38 Pinayagan siya ni Jefta. Kaya sa loob ng dalawang buwan, nag-ikot siya sa bundok kasama ng mga kaibigan niya para maghinagpis, dahil mamamatay na siya at hindi na makakapag-asawa. 39 Pagkalipas ng dalawang buwan, bumalik siya sa kanyang ama. At tinupad ni Jefta ang panata niya sa Panginoon, at namatay ang kanyang anak na isang birhen. Dito nagmula ang kaugalian ng Israel 40 na sa bawat taon, nagpabalik-balik ang mga dalaga sa bundok ng Israel at naghihinagpis sa loob ng apat na araw bilang pag-alaala sa anak na babae ni Jefta na taga-Gilead.

Si Jefta at ang Lahi ni Efraim

12 Nagtipon ang mga sundalo ng Efraim, at tumawid sila sa Ilog ng Jordan, at pumunta sa Zafon para harapin si Jefta. Nagtanong sila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag nang makipaglaban kayo sa mga Ammonita? Dahil sa ginawa mong ito, susunugin namin ang bahay mo na nandoon ka sa loob.” Pero sinabi ni Jefta sa kanila, “Nang nakipaglaban kami sa mga Ammonita, humingi kami ng tulong sa inyo. Pero hindi nʼyo kami tinulungan. Nang malaman kong hindi kayo tutulong, itinaya ko ang buhay ko sa labanan. At pinagtagumpay ako ng Panginoon. Ngayon, bakit ba gusto nʼyong makipaglaban sa akin?”

Sumagot ang mga taga-Efraim, “Kayong mga taga-Gilead ay mga sampid lamang sa angkan ng Efraim at Manase.” Kaya tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead at nakipaglaban sila sa mga taga-Efraim at nalupig nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga lugar sa Ilog ng Jordan na tinatawiran papunta sa Efraim, para walang taga-Efraim na makatakas. Ang kahit sinong tatawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim ba sila o hindi. Kung sasagot sila ng, “Hindi,” pinagsasalita nila ito ng “Shibolet”, dahil ang mga taga-Efraim ay hindi makabigkas nito. Kung ang pagkakasabi naman ay “Sibolet”, papatayin sila sa may tawiran ng Ilog ng Jordan. May 42,000 taga-Efraim ang namatay nang panahong iyon.

Pinamunuan ni Jefta ang Israel sa loob ng anim na taon. Nang mamatay siya, inilibing siya sa isang bayan sa Gilead.

Si Ibzan, si Elon, at si Abdon

Pagkamatay ni Jefta, si Ibzan na taga-Betlehem ang pumalit sa kanya bilang pinuno ng Israel. Si Ibzan ay may 60 anak: 30 lalaki at 30 babae. Pinapag-asawa niya ang mga anak niyang babae sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan. Namuno siya sa Israel sa loob ng pitong taon. 10 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Betlehem.

11 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Elon na taga-Zebulun. Pinamunuan niya ang Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang mamatay siya, inilibing siya sa Ayalon na sakop ng Zebulun.

13 Ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay si Abdon na anak ni Hilel na taga-Piraton. 14 May 40 siyang anak na lalaki at 30 apo na lalaki, at ang bawat isa sa kanilaʼy may asnong sinasakyan. Siya ang namuno sa Israel sa loob ng walong taon. 15 Pagkamatay niya, inilibing siya sa Piraton, sa kabundukan ng Efraim, na sakop ng mga Amalekita.

Juan 1:1-28

Ang Salitang Nakapagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan

Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios. Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao. Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman,[a] at hindi ito nadaig ng kadiliman.[b]

Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan. Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw. Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo. 10 Naparito siya sa mundo. At kahit na nilikha ang mundo sa pamamagitan niya, hindi siya kinilala ng mundo. 11 Pumunta siya sa sarili niyang mga kababayan, pero tinanggihan siya ng karamihan. 12 Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Dios. 13 Naging anak sila ng Dios hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao kundi dahil sa kalooban ng Dios.

14 Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ ”

16 Sa kasaganaan ng kanyang biyaya[c] ay tumanggap tayong lahat ng sunud-sunod na pagpapala. 17 Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Wala pang nakakita sa Dios Ama kahit kailan, ngunit ipinakilala siya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak,[d] na Dios din nga at kapiling ng Ama.[e]

Ang Patotoo ni Juan tungkol kay Jesus(A)

19-20 Pinapunta ng mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ang ilang mga pari at Levita upang tanungin si Juan kung sino talaga siya. Tinapat sila ni Juan. Sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 Nagtanong sila, “Kung ganoon, sino ka? Ikaw ba si Propeta Elias?” Sumagot siya, “Hindi.” Tinanong pa nila si Juan, “Ikaw ba ang Propeta na ipinangakong darating?” “Hindi rin,” sagot ni Juan. 22 “Kung ganoon, sino ka talaga? Sabihin mo sa amin para may maisagot kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 Sumagot si Juan, “Ako ang taong binanggit ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

    ‘Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang na nagsasabi,
    Tuwirin ninyo ang dadaanan ng Panginoon.’ ”[f]

24 Ang mga nagsugo sa mga taong pumunta kay Juan ay mga Pariseo.[g] 25 Tinanong nila ulit si Juan, “Bakit ka nagbabautismo kung hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” 26 Sumagot si Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang sinasabi kong darating na kasunod ko, at ni hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.”[h]

28 Nangyari ito sa Betania, sa kabila ng Ilog ng Jordan, kung saan nagbabautismo si Juan.

Salmo 101

Ang Pangako ng Hari

101 Panginoon, aawit ako ng tungkol sa inyong pag-ibig at katarungan.
    Aawit ako ng mga papuri sa inyo.
Mamumuhay ako nang walang kapintasan.
    Kailan nʼyo ako lalapitan?
    Mamumuhay ako nang matuwid sa aking tahanan,[a]
at hindi ko hahayaan ang kasamaan.
    Namumuhi ako sa mga ginagawa ng mga taong tumatalikod sa Dios,
    at hindi ko gagawin ang kanilang ginagawa.
Lalayo ako sa mga taong baluktot ang pag-iisip;
    hindi ako sasali sa kanilang ginagawang kasamaan.
Sinumang lihim na naninira sa kanyang kapwa ay aking wawasakin.
    Ang mga hambog at mapagmataas ay hindi ko palalagpasin.
Ipapadama ko ang aking kabutihan sa aking mga kababayan na tapat sa Dios at namumuhay nang matuwid;
    silaʼy magiging kasama ko at papayagan kong maglingkod sa akin.
Ang mga mandaraya at mga sinungaling ay hindi ko papayagang tumahan sa aking palasyo.
Bawat araw ay lilipulin ko ang mga taong masama;
    mawawala sila sa bayan ng Panginoon.

Kawikaan 14:13-14

13 Maaaring maitago ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagtawa, ngunit pagkatapos ng kasiyahan nariyan pa rin ang kalungkutan.
14 Ang tao ay tatanggap ng nararapat sa kanya kung ano ang ginawa niya, mabuti man o masama.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®