The Daily Audio Bible
Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.
Itinakwil ng Panginoon si Saul Bilang Hari
15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako noon ng Panginoon para pahiran ka ng langis at ipakita sa mga mamamayan ng Israel na ikaw ang pinili niyang hari. Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon. 2 ‘Ako ang Makapangyarihang Panginoon. Parurusahan ko ang mga Amalekita dahil sa pagsalakay nila sa mga Israelita nang inilabas ko sila sa Egipto. 3 Salakayin ninyo ang mga Amalekita. Lipulin ninyo nang lubusan ang lahat ng naroroon. Patayin ninyo silang lahat, mga lalaki, babae, bata at mga sanggol, pati na rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at mga asno.’ ”
4 Kaya tinipon ni Saul ang mga sundalo sa Telaim. May 200,000 sundalo ang nagtipon, bukod pa ang 10,000 mula sa Juda. 5 Pinangunahan sila ni Saul papunta sa lungsod ng Amalek at naghintay sa natuyong ilog para sumalakay. 6 Nagpasabi siya sa mga Keneo, “Lumayo kayo sa mga Amalekita para hindi kayo mamatay kasama nila. Naging mabuti kayo sa lahat ng mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto.” Kaya lumayo ang mga Keneo sa mga Amalekita. 7 Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur, sa gawing silangan ng Egipto. 8 Nilipol nila nang lubusan ang lahat ng Amalekita, pero si Agag na kanilang hari ay hindi nila pinatay kundi binihag lang. 9 Hindi rin nila pinatay ang pinakamainam na tupa at baka pati ang mga anak nito. Ang lahat ng maiinam ay hindi nila nilipol, pero ang hindi mapapakinabangan ay nilipol nila nang lubusan.
10 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, 11 “Nalungkot ako na ginawa kong hari si Saul. Sapagkat tinalikuran niya ako at hindi sinunod ang utos ko.” Nang marinig ito ni Samuel, labis siyang nabagabag, at nanalangin siya sa Panginoon nang buong magdamag.
12 Kinabukasan, maagang bumangon si Samuel at lumakad para makipagkita kay Saul. Pero may nagsabi sa kanya, “Pumunta si Saul sa Carmel para magpatayo roon ng monumento para sa kanyang karangalan, at pagkatapos ay pumunta siya sa Gilgal.”
13 Pinuntahan ni Samuel si Saul at nang magkita sila, binati siya ni Saul, “Pagpalain ka sana ng Panginoon! Sinunod ko ang mga utos ng Panginoon.” 14 Pero sinabi ni Samuel, “Kung totoong sinunod mo ang utos ng Panginoon, bakit may naririnig akong ingay ng mga tupa at unga ng mga baka?” 15 Sumagot si Saul, “Ang mga iyon ay ang pinakamagandang tupa at mga baka, dala ng mga sundalo galing sa mga Amalekita. Hindi nila pinatay dahil iaalay nila sa Panginoon na iyong Dios, pero maliban sa mga iyon, pinatay naming lahat.” 16 Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi ng Panginoon sa akin kagabi.” “Ano iyon?” Tanong ni Saul. 17 Sinabi ni Samuel, “Kahit na maliit ang tingin mo sa sarili noong una, pinili ka pa rin ng Panginoon na maging hari ng buong lahi ng Israel. 18 Inutusan ka niyang ubusin ang lahat ng makasalanang Amalekita at labanan sila hanggang sa maubos silang lahat. 19 Pero bakit hindi ka sumunod sa Panginoon? Bakit dali-dali ninyong sinamsam ang mga ari-arian nila? Bakit mo ginawa ang masamang bagay na ito sa Panginoon?”
20 Sumagot si Saul, “Pero sinunod ko ang Panginoon. Ginawa ko ang iniutos niya sa akin. Binihag ko si Agag, ang hari ng mga Amalekita, at nilipol ko nang lubusan ang mga tao sa nasasakupan niya. 21 Pagkatapos, kinuha ng mga sundalo ko ang pinakamagandang tupa, baka at mga bagay-bagay na nasamsam sa digmaan, na nakatalagang wasakin nang lubos. Dinala nila ang mga ito rito sa Gilgal para ihandog sa Panginoon na iyong Dios.” 22 Pero sumagot si Samuel, “Mas nalulugod ba ang Panginoon sa mga handog ninyo kaysa sa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa Panginoon ay mas mabuti kaysa sa mga handog. Ang pakikinig sa kanya ay mas mabuti kaysa sa paghahandog ng mga taba ng tupa. 23 Ang pagsuway sa Panginoon ay kasinsama ng pangkukulam at ang katigasan ng uloʼy kasinsama ng pagsamba sa mga dios-diosan. Dahil sa pagsuway mo sa salita ng Panginoon, inayawan ka rin niya bilang hari.”
24 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako; hindi ko sinunod ang mga turo mo at ang utos ng Panginoon. Natakot ako sa mga tao, kaya sinunod ko ang gusto nilang mangyari. 25 Nagmamakaawa ako sa iyo na patawarin mo ako sa mga kasalanan ko at samahan mo ako sa pagsamba sa Panginoon.” 26 Pero sinabi ni Samuel, “Hindi ako sasama sa iyo. Dahil sa pagsuway mo sa Panginoon, ayaw na niya sa iyo bilang hari ng Israel.”
27 Nang patalikod na si Samuel para umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit niya at napunit ito. 28 Sinabi ni Samuel sa kanya, “Inalis na sa iyo ngayon ng Panginoon ang kaharian ng Israel at ibinigay ito sa iba – sa isang tao na mas mabuti kaysa sa iyo. 29 Ang Dios ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi tulad ng tao na pabago-bago ng isip.” 30 Sumagot si Saul, “Nagkasala ako! Nakikiusap ako, parangalan mo ako sa harap ng mga tagapamahala ng aking mga mamamayan at ng buong Israel sa pamamagitan ng pagsama sa akin sa pagsamba sa Panginoon na iyong Dios.” 31 Kaya sumama si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.
32 Sinabi ni Samuel, “Dalhin mo sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” Tiwalang-tiwala na lumapit kay Samuel si Agag. Iniisip niya na hindi na siya papatayin.[a] 33 Pero sinabi ni Samuel, “Kung paanong maraming ina ang nawalan ng anak dahil sa pagpatay mo, ngayon, mawawalan din ng anak ang iyong ina.” At pinagtataga ni Samuel si Agag sa presensya ng Panginoon sa Gilgal. 34 Pagkatapos, bumalik si Samuel sa Rama, at si Saul ay umuwi sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na nagpakita si Samuel kay Saul hanggang sa mamatay si Samuel. Pero nagdalamhati siya para kay Saul. Nalungkot[b] ang Panginoon na ginawa niyang hari ng Israel si Saul.
Piniling Maging Hari si David
16 Nang panahong iyon, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan ka magdadalamhati para kay Saul? Inayawan ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayon, punuin mo ng langis ang iyong sisidlan na sungay, at pumunta ka kay Jesse sa Betlehem. Pinili ko ang isa sa mga anak niya na maging bagong hari.” 2 Pero sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta roon? Kapag nalaman ito ni Saul, tiyak na ipapapatay niya ako.” Sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka sa Betlehem, at sabihin mo sa mga tao na pumunta ka roon para maghandog sa Panginoon. 3 Imbitahin mo si Jesse na sumama sa paghahandog at tuturuan kita kung ano ang gagawin mo. Ituturo ko sa iyo ang anak niyang pinili ko para maging hari. At papahiran mo ng langis ang kanyang ulo.”
4 Sinunod ni Samuel ang iniutos ng Panginoon. Pagdating niya sa Betlehem, sinalubong siya ng mga tagapamahala ng bayan na nanginginig sa takot. Nagtanong sila, “Kapayapaan ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” 5 Sumagot si Samuel, “Oo, matiwasay akong pumunta rito para maghandog sa Panginoon. Maglinis kayo ng sarili ninyo sa pagharap sa kanya at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang mga anak niya at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6 Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng Panginoon na maging hari.” 7 Pero sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang tangkad at ang kakisigan niya dahil hindi siya ang pinili ko. Hindi ako tumitingin na gaya ng pagtingin ng tao. Ang taoʼy tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan koʼy ang puso.” 8 Tinawag ni Jesse si Abinadab at pinapunta kay Samuel. Pero sinabi ni Samuel, “Hindi siya ang pinili ng Panginoon.” 9 Pagkatapos, pinapunta ni Jesse si Shama kay Samuel, pero sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng Panginoon.” 10 Pinapunta ni Jesse kay Samuel ang pito niyang mga anak na lalaki, pero sinabi ni Samuel sa kanya, “Wala ni isa man sa kanila ang pinili ng Panginoon.” 11 Tinanong ni Samuel si Jesse, “Sila na bang lahat ang anak mo?” Sumagot si Jesse, “May isa pa, ang bunso, pero nagpapastol siya ng mga tupa.” Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi tayo magpapatuloy sa ating gagawin hanggaʼt hindi siya dumarating.” 12 Kaya ipinatawag ni Jesse si David at pinapunta sa kanila. Magandang lalaki siya, mamula-mula ang mukha at maganda ang mga mata. Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Pahiran mo siya ng langis dahil siya ang pinili ko.” 13 Kaya kinuha ni Samuel ang langis at pinahiran niya sa ulo si David sa harap ng kanyang mga kapatid. Simula nang araw na iyon, napuspos siya ng Espiritu ng Panginoon. At umuwi naman si Samuel sa Rama.
Naglingkod si David kay Saul
14 Umalis kay Saul ang Espiritu ng Panginoon, at pinahirapan siya ng masamang espiritu na ipinadala ng Panginoon. 15 Sinabi ng mga utusan ni Saul sa kanya, “Malinaw po na pinahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios. 16 Kaya kung papayag po kayo, hahanap kami ng marunong tumugtog ng alpa. At tuwing pahihirapan kayo ng masamang espiritu na ipinadala ng tutugtugan po niya kayo ng alpa at bubuti na ang pakiramdam ninyo.” 17 Sinabi ni Saul sa kanyang mga utusan, “Sige, humanap kayo ng taong marunong tumugtog ng alpa at dalhin nʼyo siya sa akin.” 18 Sumagot ang isa sa kanyang mga utusan, “Nakita ko po na ang isa sa mga anak ni Jesse na taga-Betlehem ay magaling tumugtog ng alpa. Bukod pa roon, matapang po siya at mahusay makipaglaban, magandang lalaki, mahusay magsalita at sumasakanya ang Panginoon.”
19 Nagsugo si Saul ng mga mensahero kay Jesse para papuntahin sa kanya ang anak ni Jesse na si David na pastol ng mga tupa. 20 Kaya pinapunta ni Jesse si David kay Saul na may dalang mga regalo: isang asno na may kargang tinapay, isang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas at isang batang kambing.
21 Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan siya ni Saul, kaya ginawa niyang tagapagdala ng armas si David. 22 Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si Saul kay Jesse na nagsasabi, “Hayaan mong manatili rito si David para maglingkod sa akin dahil natutuwa ako sa kanya.”
23 Sa tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu na ipinapadala ng Dios, tinutugtog ni David ang kanyang alpa. Pagkatapos, umaalis kay Saul ang masamang espiritu at bumubuti ang kanyang pakiramdam.
Ang Babaeng Nahuli sa Pangangalunya
[8 Si Jesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa ay bumalik na si Jesus sa templo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, kaya umupo siya at nangaral sa kanila. 3 Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao, 4 at sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuli sa pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi mo?” 6 Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya. Pero yumuko lang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 Pero paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo[a] si Jesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Jesus na lang at ang babae ang naiwan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa babae, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?” 11 Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”]
Si Jesus ang Ilaw ng Mundo
12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”
20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.
Ang Panginoon at ang Kanyang Hinirang na Hari
110 Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,[a]
“Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion,
at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
3 Sa panahon ng iyong pakikidigma sa mga kaaway, kusang-loob na tutulong sa iyo ang iyong mga tao.
Ang mga kabataang iyong nasasakupan ay pupunta sa iyo doon sa banal na burol katulad ng hamog tuwing umaga.
4 Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magbabago ang pasya niya,
na ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melkizedek.
5 Ang Panginoon ay kasama mo.
Parurusahan niya ang maraming hari sa oras ng kanyang galit.
6 Parurusahan niya ang mga bansa,
at marami ang kanyang papatayin.
Lilipulin niya ang mga namumuno sa buong mundo.
7 Mahal na Hari, kayo ay iinom sa sapa na nasa tabi ng daan,
kaya muli kayong lalakas at magtatagumpay.
8 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.
9 Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.
10 Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®