The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Mga Huling Pananalita ni Samuel
12 Sinabi ni Samuel sa lahat ng Israelita, “Sinunod ko ang mga hiniling ninyo sa akin; binigyan ko kayo ng hari na mamumuno sa inyo. 2 Ngayon, may hari na kayo bilang inyong pinuno. Matanda na ako, at maputi na ang buhok. At kasama naman ninyo ang mga anak ko. Naging pinuno nʼyo na ako mula pa noong kabataan ko. 3 Narito ako ngayon sa harapan ninyo. Kung may nagawa akong masama sa inyo sabihin ninyo sa akin sa presensya ng Panginoon at ng kanyang piniling hari. May kinuha ba akong baka o asno sa sinuman sa inyo? May dinaya o ginipit ba ako sa inyo? Tumanggap ba ako ng suhol para balewalain ang kasalanang nagawa nang sinuman? Kung mapapatunayan ninyo na nagawa ko ang isa man sa mga bagay na ito, pananagutan ko ito.”
4 Sumagot ang mga tao, “Hindi po ninyo kami dinaya o ginipit man. Wala rin po kayong kinuhang anuman sa kahit kanino sa amin.” 5 Sinabi ni Samuel sa kanila, “Sa araw na ito, saksi ang Panginoon at ang kanyang piniling hari na wala kayong maisusumbat sa akin.” Sumagot ang mga tao, “Opo, saksi ang Panginoon.” 6 Sinabi ni Samuel, “Ang Panginoon ang pumili kina Moises at Aaron na maging pinuno ng inyong mga ninuno, at siya rin ang naglabas sa kanila sa Egipto. 7 Ngayon tumayo kayo sa presensya ng Panginoon dahil ipapaalala ko sa inyo ang mga kabutihang ginawa ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8 “Noong nasa Egipto pa ang lahi ni Jacob, humingi sila ng tulong sa Panginoon. Ipinadala ng Panginoon sina Moises at Aaron na naglabas sa kanila sa Egipto at nagdala sa kanila sa lupaing ito. 9 Pero kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios kaya hinayaan ng Panginoon na matalo sila ni Sisera na kumander ng mga sundalo ng Hazor, ng mga Filisteo at ng hari ng Moab. 10 Humingi na naman sila ng tulong sa Panginoon at sinabi, ‘Nagkasala kami, Panginoon. Tinalikuran namin kayo at sumamba sa imahen ni Baal at Ashtoret. Pero ngayon, iligtas nʼyo po kami sa kamay ng mga kalaban namin at sasambahin namin kayo.’ 11 Pagkatapos, isinugo ng Panginoon sina Gideon,[a] Barak, Jefta at ako; at iniligtas namin kayo sa kamay ng mga kalaban ninyo na nasa paligid at namuhay kayo nang ligtas sa anumang kapahamakan. 12 Pero nang salakayin kayo ni Haring Nahash ng mga Ammonita, humingi kayo sa akin ng haring mamumuno sa inyo, kahit na ang Panginoon na inyong Dios ang siyang hari ninyo. 13 Narito na ngayon ang pinili ninyong hari. Tingnan ninyo! Hiningi ninyo siya at ibinigay siya sa inyo ng Panginoon. 14 Kung kayo at ang hari ninyo ay mamumuhay nang may takot sa Panginoon, susunod sa mga utos niya, at maglilingkod sa kanya, walang masamang mangyayari sa inyo. 15 Pero kung hindi kayo susunod sa Panginoon at sa mga utos niya, parurusahan niya kayo gaya ng ginawa niya sa inyong mga ninuno.
16 “Manatili kayo sa kinaroroonan ninyo at tingnan ninyo ang kamangha-manghang bagay na gagawin ng Panginoon sa inyong harapan. 17 Hindi baʼt panahon ngayon ng pag-aani ng trigo at hindi umuulan? Pero mananalangin ako sa Panginoon na magpakulog at magpaulan, at nang mapag-isip-isip ninyo kung gaano kasama ang ginawa ninyo sa paningin ng Panginoon nang humingi kayo ng hari.”
18 Nanalangin nga si Samuel, at nang araw na iyon, nagpakulog at nagpaulan ang Panginoon. Pinagharian ang lahat ng tao ng matinding takot sa Panginoon at kay Samuel. 19 Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin nʼyo po kami sa Panginoon na iyong Dios upang hindi kami mamatay, dahil dinagdagan namin ang aming mga kasalanan nang humingi kami ng hari.” 20 Sumagot si Samuel, “Huwag kayong matakot. Kahit na nakagawa kayo ng masama, huwag ninyong talikuran ang Panginoon, kundi paglingkuran ninyo siya nang buong puso. 21 Huwag kayong susunod sa mga walang kwentang dios-diosan. Hindi sila makakatulong o makakapagligtas sa inyo. 22 Alang-alang sa kanyang pangalan, hindi kayo pababayaan ng Panginoon. Ikinalulugod niyang gawin kayong mga mamamayan niya.
23 “Tungkol naman sa akin, hindi ako titigil ng pananalangin sa Panginoon para sa inyo dahil kung magkaganoon, magkakasala ako sa Panginoon. Tuturuan ko rin kayong mamuhay nang tama at matuwid. 24 Pero dapat kayong magkaroon ng takot sa Panginoon at maglingkod sa kanya nang tapat at buong puso. Alalahanin ninyo ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya sa inyo. 25 Pero kung magpapatuloy kayo sa kasalanan, kayo at ang hari ninyo ay lilipulin.”
Sinaway ni Samuel si Saul
13 Si Saul ay 30[b] taong gulang nang maging hari ng Israel, at naghari siya rito sa loob ng 42[c] taon.
2 Pumili si Saul ng 3,000 lalaki sa Israel para makipaglaban sa mga Filisteo. Ang mga hindi napili ay pinauwi niya. Isinama niya ang 2,000 sa Micmash at sa kaburulan ng Betel at ang 1,000 naman ay pinasama niya sa anak niyang si Jonatan sa Gibea na sakop ng mga taga-Benjamin.
3 Sinalakay ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Geba at nabalitaan ito ng iba pang Filisteo. Kaya iniutos ni Saul na patunugin ang trumpeta sa buong Israel bilang paghahanda ng mga Hebreo[d] sa digmaan. 4 Nabalitaan ng mga Israelita na galit na galit ang mga Filisteo sa kanila dahil sinalakay ni Saul ang kampo. Kaya nagtipon ang mga Israelita sa Gilgal kasama ni Saul.
5 Nagtipon ang mga Filisteo para makipagdigma sa mga Israelita. Mayroon silang 3,000[e] karwahe, 6,000 mangangabayo at mga sundalo na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat. Nagtipon sila at nagkampo sa Micmash, sa silangan ng Bet Aven. 6 Nang makita ng mga Israelita na nanganganib ang sitwasyon nila, nagtago sila sa mga kweba, talahiban, mga batuhan, hukay at mga imbakan ng tubig. 7 Ang iba sa kanilaʼy tumawid sa Ilog ng Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal, at nanginginig sa takot ang mga kasama niya.
8 Naghintay si Saul kay Samuel sa Gilgal ng pitong araw ayon sa sinabi ni Samuel sa kanya, pero hindi dumating si Samuel. Nang makita ni Saul na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama niya, sinabi niya, 9 “Dalhin ninyo sa akin ang handog na sinusunog at ang handog para sa mabuting relasyon.”[f] At inialay ni Saul ang mga handog na sinusunog. 10 Nang patapos na siya, dumating si Samuel. Sinalubong niya ito upang batiin, pero nagtanong si Samuel, 11 “Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Saul, “Nakita ko na unti-unting nag-aalisan ang mga kasama ko, at hindi ka dumating sa oras na sinabi mo, at nagtitipon na ang mga Filisteo sa Micmash. 12 Inisip ko na baka salakayin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal at hindi pa nakakapaghandog sa Panginoon para humingi ng tulong sa kanya. Kaya napilitan akong mag-alay ng handog na sinusunog.”
13 Sinabi ni Samuel, “Kahangalan ang ginawa mo! Hindi mo sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ng Panginoon na iyong Dios. Kung sumunod ka lang sana, ang sambahayan mo ang maghahari sa Israel habang panahon. 14 Pero hindi na ito mangyayari dahil nakakita na ang Panginoon ng taong susunod sa kagustuhan niya, at ginawa na siyang pinuno para sa kanyang mga mamamayan, dahil hindi ka sumunod sa utos ng Panginoon.”
15 Pagkatapos, umalis si Samuel sa Gilgal at pumunta sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga natira niyang tauhan – 600 lahat.
Walang Armas ang mga Israelita
16 Nagkampo si Saul, ang anak niyang si Jonatan, at ang mga natitira pa niyang tauhan sa Geba, na sakop ng Benjamin, habang ang mga Filisteo naman ay nagkakampo sa Micmash. 17 Nagtatlong grupo ang mga Filisteo sa kanilang pagsalakay. Ang isang grupoʼy pumunta sa Ofra, sa lupain ng Shual. 18 Ang isang grupoʼy sa Bet Horon, at ang isaʼy pumunta sa hangganan kung saan matatanaw ang Lambak ng Zeboim na papunta sa disyerto.
19 Nang mga panahong iyon, walang panday sa buong Israel. Hindi sila pinayagan ng mga Filisteo dahil sinabi nila, “Baka gumawa ng mga espada at sibat ang mga Hebreo.” 20 Kaya kinakailangan pa ng mga Israelitang pumunta sa mga Filisteo kung maghahasa sila ng kanilang talim ng araro, piko, palakol at karit. 21 At mahal ang singil sa kanila. Ang bayad sa pagpapahasa ng araro at piko ay dalawang pirasong pilak at sa pagpapahasa ng palakol at talim ng pantaboy sa hayop ay isang pirasong pilak. 22 Kaya nang araw ng digmaan, wala ni isang sundalo sa Israel ang may espada at sibat maliban kina Saul at Jonatan. 23 Samantala, nagpadala ang mga Filisteo ng mga sundalo para bantayan ang daanan papuntang Micmash.
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] 3 sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? 4 Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” 5 (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) 6 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. 7 Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. 8 Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Pumunta si Jesus sa Pista
10 Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. 11 Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” 13 Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. 15 Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. 18 Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”
Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”
28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya.
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
4 Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao,[a] ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®