The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
15 Nguni't nangyari pagkatapos ng sangdaling panahon, sa panahon ng pagaani ng trigo, na dumalaw si Samson na may dalang isang anak ng kambing sa kaniyang asawa; at kaniyang sinabi, Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid. Nguni't ayaw papasukin siya ng kaniyang biyanang lalake.
2 At sinabi ng kaniyang biyanang lalake, Aking tunay na inisip na iyong lubos na kinapootan siya; kaya't aking ibinigay siya sa iyong kasama: di ba ang kaniyang kapatid na bata ay maganda kay sa kaniya? Isinasamo ko sa iyo na kunin mong kahalili niya.
3 At sinabi ni Samson sa kanila, Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.
4 At yumaon si Samson at humuli ng tatlong daang zorra at kumuha ng mga sigsig at pinag-kabitkabit ang mga buntot, at nilagyan ng isang sigsig sa gitna ng pagitan ng bawa't dalawang buntot.
5 At nang kaniyang masulsulan ang mga sigsig, ay kaniyang binitiwan sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at sinunog kapuwa ang mga mangdala at ang nakatayong trigo, at gayon din ang mga olibohan.
6 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, Sinong gumawa nito? At kanilang sinabi, Si Samson na manugang ni Timnateo, sapagka't kaniyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kaniyang kasama. At sumampa ang mga Filisteo, at sinunog ang babae at ang kaniyang ama.
7 At sinabi ni Samson sa kanila, Kung ginawa ninyo ang ganito ay walang pagsalang aking igaganti sa inyo; at pagkatapos ay magtitigil ako.
8 At sinaktan niya sila, sa hita at sasapnan ng di kawasang pagpatay: at siya'y bumaba at tumahan sa isang guwang ng bato ng Etam.
9 Nang magkagayo'y nagsisampa ang mga Filisteo, at humantong sa Juda, at nagsikalat sa Lehi.
10 At sinabi ng mga lalake sa Juda, Bakit kayo nagsisampa laban sa amin? At kanilang sinabi, Upang gapusin si Samson kung kaya't kami ay nagsisampa upang gawin sa kaniya ang gaya ng ginawa niya sa amin.
11 Nang magkagayo'y ang tatlong libong lalake sa Juda ay nagsilusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, Hindi mo ba nalalaman na ang mga Filisteo ay nagpupuno sa atin? ano nga itong ginawa mo sa amin? At sinabi niya sa kanila, Kung paano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.
12 At sinabi nila sa kaniya, Kami ay nagsilusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo. At sinabi ni Samson sa kanila, Sumumpa kayo sa akin, na hindi kayo ang dadaluhong sa akin.
13 At sinalita nila sa kaniya, Hindi kundi gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay: nguni't tunay na hindi ka namin papatayin. At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid, at iniahon mula sa bato.
14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay naghihiyawan samantalang sinasalubong nila siya: at ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang sumakaniya, at ang mga lubid na nasa kaniyang mga bisig ay naging parang lino na nasupok sa apoy, at ang kaniyang mga tali ay nalaglag sa kaniyang mga kamay.
15 At siya'y nakasumpong ng isang bagong panga ng asno, at iniunat ang kaniyang kamay, at kinuha, at ipinanakit sa isang libong lalake.
16 At sinabi ni Samson, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntonbunton, Sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay nanakit ako ng isang libong lalake.
17 At nangyari, pagkatapos niyang makapagsalita, na kaniyang inihagis ang panga na nasa kaniyang kamay, at ang dakong yao'y tinawag na Ramath-lehi.
18 At siya'y nauhaw na mainam at tumawag sa Panginoon, at sinabi, Iyong ibinigay itong dakilang kaligtasan sa kamay ng iyong lingkod: at ngayo'y mamamatay ako dahil sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli.
19 Nguni't binuksan ng Dios ang isang guwang na nasa Lehi, at nilabasan ng tubig yaon; at nang siya'y makainom, ang kaniyang diwa ay nanumbalik, at siya'y nabuhay: kaya't ang pangalan niyaon ay tinawag na En-haccore, na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20 At siya'y naghukom sa Israel sa mga kaarawan ng mga Filisteo, ng dalawang pung taon.
16 At naparoon si Samson sa Gaza, at nakakita roon ng isang patutot at sinipingan.
2 At ibinalita sa mga taga Gaza na sinasabi, Si Samson ay naparito. At kanilang kinulong siya, at binakayan siya buong gabi sa pintuang-bayan, at tahimik buong gabi, na sinasabi, Maghintay tayo hanggang magbukang liwayway, saka natin patayin siya.
3 At si Samson ay humiga hanggang hating gabi, at bumangon sa hating gabi at humawak sa mga pinto ng pintuang-bayan, at sa dalawang haligi, at kapuwa binunot, pati ng sikang, at pinasan sa kaniyang mga balikat, at isinampa sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.
4 At nangyari pagkatapos, na siya'y suminta sa isang babae sa libis ng Sorec, na ang pangala'y Dalila.
5 At inahon ng mga pangulo ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kaniya: Dayain mo siya, at tingnan mo kung saan naroon ang kaniyang dakilang kalakasan, at sa anong paraan mananaig kami laban sa kaniya upang aming matalian at mapighati siya: at bibigyan ka ng bawa't isa sa amin ng isang libo't isang daang putol na pilak.
6 At sinabi ni Dalila kay Samson, Saysayin mo sa akin, isinasamo ko sa iyo, kung saan naroon ang iyong dakilang kalakasan, at kung paanong matatalian ka upang pighatiin ka.
7 At sinabi ni Samson sa kaniya, Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na kailan man ay hindi natuyo, ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng alinmang tao.
8 Nang magkagayo'y nagdala ang mga pangulo ng mga Filisteo sa kaniya ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinagtali niya sa kaniya.
9 Ngayo'y may mga bakay na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At kaniyang pinatid ang mga yantok, na tulad sa taling estopa pagka nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi naalaman ang kaniyang lakas.
10 At sinabi ni Dalila kay Samson, Narito, pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: isinasamo ko ngayon sa iyo na saysayin mo sa akin kung paano matatalian ka.
11 At sinabi niya sa kaniya, Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit, ay hihina nga ako at magiging gaya ng alinmang tao.
12 Sa gayo'y kumuha si Dalila ng mga bagong lubid, at itinali sa kaniya, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At ang mga bakay ay nangasa silid sa loob. At pawang pinatid niya sa kaniyang mga bisig na parang sinulid.
13 At sinabi ni Dalila kay Samson, Hanggang dito'y pinaglaruan mo ako, at pinagbulaanan mo ako: saysayin mo sa akin kung paanong matatalian ka. At sinabi niya sa kaniya, Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo.
14 At kaniyang pinagtibay ng tulos, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at binunot ang tulos ng panghabi, at ang hinabi.
15 At sinabi niya sa kaniya, Bakit nasasabi mo, na iniibig kita, sa bagay ang iyong puso ay hindi sumasaakin? pinaglaruan mo akong makaitlo, at hindi mo isinaysay sa akin kung saan nagpapahinga ang iyong dakilang kalakasan.
16 At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay.
17 At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako'y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako'y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao.
18 At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka't sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo'y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay.
19 At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala.
20 At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako'y lalabas na gaya ng dati, at ako'y magpupumiglas. Nguni't hindi niya talos na ang Panginoo'y humiwalay sa kaniya.
21 At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya'y gumiling sa bilangguan.
22 Gayon ma'y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya'y maahitan.
23 At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay.
24 At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin.
25 At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi:
26 At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan.
27 Ang bahay nga ay puno ng mga lalake at babae, at ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo ay nandoon; at sa bubungan ay may tatlong libong lalake at babae, na nanonood samantalang pinaglalaruan si Samson.
28 At tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, Oh Dios, upang maiganti kong paminsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.
29 At si Samson ay pumigil sa dalawang gitnang haligi na pumipigil ng bahay, at isinuhay sa mga yaon, ang isa sa kaniyang kanang kamay, at ang isa'y sa kaniyang kaliwa.
30 At sinabi ni Samson, Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo, At iniubos niya ang kaniyang buong lakas; at ang bahay ay bumagsak sa mga pangulo, at sa buong bayan na nandoon sa loob. Sa gayo'y ang nangamatay na kaniyang pinatay sa kaniyang kamatayan ay higit kay sa pinatay niya sa kaniyang kabuhayan.
31 Nang magkagayo'y lumusong ang kaniyang mga kapatid at ang buong sangbahayan ng kaniyang ama, at kinuha siya, at iniahon siya, at inilibing siya sa pagitan ng Sora at Esthaol sa libingan ni Manoa na kaniyang ama. At siya'y naghukom sa Israel na dalawang pung taon.
2 At nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea; at naroon ang ina ni Jesus:
2 At inanyayahan din naman si Jesus, at ang kaniyang mga alagad, sa kasalan.
3 At nang magkulang ng alak, ang ina ni Jesus ay nagsabi sa kaniya, Wala silang alak.
4 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating.
5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga alila, Gawin ninyo ang anomang sa inyo'y kaniyang sabihin.
6 Mayroon nga roong anim na tapayang bato na nalalagay alinsunod sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio, na naglalaman ang bawa't isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.
7 Sinabi sa kanila ni Jesus, Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. At kanilang pinuno hanggang sa labi.
8 At sinabi niya sa kanila, Kunin ninyo ngayon, at inyong iharap sa pangulo ng kapistahan. At kanilang iniharap.
9 At nang matikman ng pangulo ng kapistahan ang tubig na naging alak nga, at hindi niya nalalaman kung saan buhat (datapuwa't nalalaman ng mga alila na nagsikuha ng tubig), ay tinawag ng pangulo ng kapistahan ang kasintahang lalake,
10 At sinabi sa kaniya, Ang bawa't tao ay unang inilalagay ang mabuting alak; at kung mangakainom nang mabuti ang mga tao, ay saka inilalagay ang pinakamasama: itinira mo ang mabuting alak hanggang ngayon.
11 Ang pasimulang ito ng kaniyang mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea, at inihayag ang kaniyang kaluwalhatian; at nagsisampalataya sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
12 Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Capernaum, siya, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangatira roong hindi maraming araw.
13 At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem.
14 At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo:
15 At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang;
16 At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.
17 Napagalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, Kakanin ako ng sikap sa iyong bahay.
18 Ang mga Judio nga'y nagsisagot at sa kaniya'y sinabi, Anong tanda ang maipakikita mo sa amin, yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?
19 Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Igiba ninyo ang templong ito, at aking itatayo sa tatlong araw.
20 Sinabi nga ng mga Judio, Apat na pu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo sa tatlong araw?
21 Datapuwa't sinasalita niya ang tungkol sa templo ng kaniyang katawan.
22 Nang magbangon na maguli nga siya sa mga patay, ay naalaala ng kaniyang mga alagad na sinalita niya ito; at nagsisampalataya sila sa kasulatan, at sa salitang sinabi ni Jesus.
23 Nang siya nga'y nasa Jerusalem nang paskua, sa loob ng panahon ng kapistahan, ay marami ang mga nagsisampalataya sa kaniyang pangalan, pagkakita ng kaniyang mga tandang ginawa.
24 Datapuwa't si Jesus sa kaniyang sarili ay hindi rin nagkatiwala sa kanila, sapagka't nakikilala niya ang lahat ng mga tao,
25 Sapagka't hindi niya kinakailangan na ang sinoman ay magpatotoo tungkol sa tao; sapagka't nalalaman nga niya ang isinasaloob ng tao.
103 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
3 Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
4 Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
7 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
9 Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
10 Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
14 Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok.
15 Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya.
16 Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman.
17 Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak;
18 Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin,
19 Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita.
21 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan.
22 Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
17 Siyang nagagalit na madali ay gagawang may kamangmangan: at ang taong may masamang katha ay ipagtatanim.
18 Ang musmos ay nagmamana ng kamangmangan: nguni't ang mabait ay puputungan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti; at ang masama ay sa mga pintuang-daan ng matuwid.
Public Domain