The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
10 Pagkatapos, kumuha si Samuel ng lalagyan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul. Hinagkan niya si Saul at sinabi, “Ang Panginoon ang pumili sa iyo na mamuno sa kanyang bayan. 2 Pag-alis mo ngayon, may makakasalubong kang dalawang tao malapit sa libingan ni Raquel sa Zelza, sa hangganan ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo, ‘Nakita na ang mga asnong hinahanap ninyo. At ngayon, hindi na ang mga asno ang inaalala ng iyong ama kundi kayo na. Patuloy niyang itinatanong, “Ano ang gagawin ko para makita ko ang aking anak?” ’
3 “Pagdating mo sa malaking puno ng Tabor, may makakasalubong kang tatlong tao na pupunta sa Betel para sumamba sa Dios. Ang isa sa kanilaʼy may dalang tatlong batang kambing, ang isaʼy may dalang tatlong tinapay at ang isa naman ay may dalang katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 4 Babatiin ka nila at aalukin ng dalawang tinapay na tatanggapin mo naman. 5 Pagdating mo sa bundok ng Dios sa Gibea, kung saan may kampo ng mga Filisteo, may makakasalubong kang grupo ng mga propeta pababa galing sa sambahan sa mataas na lugar. Tumutugtog sila ng lira, tamburin, plauta at alpa, at nagpapahayag ng mensahe ng Dios. 6 At sasaiyo ang Espiritu ng Panginoon at magpapahayag ka ng mensahe ng Dios kasama nila, at mababago na ang pagkatao mo. 7 Kapag nangyari na ang mga bagay na ito, gawin mo kung ano ang mabuti dahil kasama mo ang Dios.
8 “Mauna ka na sa akin sa Gilgal. Susunod ako para maghain ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[a] Pero hintayin mo ako sa loob ng pitong araw hanggang sa dumating ako, at pagkatapos ay sasabihin ko sa iyo kung ano ang gagawin mo.”
Ginawang Hari si Saul
9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, binago ng Dios ang buhay ni Saul, at ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel ay nangyari nang araw na iyon. 10 Pagdating ni Saul at ng kanyang utusan sa Gibea, sinalubong siya ng mga propeta. Napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagpahayag din siya ng mensahe ng Dios kasama ng mga propetang iyon. 11 Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya na nagpapahayag ng mensahe ng Dios kasama ng mga propeta, tinanong nila ang isaʼt isa, “Propeta na rin ba si Saul? Paano naging propeta ang anak ni Kish?” 12 Sumagot ang isang taga-roon, “Hindi na mahalaga kung sino ang kanyang ama; kahit sino ay pwedeng maging propeta.” Dito nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
13 Pagkatapos magpahayag ng mensahe ng Dios, pumunta si Saul sa sambahan sa mataas na lugar. 14 Nagtanong ang tiyuhin ni Saul sa kanya at sa kanyang utusan, “Saan kayo nanggaling?” Sumagot si Saul, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi po namin makita ay pumunta kami kay Samuel.” 15 Sinabi ng tiyuhin ni Saul, “Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa iyo.” 16 Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na ang mga asno.” Pero hindi niya sinabi sa tiyuhin niya ang sinabi ni Samuel tungkol sa kanyang pagiging hari.
17 Tinipon ni Samuel ang mga Israelita sa Mizpa para sabihin sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 18 Ito ang mensaheng ibinigay niya galing sa Panginoon, ang Dios ng Israel: “Inilabas ko kayo mula sa Egipto, iniligtas ko kayo sa mga kamay ng mga Egipcio at sa lahat ng bansang umaapi sa inyo. 19 Pero kahit na iniligtas ko kayo sa lahat ng kapahamakan at kagipitan, tinalikuran pa rin ninyo ako na inyong Dios, at humingi kayo ng hari na mamumuno sa inyo. Ngayon humarap kayo sa akin ayon sa lahi ninyo at angkan.”
20 Pinalapit ni Samuel ang bawat lahi ng Israel at ang lahi ni Benjamin ang napili. 21 Pagkatapos, pinapunta ni Samuel sa harapan ang lahi ni Benjamin ayon sa sambahayan at ang pamilya ni Matri ang napili. Si Saul na anak ni Kish ang napili sa pamilya ni Matri, pero nang hanapin nila si Saul ay hindi nila ito makita. 22 Kaya tinanong nila ang Panginoon, “Nasaan po siya?” Sumagot ang Panginoon, “Nandito siya. Nagtatago siya sa bunton ng mga bagahe.” 23 Kaya tumakbo sila papunta kay Saul at kinuha siya. Nang pinatayo siya sa gitna, siya ang pinakamatangkad sa lahat. 24 Sinabi ni Samuel sa lahat ng mga tao, “Ito ang taong pinili ng Panginoon para maghari sa inyo. Wala ni isa man sa atin na katulad niya.” At sumigaw ang lahat ng tao, “Mabuhay ang hari!”
25 Ipinaliwanag ni Samuel sa mga tao ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Isinulat niya ito sa isang nakarolyong papel at itinago ito sa bahay ng Panginoon. Pagkatapos, pinauwi ni Samuel ang mga tao. 26 Umuwi rin si Saul sa bahay nila sa Gibea. Sinamahan siya ng mga sundalo na hinipo ng Dios ang puso para sumama sa kanya. 27 Dahil may masasamang taong nanlalait kay Saul na nagsabi, “Paano tayo maililigtas ng taong ito?” At hindi sila nagbigay ng regalo kay Saul bilang parangal sa kanya bilang hari. Pero hindi sila pinansin ni Saul.
Iniligtas ni Saul ang Lungsod ng Jabes
11 Nang panahong iyon, pinaligiran ni Nahash na hari ng mga Ammonita at ng mga kasama niyang sundalo ang lungsod ng Jabes Gilead. At sinabi ng mga mamamayan ng Jabes sa kanya, “Gumawa kayo ng kasunduan sa amin at magpapasakop kami sa inyo.” 2 Sumagot si Nahash, “Payag ako, sa isang kundisyon. Dudukitin ko ang kanang mata ng bawat isa sa inyo para mapahiya ang buong Israel.” 3 Sinabi ng mga tagapamahala ng Jabes, “Bigyan mo kami ng pitong araw para maikalat ang mensaheng ito sa buong Israel. Kung walang tulong na darating sa amin, susuko kami sa inyo.”
4 Dumating ang mga mensahero sa Gibea, kung saan nakatira si Saul. Nang sabihin nila sa mga tao ang sinabi ni Nahash, humagulgol ang lahat. 5 Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya na hinihila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes. 6 Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagalit siya nang matindi. 7 Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasama kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumama sila sa kanya. 8 Tinipon sila ni Saul sa Bezek; 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 ang galing sa Juda. 9 Sinabi nila sa mga mensahero ng Jabes Gilead, “Sabihin ninyo sa mga kababayan ninyo, bukas ng tanghali, maliligtas kayo.” Nang sabihin ito ng mga mensahero sa mga kababayan nila, tuwang-tuwa ang lahat. 10 At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas susuko kami sa inyo at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”
11 Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
12 Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”
13 Pero sinabi ni Saul, “Walang papatayin ni isa man sa araw na ito, dahil ngayon ay iniligtas ng Panginoon ang Israel.” 14 Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Pupunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari natin.” 15 Kaya pumunta silang lahat sa Gilgal at pinagtibay ang pagiging hari ni Saul sa presensya ng Panginoon. Nag-alay sila roon ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagkaroon sila ng malaking pagdiriwang.
43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw. 45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[a] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.
47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
52 Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?” 53 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 54 Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.
Ang mga Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” 61 Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? 63 Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay. 64 Pero may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Jesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magtatraydor sa kanya. 65 “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama.” Dagdag pa ni Jesus.
66 Mula noon, marami sa mga tagasunod niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol, “Kayo ba, gusto rin ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Dios.” 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong 12? Pero ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy ni Jesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote,[b] dahil kahit kabilang si Judas sa 12 apostol, tatraydurin niya si Jesus sa bandang huli.
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
2 Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
3 Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.
4 May mga taong naglakbay sa ilang;
hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
5 Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
6 Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila sa kagipitan.
7 At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
8 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
9 Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
at pinakakain ang mga nagugutom.
10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
at binali ang mga rehas na bakal.
17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.
23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
15 Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.
2 Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan.
3 Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®