The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Ang Sinabi ni Propeta Ahia Laban kay Jeroboam
14 Nang panahong iyon, nagkasakit ang anak na lalaki ni Jeroboam na si Abijah. 2 Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya, “Pumunta ka sa Shilo, magbalat-kayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa kita. Naroon si Ahia, ang propeta na nagsabi sa akin na magiging hari ako ng Israel. 3 Pumunta ka sa kanya at magdala ng mga regalo na sampung tinapay, mga pagkain, at isang garapong pulot dahil sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.” 4 Kaya pumunta ang asawa ni Jeroboam sa bahay ni Ahia sa Shilo. Matanda na si Ahia at hindi na makakita. 5 Pero sinabi ng Panginoon kay Ahia, “Papunta rito ang asawa ni Jeroboam na nagbalat-kayo para hindi makilala. Magtatanong siya sa iyo tungkol sa anak niyang may sakit, at sagutin mo siya ng sasabihin ko sa iyo.”
6 Nang marinig ni Ahia na papasok siya sa pintuan, sinabi ni Ahia, “Halika, pumasok ka. Alam kong asawa ka ni Jeroboam. Bakit ka nagbabalat-kayo? May masamang balita ako sa iyo. 7 Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita. 8 Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at gumawa ng matuwid sa aking paningin. 9 Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga dios-diosang gawa sa metal. 10 Dahil dito, padadalhan ko ng kapahamakan ang sambahayan mo. Papatayin ko ang lahat ng lalaki, alipin man o hindi. Wawasakin ko nang lubusan ang sambahayan mo tulad ng dumi[a] na sinunog at walang natira. 11 Ang mga miyembro ng sambahayan mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.’ Mangyayari ito dahil Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
12 Pagkatapos, sinabi ni Ahia sa asawa ni Jeroboam, “Umuwi ka na sa inyo. Pagdating mo sa inyong lungsod, mamamatay ang iyong anak. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at ililibing. Siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang maililibing ng maayos, dahil siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang kinalugdan ng Panginoon, ang Dios ng Israel. 14 At sa panahong ito, maglalagay ang Panginoon ng hari sa Israel na siyang gigiba sa sambahayan ni Jeroboam. 15 Parurusahan ng Panginoon ang Israel hanggang sa manginig ito tulad ng talahib na humahapay-hapay sa agos ng tubig. Aalisin niya sila sa magandang lupaing ito, na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno, at pangangalatin sila sa unahan ng Ilog ng Eufrates dahil ginalit nila siya nang gumawa sila ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 Pababayaan niya sila dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.”
17 Pagkatapos, umuwi ang asawa ni Jeroboam sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng bahay nila, namatay agad ang kanyang anak. 18 Ipinagluksa ng buong Israel ang kanyang anak at inilibing nila ito, ayon nga sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Propeta Ahia.
19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jeroboam, pati na ang kanyang pakikipaglaban ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 20 Naghari si Jeroboam sa Israel sa loob ng 22 taon. Nang mamatay siya, ang anak niyang si Nadab ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Rehoboam sa Juda(A)
21 Si Rehoboam na anak ni Solomon ang hari sa Juda, 41 taong gulang siya nang maging hari. Naghari siya sa loob ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na taga-Ammon.
22 Gumawa ng kasamaan ang mga mamamayan ng Juda sa paningin ng Panginoon, at mas matindi pa ang galit ng Panginoon sa kanila kaysa sa kanilang mga ninuno, dahil mas matindi ang mga kasalanan nila. 23 Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar[b] at mga alaalang bato. At nagpatayo sila ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat malalagong punongkahoy. 24 Bukod pa rito, may mga lalaki at babaeng bayaran sa lugar na pinagsasambahan nila. Gumawa ang mga mamamayan ng Juda ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
25 Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, nilusob ni Haring Shisak ng Egipto ang Jerusalem. 26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati na rin ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon. 27 Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. 28 At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na dala ang mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.
29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Rehoboam, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari sa Juda. 30 Palaging naglalaban sila Rehoboam at Jeroboam. 31 Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. (Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na taga-Ammon.) At ang anak niyang si Abijah[c] ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Abijah sa Juda(B)
15 Noong ika-18 taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abijah. 2 Sa Jerusalem tumira si Abijah, at naghari siya sa loob ng tatlong taon. Ang ina niya ay si Maaca na apo[d] ni Absalom.[e]
3 Ginawa rin niya ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama. Hindi naging maganda ang relasyon niya sa Panginoon na kanyang Dios; hindi tulad ni David na kanyang ninuno. 4 Pero dahil kay David, niloob ng Panginoon na kanyang Dios, na patuloy na magmumula sa angkan niya ang maghahari[f] sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng anak na papalit sa kanyang trono upang pangunahan at patatagin ang Jerusalem. 5 Dahil ginawa ni David ang matuwid sa paningin ng Panginoon, at noong nabubuhay pa siya, hindi siya sumuway sa utos ng Panginoon, maliban lang sa ginawa niya kay Uria na Heteo.
6-7 Gayon pa man, palagi pa ring naglalaban sina Rehoboam at Jeroboam. At nang huli, sina Abijah naman at Jeroboam ang naglaban. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Abijah, at ang lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 8 Nang mamatay si Abijah, inilibing siya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Asa ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda(C)
9 Naging hari ng Juda si Asa noong ika-20 taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel. 10 Sa Jerusalem tumira si Asa at naghari siya sa loob ng 41 taon. Ang lola niya ay si Maaca na apo ni Absalom. 11 Matuwid ang ginawa ni Asa sa paningin ng Panginoon, katulad ni David na kanyang ninuno. 12 Pinalayas niya sa Juda ang mga lalaki at babaeng nagbebenta ng aliw sa mga lugar na pinagsasambahan nila, at ipinatanggal ang lahat ng dios-diosang ipinagawa ng kanyang mga ninuno. 13 Pati ang lola niyang si Maaca ay inalis niya sa pagkareyna dahil nagpagawa ito ng kasuklam-suklam na posteng simbolo ng diosang si Ashera. Ipinaputol ni Asa ang mga simbolong ito at ipinasunog sa Lambak ng Kidron. 14 Kahit hindi nawala ang mga sambahan sa matataas na lugar, nanatili pa rin siyang tapat sa Panginoon sa buong buhay niya. 15 Dinala niya sa templo ng Panginoon ang mga pilak, ginto at ang iba pang mga bagay na inihandog niya, at ng kanyang ama sa Panginoon.
16 Sa buong paghahari nila, palaging naglalaban sina Asa at Baasha na hari ng Israel. 17 Nilusob ni Haring Baasha ng Israel ang Juda, at pinalibutan niya ng pader ang Rama para walang makalabas o makapasok sa teritoryo ni Haring Asa ng Juda. 18 Pinagkukuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga bodega ng templo ng Panginoon at sa kanyang palasyo. Ipinagkatiwala niya ito sa kanyang mga opisyal at inutusan niya sila na dalhin ito kay Haring Ben Hadad ng Aram[g] doon sa Damascus kung saan ito nakatira. Si Ben Hadad ay anak ni Tabrimon at apo ni Hezion. 19 Ito ang mensahe ni Asa kay Ben Hadad: “Gumawa tayo ng kasunduan tulad ng ginawa ng mga magulang natin. Tanggapin mo ang mga regalo ko sa iyo na ginto at pilak. Hinihiling kong tigilan mo na ang pagkampi kay Haring Baasha ng Israel para pabayaan na niya ako.”
20 Pumayag si Ben Hadad sa kahilingan ni Haring Asa, at inutusan niya ang mga kumander ng kanyang sundalo na lusubin ang mga bayan ng Israel. Nasakop nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, ang buong Kineret at ang buong Naftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasha, pinahinto niya ang pagpapatayo ng pader sa Rama, at bumalik siya sa Tirza. 22 Pagkatapos, nag-utos si Haring Asa sa lahat ng taga-Juda na kunin ang mga bato at mga troso na ginamit ni Baasha sa pagpapatayo ng pader ng Rama. At ginamit naman ito ni Haring Asa sa pagpatayo ng pader ng Geba sa Benjamin at ng Mizpa.
23 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Asa, at ang kanyang mga tagumpay at ang lahat ng kanyang mga ginawa, pati na ang mga lungsod na ipinatayo niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang matanda na si Asa, nagkasakit siya sa paa. 24 At nang mamatay siya, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ng kanyang ninunong si David. At ang anak niyang si Jehoshafat ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Pagtawag ni Cornelius kay Pedro
10 Doon sa Cesarea ay may isang lalaking ang pangalan ay Cornelius. Siyaʼy isang kapitan ng batalyon ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyong Italyano. 2 Siya at ang kanyang buong pamilya ay may takot sa Dios. Marami siyang naibigay na tulong sa mga mahihirap na Judio, at palagi siyang nananalangin sa Dios. 3 Isang araw, bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain. Kitang-kita niya ang isang anghel ng Dios na pumasok at tinawag siya, “Cornelius!” 4 Tumitig siya sa anghel at takot na takot na nagsabi, “Ano po ang kailangan nʼyo?” Sumagot ang anghel, “Pinakinggan ng Dios ang iyong mga panalangin at natutuwa siya sa pagtulong mo sa mga mahihirap. Kaya inaalala ka ng Dios. 5 Ngayon, magsugo ka ng mga tao sa Jopa at ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 6 Doon siya nakatira kay Simon na mangungulti ng balat.[a] Ang bahay niya ay nasa tabi ng dagat.” 7 Nang makaalis na ang anghel, tinawag ni Cornelius ang dalawa niyang utusan at ang isang sundalong makadios na madalas niyang inuutusan. 8 Ikinuwento ni Cornelius sa kanila ang lahat ng nangyari, at pagkatapos ay inutusan niya silang pumunta sa Jopa.
9 Kinabukasan, nang malapit na sila sa bayan ng Jopa, umakyat si Pedro sa bubong ng bahay[b] para manalangin. Tanghaling-tapat noon 10 at gutom na si Pedro, kaya gusto na niyang kumain. Pero habang inihahanda ang pagkain, may ipinakita sa kanya ang Dios. 11 Nakita niyang bumukas ang langit at may bumababang parang malapad na kumot na may tali sa apat na sulok nito. 12 At sa kumot na ito, nakita niya ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad, gumagapang, at mga lumilipad. 13 Pagkatapos, may narinig siyang tinig na nagsasabi, “Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.” 14 Sumagot si Pedro, “Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.” 15 Muling sinabi ng tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang kahit anong bagay na nilinis na ng Dios.” 16 Tatlong ulit itong nangyari, at pagkatapos, hinila agad ang bagay na iyon pataas.
17 Habang naguguluhan si Pedro at iniisip kung ano ang ibig sabihin ng nakita niya, dumating naman sa lugar na iyon ang mga taong inutusan ni Cornelius. Nang malaman nila kung saan ang bahay ni Simon, pumunta sila roon. At pagdating nila sa pinto ng bakod, 18 tumawag sila at nagtanong kung doon ba nanunuluyan si Simon na tinatawag na Pedro. 19 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang ibig sabihin ng kanyang nakita, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanya, “May tatlong taong naghahanap sa iyo. 20 Tumayo ka at bumaba. Huwag kang mag-alinlangang sumama sa kanila, dahil ako ang nag-utos sa kanila.” 21 Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang kailangan ninyo sa akin?” 22 Sumagot sila, “Inutusan kami rito ni Kapitan Cornelius. Mabuti siyang tao at sumasamba sa Dios. Iginagalang siya ng lahat ng Judio. Sinabihan siya ng anghel ng Dios na imbitahan ka sa kanyang bahay para marinig niya kung ano ang iyong sasabihin.” 23 Pinapasok sila ni Pedro, at doon sila natulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, sumama si Pedro sa kanila, kasama ang ilang kapatid na taga-Jopa.
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
7 Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling.
8 Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®