The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Nagpakita ang Panginoon kay Solomon(A)
9 Nang matapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo ng Panginoon at ng kanyang palasyo, at ng iba pa na binalak niyang gawin, 2 nagpakitang muli ang Panginoon sa kanya katulad ng ginawa niya noon sa Gibeon. 3 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Narinig ko ang panalangin at kahilingan mo sa akin. Ang templong ipinatayo mo ang pinili kong lugar kung saan ako pararangalan magpakailanman. Palagi ko itong babantayan at iingatan. 4 At ikaw, kung mamumuhay kang tapat at matuwid sa aking harapan, katulad ng iyong ama na si David, at kung gagawin mo ang lahat ng ipinapagawa ko sa iyo at tutuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, 5 paghahariin ko sa Israel ang iyong mga angkan magpakailanman. Ipinangako ko ito sa iyong ama na si David nang sabihin ko sa kanya, ‘Laging magmumula sa angkan mo ang maghahari sa Israel.’ 6 Pero kung tatalikod kayo o ang inyong mga angkan sa akin at hindi susunod sa aking mga utos at mga tuntunin na ibinigay ko sa inyo, at kung maglilingkod at sasamba kayo sa ibang mga dios, 7 paaalisin ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at itatakwil ko ang templong ito na hinirang kong lugar kung saan pararangalan ang aking pangalan. Pagkatapos, kukutyain at pagtatawanan ng lahat ng tao ang Israel. 8 At kahit maganda at tanyag ang templong ito, sisirain ko ito. Magugulat at mamamangha ang lahat ng dumaraan dito at painsultong sasabihin, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupain at templong ito?’ 9 Sasagot ang iba, ‘Dahil itinakwil nila ang Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanilang mga ninuno sa Egipto at naglingkod sila at sumamba sa ibang mga dios. Iyan ang dahilan kung bakit pinadalhan sila ng Panginoon ng mga kapahamakan.’ ”
Ang Iba pang Naipatayo ni Solomon(B)
10 Matapos na maipatayo ni Solomon ang dalawang gusali – ang templo ng Panginoon at ang palasyo sa loob ng 20 taon, 11 ibinigay niya ang 20 bayan sa Galilea kay Haring Hiram ng Tyre. Ginawa niya ito dahil tinustusan siya ni Hiram ng lahat ng kahoy na sedro at sipres[a] at ng ginto na kanyang kailangan. 12 Pero nang pumunta si Hiram sa Galilea mula sa Tyre para tingnan ang mga bayan na ibinigay sa kanya ni Solomon, hindi siya nasiyahan dito. 13 Sinabi niya kay Solomon “Aking kapatid, anong klaseng mga bayan itong ibinigay mo sa akin?” Tinawag ni Hiram ang lupaing iyon na Cabul,[b] at ganito pa rin ang tawag dito hanggang ngayon. 14 Nagpadala roon si Hiram kay Solomon ng limang toneladang ginto.
15 Ito ang ulat tungkol sa sapilitang pagpapatrabaho ni Haring Solomon sa mga tao para maipatayo ang templo ng Panginoon at ang kanyang palasyo, sa pagpapatibay ng lupain sa bandang silangan ng lungsod, sa pagpapatibay ng pader ng Jerusalem, at sa pagpapatayong muli ng mga lungsod ng Hazor, Megido at Gezer. 16 (Nilusob ang Gezer at inagaw ito ng Faraon na hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinagpapatay ang mga naninirahan dito na mga Cananeo. Ibinigay niya ang lungsod na ito sa kanyang anak na babae bilang regalo sa kasal nito kay Solomon. 17 At ipinatayong muli ni Solomon ang Gezer.) Ipinatayo rin niya ang ibabang bahagi ng Bet Horon, 18 ang Baalat, ang Tamar[c] na nasa disyerto na sakop ng kanyang lupain, 19 at ang lahat ng lungsod na imbakan ng kanyang mga pangangailangan, at mga karwahe at mga kabayo. Ipinatayo niya ang lahat ng ninanais niyang ipatayo sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing sakop niya.
20-21 May mga tao pa na naiwan sa Israel na hindi mga Israelita. Sila ay mga lahi ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo, na hindi nalipol ng lubusan ng mga Israelita nang sakupin nila ang lupain ng Canaan. Ginawa silang alipin ni Solomon at pinilit na magtrabaho, at nananatili silang alipin hanggang ngayon. 22 Pero hindi ginawang alipin ni Solomon ang sinumang Israelita. Sa halip, ginawa niya silang kanyang mga sundalo, mga opisyal, mga kapitan ng mga sundalo, mga kumander ng kanyang mga mangangarwahe at mga mangangabayo. 23 Ang 550 sa kanila ay ginawa ni Solomon na mga opisyal na mamamahala sa mga manggagawa ng kanyang mga proyekto.
24 Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa, na anak ng Faraon, inilipat niya ito roon mula sa Lungsod ni David. Pagkatapos, pinatambakan niya ng lupa ang mababang bahagi ng lungsod.
25 Tatlong beses sa bawat taon, nag-aalay si Solomon ng mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon[d] doon sa altar na ipinagawa niya para sa Panginoon. Nagsusunog din siya ng mga insenso sa presensya ng Panginoon.
Kaya natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng templo.
26 Nagpagawa rin si Solomon ng mga barko sa Ezion Geber, malapit sa Elat[e] na sakop ng Edom, sa dalampasigan ng Dagat na Pula. 27 Nagpadala si Hiram ng mga marino na bihasang mandaragat, kasama ng mga tauhan ni Solomon. 28 Naglayag sila sa Ofir at bumalik sila na may dalang 15 toneladang ginto at dinala nila ito kay Haring Solomon.
Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon(C)
10 Nang marinig ng reyna ng Sheba ang pagiging tanyag ni Solomon, na nakapagbigay ng karangalan sa Panginoon, pumunta siya kay Solomon para subukin ang karunungan nito sa pamamagitan ng mahihirap na tanong. 2 Dumating siya sa Jerusalem na kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng gusto niyang itanong. 3 Sinagot ni Solomon ang lahat ng tanong niya at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. 4 Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon at nang makita niya ang ganda ng palasyo na ipinatayo nito, 5 hindi siya makapaniwala. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng mga utusan na may magagandang uniporme, ang mga tagasilbi ng kanyang inumin at ang mga handog na sinusunog na inialay nito sa templo ng Panginoon.
6 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. 7 Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan at kayamanan nʼyo ay higit pa kaysa sa narinig ko. 8 Napakapalad ng inyong mga tauhan! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. 9 Purihin ang Panginoon na iyong Dios, na natutuwa sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ng Panginoon sa Israel, ginawa niya kayong hari para mamuno kayo nang may katarungan at katuwiran.”
10 Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na mapapantayan ang dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
11 (May dala ring mga ginto ang mga barko ni Hiram, maraming kahoy na almug at mga mamahaling bato mula sa Ofir para kay Haring Solomon. 12 Ang mga kahoy na almug ay ginamit ng hari upang gawing hagdan para sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang iba ay ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Iyon ang pinakamagandang kahoy na almug na ipinadala sa Israel; wala nang makikita na kagaya nito hanggang sa ngayon.[f])
13 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang anumang hingin niya, bukod pa sa mga regalo na ibinigay ni Solomon sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ang mga tauhan niya.
Ang Kayamanan ni Solomon(D)
14 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng 23 toneladang ginto, 15 bukod pa rito ang mga buwis na galing sa mga negosyante, sa lahat ng hari ng Arabia at sa mga gobernador ng Israel.
16 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong[g] kilong ginto. 17 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan din ng ginto na mga tatlo at kalahating kilo. Pinalagay niya ang lahat ng ito sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
18 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante at binalutan ito ng purong ginto. 19 May anim na baitang ang tronong ito at pabilog ang sandalan. Sa magkabilang gilid nito na may patungan ng braso ay may estatwang leon na nakatayo. 20 Mayroon ding estatwang leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 21 Ang lahat ng kopang inuman ni Haring Solomon ay purong ginto at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto rin. Hindi ginawa ang mga ito sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 22 Si Solomon ay may mga barko rin na pangkalakal[h] na naglalayag kasama ng mga barko ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante at malalakiʼt maliliit na uri ng unggoy. 23 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 24 Ang mga tao sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para mapakinggan ang karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 25 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.[i]
26 Nakapagtipon si Solomon ng 14,000 mga karwahe at 12,000 kabayo. Inilagay niya ang iba nito sa mga lungsod na taguan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 27 Nang panahong siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay tulad lang ng mga pangkaraniwang bato, at ang kahoy na sedro ay parang kasindami ng mga pangkaraniwang puno ng sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[j] 28 Ang mga kabayo ni Solomon ay galing pa sa Egipto[k] at sa Cilicia.[l] Binili ito sa Cilicia ng kanyang mga tagabili sa tamang halaga. 29 Nang panahong iyon, ang halaga ng karwahe na mula sa Egipto ay 600 pirasong pilak at ang kabayo ay 150 pirasong pilak. Ipinagbili rin nila ito sa lahat ng hari ng mga Heteo at mga Arameo.[m]
14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”
25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.
Si Felipe at ang Opisyal na Taga-Etiopia
26 May isang anghel ng Panginoon na nagsabi kay Felipe, “Pumunta ka agad sa timog, at sundan mo ang daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ang daang iyon ay bihira na lang daanan.) 27 Kaya umalis si Felipe, at doon ay nakita niya ang taong taga-Etiopia. Pauwi na ito galing sa Jerusalem kung saan siya sumamba sa Dios. Mataas ang kanyang tungkulin dahil siya ang pinagkakatiwalaan ng kayamanan ng Candace. (Ang Candace ay reyna ng Etiopia.) 28 Nakasakay siya sa kanyang karwahe[a] at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Banal na Espiritu kay Felipe, “Puntahan mo at makisabay ka sa kanyang karwahe.” 30 Kaya tumakbo si Felipe at inabutan niya ang karwahe. Narinig niyang nagbabasa ang opisyal ng aklat ni Propeta Isaias. Tinanong siya ni Felipe kung nauunawaan niya ang kanyang binabasa. 31 Sumagot ang opisyal, “Hindi nga eh! Paano ko mauunawaan kung wala namang magpapaliwanag sa akin?” Inanyayahan niya si Felipe na sumakay sa kanyang karwahe at tumabi sa kanya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na kanyang binabasa:
“Hindi siya nagreklamo.
Katulad siya ng tupa na dinadala sa katayan,
o kayaʼy isang munting tupa na walang imik habang ginugupitan.
33 Hinamak siya at hinatulan nang hindi tama.
Walang makapagsasabi tungkol sa kanyang mga lahi,
dahil pinaikli ang kanyang buhay dito sa lupa.”
34 Sinabi ng opisyal kay Felipe, “Sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy ng propeta, ang sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya simula sa bahaging iyon ng Kasulatan, ipinaliwanag sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. 36 Habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa lugar na may tubig. Sinabi ng opisyal kay Felipe, “May tubig dito. May dahilan pa ba para hindi ako mabautismuhan?” [37 Sumagot si Felipe sa kanya, “Maaari ka nang bautismuhan kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang opisyal, “Oo, sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Dios.”] 38 Pinahinto ng opisyal ang karwahe at lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. 39 Pagkaahon nila sa tubig, bigla na lang kinuha si Felipe ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng opisyal, pero masaya siyang nagpatuloy sa kanyang paglalakbay. 40 Namalayan na lang ni Felipe na siyaʼy nasa lugar na ng Azotus.[b] Nangaral siya ng Magandang Balita sa mga bayan na dinadaanan niya hanggang makarating siya sa Cesarea.
Pagtitiwala sa Panginoon sa Oras ng Paghihirap
130 Panginoon, sa labis kong paghihirap akoʼy tumatawag sa inyo.
2 Dinggin nʼyo po ang aking pagsusumamo.
3 Kung inililista nʼyo ang aming mga kasalanan,
sino kaya sa amin ang matitira sa inyong presensya?[a]
4 Ngunit pinapatawad nʼyo kami, upang matuto kaming gumalang sa inyo.
5 Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo,
at umaasa sa inyong mga salita.
6 Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
7 Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon,
dahil siyaʼy mapagmahal at laging handang magligtas.
8 Siya ang magliligtas sa inyo sa lahat ng inyong mga kasalanan.
2 Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito.
3 Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®