Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 22:1-23:23

Ang Awit ng Tagumpay ni David

(Salmo 18)

22 Umawit si David sa Panginoon nang iligtas siya ng Panginoon sa kamay ng mga kalaban niya at kay Saul. Ito ang awit niya:

    Panginoon, kayo ang aking matibay na bato na kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
    Bilang kanlungan na bato, makakapagtago ako sa inyo.
Sa inyo ako tumatakbo at kumakanlong.
    Inililigtas nʼyo ako sa mararahas na tao.
Karapat-dapat kayong purihin Panginoon, dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.
Tulad ng mga alon, ang kamatayan ay nakapalibot sa akin.
    Ang mga pinsalaʼy tulad ng malakas na agos na tumatangay sa akin.
Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking daraanan.
Sa aking kahirapan, humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon na aking Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko roon sa inyong templo.
Lumindol, at ang pundasyon ng kalangitan ay nayanig,
    dahil nagalit kayo, Panginoon.
Umusok din ang inyong ilong,
    at ang inyong bibig ay bumuga ng apoy at mga nagliliyab na baga.
10 Binuksan nʼyo ang langit at kayoʼy bumaba,
    at tumuntong sa maitim at makapal na ulap.
11 Kayoʼy sumakay sa isang kerubin,
    at mabilis na lumipad na dala ng hangin.
12 Pinalibutan mo ang iyong sarili ng kadiliman, ng madilim at makapal na ulap.
13 Kumidlat mula sa inyong kinaroroonan,
    at mula rooʼy bumagsak ang mga yelo at nagliliyab na baga.
14 Ang tinig nʼyo, Kataas-taasang Dios na aming Panginoon, ay dumadagundong mula sa langit.
15 Pinana nʼyo ng kidlat ang inyong mga kalaban
    at nataranta silang nagsitakas.
16 Sa inyong tinig at matinding galit, natuyo ang dagat at nakita ang lupa sa ilalim nito,
    pati na rin ang pundasyon ng mundo ay nalantad.
17 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
18 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
19 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
20 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
21 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
22 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
23 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
24 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
25 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong wala akong ginagawang kasalanan.
26 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
27 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit mas tuso kayo sa mga taong masama.
28 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ibinababa nʼyo ang mga mapagmataas.
29 Panginoon, kayo ang aking liwanag
    Sa kadiliman kayo ang aking ilaw.
30 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
31 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan sa inyo.
32 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
33 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,[a]
    at nagbabantay sa aking daraanan.
34 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
35 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
36 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin,
    at sa pamamagitan ng inyong tulong ay naging kilala ako.
37 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.
38 Hinabol ko ang aking mga kalaban at inabutan ko sila,
    at hindi ako tumigil hanggang sa naubos ko sila.
39 Hinampas ko sila hanggang sa magsibagsak,
    at hindi na makabangon sa aking paanan.
40 Binigyan nʼyo ako ng lakas sa pakikipaglaban,
    kaya natalo ko ang aking mga kalaban.
41 Dahil sa inyo, umatras ang aking mga kaaway na may galit sa akin,
    at silaʼy pinatay ko.
42 Humingi sila ng tulong, ngunit walang sinumang tumulong.
    Tumawag din sila sa inyo Panginoon, ngunit kayoʼy hindi tumugon.
43 Dinurog ko sila hanggang sa naging parang alikabok na lamang na inililipad ng hangin,
    at tinatapak-tapakan na parang putik sa kalsada.
44 Iniligtas nʼyo ako Panginoon sa mga rebelde kong mamamayan.
    Ginawa nʼyo akong pinuno ng mga bansa.
    Ang mga taga-ibang lugar ay sumusunod sa akin.
45 Yumuyukod sila sa akin nang may takot at sinusunod ang aking mga utos.
46 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
47 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
48 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
49 Inilalayo nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
50 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa, O Panginoon.
    Aawitan ko kayo ng mga papuri.
51 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.”

Ang Mga Huling Pangungusap ni David

23 Pinatanyag ng Kataas-taasang Dios si David na anak ni Jesse. Pinili siya ng Dios ni Jacob para maging hari, at sumulat siya ng magagandang awit ng Israel. Ito ang mga huling pangungusap niya:

“Nagsalita ang Espiritu ng Panginoon sa pamamagitan ko;
    ang mga mensahe niyaʼy nasa aking mga labi.
Sinabi sa akin ng Dios, na bato na kanlungan ng Israel,
    ‘Ang namumuno nang matuwid at may takot sa Dios,
tulad ng liwanag ng araw na sumisikat sa umaga na walang maitim na ulap,
    na nagpapakinang sa mga damo pagkatapos ng ulan!’
Ganyan ang pamilya ko sa paningin ng Dios,
    at gumawa siya ng kasunduang walang hanggan sa akin.
    Maayos at detalyado ang kasunduang ito at hindi na mapapalitan.
    Kaya nakatitiyak ako na palagi akong ililigtas ng Dios
    at ibibigay niya sa akin ang lahat ng aking mga ninanais.
6-7 Ngunit ang masasamang taoʼy gaya ng matitinik na mga halaman na itinatapon.
    Hindi sila pwedeng kunin sa pamamagitan lang ng kamay, kailangan pa itong gamitan ng kagamitang gawa sa bakal o kahoy,
    at susunugin sila sa lugar na kinaroroonan nila.”

Ang Matatapang na Tauhan ni David(A)

Ito ang mga matatapang na tauhan ni David:

Si Josheb Bashebet na taga-Takemon ang nangunguna sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 800 tao sa pamamagitan ng sibat niya.

Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai na angkan ni Ahoa, na isa sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. Isa siya sa mga kasama ni David na humamon sa mga Filisteong nagtipon sa Pas Damim[b] sa pakikipaglaban. Tumakas ang mga Israelita, 10 pero nagpaiwan siya at pinagpapatay niya ang mga Filisteo hanggang sa mapagod na ang kamay niya at manigas sa pagkahawak sa espada. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon. Bumalik kay Eleazar ang mga tumakas na Israelita para kunin ang mga armas ng mga namatay.

11 Ang sumunod ay si Shama na anak ni Agee na taga-Harar. Isang araw, nagtipon ang mga Filisteo sa Lehi, at sinalakay nila ang mga Israelita sa taniman ng mga gisantes. Tumakas ang mga Israelita, 12 pero nagpaiwan si Shama sa gitna ng taniman para protektahan ito, at pinatay niya ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon nang araw na iyon.

13 Nang panahon ng tag-ani, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong taong itoʼy kasama sa 30 matatapang na tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim 14 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 15 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 16 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ay ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 17 Sinabi niya, “Panginoon, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon ang ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

18 Si Abishai na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruya ang pinuno ng 30[c] tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya katulad ng tatlong matatapang na tauhan. 19 At dahil sa siya ang pinakatanyag sa 30, naging pinuno nila siya pero hindi siya kabilang sa tatlong matatapang.

20 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 21 Bukod dito, pinatay niya ang isang napakalaking Egipcio na may armas na sibat, habang isang pamalo lang ang armas niya. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 22 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 23 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.

Gawa 2

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu

Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes,[a] nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.

Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. 10 Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, 11 mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”

12 Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?” 13 Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”

Nangaral si Pedro

14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. 15 Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. 16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:

17 ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.
    Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;
    ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
19 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”[b]

22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya. 25 Ito ang sinabi ni David na para rin sa kanya,

    ‘Alam kong ang Panginoon ay lagi kong kasama at hindi niya ako pinapabayaan, kaya hindi ako nangangamba.
26 Kaya masaya ako, at hindi mapigil ang aking pagpupuri sa Dios.
    At kahit mamatay ako, may pag-asa pa rin ako.
27 Sapagkat alam kong hindi mo ako pababayaan doon sa libingan.[c]
    Hindi mo rin hahayaang mabulok ang iyong tapat na lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang daan patungo sa buhay,
    at dahil sa palagi kitang kasama, masayang-masaya ako.’[d]

29 “Mga kababayan, malinaw na hindi tinutukoy ni David ang kanyang sarili, dahil ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing, at hanggang ngayon ay alam natin kung saan siya nakalibing. 30 Si David ay propeta at alam niya na nangako ang Dios sa kanya na ang isa sa kanyang mga lahi ay magmamana ng kanyang kaharian. 31 At dahil alam ni David kung ano ang gagawin ng Dios, nagsalita siya tungkol sa muling pagkabuhay ni Cristo, na hindi siya pinabayaan sa libingan at hindi nabulok ang kanyang katawan. 32 Ang kanyang tinutukoy ay walang iba kundi si Jesus na muling binuhay ng Dios, at kaming lahat ay saksi na muli siyang nabuhay. 33 Itinaas siya sa kanan ng Dios.[e] At ibinigay sa kanya ng Ama ang Banal na Espiritung ipinangako sa kanya. Ang Banal na Espiritung ito ay ipinadala naman ni Jesus sa amin, at ang kanyang kapangyarihan ang siyang nakikita ninyo at naririnig ngayon. 34-35 Hindi si David ang itinaas sa langit, pero sinabi niya,

    ‘Nagsalita ang Panginoon sa aking Panginoon[f]:
    Umupo ka rito sa kanan ko hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’

36 Kaya dapat talagang malaman ng lahat ng Israelita na itong si Jesus na ipinapako nʼyo sa krus ang siyang pinili ng Dios na maging Panginoon at Cristo.”

37 Nang marinig iyon ng mga tao, tumagos ito sa kanilang puso. Kaya nagtanong sila kay Pedro at sa kanyang kasamang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro sa kanila, “Magsisi ang bawat isa sa inyong mga kasalanan at magpabautismo sa pangalan ni Jesu-Cristo,[g] at mapapatawad ang inyong mga kasalanan at matatanggap ninyo ang regalo ng Dios na walang iba kundi ang Banal na Espiritu. 39 Sapagkat ang Banal na Espiritung ito ay ipinangako para sa inyo, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng taong nasa malayo – sa lahat ng tatawagin ng Panginoon nating Dios na magsisilapit sa kanya.”

40 Marami pang ipinahayag si Pedro para patunayan sa kanila ang kanyang sinabi. At hiniling niya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong sarili sa masamang henerasyong ito.” 41 Marami ang naniwala sa kanyang mensahe at nagpabautismo agad sila. Nang araw na iyon, mga 3,000 tao ang nadagdag sa mga mananampalataya. 42 Naging masigasig sila sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa paghahati-hati ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Mananampalataya

43 Maraming himala at kamangha-manghang ginawa ang Dios sa pamamagitan ng mga apostol. Kaya namuhay ang mga tao nang may paggalang at takot sa Dios. 44 Maganda ang pagsasamahan ng mga mananampalataya, at pinag-isa nila ang kanilang mga ari-arian para makabahagi ang lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw, nagtitipon sila sa templo at naghahati-hati ng tinapay sa kanilang mga bahay. Lubos ang kagalakan nila sa kanilang pakikibahagi sa pagkain, 47 at palagi silang nagpupuri sa Dios. Nagustuhan sila ng lahat ng tao. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.

Salmo 122

Papuri sa Jerusalem

122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
    “Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
    “Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”

Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
    “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.

Kawikaan 16:19-20

19 Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan.
20 Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®