Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Hukom 17-18

Ang mga dios-diosan ni Micas

17 May isang tao na nakatira sa kabundukan ng Efraim na ang pangalan ay Micas. 2-3 Isang araw, sinabi ni Micas sa kanyang ina, “Narinig ko pong isinumpa nʼyo ang kumuha ng inyong 1,100 pirasong pilak. Narito ang pilak, ako po ang kumuha.” Pagkatanggap nito ng kanyang ina, sinabi nito, “Anak, pagpalain ka sana ng Panginoon. Ihahandog ko itong pilak sa Panginoon para hindi dumating sa iyo ang sumpa. Gagamitin ko ito na pangtapal sa kahoy na imahen na ipapagawa ko. Ihahandog ko nga ito sa Panginoon para maligtas ka sa sumpa.” Pagkatapos, kumuha ang kanyang ina ng 200 pilak at ibinigay sa platero. Ginamit ito ng platero na pangtapal sa kahoy na imahen. Nang natapos na, inilagay ang dios-diosan sa bahay ni Micas.

May sariling sambahan si Micas at nagpagawa siya ng mga dios-diosan at espesyal na damit[a] ng pari. At ginawa niyang pari ang isa sa mga anak niyang lalaki. Nang panahong iyon, walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay malaya kung ano ang gusto niyang gawin.

May isang binatilyong Levita[b] na nakatira sa Betlehem na sakop ng Juda. Isang araw, umalis siya para maghanap ng matitirhan sa ibang lugar. Sa kanyang pag-alis, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim. Tinanong siya ni Micas, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Taga-Betlehem po ako, na sakop ng Juda, at isa po akong Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan.” 10-11 Sinabi ni Micas, “Dito ka na lang tumira kasama ko. Gagawin kitang tagapayo[c] ko at pari. At bawat taon, bibigyan kita ng sampung pirasong pilak, bukod pa sa mga damit at pagkain na ibibigay ko sa iyo.” Pumayag ang Levita sa sinabi ni Micas at itinuring siya ni Micas na isa sa kanyang mga anak. 12 Ginawa siyang pari ni Micas at doon pinatira sa kanyang bahay. 13 Sinabi ni Micas, “Ngayon, natitiyak kong pagpapalain ako ng Panginoon dahil may pari na akong Levita.”

Si Micas at ang Lahi ni Dan

18 Nang mga panahong iyon, walang hari ang Israel. At sa panahon ding iyon, ang lahi ni Dan ay naghahanap ng lugar na matitirhan nila at magiging sa kanila. Sa mga lahi ng Israel, ang lahi ni Dan ay hindi pa natatanggap ang lupaing mamanahin nila. Kaya nagsugo ang mga lahi ni Dan ng limang matatapang na lalaki sa kalahi nila para maghanap ng matitirhan nila. Ang limang lalaki ay nagmula sa mga bayan ng Zora at Estaol.

Nang umalis na sila para maghanap ng lugar, nakarating sila sa bahay ni Micas sa kabundukan ng Efraim, at doon sila natulog. Habang naroon sila, nalaman nilang hindi taga-roon ang binatilyong Levita dahil sa pagsasalita nito. Kaya tinanong nila ito, “Bakit narito ka? Sino ang nagdala sa iyo rito? At ano ang ginagawa mo rito?”

Ipinaalam niya sa kanila ang ginawa ni Micas sa kanya, sinabi niya, “Nagtatrabaho ako bilang pari ni Micas at pinapasahod niya ako.” Sumagot ang mga lalaki, “Kung ganoon, pakitanong mo naman sa Dios kung magiging matagumpay ang paglalakbay naming ito.” Sumagot ang pari, “Huwag kayong mag-alala. Sasamahan kayo ng Panginoon sa paglalakbay ninyo.”

Kaya nagpatuloy ang limang lalaki at nakarating sila sa Laish. Nakita nila na maayos ang pamumuhay ng mga tao roon tulad ng mga Sidoneo. Mapayapa ang lugar, at mabuti ang kalagayan ng mga tao. Ang lugar na ito ay malayo sa mga Sidoneo, at wala silang kakamping bansa. Nang bumalik ang limang lalaki sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Sinabi nila, “Tayo na, nakakita na kami ng pinakamabuting lugar para sa atin. Bilisan natin! Lusubin na natin ang lupaing iyon. 10 Ibinigay na iyon sa atin ng Dios. Malawak at masagana; naroon ang lahat ng kailangan natin. At isa pa, mapayapa ang lugar na iyon kaya hindi sila mag-iisip na may mangyayaring masama.”

11 Kaya mula sa Zora at Estaol, umalis ang 600 armadong lalaki mula sa lahi ni Dan para makipaglaban. 12 Nagkampo sila sa gawing kanluran ng lungsod ng Kiriat Jearim sa Juda. (Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Kampo ni Dan.) 13 Mula roon, nagpatuloy sila sa paglalakbay hanggang sa nakarating sila sa bahay ni Micas, sa kabundukan ng Efraim.

14 Pagkatapos, ang limang lalaking iyon na nagmanman sa Laish ay nagsabi sa mga kasama nila, “Alam nʼyo ba na ang isa sa mga bahay dito ay may espesyal na damit[d] ng pari, may dios-diosan na nababalutan ng pilak, at iba pang dios-diosan. Ano kaya ang dapat nating gawin?” 15 Matapos nilang magdesisyon kung ano ang gagawin, pumunta sila sa bahay ni Micas at nangumusta sa binatilyong Levita na nakatira roon. 16-17 Habang nakatayo sa pintuan ng lungsod ang pari at ang 600 armadong lalaki na kalahi ni Dan, pumasok ang limang espiya sa bahay ni Micas at kinuha ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak, at ang iba pang dios-diosan.

18 Nang makita ng pari na pinasok ng limang tao ang bahay ni Micas at kinuha ang mga gamit, nagtanong siya sa kanila, “Bakit nʼyo kinukuha iyan?” 19 Sumagot sila, “Huwag kang maingay. Sumama ka sa amin dahil gagawin ka naming pari at tagapayo. Ayaw mo bang maging pari ng isang lahi ng Israel kaysa ng isang bahay lang?” 20 Nagustuhan ng pari ang inaalok sa kanya, kaya kinuha niya ang espesyal na damit, ang imahen na nababalutan ng pilak at ang iba pang mga dios-diosan, at sumama sa kanila.

21 Habang naglalakad sila, nauna sa kanila ang kanilang mga anak, mga hayop at mga gamit. 22 Hindi pa sila nakakalayo sa bahay ni Micas ay nalaman na ni Micas ang nangyari. Kaya tinipon niya ang mga kapitbahay niya at hinabol nila ang mga kalahi ni Dan. 23 Sinigawan nila sila, at lumingon ang mga ito at nagtanong kay Micas, “Ano ba ang nangyari at hinahabol nʼyo kami?”

24 Sumagot si Micas, “Nagtatanong pa kayo? Kinuha nʼyo ang mga dios na aking ipinagawa, pati ang pari ko. Wala nang natira sa akin.” 25 Sinabi nila, “Mabuti pang tumahimik ka na lang, dahil baka magalit ang iba naming kasama at patayin ka nila pati ang pamilya mo.” 26 At nagpatuloy sila sa paglalakbay. Nakita ni Micas na hindi niya sila makakaya, kaya umuwi na lang siya.

27 Pumunta ang mga kalahi ni Dan sa Laish dala ang mga dios-diosan ni Micas pati ang pari niya. Mapayapang lugar ang Laish, at panatag ang loob ng mga mamamayan doon na walang mangyayari sa kanila. Nilusob ng mga angkan ni Dan ang Laish, pinatay ang mga tao, at sinunog ang lungsod. 28 Walang tumulong sa mga taga-Laish dahil malayo sila sa Sidon at wala silang kakamping bansa. Ang lugar na itoʼy malapit sa lambak ng Bet Rehob. Ipinatayong muli ng mga lahi ni Dan ang lungsod at tinirhan nila ito. 29 Pinalitan nila ng Dan ang pangalan nito ayon sa pangalan ng ninuno nilang si Dan, na isa sa mga anak ni Jacob.[e] 30 Ipinatayo nila roon ang dios-diosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gershom at apo ni Moises ang ginawa nilang pari. Ang mga angkan ni Jonatan ang naglingkod bilang mga pari sa lahi ni Dan hanggang sa pagkabihag sa mga taga-Israel. 31 At habang ang tolda na pinagsasambahan sa Dios ay naroon pa sa Shilo, ang dios-diosan ni Micas ay patuloy na sinasamba sa Dan.

Juan 3:1-21

Tungkol sa Muling Kapanganakan

May isang taong nagngangalang Nicodemus. Isa siya sa mga pinuno ng mga Judio at kabilang sa grupo ng mga Pariseo. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, alam naming isa kayong tagapagturo na mula sa Dios, dahil walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo, maliban kung sumasakanya ang Dios.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak na muli.”[a] Nagtanong si Nicodemus, “Paanong maipapanganak muli ang isang taong matanda na? Hindi na siya pwedeng bumalik sa tiyan ng kanyang ina upang ipanganak muli.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, hindi mapapabilang sa kaharian ng Dios ang hindi ipinanganak sa pamamagitan ng tubig at Banal na Espiritu. Ang ipinanganak sa pamamagitan ng tao ay may pisikal na buhay, ngunit ang ipinanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagkakaroon ng bagong buhay na espiritwal. Kaya huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo na kailangang ipanganak kayong muli. Ang hangin ay umiihip kung saan nito gusto. Naririnig natin ang ihip nito, ngunit hindi natin alam kung saan nanggagaling o saan pupunta. Ganoon din ang sinumang ipanganak sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.” Nagtanong si Nicodemus, “Paano pong mangyayari iyon?” 10 Sumagot si Jesus, “Isa kang tanyag na tagapagturo sa Israel, pero hindi mo ito alam? 11 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, ipinapahayag namin ang nalalaman at nasaksihan namin, ngunit hindi ninyo tinatanggap. 12 Kung hindi kayo naniniwala sa mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa kaya kayo maniniwala sa mga sasabihin ko tungkol sa mga bagay sa langit? 13 Walang sinumang nakapunta sa langit maliban sa akin na Anak ng Tao na nagmula sa langit.”

14 Sinabi pa ni Jesus, “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas na tanso sa ilang ay ganoon din naman, ako na Anak ng Tao ay dapat ding itaas,[b] 15 upang ang sinumang sumasampalataya sa akin ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

16 “Sapagkat ganito ang pag-ibig ng Dios sa mga tao sa sanlibutan: Ibinigay niya ang kanyang Bugtong[c] na Anak, upang ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Sapagkat hindi sinugo ng Dios ang kanyang Anak dito sa mundo upang hatulan ng parusa ang mga tao, kundi upang iligtas sila. 18 Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hahatulan ng kaparusahan, ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, dahil hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Dios. 19 Hinatulan sila dahil dumating ang Anak ng Dios bilang ilaw dito sa mundo, ngunit mas ginusto nilang manatili sa dilim kaysa sa lumapit sa kanya na nagbibigay-liwanag, dahil masama ang mga ginagawa nila. 20 Ang taong gumagawa ng masama ay ayaw sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, dahil ayaw niyang malantad ang kanyang mga gawa. 21 Ngunit ang namumuhay sa katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang malaman ng lahat na ang mabubuti niyang gawa ay nagawa niya sa tulong ng Dios.”

Salmo 104:1-24

Papuri sa Dios na Lumikha

104 Pupurihin ko ang Panginoon!

    Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
    Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
    At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
    Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
    at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
    at ang kidlat na inyong utusan.
Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
    kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
    at umapaw hanggang sa kabundukan.
Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
    hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
    para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
    at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
    pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.

13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
    At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
    at ang mga tanim ay para sa mga tao
    upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
    may langis na pampakinis ng mukha,
    at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
    ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
    at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
    Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.

19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
    at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
    at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
    at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.

24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
    Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
    Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.

Kawikaan 14:20-21

20 Ang mga mahirap kadalasan ay hindi kinakaibigan kahit ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mga mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang tumutulong sa dukha ay pinagpapala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®