Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 22-23

Si David sa Adulam at Mizpa

22 Umalis si David sa Gat, at tumakas papunta sa kweba ng Adulam. Nang mabalitaan ito ng mga kapatid at kapamilya ni David, pinuntahan nila ito para samahan siya. Sumama na rin kay David ang mga taong nababahala, lubog sa utang, at hindi kontento sa buhay. Umabot sa 400 ang kanilang bilang at si David ang naging pinuno nila. Mula rito, pumunta si David sa Mizpa na sakop ng Moab at sinabi niya sa hari ng Moab, “Nakikiusap ako na payagan ninyo na dito muna manirahan ang aking mga magulang hanggaʼt hindi ko pa natitiyak kung ano ang kalooban ng Dios sa akin.” Pumayag ang hari, kaya iniwan niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab habang nandoon siya sa matatag na kublihan.

Isang araw, sinabi ni propeta Gad kay David, “Umalis ka na rito sa pinagtataguan mo at pumunta ka sa Juda.” Umalis nga si David at pumunta sa kagubatan ng Heret.

Ang Pagpatay sa mga Pari ng Nob

Nabalitaan ni Saul na nahanap na sina David at ang kanyang mga tauhan. Nakaupo noon si Saul sa ilalim ng puno ng tamarisko, doon sa burol ng Gibea. May hawak siyang sibat at nakapalibot sa kanya ang kanyang mga opisyal. Sinabi ni Saul sa kanila, “Makinig kayo, mga taga-Benjamin! Pinangakuan ba kayo ni David na bibigyan kayo ng bukid at ubasan? Pinangakuan ba niya kayong gagawin kayong kumander ng mga sundalo? Iyan ba ang dahilan kung bakit nakipagsabwatan kayo sa kanya laban sa akin? Wala ni isa man sa inyo ang nagsabi sa akin na gumawa ng kasunduan kay David ang anak kong si Jonatan. Hindi man lang kayo nag-alala para sa akin, dahil hindi ninyo sinabi sa akin na inudyukan ng aking anak ang lingkod kong si David na patayin ako gaya ng plano niya ngayon.”

Isa sa mga nakatayo kasama ng mga opisyal ni Saul ay si Doeg na taga-Edom. Sinabi niya kay Saul, “Noong naroon po ako sa Nob, nakita ko si David na pumunta kay Ahimelec na anak ni Ahitub. 10 Tinanong ni Ahimelec sa Panginoon kung ano ang dapat gawin ni David, at binigyan pa po niya ito ng makakain at ibinigay din po ang espada ng Filisteong si Goliat.”

11 Ipinatawag ni Saul ang paring si Ahimelec na anak ni Ahitub, at ang buo niyang pamilya na mga pari sa Nob. 12 Pagdating nila ay sinabi ni Saul, “Makinig ka sa akin, anak ni Ahitub.” “Nakikinig po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Ahimelec. 13 Sinabi ni Saul sa kanya, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit binigyan mo pa siya ng pagkain at espada? Bakit nagtanong ka pa sa Dios para sa kanya? Hindi mo ba alam na nagrerebelde siya sa akin at binabalak niya akong patayin?” 14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po baʼt si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong lingkod? Bukod pa roon, siya po ang kapitan ng mga guwardya ninyo at iginagalang siya sa inyong sambahayan. 15 Opo, nagtanong ako sa Dios para sa kanya, pero matagal ko na itong ginagawa sa kanya noon pa. Nakikiusap po ako, huwag ninyo akong akusahan pati na ang sambahayan ko sa bagay na ito, dahil wala akong nalalaman sa mga plano niya laban sa inyo.” 16 Pero sinabi ng hari, “Siguradong mamamatay ka, Ahimelec, kasama ang buo mong pamilya.”

17 Inutusan ni Saul ang mga guwardya sa kanyang tabi, “Patayin ninyo ang mga paring ito ng Panginoon dahil nakipagsabwatan sila kay David. Alam nilang tumakas si David mula sa akin pero hindi nila sinabi sa akin.” Pero hindi ginalaw ng mga opisyal ng hari ang mga pari ng Panginoon. 18 Kaya si Doeg na lang ang inutusan ng hari na pumatay sa mga pari, at pinatay naman sila ni Doeg. Nang araw na iyon 85 pari[a] ang pinatay ni Doeg. 19 Ipinapatay din ni Saul ang lahat ng nakatira sa Nob, ang bayan ng mga pari: ang mga lalaki, babae, kabataan, sanggol, baka, asno, at mga tupa. 20 Pero nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at sumama kay David. 21 Sinabi niya kay David na ipinapatay ni Saul ang mga pari ng Panginoon. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nang makita ko noon si Doeg nang pumunta ako kay Ahimelec, alam ko nang magsusumbong siya kay Saul. Kaya pananagutan ko ang pagkamatay ng buong sambahayan mo. 23 Sumama ka na lang sa akin, dahil iisa lang ang gustong pumatay sa iyo at sa akin. Huwag kang matakot. Hindi ka mapapahamak kapag kasama mo ako.”

Iniligtas ni David ang Bayan ng Keila

23 Isang araw ibinalita kay David na sinasalakay ng mga Filisteo ang Keila at sinasamsam ang mga trigo sa giikan. Nagtanong si David sa Panginoon, “Sasalakayin ko po ba ang mga Filisteo?” Sumagot ang Panginoon, “Sige, salakayin mo sila at iligtas mo ang Keila.” Pero sinabi ng mga tauhan ni David, “Dito pa nga lang po sa Juda ay natatakot na kami, lalo pa kaya kung pupunta kami sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo.” Muling nagtanong si David sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa Keila dahil pagtatagumpayin ko kayo laban sa Filisteo.” Kaya pumunta si David at ang mga tauhan niya sa Keila para makipaglaban sa mga Filisteo. Maraming Filisteo ang napatay nila; kinuha nila ang mga hayop nito at nailigtas nila ang mga taga-Keila.

(Nang tumakas si Abiatar at pumunta kay David sa Keila, dinala niya ang espesyal na damit[b] ng mga pari.)

Tinugis ni Saul si David

May nagsabi kay Saul na si David ay pumunta sa Keila. Kaya sinabi ni Saul, “Ibinigay na siya ng Dios sa akin, para na niyang ibinilanggo ang kanyang sarili sa pagpasok sa bayan na napapalibutan ng pader.” Tinipon ni Saul ang lahat ng tauhan niya para pumunta sa Keila at lusubin si David at ang mga tauhan niya. Nang malaman ni David ang plano ni Saul, sinabihan niya ang paring si Abiatar na kunin ang espesyal na damit ng mga pari. 10 Nanalangin si David, “O Panginoon, Dios ng Israel nabalitaan po ng inyong lingkod na nagpaplano si Saul na pumunta rito sa Keila para wasakin ang bayang ito dahil sa akin. 11 Pupunta po ba talaga rito si Saul gaya ng narinig ko? Ibibigay po ba ako ng mga mamamayan ng Keila kay Saul? O Panginoong Dios ng Israel, sagutin po ninyo ang inyong lingkod.” Sumagot ang Panginoon, “Oo, pupunta siya rito.” 12 Muling nagtanong si David, “Ako at ang aking mga tauhan ba ay ipapaubaya ng mga mamamayan ng Keila sa kamay ni Saul?” Sumagot ang Panginoon. “Oo, ipapaubaya nila kayo.” 13 Kaya umalis si David sa Keila kasama ang kanyang 600 na tauhan at nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nang mabalitaan ni Saul na tumakas na si David mula sa Keila, hindi na siya pumunta roon.

14 Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul.

15 Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niya na pumunta roon si Saul para patayin siya. 16 Pinuntahan siya ni Jonatan para palakasin ang pananampalataya niya sa Dios. 17 Sinabi ni Jonatan, “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo.” 18 Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng Panginoon. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan pero nagpaiwan si David sa Hores.

19 Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon. 20 Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David.” 21 Sumagot si Saul, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon sa pag-aalala ninyo sa akin. 22 Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya. 23 Alamin ninyo kung saan siya pwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasama ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda.” 24 Kaya nauna sila kay Saul papuntang Zif.

Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa disyerto ng Maon sa Araba, sa gawing timog ng Jeshimon. 25 Pagdating ni Saul at ng mga tauhan niya sa Zif, hinanap nila si David. Nang malaman ito ni David, nagtago siya sa malaking bato sa disyerto ng Maon at doon siya nanirahan. Nang mabalitaan ito ni Saul, pumunta siya sa disyerto ng Maon para hanapin si David. 26 Habang sina Saul at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang gilid ng bundok, sina David at ang mga tauhan naman niya ay nasa kabilang gilid at nagmamadaling makalayo kay Saul. Nang malapit na silang maabutan ni Saul at ng kanyang mga tauhan, 27 dumating ang isang mensahero at sinabi kay Saul, “Bumalik po muna kayo dahil sinasalakay tayo ng mga Filisteo ang ating bayan.” 28 Kaya tumigil si Saul sa paghabol kina David at bumalik para labanan ang mga Filisteo. At dahil sa lugar na iyon naghiwalay si David at si Saul, tinawag ang lugar na iyon na “Batong Pinaghiwalayan.” 29 Mula roon, dumiretso si David sa mga kuta ng En Gedi at doon nagtago.

Juan 10:1-21

Ang Tunay na Pastol

10 Nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng paghahalintulad. Sinabi niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan, kundi umaakyat sa pader ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang dumadaan sa pintuan ay ang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng tagapagbantay sa pintuan, at kilala ng mga tupa ang boses niya. Tinatawag niya ang mga tupa sa kani-kanilang pangalan at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na niya ang mga tupa, nauuna siya sa kanila at sumusunod naman ang mga tupa dahil, kilala nila ang boses niya. Ngunit hindi nila susundin ang iba; sa halip ay agad pa nga nila itong lalayuan, dahil hindi nila kilala ang boses nito.”

Sinabi ni Jesus sa mga tao ang paghahalintulad na ito, pero hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin.

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya muling sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ako ang pintuan na dinadaanan ng mga tupa. May mga tagapagturo na nauna sa akin, na ang katulad ay mga magnanakaw at mga tulisan. Ngunit hindi sila pinakinggan ng aking mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Magiging katulad siya ng tupa na malayang nakakapasok at nakakalabas ng kulungan, at makakatagpo siya ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lang magnakaw, pumatay at mangwasak. Ngunit dumating ako upang magkaroon ang mga tao ng buhay na ganap.

11 “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. 12 Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila. 13 Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. 16 May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol.

17 “Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay. 18 Walang makakakuha ng aking buhay, kundi kusa ko itong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan din akong bawiin ito. Sinabi ito ng aking Ama sa akin.”

19 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagkaroon na naman ng pagtatalo ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsasabi, “Baliw siya at sinasaniban ng masamang espiritu. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?” 21 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagturo nang ganyan ang sinasaniban ng masamang espiritu. At isa pa, paano siya makakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban nga siya?”

Salmo 115

Iisa ang Tunay na Dios

115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
    kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”

Ang aming Dios ay nasa langit,
    at ginagawa niya ang kanyang nais.
Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
    may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
    magtiwala kayo sa Panginoon.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
    magtiwala kayo sa kanya.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
    pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 15:18-19

18 Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo.
19 Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®