The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.
22 Si Eli nga ay totoong matanda na; at kaniyang nababalitaan ang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan.
23 At sinabi niya sa kanila, Bakit ginagawa ninyo ang mga ganiyang bagay? sapagka't aking nababalitaan sa buong bayang ito ang inyong mga masamang kilos.
24 Huwag, mga anak ko; sapagka't hindi mabuting balita ang aking naririnig: inyong pinasasalangsang ang bayan ng Panginoon.
25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa iba, ay hahatulan siya ng Dios; nguni't kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan sa kaniya? Gayon ma'y hindi nila dininig ang tinig ng kanilang ama, sapagka't inakalang patayin sila ng Panginoon.
26 At ang batang si Samuel ay lumalaki, at kinalulugdan ng Panginoon at ng mga tao rin naman.
27 At naparoon ang isang lalake ng Dios kay Eli, at sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Napakita ba ako ng hayag sa sangbahayan ng iyong ama, nang sila'y nasa Egipto sa pagkaalipin sa sangbahayan ni Faraon?
28 At pinili ko ba siya sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging saserdote ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng kamangyan, at upang magsuot ng epod sa harap ko? at ibinigay ko ba sa sangbahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy?
29 Bakit nga kayo'y tumututol sa aking hain at sa aking handog, na aking iniutos sa aking tahanan, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak ng higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakamainam sa lahat ng mga handog ng Israel na aking bayan?
30 Kaya't sinasabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Aking sinabi nga na ang iyong sangbahayan, at ang sangbahayan ng iyong ama, ay lalakad sa harap ko magpakailan man: nguni't sinasabi ngayon ng Panginoon, Malayo sa akin; sapagka't yaong mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalin, at yaong mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.
31 Narito, ang mga araw ay dumarating, na aking ihihiwalay ang iyong bisig, at ang bisig ng sangbahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sangbahayan.
32 At iyong mamasdan ang kadalamhatian sa aking tahanan, sa buong kayamanan na ibibigay ng Dios sa Israel; at mawawalan ng matanda sa iyong sangbahayan magpakailan man.
33 At ang lalaking iyo, na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana, ay magiging upang lunusin ang iyong mga mata at papanglawin ang iyong puso; at ang madlang mararagdag sa iyong sangbahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.
34 At ito ang magiging tanda sa iyo, na darating sa iyong dalawang anak, kay Ophni at kay Phinees: sa isang araw, sila'y kapuwa mamamatay.
35 At ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na saserdote, na gagawa ng ayon sa nasa aking puso at nasa aking pagiisip: at ipagtatayo ko siya ng panatag na sangbahayan; at siya'y lalakad sa harap ng aking pinahiran ng langis, magpakailan man.
36 At mangyayari, na bawa't isa na naiwan sa iyong sangbahayan, ay paroroon at yuyukod sa kaniya dahil sa isang putol na pilak at sa isang putol na tinapay, at magsasabi, Isinasamo ko sa iyong ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkasaserdote, upang makakain ako ng isang subong tinapay.
3 At ang batang si Samuel ay nangangasiwa sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay mahalaga noong mga araw na yaon; walang hayag na pangitain.
2 At nangyari nang panahon na yaon, nang si Eli ay mahiga sa kaniyang dako, (ang kaniya ngang mata'y nagpasimulang lumabo, na siya'y hindi nakakita,)
3 At ang ilawan ng Dios ay hindi pa namamatay, at si Samuel ay nakahiga upang matulog, sa templo ng Panginoon, na kinaroroonan ng kaban ng Dios;
4 Na tinawag ng Panginoon si Samuel: at kaniyang sinabi, Narito ako.
5 At siya'y tumakbo kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't tinawag mo ako. At kaniyang sinabi, Hindi ako tumawag; mahiga ka uli. At siya'y yumaon at nahiga.
6 At tumawag pa uli ang Panginoon, Samuel. At bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako: sapagka't ako'y tinawag mo. At siya'y sumagot, Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.
7 Hindi pa nga nakikilala ni Samuel ang Panginoon, o ang salita man ng Panginoon ay nahahayag pa sa kaniya.
8 At tinawag uli ng Panginoon na ikaitlo. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at nagsabi, Narito ako; sapagka't ako'y iyong tinawag. At nahalata ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.
9 Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, Yumaon ka, mahiga ka: at mangyayari, na kung tatawagin ka niya, ay iyong sasabihin, Magsalita ka, Panginoon; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod. Sa gayo'y yumaon si Samuel at nahiga sa kaniyang dako.
10 At ang Panginoon ay naparoon, at tumayo, at tumawag na gaya ng una, Samuel, Samuel. Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, Magsalita ka; sapagka't dinirinig ng iyong lingkod.
11 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, Narito, gagawa ako ng isang bagay sa Israel, na ang dalawang tainga ng bawa't isa na nakikinig ay magpapanting.
12 Sa araw na yaon ay aking tutuparin kay Eli ang lahat na aking sinalita tungkol sa kaniyang sangbahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.
13 Sapagka't aking isinaysay sa kaniya na aking huhukuman ang kaniyang sangbahayan magpakailan man, dahil sa kasamaan na kaniyang nalalaman, sapagka't ang kaniyang mga anak ay nagdala ng sumpa sa kanilang sarili, at hindi niya sinangsala sila.
14 At kaya't ako'y sumumpa sa sangbahayan ni Eli, na ang kasamaan ng sangbahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng hain, o handog man magpakailan man.
15 At nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay ng Panginoon. At natakot si Samuel na saysayin kay Eli ang panaginip.
16 Nang magkagayo'y tinawag ni Eli si Samuel, at nagsabi, Samuel, anak ko. At kaniyang sinabi, Narito ako.
17 At kaniyang sinabi, Ano ang bagay na sinalita sa iyo? isinasamo ko sa iyo na huwag mong ilihim sa akin: hatulan ka ng Dios, at lalo na, kung iyong ililihim sa akin ang anomang bagay sa lahat ng mga bagay na kaniyang sinalita sa iyo.
18 At isinaysay sa kaniya ni Samuel ang buong sinalita, at hindi naglihim ng anoman sa kaniya. At kaniyang sinabi, Panginoon nga: gawin niya ang inaakala niyang mabuti.
19 At si Samuel ay lumalaki at ang Panginoon ay sumasakaniya, at walang di pinapangyari sa kaniyang mga salita.
20 At nakilala ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag na maging propeta ng Panginoon.
21 At napakilala uli ang Panginoon sa Silo, sapagka't ang Panginoo'y napakilala kay Samuel sa Silo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
4 At ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel, Ngayo'y lumabas ang Israel laban sa mga Filisteo upang makipagbaka, at humantong sa Ebenezer: at ang mga Filisteo ay humantong sa Aphec.
2 At ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel: at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nasaktan sa harap ng mga Filisteo; at kanilang pinatay sa hukbo sa parang, ay may apat na libong lalake.
3 At nang ang bayan ay dumating sa kampamento, ay sinabi ng mga matanda sa Israel, Bakit sinaktan tayo ngayon ng Panginoon sa harap ng mga Filisteo? Ating dalhin sa atin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Silo, upang mapasa gitna natin yaon, at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.
4 Sa gayo'y nagsugo ang bayan sa Silo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nauupo sa gitna ng mga querubin: at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at si Phinees, ay nandoon na binabantayan ang kaban ng tipan ng Dios.
5 At nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay pumasok sa kampamento, ang buong Israel ay humiyaw ng malakas na hiyaw, na ano pa't naghinugong sa lupa.
6 At nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng hiyaw, ay nagsipagsabi, Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na hiyaw sa kampamento ng mga Hebreo? At kanilang natalastas na ang kaban ng Panginoon ay ipinasok sa kampamento.
7 At ang mga Filisteo ay nangatakot, sapagka't kanilang sinabi, Ang Dios ay pumasok sa kampamento. At kanilang sinabi, Sa aba natin! sapagka't hindi pa nagkakaroon ng ganyang bagay kailan man.
8 Sa aba natin! sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng makapangyarihang mga dios na ito? ito ang mga dios na nanakit sa mga taga-Egipto ng sarisaring salot sa ilang.
9 Kayo'y magpakalakas at magpakalalake, Oh kayong mga Filisteo, upang kayo'y huwag maging mga alipin ng mga Hebreo, na gaya ng naging lagay nila sa inyo: kayo'y magpakalalake, at magsilaban.
10 At ang mga Filisteo ay nagsilaban, at ang Israel ay nasaktan, at tumakas ang bawa't isa sa kanila sa kaniyang tolda: at nagkaroon ng malaking patayan; sapagka't nabuwal sa Israel ay tatlong pung libong lalaking lakad.
11 At ang kaban ng Dios ay kinuha; at ang dalawang anak ni Eli, si Ophni at Phinees ay pinatay.
12 At tumakbo ang isang lalake ng Benjamin na mula sa hukbo, at naparoon sa Silo nang araw ding yaon, na may barong hapak at may lupa sa kaniyang ulo.
13 At nang siya'y dumating, narito, si Eli ay nakaupo sa kaniyang upuan sa tabi ng daan na nagbabantay; sapagka't ang kaniyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Dios. At nang ang tao ay pumasok sa bayan, at saysayin ang mga balita, ang buong bayan ay humiyaw.
14 At nang marinig ni Eli ang ingay ng hiyawan, ay kaniyang sinabi, Ano ang kahulugan ng kaingay ng gulong ito? At ang tao'y nagmadali, at naparoon, at isinaysay kay Eli.
15 Si Eli nga'y may siyam na pu't walong taon na; at ang kaniyang mga mata'y malalabo na, siya'y di na makakita.
16 At sinabi ng lalake kay Eli, Ako yaong nanggaling sa hukbo, at ako'y tumakas ngayon mula sa hukbo. At kaniyang sinabi, Paano ang nangyari, anak ko?
17 At siya na nagdala ng mga balita ay sumagot at nagsabi, Ang Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nagkaroon din naman doon ng isang malaking patayan sa gitna ng bayan, at pati ng iyong dalawang anak, si Ophni at si Phinees ay patay na, at ang kaban ng Dios ay kinuha.
18 At nangyari, nang kaniyang banggitin ang kaban ng Dios, na siya'y nabuwal sa likuran sa kaniyang upuan sa dako ng pintuang-bayan; at nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay: sapagka't siya'y lalaking matanda at mabigat. At hinatulan niya ang Israel na apat na pung taon.
19 At ang kaniyang manugang, na asawa ni Phinees, ay buntis na kagampan: at pagkarinig niya ng balita na ang kaban ng Dios ay kinuha, at ang kaniyang biyanan at kaniyang asawa ay patay na, ay yumukod siya at napanganak; sapagka't ang kaniyang pagdaramdam ay dumating sa kaniya.
20 At nang mamatay na siya, ay sinabi sa kaniya ng mga babaing nakatayo sa siping niya, Huwag kang matakot; sapagka't ikaw ay nanganak ng isang lalake. Nguni't hindi siya sumagot, o inalumana man niya.
21 At ipinangalan niya sa bata ay Ichabod, na sinasabi, Ang kaluwalhatian ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha, at dahil sa kaniyang biyanan at sa kaniyang asawa.
22 At kaniyang sinabi, Ang kaluwalhatian ng Dios ay nahiwalay sa Israel; sapagka't ang kaban ng Dios ay kinuha.
24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan.
25 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay.
26 Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili:
27 At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao.
28 Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig,
29 At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol.
30 Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.
31 Kung ako'y nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan.
32 Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo.
33 Kayo'y nangagsugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.
34 Datapuwa't ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas.
35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag.
36 Datapuwa't ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama.
37 At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo.
38 At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo.
39 Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.
40 At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay.
41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.
42 Datapuwa't nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pagibig ng Dios sa inyong sarili.
43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.
44 Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Dios?
45 Huwag ninyong isiping ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa.
46 Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat.
47 Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita?
106 Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.
2 Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?
3 Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.
4 Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:
5 Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7 Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula.
8 Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.
9 Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.
10 At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.
12 Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.
30 Ang tiwasay na puso ay buhay ng katawan: nguni't ang kapanaghilian ay kabulukan ng mga buto.
31 Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa Maylalang sa kaniya. Nguni't siyang naaawa sa mapagkailangan ay nagpaparangal sa kaniya.
Public Domain