The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
20 Nang mabalitaan ng lahat ng mga Israelita na nakauwi na si Jeroboam, ipinatawag nila siya sa isang pagtitipon at ginawa nila siyang hari sa buong Israel. Ang lahi lang ni Juda ang nanatiling tapat sa paghahari ng mga angkan ni David.
Binalaan ni Shemaya si Rehoboam(A)
21 Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mahuhusay na sundalo ng mga lahi nina Juda at Benjamin. Nakapagtipon siya ng 180,000 sundalo na makikipaglaban sa mga mamamayan ng Israel at para bawiin ang kaharian niya. 22 Pero sinabi ng Dios kay Shemaya na kanyang lingkod, 23 “Sabihin mo kay Haring Rehoboam ng Juda, na anak ni Solomon, at sa lahat ng sambayanan ng Juda at Benjamin at sa iba pang taong naroon 24 na ito ang sinasabi ko: ‘Huwag kayong makipaglaban sa mga kapwa ninyo Israelita. Umuwi kayo, dahil kalooban ko ang lahat ng ito.’ ” Sumunod nga sila sa Panginoon at umuwi ayon sa inutos ng Panginoon.
Nagpagawa si Jeroboam ng mga Gintong Baka
25 Pinalibutan ni Jeroboam ng pader ang lungsod ng Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya tumira. Kinalaunan, pumunta siya sa Penuel at ipinaayos niya ito. 26 Sinabi niya sa kanyang sarili, “Baka maibalik ang kaharian sa angkan ni David 27 kung magpapatuloy ang mga tao sa pagpunta sa Jerusalem para maghandog doon sa templo ng Panginoon. Maaaring mahulog muli ang kanilang loob kay Haring Rehoboam ng Juda. At kung mangyayari iyon, papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam.”
28 Kaya pagkatapos na payuhan si Jeroboam tungkol dito, nagpagawa siya ng dalawang gintong baka. Sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, mahirap na para sa inyo na makapunta pa sa Jerusalem. Narito ang inyong mga dios na naglabas sa inyo sa Egipto.” 29 Ang isang gintong baka ay ipinalagay niya sa Betel at ang isa naman ay sa Dan. 30 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng mga Israelita.[a] Pumupunta pa sila kahit sa Dan para sumamba roon.
31 Nagpagawa pa si Jeroboam ng mga sambahan sa matataas na lugar[b] at pumili siya ng mga tao na maglilingkod bilang pari, kahit hindi sila mula sa pamilya ng mga Levita. 32 Nagpasimula rin siya ng pista na ipinagdiriwang tuwing ika-15 araw ng ikawalong buwan, tulad ng pista sa Juda. Nang araw na iyon, nag-alay siya sa Betel ng mga handog sa altar para sa mga gintong baka na ipinagawa niya. At doon siya pumili ng mga pari na itinalaga niyang maglingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagawa niya. 33 Sa araw na iyon na naghandog siya sa altar na kanyang ipinagawa sa Betel, sinimulan niya ang pista para sa mga Israelita. Siya ang pumili ng petsang ika-15 araw ng ikawalong buwan para sa ganitong pista.
Isinumpa ng Propeta ang Altar sa Betel
13 Ngayon, inutusan ng Panginoon ang isang lingkod niyang taga-Juda na pumunta sa Betel. Pagdating niya roon, nakatayo si Jeroboam sa tabi ng altar para maghandog. 2 Inutusan ng Panginoon ang lingkod niya na isumpa ang altar na iyon. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa altar na ito: May isisilang na isang sanggol sa pamilya ni David na ang pangalan ay Josia. Papatayin niya at ihahandog sa altar na ito ang mga pari na naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar[c] at naghahandog sa altar na ito. Masusunog ang kanilang mga buto sa altar na ito.” 3 Sa mismong araw na ito, nagbigay ang lingkod ng Dios ng palatandaan na mangyayari ang kanyang sinabi. Sinabi niya, “Ito ang palatandaan na sinabi ng Panginoon: Matitibag ang altar na ito at ang alikabok nito ay kakalat.”
4 Nang marinig ito ni Haring Jeroboam, itinuro niya ang lingkod ng Dios at sinabi, “Hulihin ninyo siya!” Pero bigla na lang nanigas ang kamay ng hari, kaya hindi na niya maibaba ang kanyang kamay. 5 Pagkatapos, natibag ang altar at ang alikabok nito ay kumalat, ayon sa palatandaang sinabi ng lingkod ng Dios na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
6 Pagkatapos, sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Ipanalangin mo ako sa Panginoon na iyong Dios na pagalingin niya ang kamay ko.” Kaya nanalangin ang lingkod ng Dios sa Panginoon at gumaling ang kamay ng hari. 7 Muling sinabi ng hari sa lingkod ng Dios, “Halika sa bahay at kumain, at bibigyan kita ng regalo.” 8 Pero sumagot ang lingkod ng Dios, “Kahit ibigay pa po ninyo sa akin ang kalahati ng ari-arian ninyo, hindi ako sasama sa inyo o kakain ni iinom man sa lugar na ito. 9 Sapagkat inutusan po ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako, at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 10 Kaya ibang daan ang dinaanan niya nang umuwi siya.
11 Nang panahong iyon, may isang matandang propeta na nakatira sa Betel. Pinuntahan siya ng kanyang mga anak na lalaki[d] at ibinalita ang lahat ng ginawa ng lingkod ng Dios noong araw na iyon sa Betel. Ibinalita rin nila sa kanya kung ano ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari. 12 Nagtanong ang kanilang ama, “Saan siya dumaan pauwi?” At sinabi nila kung saan siya dumaan. 13 Pagkatapos, sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” Kaya inihanda nila ang asno; sumakay siya 14 at hinabol ang lingkod ng Dios. Inabutan niyang nakaupo ito sa ilalim ng punong terebinto. Tinanong niya ito, “Ikaw ba ang lingkod ng Dios na galing sa Juda?” Sumagot siya, “Opo.” 15 Sinabi niya, “Halika sa bahay at kumain.” 16 Sumagot ang lingkod ng Dios, “Hindi po ako maaaring bumalik at sumama sa inyo, at hindi rin ako maaaring kumain o uminom kasama ninyo sa lugar na ito. 17 Sapagkat inutusan ako ng Panginoon na huwag akong kumain ni uminom habang nandito ako at sa pag-uwi koʼy hindi ako dapat dumaan sa dinaanan ko papunta rito.” 18 Sinabi ng matandang propeta, “Propeta rin ako na katulad mo. At inutusan ng Panginoon ang isang anghel para sabihin sa akin na dalhin kita sa bahay ko para makakain at makainom ka.” (Pero nagsisinungaling ang matanda.) 19 Kaya sumama sa kanyang bahay ang lingkod ng Dios, kumain at uminom siya roon.
20 Habang nakaupo sila sa mesa, may sinabi ang Panginoon sa matandang propeta. 21 Kaya sinabi ng matandang propeta sa lingkod ng Dios na galing sa Juda, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Nilabag mo ang utos ng Panginoon na iyong Dios; hindi mo sinunod ang iniutos niya sa iyo. 22 Iniutos niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom sa lugar na ito, pero bumalik ka rito at kumain at uminom. Dahil sa ginawa mo, ang bangkay mo ay hindi ililibing sa libingan ng mga ninuno mo.’ ”
23 Nang matapos kumain at uminom ang lingkod ng Dios, inihanda ng matandang propeta ang asno para sa pag-uwi nito. 24 At habang papauwi na siya, sinalubong siya ng isang leon at pinatay. Ang bangkay nitoʼy nakahandusay sa daan, at sa tabi nitoʼy nakatayo ang leon at asno. 25 Nakita ng mga taong dumaraan doon ang bangkay at ang leon sa tabi nito, at ibinalita nila ito sa lungsod kung saan nakatira ang matandang propeta.
26 Nang marinig ito ng matandang propeta, sinabi niya, “Siya ang lingkod ng Dios na lumabag sa salita ng Panginoon. Pinabayaan siya ng Panginoon sa leon na sumunggab at pumatay sa kanya, ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya.”
27 Sinabi agad ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Ihanda ninyo ang asno para sa akin.” At inihanda nila ito. 28 Umalis siya, at nakita niya ang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at asno na nakatayo sa tabi nito. Hindi kinain ng leon ang bangkay o nilapa man ang asno. 29 Kinuha ng matandang propeta ang bangkay ng lingkod ng Dios at isinakay sa asno, at dinala sa kanilang lungsod para ipagluksa ang bangkay at ilibing ito. 30 Inilibing niya ito sa libingan na ipinagawa niya para sa kanyang sarili. Lubha silang nalungkot sa pagkamatay ng lingkod ng Dios.
31 Matapos siyang mailibing, sinabi ng matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, “Kapag namatay ako, ilibing ninyo ako sa pinaglibingan ng lingkod ng Dios, at pagtabihin ninyo kami. 32 Dahil ang mga salita na sinabi ng Panginoon sa kanya tungkol sa altar sa Betel at sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria ay siguradong matutupad.”
33 Kahit nangyari ang mga ito, hindi pa rin nagbago si Jeroboam sa kanyang pag-uugali. Pumili pa rin siya ng mga taong maglilingkod bilang mga pari sa mga sambahan sa matataas na lugar. Ang sinumang gustong maglingkod bilang pari ay inordinahan niya. 34 Ang ginawang ito ni Jeroboam ay naging dahilan ng pagkakasala ng sambahayan niya at naghatid sa kanila ng pagkatalo at kapahamakan.
Si Saulo sa Jerusalem
26 Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, gusto niya sanang makisalamuha sa mga tagasunod ni Jesus, pero takot sila sa kanya. Hindi sila naniniwala na siyaʼy tagasunod na rin ni Jesus. 27 Pero isinama siya ni Bernabe at dinala sa mga apostol. Ikinuwento ni Bernabe sa kanila kung paano nakita ni Saulo ang Panginoong Jesus sa daan at kung ano ang sinabi nito sa kanya. At sinabi rin niya ang katapangan ni Saulo sa pangangaral tungkol kay Jesus doon sa Damascus. 28 Kaya mula noon, kasama na nila si Saulo, at buong tapang niyang ipinangaral ang tungkol sa Panginoon saan man sa Jerusalem. 29 Nakipag-usap din siya at nakipagdebate sa mga Judiong nagsasalita ng Griego, kaya nagalit sila at nagplanong patayin siya. 30 Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarsus.
31 Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.
Si Pedro sa Lyda at sa Jopa
32 Maraming lugar ang pinuntahan ni Pedro para dalawin ang mga pinabanal ng Dios. Pumunta rin siya sa Lyda. 33 Nakilala niya roon ang isang taong nagngangalang Eneas. Paralisado siya at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon. 34 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagagaling ka ni Jesu-Cristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas. 35 Nakita ng lahat ng naninirahan sa Lyda at sa Sharon na gumaling na si Eneas, at sumampalataya rin sila sa Panginoon.
36 Sa lungsod ng Jopa, may isang babaeng mananampalataya na ang pangalan ay Tabita. (Sa Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[a]) Marami siyang nagawang mabuti lalung-lalo na sa mga dukha. 37 Nagkataon noon na nagkasakit ang babaeng ito at namatay. Nilinis nila ang kanyang bangkay at ibinurol sa isang kwarto sa itaas. 38 Ang Jopa ay malapit lang sa Lyda. Kaya nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Jesus na si Pedro ay naroon sa Lyda, inutusan nila ang dalawang tao na pakiusapan si Pedro na pumunta agad sa Jopa. 39 Pagdating ng dalawa roon kay Pedro, agad namang sumama si Pedro sa kanila. Pagdating nila sa Jopa, dinala siya sa kwarto na pinagbuburulan ng patay. May mga biyuda roon na umiiyak. Ipinakita nila kay Pedro ang mga damit na tinahi ni Dorcas noong nabubuhay pa siya. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro sa kwarto. Lumuhod siya at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita, at pagkakita niya kay Pedro, naupo siya. 41 Hinawakan siya ni Pedro sa kamay at tinulungang tumayo. Pagkatapos, tinawag ni Pedro ang mga biyuda at ang iba pang mga mananampalataya roon, at ipinakita sa kanila si Tabita na buhay na. 42 Ang pangyayaring ito ay napabalita sa buong Jopa, at marami ang sumampalataya sa Panginoong Jesus. 43 Nanatili pa si Pedro ng mga ilang araw sa Jopa sa bahay ni Simon na mangungulti ng balat.
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
6 Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®