Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
1 Samuel 29-31

29 Pinisan nga ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Aphec: at ang mga taga Israel ay humantong sa bukal na nasa Jezreel.

At ang mga pangulo ng mga Filisteo ay nagdadaan na mga daan daan, at mga libolibo: at si David at ang kaniyang mga tao ay nagdadaan sa mga huli na kasama ni Achis.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo, Ano ang mga Hebreong ito? At sumagot si Achis sa mga prinsipe ng mga Filisteo, Hindi ba ito ay si David na lingkod ni Saul na hari sa Israel na napasa akin ng mga araw na ito, o ng mga taong ito, at hindi ako nakasumpong ng anomang kakulangan sa kaniya mula nang siya'y lumapit sa akin hanggang sa araw na ito?

Nguni't ang mga prinsipe ng mga Filisteo ay nagalit sa kaniya; at sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo sa kaniya, Pabalikin mo ang taong iyan, upang siya'y bumalik sa kaniyang dako na iyong pinaglagyan sa kaniya, at huwag mong pababain na kasama natin sa pakikipagbaka, baka sa pagbabaka ay maging kaaway natin siya: sapagka't paanong makikipagkasundo ito sa kaniyang panginoon? hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito?

Hindi ba ito ang David na siyang kanilang pinagaawitanan sa mga sayaw, na sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksalaksa?

Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kaniya, Buhay ang Panginoon, ikaw ay matuwid, at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok na kasama ko sa hukbo ay mabuti sa aking paningin: sapagka't hindi ako nakasumpong ng kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito: gayon ma'y hindi ka kinalulugdan ng mga pangulo.

Kaya't ngayo'y ikaw ay bumalik at yumaong payapa, upang huwag kang kagalitan ng mga pangulo ng mga Filisteo.

At sinabi ni David kay Achis, Nguni't anong aking ginawa? at anong iyong nasumpungan sa iyong lingkod habang ako'y nasa sa harap mo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag yumaon at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoon na hari?

At sumagot si Achis, at sinabi kay David, Talastas ko na ikaw ay mabuti sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Dios: gayon ma'y sinabi ng mga prinsipe ng mga Filisteo. Hindi siya aahon na kasama natin sa pakikipagbaka.

10 Kaya't bumangon kang maaga sa kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na naparitong kasama mo; at pagbangon ninyong maaga sa kinaumagahan, at pagliliwanag ay yumaon kayo.

11 Sa gayo'y bumangong maaga si David, siya at ang kaniyang mga lalake, upang yumaon sa kinaumagahan, na bumalik sa lupain ng mga Filisteo. At ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel.

30 At nangyari, nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa Siclag, sa ikatlong araw, na ang mga Amalecita ay sumalakay sa Timugan, at sa Siclag, at sinaktan ang Siclag, at sinunog ng apoy;

At dinalang bihag ang mga babae at lahat na nandoon, ang maliliit at gayon din ang malalaki; hindi nila pinatay ang sinoman, kundi kanilang pinagdadala, at nagpatuloy ng kanilang lakad.

At nang si David at ang kaniyang mga lalake ay dumating sa bayan, narito, sinunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak na lalake at babae ay pinagdadalang bihag.

Nang magkagayo'y si David at ang bayan na nasa kaniya ay naglakas ng tinig, at umiyak, hanggang sa sila'y nawalan ng lakas na umiyak.

At ang dalawang asawa ni David ay nabihag, si Ahinoam na taga Jezreel, at si Abigail, na asawa ni Nabal, na taga Carmelo.

At nagdalamhating totoo si David, sapagka't pinagsasalitaan ng bayan na batuhin siya, sapagka't ang kaluluwa ng buong bayan ay pumanglaw, bawa't tao dahil sa kanikaniyang mga anak na lalake at babae; nguni't si David ay nagpakatibay sa Panginoon niyang Dios.

At sinabi ni David kay Abiathar na saserdote, na anak ni Ahimelech, Isinasamo ko sa iyo na dalhin mo rito ang epod. At dinala doon ni Abiathar ang epod kay David.

At sumangguni si David sa Panginoon, na nagsasabi, Kung aking habulin ang pulutong na ito, ay akin kayang aabutan sila? At sinagot niya siya, Iyong habulin: sapagka't tunay na iyong aabutan, at walang pagsalang mababawi mo ang lahat.

Sa gayo'y yumaon si David, siya at ang anim na raang lalake na kasama niya, at naparoon sa batis ng Besor, na kinaroroonan niyaong mga naiwan sa likuran.

10 Nguni't hinabol ni David, niya at ng apat na raang lalake: sapagka't ang dalawang daan natira sa likuran, na mga pata na hindi na nakatawid sa batis ng Besor:

11 At sila'y nakasumpong ng isang taga Egipto sa parang, at dinala nila siya kay David, at binigyan nila siya ng tinapay, at kumain: at binigyan nila siya ng tubig na mainom:

12 At binigyan nila siya ng isang putol ng binilong igos, at dalawang buwig na ubas; at nang kaniyang makain, ang kaniyang diwa ay nagsauli uli sa kaniya: sapagka't hindi siya nakakain ng tinapay o nakainom man ng tubig, na tatlong araw at tatlong gabi.

13 At sinabi ni David sa kaniya, Kanino ka ba nauukol? at taga saan ka? At sinabi niya, Ako'y isang binatang taga Egipto, bataan ng isang Amalecita; at iniwan ako ng aking panginoon, sapagka't tatlong araw na ako'y nagkasakit.

14 Kami ay sumalakay sa Timugan ng mga Ceretheo, at sa nauukol sa Juda, at sa Timugan ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag.

15 At sinabi ni David sa kaniya, Ilulusong mo ba ako sa pulutong na ito? At kaniyang sinabi, Ipanumpa mo sa akin ang Dios, hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at aking ilulusong ka sa pulutong na ito.

16 At nang kaniyang mailusong, narito, sila'y nangangalat sa buong lupa, na nagkakainan at nagiinuman, at nagkakasayahan, dahil sa lahat na malaking samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo, at sa lupain ng Juda.

17 At sinaktan ni David sila mula sa pagtatakip silim hanggang sa paglubog ng araw sa sumunod na araw: at walang taong nakatanan sa kanila liban sa apat na raang bataan na nakasakay sa mga kamelyo at tumakas.

18 At binawi ni David ang lahat na nakuha ng mga Amalecita: at iniligtas ni David ang kaniyang dalawang asawa.

19 At walang nagkulang sa kanila, kahit maliit o malaki man, kahit mga anak na lalake o babae man, kahit samsam man, kahit anomang bagay na nakuha nila sa kanila: ibinalik na lahat ni David.

20 At kinuha ni David ang lahat ng kawan at bakahan, na kanilang dinala na nasa unahan niyaong mga ibang hayop, at sinabi, Ito'y samsam ni David.

21 At naparoon si David sa dalawang daang lalake, na totoong mga pata na hindi nangakasunod kay David, na kanila namang pinatahan sa batis ng Besor; at sila'y lumabas upang salubungin si David, at upang salubungin ang mga taong kasama niya: at nang lumapit si David sa bayan, siya'y bumati sa kanila.

22 Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masamang tao, at mga tao na hamak, sa mga yumaong kasama ni David, at nagsabi, Sapagka't hindi sila yumaong kasama namin, hindi namin bibigyan sila ng samsam na aming nabawi, liban sa bawa't lalake ay ang kaniyang asawa at ang kaniyang mga anak, upang kanilang dalhin, at yumaon.

23 Nang magkagayo'y sinabi ni David, Huwag ninyong gagawing gayon, mga kapatid ko, sa ibinigay sa atin ng Panginoon, na siyang nagadya sa atin, at nagbigay sa ating kamay ng pulutong na naparito laban sa atin.

24 At sino ang didinig sa inyo sa bagay na ito? sapagka't kung gaano ang bahagi ng lumusong sa pakikipagbaka, ay gayon ang bahagi ng naiwan sa daladalahan: sila'y paraparang magkakabahagi.

25 At nagkagayon, na mula sa araw na yaon, na siya'y gumawa ng isang palatuntunan at ayos sa Israel, hanggang sa araw na ito.

26 At nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng mga samsam sa mga matanda sa Juda, sa makatuwid baga'y sa kaniyang mga kaibigan, na sinasabi, Narito, ang isang kaloob sa inyo na mula sa samsam sa mga kaaway ng Panginoon;

27 Sa kanila na nasa Beth-el, at sa kanila na nasa Ramoth ng Timugan, at sa kanila na nasa Jathir;

28 At sa kanila na nasa Aroer, at sa kanila na nasa Siphmoth, at sa kanila na nasa Esthemoa;

29 At sa kanila na nasa Rachal, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Jerameelita, at sa kanila na nasa mga bayan ng mga Cineo;

30 At sa kanila na sa Horma, at sa kanila na nasa Chorasan, at sa kanila na nasa Athach;

31 At sa kanila na nasa Hebron, at sa lahat na dako na karaniwang pinaroroonan ni David at ng kaniyang mga lalake.

31 Ang mga Filisteo nga ay lumaban sa Israel: at ang mga lalake sa Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.

At hinabol ng panunod ng mga Filisteo si Saul at ang kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Melchisua, na mga anak ni Saul.

At ang pagbabaka ay lumubha laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y totoong nahirapan dahil sa mga mamamana.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata, Bunutin mo ang iyong tabak at palagpasan mo ako niyaon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y palagpasan, at ako'y kanilang pahirapan. Nguni't ayaw ang kaniyang tagadala ng sandata; sapagka't siya'y totoong natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpakabuwal sa kaniyang tabak.

At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya naman ay nagpakabuwal sa kaniyang tabak, at nagpakamatay na kasama niya.

Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak, at ang kaniyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga lalake nang araw na yaon na magkakasama.

At nang makita ng mga lalake sa Israel na nasa kabilang dako ng libis, at ng mga nasa dako roon ng Jordan, na ang mga lalake sa Israel ay tumakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay namatay, kanilang iniwan ang mga bayan, at nagsitakas; at naparoon ang mga Filisteo, at tumahan sa mga yaon.

At nangyari nang kinabukasan nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, ay kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.

At kanilang pinugot ang kaniyang ulo, at hinubad ang kaniyang mga sakbat, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot upang ibalita sa mga bahay ng kanilang mga diosdiosan at sa bayan.

10 At kanilang inilagay ang kaniyang sakbat, sa bahay ni Astaroth: at kanilang ibinitin ang bangkay niya sa kuta ng Beth-san.

11 At nang mabalitaan ng mga tumatahan sa Jabes-galaad ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 Lahat ng matapang na lalake ay bumangon at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak sa kuta ng Beth-san; at sila'y naparoon sa Jabes, at kanilang pinagsunog doon.

13 At kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nagayuno silang pitong araw.

Juan 11:55-12:19

55 Ang paskua nga ng mga Judio ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, upang magsipaglinis.

56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa't isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista?

57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao'y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.

12 Anim na araw nga bago magpaskua ay naparoon si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay.

Kaya't iginawa siya doon ng isang hapunan: at si Marta ay naglilingkod; datapuwa't si Lazaro ay isa sa nangakaupo sa pagkain na kasalo niya.

Si Maria nga'y kumuha ng isang libra ng unguentong taganas na nardo, na totoong mahalaga, at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at kinuskos ang kaniyang mga paa ng kaniyang mga buhok: at ang bahay ay napuno ng amoy ng unguento.

Datapuwa't si Judas Iscariote, na isa sa kaniyang mga alagad, na sa kaniya'y magkakanulo, ay nagsabi,

Bakit hindi ipinagbili ang unguentong ito ng tatlong daang denario, at ibigay sa mga dukha?

Ito'y sinabi nga niya, hindi sapagka't ipinagmalasakit niya ang mga dukha; kundi sapagka't siya'y magnanakaw, at yamang nasa kaniya ang supot ay kinukuha niya ang doon ay inilalagay.

Sinabi nga ni Jesus, Pabayaan ninyong ilaan niya ito ukol sa araw ng paglilibing sa akin.

Sapagka't ang mga dukha ay laging nasa inyo; nguni't ako'y hindi laging nasa inyo.

Ang karaniwang mga tao nga sa mga Judio ay naalaman na siya'y naroroon: at sila'y nagsiparoon, hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro naman, na muling ibinangon niya mula sa mga patay.

10 Datapuwa't nangagsanggunian ang mga pangulong saserdote upang kanilang maipapatay pati si Lazaro;

11 Sapagka't dahil sa kaniya'y marami sa mga Judio ang nagsisialis at nagsisipanampalataya kay Jesus.

12 Nang kinabukasan ang isang malaking karamihan na nagsiparoon sa pista, pagkabalita nila na si Jesus ay dumarating sa Jerusalem,

13 Ay nagsikuha ng mga palapa ng mga puno ng palma, at nagsilabas na sumalubong sa kaniya, na nagsisigawan, Hosanna: Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon, sa makatuwid baga'y ang Hari ng Israel.

14 At si Jesus, pagkasumpong sa isang batang asno, ay sumakay doon, gaya ng nasusulat,

15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion: narito, ang iyong Hari ay pumaparito, na nakasakay sa isang anak ng asno.

16 Ang mga bagay na ito ay hindi napagunawa ng kaniyang mga alagad sa pasimula: nguni't nang si Jesus ay maluwalhati na, ay saka nila naalaala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kaniya, at kanilang ginawa ang mga bagay na ito sa kaniya.

17 Ang karamihan ngang kasama niya nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y ibangon sa mga patay, ay siyang nangagpapatotoo.

18 Dahil dito rin naman ang karamihan ay nagsiyaon at sumalubong sa kaniya, sapagka't nabalitaan nila na siyang gumawa ng tandang ito.

19 Ang mga Fariseo nga'y nangagsangusapan, Tingnan ninyo kung paanong kayo'y walang anomang ikapanaig; narito, ang sanglibutan ay sumusunod sa kaniya.

Awit 118:1-18

118 Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Magsabi ngayon ang Israel, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Magsabi ngayon ang sangbahayan ni Aaron, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Mangagsabi ngayon ang nangatatakot sa Panginoon, na ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon: sinagot ako ng Panginoon, at inilagay ako sa maluwag na dako.

Ang Panginoon ay kakampi ko; hindi ako matatakot: anong magagawa ng tao sa akin?

Ang Panginoon ay kakampi ko sa gitna nila na nagsisitulong sa akin: kaya't makikita ko ang nasa ko sa kanila na nangagtatanim sa akin.

Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa tao.

Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kay sa maglagak ng tiwala sa mga pangulo.

10 Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

11 Kanilang kinubkob ako sa palibot; oo, kanilang kinubkob ako sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

12 Kanilang kinubkob ako sa palibot na parang mga pukyutan: sila'y nangamatay na parang apoy ng mga dawag: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila.

13 Itinulak mo akong bigla upang ako'y mabuwal: nguni't tulungan ako ng Panginoon.

14 Ang Panginoon ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan.

15 Ang tinig ng kagalakan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.

16 Ang kanan ng Panginoon ay nabunyi; ang kanan ng Panginoon ay gumagawang matapang.

17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at magpapahayag ng mga gawa ng Panginoon.

18 Pinarusahan akong mainam ng Panginoon; nguni't hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.

Kawikaan 15:24-26

24 Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.

25 Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni't kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.

26 Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain