The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
Tumakas si Elias
19 Ngayon, sinabi ni Ahab sa asawa niyang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano nito pinagpapatay ang lahat ng propeta ni Baal. 2 Kaya nagpadala si Jezebel ng mensahe para kay Elias na nagsasabi, “Lubusan sana akong parusahan ng mga dios kung sa ganitong oras bukas ay hindi pa kita napapatay, tulad ng ginawa mo sa mga propeta.”
3 Natakot si Elias, kaya tumakas siya papunta sa Beersheba na sakop ng Juda, at iniwan niya roon ang utusan niya. 4 Pagkatapos, naglakad siya ng isang araw papuntang ilang. Nagpahinga siya at umupo sa ilalim ng punongkahoy at nanalangin na mamatay na lang sana siya. Sinabi niya, “Sobra na po ito Panginoon! Kunin na lang ninyo ang buhay ko, wala naman akong ipinagkaiba sa aking mga ninuno.” 5 Pagkatapos, humiga siya sa ilalim ng punongkahoy, at nakatulog.
Biglang may anghel na kumalabit sa kanya at sinabi, “Bumangon ka at kumain.” 6 Pagdilat niya, may nakita siyang tinapay sa ulunan niya, na niluto sa mainit na bato, at tubig na nakalagay sa sisidlan. Kumain siya at uminom, at nahigang muli. 7 Muling bumalik ang anghel ng Panginoon, kinalabit si Elias at sinabi, “Bumangon ka at kumain, dahil malayo pa ang iyong lalakbayin.” 8 Kaya bumangon si Elias, kumain, at uminom. Pinalakas siya ng kanyang kinain, at naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi, hanggang makarating siya sa Horeb,[a] ang bundok ng Dios. 9 Pumasok siya sa isang kweba at doon natulog kinagabihan.
Nakipag-usap ang Panginoon kay Elias
Ngayon, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano ang ginagawa mo rito Elias?” 10 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo. Pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 11 Nagsalita ang Panginoon, “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa aking presensya, dahil dadaan ako.” Pagkatapos, may dumaan na napakalakas na hangin, na bumitak sa mga bundok at dumurog sa mga bato, pero wala ang Panginoon sa hangin. Pagkatapos ng hangin, lumindol, pero wala rin ang Panginoon sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol, may apoy na dumating, pero wala pa rin ang Panginoon sa apoy. Pagkatapos ng apoy, may narinig siyang tinig na parang bulong. 13 Nang marinig ito ni Elias, nagtakip siya ng kanyang mukha gamit ang kanyang balabal, lumabas siya at tumayo sa bungad ng kweba. Biglang may tinig na nagsabi sa kanya, “Ano ang ginagawa mo rito, Elias?” 14 Sumagot siya, “O Panginoon, Dios na Makapangyarihan, tapat po akong naglilingkod sa inyo, pero itinakwil ng mga Israelita ang kasunduan nila sa inyo, winasak nila ang mga altar ninyo, at pinagpapatay ang mga propeta ninyo. Ako na lang po ang natitira, at pinagsisikapan din nila akong patayin.” 15 Nagsalita ang Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa iyong dinaanan, at pumunta sa ilang ng Damascus. Pagdating mo roon, pahiran mo ng langis si Hazael bilang pagkilala na siya na ang hari ng Aram.[b] 16 Pahiran mo rin si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari ng Israel, at si Eliseo na anak ni Shafat, na taga-Abel Mehola, para pumalit sa iyo bilang propeta. 17 Papatayin ni Hazael ang mga sumasamba kay Baal. Ang makakatakas sa kanyaʼy papatayin ni Jehu, at ang makakatakas kay Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Pero ililigtas ko ang 7,000 Israelita na hindi lumuhod at humalik sa imahen ni Baal.”
Ang Pagtawag kay Eliseo
19 Umalis doon si Elias at nakita niya si Eliseo na anak ni Shafat, na nag-aararo. May labing-isang pares na baka sa unahan niya na gamit ng kanyang mga kasama sa pag-aararo, at gamit naman niya ang ikalabindalawang pares ng baka. Lumapit si Elias sa kanya, hinubad ang kanyang balabal at pinasa ito kay Eliseo. 20 Iniwan ni Eliseo ang mga baka at hinabol si Elias. Sinabi ni Eliseo, “Hahalik po muna ako sa aking amaʼt ina bilang pamamaalam at saka po ako sasama sa inyo.” Sumagot si Elias, “Sige, pero huwag mong kalimutan ang ginawa ko sa iyo.”
21 Bumalik si Eliseo, kinuha ang kanyang mga baka, at kinatay. Ginawa niyang panggatong sa pagluluto ng karne ng mga baka ang mga kagamitan sa pag-aararo. Pagkaluto, binigyan niya ang kanyang mga kasamang nag-aararo, at kumain silang lahat. At agad siyang sumunod kay Elias para maging lingkod nito.
Inusig ni Haring Herodes ang mga Mananampalataya
12 Nang panahong iyon, nagsimula si Haring Herodes[a] sa pag-uusig sa ilang miyembro ng iglesya. 2 Ipinapatay niya si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng espada. 3 Nang makita niyang natuwa ang mga Judio dahil sa kanyang ginawa, ipinahuli rin niya si Pedro. Nangyari ito sa panahon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 4 Ipinabilanggo niya si Pedro at pinabantayan sa apat na grupo ng mga sundalo na ang bawat grupo ay may apat na sundalo. Ayon sa plano ni Herodes, ang paglilitis kay Pedro ay gagawin niya sa harap ng taong-bayan pagkatapos ng Pista ng Paglampas ng Anghel. 5 Habang nasa bilangguan si Pedro, patuloy ang taimtim na pananalangin ng iglesya para sa kanya.
Ang Himalang Pagkalabas ni Pedro sa Bilangguan
6 Noong gabing bago iharap si Pedro sa paglilitis, natutulog siyang nakagapos ng dalawang kadena sa pagitan ng dalawang sundalo. Mayroon pang mga guwardyang nakabantay sa pintuan ng bilangguan. 7 Walang anu-anoʼy biglang nagliwanag sa loob ng bilangguan at nagpakita ang isang anghel ng Panginoon. Tinapik niya sa tagiliran si Pedro para magising, at sinabi, “Dali, bumangon ka!” At natanggal ang mga kadena sa kanyang mga kamay. 8 Sinabi ng anghel, “Magdamit ka at magsandalyas.” At ginawa nga iyon ni Pedro. Sinabi pa ng anghel sa kanya, “Magbalabal ka at sumunod sa akin.” 9 At sumunod nga siya sa anghel palabas sa bilangguan. Hindi alam ni Pedro kung totoo ang nangyayari. Ang akala niyaʼy nananaginip lang siya. 10 Dinaanan lang nila ang una at ang pangalawang grupo ng mga guwardya. Pagdating nila sa pintuang bakal na patungo sa loob ng lungsod, kusa itong bumukas. At lumabas sila agad. Paglampas nila sa isang kalye, bigla na lang siyang iniwan ng anghel. 11 Saka lang niya nalaman na hindi pala ito panaginip lang. Sinabi niya, “Totoo pala talaga na ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel, at iniligtas niya ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”
12 Nang maunawaan niya ang nangyari,[b] pumunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan Marcos. Maraming tao ang nagkakatipon doon at nananalangin. 13 Kumatok si Pedro sa pinto ng bakuran, at lumapit ang utusang si Roda para alamin kung sino ang kumakatok. 14 Nabosesan niyang si Pedro iyon at sa sobrang tuwa, sa halip na buksan ang pinto, tumakbo siyang papasok para ipaalam sa mga kasamahan niya na si Pedro ay nasa labas. 15 Sinabi nila kay Roda, “Nasisiraan ka na yata ng bait!” Pero ipinagpilitan niyang si Pedro nga ang nasa labas. Kaya sinabi nila, “Baka anghel iyon ni Pedro.” 16 Samantala, patuloy pa rin sa pagkatok si Pedro. Kaya binuksan nila ang pinto. At nang makita nilang si Pedro nga iyon, hindi sila makapaniwala. 17 Sinenyasan sila ni Pedro na tumahimik, at ikinuwento niya sa kanila kung paano siya pinalabas ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya sa kanila na ipaalam ito kay Santiago at sa iba pang mga kapatid. Pagkatapos, umalis siya at pumunta sa ibang lugar.
18 Kinaumagahan, nagkagulo ang mga guwardya, dahil wala na si Pedro at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. 19 Nag-utos si Herodes na hanapin siya, pero hindi talaga nila makita. Kaya pinaimbestigahan niya ang mga guwardya at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea. Pumunta siya sa Cesarea at doon nanatili.
Ang Pagkamatay ni Haring Herodes
20 Galit na galit si Haring Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. Kaya nagkaisa ang mga tao na makipag-ayos sa hari dahil sa bayan nito nanggagaling ang kanilang pagkain. Bago sila pumunta sa hari, kinaibigan muna nila si Blastus para tulungan sila, dahil siya ang katiwala ng hari sa palasyo. 21 Nang dumating ang araw na makikipagkita na si Herodes sa mga taga-Tyre at taga-Sidon, isinuot niya ang damit panghari at umupo siya sa kanyang trono at nagtalumpati. 22 Sumigaw ang mga tao, “Isang dios ang nagsasalita at hindi tao!” 23 Nang oras ding iyon, pinarusahan siya ng anghel ng Panginoon, dahil hindi niya binigyan ng papuri ang Dios. Inuod siya at namatay.
Awit ng Pasasalamat
136 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
2 Magpasalamat kayo sa kanya na Dios ng mga dios.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
3 Magpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
4 Siya lang ang gumagawa ng kahanga-hangang mga himala.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
5 Sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ginawa niya ang kalangitan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
6 Inilatag niya ang lupa sa ibabaw ng tubig.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
7 Ginawa niya ang araw at ang buwan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
8 Ginawa niya ang araw upang magbigay liwanag kung araw.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
9 Ginawa niya ang buwan at mga bituin upang magbigay liwanag kung gabi.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
10 Pinatay niya ang mga panganay na anak ng mga Egipcio.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
11 Inilabas niya ang mga taga-Israel sa Egipto.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
12 Inilabas niya sila sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
13 Hinawi niya ang Dagat na Pula.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 At pinatawid niya sa gitna nito ang mga taga-Israel.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
15 Ngunit nilunod niya roon ang Faraon at ang kanyang mga kawal.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
16 Pinatnubayan niya ang kanyang mga mamamayan sa ilang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
17 Nilipol niya ang makapangyarihang mga hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
18 Pinatay niya ang mga dakilang hari.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
19 Pinatay niya si Sihon na hari ng Amoreo.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
20 Pinatay din niya si Haring Og ng Bashan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
21 Ibinigay niya ang kanilang lupain sa kanyang mga mamamayan bilang pamana.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
22 At ang lupaing itoʼy naging pag-aari ng mga mamamayan ng Israel na kanyang mga lingkod.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
23 Sa ating abang kalagayan, hindi niya tayo kinalimutan.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
24 Iniligtas niya tayo sa ating mga kaaway.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
25 Binigyan niya ng pagkain ang lahat niyang nilalang.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
26 Magpasalamat tayo sa Dios na nasa langit.
Ang pag-ibig niyaʼy walang hanggan.
14 Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki.
15 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®