The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
Ang Levita at ang Kanyang Asawang Alipin
19 Nang panahong iyon na wala pang hari ang Israel, may isang Levita[a] na nakatira sa malayong bahagi ng kabundukan ng Efraim. Ang Levitang ito ay nakapag-asawa ng isang alipin na taga-Betlehem sa Juda. 2 Pero ang babaeng ito ay nagtaksil sa kanyang asawa at umuwi sa bahay ng magulang niya sa Betlehem. Pagkalipas ng apat na buwan, 3 nagdesisyon ang Levita na sunduin ang asawa niya at kumbinsihing magsama silang muli. Kaya umalis siya kasama ang isa niyang utusan at dalawang asno. Pagdating niya roon, pinatuloy siya ng babae. Nang makita siya ng ama ng babae, malugod siyang tinanggap. 4 Pinilit siya ng biyenan niyang lalaki na manatili roon. Kaya nanatili siya sa loob ng tatlong araw na doon kumakain, umiinom at natutulog.
5 Nang ikaapat na araw, maaga silang bumangon para magkasamang umuwi. Pero sinabi ng ama ng babae sa manugang niya, “Kumain muna kayo bago umalis.” 6 Kaya kumain silang dalawa. Pagkatapos, sinabi ng ama ng babae, “Dito muna kayo magpalipas ng gabi dahil magsasaya tayo.” 7 Hindi sana siya papayag pero pinilit siya ng biyenang lalaki, kaya nanatili na lang sila. 8 Kinaumagahan, nakahanda na silang umalis, pero sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamayang hapon na lang kayo umalis.” Kaya kumain muna sila. 9 Nang aalis na ang Levita, ang asawa niya, at ang kanyang utusan, sinabi ng ama ng babae, “Hapon na at maya-maya ay madilim na. Mabuti pa rito na lang kayo muling matulog. Magsaya muna kayo rito at maaga na lang kayo umalis bukas.”
10-11 Pero hindi na pumayag ang Levita, sa halip, umalis siya at ang asawa niya, kasama ang utusan at ang dalawang asno. Papalubog na ang araw nang dumating sila malapit sa Jebus (na siyang Jerusalem ngayon). Kaya sinabi ng utusan ng Levita, “Mabuti po siguro na rito na lang tayo matulog sa lungsod na ito ng mga Jebuseo.” 12 Sumagot ang Levita, “Hindi maaari na dito tayo matulog sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo sa Gibea. 13 Tayo na, sikapin nating makarating sa Gibea o sa Rama, at doon tayo matutulog.” 14 Kaya nagpatuloy sila sa paglalakbay. Mag-aagaw dilim na nang dumating sila sa Gibea na sakop ng lahi ni Benjamin. 15 Pumasok sila sa lungsod at naupo sa plasa, pero walang nag-alok sa kanila ng matutulugan.
16 Nang madilim na, may isang matandang lalaki na pauwi galing sa kanyang bukirin. Ang matandang itoʼy nakatira dati sa kabundukan ng Efraim, pero ngayon ay nakatira na sa Gibea na sakop ng teritoryo ng lahi ni Benjamin.
17 Nang makita ng matanda ang manlalakbay sa plasa, nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Taga-saan kayo? At saan kayo pupunta?” 18 Sumagot ang Levita, “Galing kami sa Betlehem na sakop ng Juda at pauwi na kami sa bahay namin[b] sa kabundukan ng Efraim. Walang nag-alok sa amin na tumuloy sa bahay niya. 19 May pagkain at inumin kami ng asawa ko at ng aking utusan. Mayroon kaming dayami at pagkain para sa mga asno namin. Kaya wala na kaming kailangan pa.” 20 Sinabi ng matanda, “Huwag kayong matulog dito sa plasa; doon na lang kayo sa aking bahay. Handa akong magbigay ng kahit anong kakailanganin ninyo.” 21 Kaya sumama sila sa matanda. Pagdating nila, pinakain ng matanda ang mga asno nila. Pagkatapos nilang maghugas ng paa, kumain sila at uminom.
22 Habang nagkakasayahan sila, biglang pinaligiran ng masasamang tao ang bahay, at kinalabog ang pintuan. Sinisigawan nila ang matandang may-ari ng bahay, “Palabasin mo ang bisita mong lalaki para makipagtalik kami sa kanya.” 23 Sumagot ang matanda, “Bisita ko siya, kaya huwag nʼyo siyang gawan ng marumi at kahiya-hiyang bagay. 24 Kung gusto nʼyo, ang anak kong dalaga na lang at ang asawa ng lalaking ito ang ibibigay ko sa inyo. Gawin nʼyo ang gusto nʼyong gawin sa kanila, huwag lang ninyong gawin ang kahiya-hiyang bagay sa bisita ko.”
25 Hindi nakinig ang mga tao sa kanya, kaya pinalabas ng Levita ang asawa niya at ibinigay sa kanila. Magdamag siyang pinagsamantalahan at inabuso ng mga ito. At nang magbubukang-liwayway na, pinaalis nila ang asawa ng Levita. 26 Bumalik ang babae sa bahay na tinutuluyan ng kanyang asawa. Natumba siya sa pintuan at doon na siya sinikatan ng araw.
27 Nang umagang iyon, bumangon ang kanyang asawa. Binuksan nito ang pintuan para umalis na, at nakita niya ang asawa niyang nakahandusay at ang kamay nito ay nakaunat pa sa pintuan. 28 Sinabi ng Levita, “Bangon na dahil uuwi na tayo.” Pero patay na pala ang babae, kaya ikinarga niya ang bangkay sa kanyang asno at umalis.
29 Pagdating niya sa kanila, pinagputol-putol niya sa 12 bahagi ang bangkay ng kanyang asawa at ipinadala sa 12 lahi ng Israel. 30 Sinabi ng lahat ng nakakita nito, “Wala pang nangyari na katulad nito mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto. Ano kaya ang mabuti nating gawin?”
Naghanda ang Israel sa Pakikipaglaban
20 Ang lahat ng Israelita mula Dan hanggang sa Beersheba at mula sa Gilead ay nagtipon sa Mizpa, sa presensya ng Panginoon. 2 Naroon din ang pinuno ng bawat lahi ng Israel nang magtipon ang mga mamamayan ng Dios. May 400,000 silang lahat na sundalong armado ng espada. 3 Nabalitaan ng mga taga-Benjamin na ang ibang mga lahi ng Israel ay nagtipon sa Mizpa.
At ngayon nagtatanong ang mga Israelita, “Paano nangyari ang kasamaang ito?” 4 Sinabi ng Levita na asawa ng babaeng pinatay, “Dumaan kami ng asawa ko sa Gibea na sakop ng Benjamin para doon magpalipas ng gabi. 5 Kinagabihan, pinaligiran ng ilang lalaking taga-Gibea ang bahay na tinutuluyan namin. Papatayin sana nila ako, pero ginahasa nila ang asawa ko hanggang sa namatay ito. 6 Kaya dinala ko pauwi ang bangkay niya at pinagputol-putol at ipinadala sa 12 lahi ng Israel, dahil napakasama at kahiya-hiya ang ginawa ng mga taong ito sa Israel. 7 Lahat tayong mga Israelita, ano ngayon ang gagawin natin?” 8 Nagkaisa ang mga tao na nagsabi, “Wala ni isa man sa atin ang uuwi. 9 Ito ang gagawin natin. Magpalabunutan tayo kung sino sa atin ang lulusob sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng lahat ng lalaki sa bawat lahi ang mag-aasikaso sa pagkain ng mga sundalo. Ang natitira ang maghihiganti sa mga taga-Gibea dahil sa napakasamang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya nagkaisa ang mga lalaki ng Israel sa paglusob sa Gibea.
12 Nagsugo ang Israel ng mga mensahero sa mga lahi ni Benjamin at sinabi, “Ano itong kasamaang nangyari sa inyo? 13 Ngayon, isuko nʼyo sa amin ang masasamang taga-Gibea na gumawa nito, at papatayin namin sila, at nang mawala ang kasamaang ito sa Israel.” Pero hindi pinansin ng mga taga-Benjamin ang mga kapwa nila Israelita. 14 Sa halip, lumabas sila sa mga bayan nila at nagtipon sa Gibea para makipaglaban sa mga kapwa nila Israelita. 15 Nang araw na iyon, nakapagtipon ang mga taga-Benjamin ng 26,000 na sundalo hindi pa kasama rito ang 700 piling sundalo na taga-Gibea. 16 Kabilang sa mga piling sundalo na taga-Gibea ang 700 tao na ito na puro kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador kahit hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman, maliban sa angkan ni Benjamin, ay nakapagtipon ng 400,000 sundalong mahuhusay sa pakikipaglaban.
18 Bago makipaglaban, pumunta muna ang mga Israelita sa Betel at nagtanong sa Dios kung aling lahi ang unang lulusob sa mga taga-Benjamin. At ayon sa Panginoon, ang lahi ni Juda. 19 Kaya nang sumunod na araw, maagang nagkampo ang mga Israelita malapit sa Gibea. 20 At pumunta sila sa Gibea. Pagdating doon, pumwesto na ang mga Israelita para makipaglaban sa lahi ni Benjamin. 21 Naglabasan ang mga taga-Benjamin sa Gibea para lusubin sila. At sa araw na iyon, 22,000 Israelita ang napatay ng mga taga-Benjamin.
22-23 Umahon muli ang mga Israelita sa Betel at umiyak doon hanggang gabi. Tinanong nila ang Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin?” Sumagot ang Panginoon, “Oo, muli kayong makipaglaban.”
Kaya pinalakas nila ang kanilang loob at muli silang pumwesto sa dating lugar noong unang araw silang lumusob. 24 At nang sumunod na araw, nilusob nila ang mga taga-Benjamin. 25 Pero lumabas muli ang mga taga-Benjamin sa Gibea at sinalubong ang mga kapwa nila Israelita. At sa pagkakataong iyon, napatay na naman nila ang 18,000 Israelita na armado lahat ng espada.
26 Kaya umahon muli ang lahat ng Israelita sa Betel at umiyak sa presensya ng Panginoon. Nag-ayuno sila hanggang gabi at nag-alay ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon. 27-28 Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ng Dios ay nasa Betel, at ang namamahala rito ay si Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Nagtanong muli ang mga Israelita sa Panginoon, “Muli po ba kaming makikipaglaban sa mga kadugo naming taga-Benjamin o hindi na po?” Sumagot ang Panginoon, “Muli kayong makipaglaban, dahil bukas ay pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”
29 Kaya pinaligiran ng mga Israelita ang Gibea. 30 Pumwesto muli sila sa lugar ding iyon. Ikatlong araw ito ng kanilang paglusob. 31 Muli silang sinalubong ng mga taga-Benjamin na lumalabas mula sa lungsod. At katulad ng nangyari sa mga nakaraang araw, may napatay silang mga Israelita. May 30 Israelita ang namatay sa bukirin at sa mga daan papunta sa Betel at sa Gibea. 32 Dahil tumakas ang mga Israelita, akala ng mga taga-Benjamin ay magtatagumpay silang muli laban sa mga Israelita. Hindi nila alam na nagpapahabol lang pala ang mga Israelita para dalhin sila papalayo ng lungsod.
33 Nang nakarating ang mga Israelita sa Baal Tamar, pumwesto sila roon habang ang mga nag-aabang sa paligid[c] ng Gibea ay nagsisilabasan. 34 10,000 silang lahat na puro piling sundalo ng Israel. Nilusob nila ang Gibea, at matindi ang labanan. Hindi alam ng mga taga-Benjamin na malapit na ang katapusan nila. 35 Pinagtagumpay ng Panginoon ang mga Israelita. At sa araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 taga-Benjamin na armadong lahat ng espada. 36 At napansin ng mga taga-Benjamin na natatalo na sila.
Ang Detalye nang Pagtatagumpay ng mga Israelita
Tumakas ang malaking grupo ng mga sundalo ng Israel para makalusob ang mga taong itinalaga nilang pumaligid sa bayan ng Gibea. 37 Habang humahabol ang mga taga-Benjamin, biglang nilusob ng mga taong ito ang Gibea at pinagpapatay ang lahat ng tao roon. 38 Bago sila lumusob, nag-usap muna sila na kapag nakita ng mga tumatakas na mga Israelita ang makapal na usok sa Gibea, 39 babalik sila sa pakikipaglaban. Ang mga taga-Benjamin noon ay nakapatay ng 30 Israelita, kaya inaakala nilang nagtagumpay na naman sila sa mga Israelita. 40 At nang pumaitaas na ang makapal na usok sa Gibea, lumingon ang mga taga-Benjamin, at nakita nila ang makapal na usok mula sa lungsod. 41 Kaya bumalik ang mga Israelita at nilusob nila ang mga taga-Benjamin. Natakot ang mga taga-Benjamin dahil napansin nilang malapit na ang katapusan nila. 42 Tumakas sila sa ilang, pero hinabol sila ng mga Israelitang lumalabas sa bayan. 43 Pinaligiran sila ng mga Israelita at hindi tumigil ang mga ito sa paghabol sa kanila hanggang sa silangan ng Gibea. 44 May 18,000 matatapang na sundalo ng Benjamin ang namatay. 45 Tumakas ang iba papunta sa ilang sa Bato ng Rimon, pero 5,000 ang namatay sa kanila sa daan. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita hanggang sa Gidom at nakapatay pa ang mga Israelita ng 2,000. 46 Sa kabuuan, 25,000 matatapang na taga-Benjamin ang namatay nang araw na iyon. Mga magagaling sila na sundalo at armado ng espada. 47 Pero may 600 pa na taga-Benjamin ang nakatakas sa Bato ng Rimon, at doon sila nanatili sa loob ng apat na buwan 48 Pagkatapos, bumalik ang mga Israelita sa mga bayan ng Benjamin at pinatay nila ang mga natitirang buhay pa, pati ang mga hayop. At sinunog nila ang lahat ng bayan ng mga taga-Benjamin na madaanan nila.
Si Jesus at si Juan
22 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa ibang lugar ng Judea. Nanatili sila roon at nagbautismo ng mga tao. 23 Nagbabautismo rin si Juan sa Enon, malapit sa Salim, dahil maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao upang magpabautismo. 24 (Hindi pa nakakulong noon si Juan.)
25 Ngayon, nagkaroon ng pagtatalo ang ilang tagasunod ni Juan at ang isang Judio tungkol sa bautismo.[a] 26 Kaya pumunta sila kay Juan at sinabi, “Guro, ang kasama nʼyo sa kabila ng Ilog ng Jordan, na ipinakilala nʼyo sa mga tao ay nagbabautismo na rin, at nagpupuntahan sa kanya ang halos lahat ng tao.” 27 Sumagot si Juan, “Walang magagawa ang tao kung hindi ipahintulot ng Dios. 28 Kayo na rin ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo. Isa lang akong sugo na nauna sa kanya upang ipahayag ang pagdating niya. 29 Kagaya sa isang kasal: ang babaeng ikakasal ay para sa lalaking ikakasal, at ang abay na naghihintay ay natutuwa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Ganoon din sa akin, tuwang-tuwa ako ngayon na lumalapit na ang mga tao kay Jesus. 30 Kailangang lalo pa siyang makilala, at ako namaʼy makalimutan na.”
Ang Nagmula sa Langit
31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”
Si Jesus at ang Babaeng Taga-Samaria
4 1-2 Nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami na ang mga tagasunod ni Jesus kaysa kay Juan, at mas marami na ang nabautismuhan niya. (Kahit na hindi mismong si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga tagasunod niya.) Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ito ng mga Pariseo, 3 umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
22 Ang nagbabalak ng masama sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang nagpaplano nang mabuti ay dadamayan at mamahalin ng kapwa.
23 Ang masikap sa trabaho ay may pakinabang, ngunit magiging mahirap ang puro salita lang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®