The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Sinaway ni Natan si David
12 Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, “May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap. 2 Ang mayaman ay maraming tupa at baka, 3 pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae. 4 Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.”
5 Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan. 6 Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa.”
7 Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul. 8 Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan. 9 Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko, at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya. 10 Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa.’
11 “Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: May isang miyembro ng sambahayan mo ang maghihimagsik laban sa iyo. Ibibigay ko ang mga asawa mo sa taong iyon na hindi iba sa iyo at sisiping siya sa kanila na kitang-kita ng mga tao. 12 Ginawa mo ito nang lihim pero ang gagawin koʼy makikita nang hayagan ng buong Israel.”
13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. 14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.” 15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba. 16 Nakiusap si David sa Dios para sa bata. Nag-ayuno siya sa loob ng kwarto niya, at natutulog siya sa lapag gabi-gabi. 17 Pinuntahan siya ng mga tagapamahala ng kanyang sambahayan para pabangunin, pero ayaw niya, at ayaw din niyang kumaing kasama nila.
18 Nang ikapitong araw, namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na patay na ang bata. Sinabi nila, “Paano natin sasabihin sa kanya na patay na ang bata? Hindi nga niya pinapansin ang pagdamay natin sa kanya noong buhay pa ang bata, paano pa kaya ngayong patay na ito. Baka kung ano ang gawin niya sa sarili niya!”
19 Napansin ni David na nagbubulungan ang mga alipin niya, kaya pakiramdam niya, patay na ang bata. Nagtanong siya, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na po siya.” 20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo, nagpahid ng mabangong langis at nagpalit ng damit. Pumunta siya sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos, umuwi siya, nagpahain, at kumain. 21 Sinabi ng mga lingkod niya, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buhay pa ang bata, nag-aayuno po kayo at umiiyak, pero ngayong patay na ang bata, bumangon kayo at kumain!” 22 Sumagot si David, “Oo, nag-ayuno ako at umiyak noong buhay pa ang bata dahil iniisip ko na baka kaawaan ako ng Panginoon at hindi niya payagang mamatay ang bata. 23 Pero ngayong patay na ang bata, bakit pa ako mag-aayuno? Mabubuhay ko pa ba siya? Darating ang panahon na makakapunta ako sa kinaroroonan niya, pero hindi na siya makakabalik sa akin.”
24 Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata, 25 at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia[a] ang bata dahil mahal siya ng Panginoon.
Sinakop ni David ang Rabba(A)
26 Sa kabilang dako, sumalakay sina Joab sa Rabba, ang kabisera ng Ammon, at malapit na nila itong masakop. 27 Nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David para sabihin, “Sinalakay po namin ang Rabba at nasakop na namin ang imbakan nila ng tubig. 28 Ngayon, tipunin nʼyo po ang mga natitirang sundalo at tapusin na ninyo ang pagsakop sa lungsod para kayo ang maparangalan at hindi ako.”
29 Kaya tinipon ni David ang natitirang sundalo at sinalakay nila ang Rabba, at nasakop nila ito. 30 Kinuha ni David sa ulo ng hari ng mga Ammonita[b] ang gintong korona at ipinutong ito sa kanyang ulo. Ang bigat ng korona ay 35 kilo at may mga mamahaling bato. Marami pang bagay ang nasamsam ni David sa lungsod na iyon. 31 Ginawa niyang alipin ang mga naninirahan doon at sapilitan silang pinagtrabaho gamit ang lagare, piko, at palakol, at pinagawa rin sila ng mga tisa. Ito ang ginawa ni David sa mga naninirahan sa lahat ng bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, umuwi si David at ang lahat ng sundalo niya sa Jerusalem.
16 “Sinasabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito para hindi manghina ang inyong pananampalataya pagdating ng pag-uusig. 2 Hindi na kayo tatanggapin ng mga kapwa nʼyo Judio sa mga sambahan nila. Sa katunayan, darating ang panahon na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Dios. 3 Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila kilala ang Ama o ako. 4 Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. 5 Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. 7 Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. 9 Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. 11 Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo.
12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14 Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.
Mapapalitan ng Galak ang Kalungkutan
16 “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” 17 Nagtanungan ang ilan sa mga tagasunod niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. 18 Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” 19 Alam ni Jesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. 21 Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. 22 Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.
23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[a] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.
Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo
25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”
29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.” 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Kung ganoon, sumasampalataya na ba kayo ngayon sa akin? 32 Pero darating ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo at magkakanya-kanya, at iiwan nʼyo akong nag-iisa. Ngunit kahit iwan nʼyo ako, hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.[b] Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo,[c] pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”
65 Panginoon, maging mabuti kayo sa akin na inyong lingkod, ayon sa inyong pangako.
66 Bigyan nʼyo ako ng kaalaman at karunungan,
dahil nagtitiwala ako sa inyong mga utos.
67 Nang akoʼy hindi nʼyo pa pinarurusahan, akoʼy lumayo sa inyo,
ngunit ngayoʼy sinusunod ko na ang inyong mga salita.
68 Napakabuti nʼyo at mabuti ang inyong mga ginagawa.
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
69 Kahit na akoʼy sinisiraan ng mga taong mapagmataas, buong puso ko pa ring tinutupad ang inyong mga tuntunin.
70 Hindi sila nakakaunawa ng inyong kautusan,
ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos nang may kagalakan.
71 Mabuti na pinarusahan nʼyo ako,
dahil sa pamamagitan nito natutunan ko ang inyong mga turo.
72 Para sa akin, ang kautusang ibinigay nʼyo ay higit na mahalaga kaysa sa maraming kayamanan.
73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.
4 Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan.
5 Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®