The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
Pinatay ni Jehu sina Joram at Ahazia
14 Nagplano si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimsi laban kay Joram. (Nang panahong iyon, ipinagtatanggol ni Joram at ng mga taga-Israel ang Ramot Gilead laban kay Haring Hazael ng Aram. 15 Pero nasugatan si Joram sa pakikipaglaban nila sa mga Arameo kaya kinailangan niyang umuwi sa Jezreel para magpagaling.) Sinabi ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, “Kung gusto ninyo maging hari ako, huwag ninyong hayaang may lumabas sa lungsod para pumunta sa Jezreel at ibalita na ginawa ninyo akong hari.” 16 Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.
17 Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.” 18 Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”
Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.” 19 Kaya muling nagpadala ang hari ng isang mangangabayo. Pagdating niya kina Jehu sinabi niya, “Gustong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”
20 Muling sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang ikalawang mangangabayo, pero hindi pa siya bumabalik! Sobrang bilis magpatakbo ng karwahe ng kanilang pinuno; parang si Jehu na apo ni Nimsi!” 21 Sinabi ni Joram, “Ihanda mo ang karwahe ko.” Nang maihanda na, umalis sina Haring Joram ng Israel at Haring Ahazia ng Juda, para salubungin si Jehu. Nakasakay sila sa kani-kanilang karwahe. Nagkita sila ni Jehu sa lupain ni Nabot na taga-Jezreel. 22 Pagkakita ni Joram kay Jehu, tinanong niya ito, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Kahit kailan hindi magkakaroon ng kapayapaan hanggaʼt may pagsamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng prostitusyon at pangkukulam na inumpisahan ng iyong ina na si Jezebel.” 23 Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”
24 Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya: 26 ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”
27 Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya[a] sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon. 28 Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
29 Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.
Pinatay si Jezebel
30 Pumunta si Jehu sa Jezreel. Nang nalaman ito ni Jezebel, kinulayan ni Jezebel ng pampaganda ang kanyang mga mata, inayos ang buhok niya at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Pagpasok ni Jehu sa pintuan ng palasyo sinabi ni Jezebel sa kanya, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, ikaw na mamamatay-tao? Katulad ka ni Zimri na pinatay ang kanyang amo!” 32 Tumingala si Jehu at nakita niya si Jezebel sa bintana at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang kakampi sa akin?” May dalawa o tatlong opisyal na dumungaw sa kanya sa bintana. 33 Sinabi ni Jehu sa kanila, “Ihulog ninyo siya!” Kaya inihulog nila si Jezebel. Tumalsik ang dugo nito sa pader at sa mga kabayo. Tinapak-tapakan ng mga kabayo ni Jehu ang katawan ni Jezebel. 34 Nang pumasok si Jehu sa palasyo, kumain siya at uminom. Pagkatapos ay sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaeng iyan at ilibing dahil anak siya ng hari.” 35 Pero nang kukunin na nila ang bangkay niya para ilibing, wala nang natira sa kanya, maliban sa kanyang bungo, mga paa at mga kamay. 36 Kaya bumalik sila at sinabi kay Jehu ang nangyari. Sinabi ni Jehu, “Natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias na taga-Tisbe: Sa isang lupain ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel. 37 Ang katawan niya ay kakalat na parang dumi sa bukid ng Jezreel at walang makakakilala sa kanya.”
Pinatay ang Pamilya ni Ahab
10 May 70 anak[b] si Ahab sa Samaria. Kaya nagpadala ng sulat doon si Jehu sa mga opisyal ng lungsod,[c] sa mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ito ang sinasabi sa sulat, 2 “Ang mga anak ni Haring Ahab ay nasa inyo pati ang mga karwahe, mga kabayo, napapaderang lungsod at mga armas. 3 Kaya pagkatanggap ninyo ng sulat na ito, pumili kayo ng nararapat na maging hari sa mga anak ni Haring Ahab at makipaglaban kayo para sa angkan niya.”
4 Pero labis silang natakot at sinabi, “Kung hindi natalo ng dalawang hari si Jehu, kami pa kaya?” 5 Kaya ang namamahala ng palasyo, gobernador sa lungsod, mga tagapamahala at mga tagapag-alaga ng mga anak ng hari ay sumulat kay Jehu. Ito ang sinasabi sa sulat, “Mga lingkod nʼyo kami at gagawin namin ang lahat ng iuutos ninyo. Hindi kami pipili ng ibang hari; gawin nʼyo kung ano sa tingin nʼyo ang pinakamabuti.”
6 Sinagot sila ni Jehu sa pamamagitan ng pangalawang sulat: “Kung kakampi ko kayo at handa kayong sumunod sa akin, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ni Ahab at dalhin ninyo sa akin dito sa Jezreel bukas, sa ganito ring oras.”
Inalagaan ng mga namumuno ng Samaria mula pagkabata ang 70 anak ni Haring Ahab. 7 Pagdating ng sulat ni Jehu, pinatay nila ang 70 anak ng hari. Inilagay nila ang mga ulo nito sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel. 8 Nang dumating ang mensahero, sinabi niya kay Jehu, “Ipinadala nila ang ulo ng mga anak ng hari.” Pagkatapos, sinabi ni Jehu, “Itumpok ninyo sa dalawa ang mga ulo sa pintuan ng lungsod at iwanan doon hanggang umaga.”
9 Kinaumagahan, lumabas si Jehu, tumayo sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala kayong kasalanan. Ako ang nagplano laban sa aking amo at pumatay sa kanya. Pero sino ang pumatay sa kanilang lahat? 10 Gusto kong malaman ninyo na matutupad ang lahat ng sinabi ng Panginoon laban sa pamilya ni Ahab. Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ng lingkod niyang si Elias.” 11 Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang lahat ng kamag-anak ni Ahab sa Jezreel, pati ang mga opisyal, kaibigan at mga pari nito. Wala talagang natirang buhay sa kanila. 12 Lumakad si Jehu papunta sa Samaria. Habang nasa daan siya, sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa, 13 nakita niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazia ng Juda. Tinanong niya ang mga ito, “Sino kayo?” Sumagot sila, “Mga kamag-anak po kami ni Ahazia at nagpunta kami rito para dumalaw sa pamilya ni Haring Ahab at Reyna Jezebel.” 14 Inutusan ni Jehu ang mga tauhan niya, “Hulihin ninyo sila nang buhay!” Kaya hinuli sila nang buhay. Dinala sila at pinatay doon sa balon sa lugar na tinatawag na Pinagtitipunan ng mga Pastol ng mga Tupa – 42 silang lahat. Walang iniwang buhay si Jehu.
15 Pag-alis ni Jehu roon, nakita niyang paparating ang anak ni Recab na si Jehonadab para makipagkita sa kanya. Pagkatapos nilang batiin ang isaʼt isa, tinanong siya ni Jehu, “Tapat ka ba sa akin tulad ng pagiging tapat ko sa iyo?” Sumagot si Jehonadab, “Opo.” Sinabi ni Jehu, “Kung ganoon, iabot mo sa akin ang kamay mo.” Iniabot ni Jehonadab ang kamay niya at pinaakyat siya ni Jehu sa kanyang karwahe. 16 Sinabi ni Jehu, “Sumama ka sa akin para makita mo ang katapatan ko sa Panginoon.” Kaya sumama si Jehonadab sa kanya. 17 Pagdating ni Jehu sa Samaria, pinapatay niya ang lahat ng natira sa pamilya ni Ahab, ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Elias.
Pinapatay ang mga Naglilingkod kay Baal
18 Tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi, “Hindi ganoon katapat si Ahab sa paglilingkod niya kay Baal kung ikukumpara sa gagawin kong paglilingkod. 19 Kaya papuntahin ninyo sa akin ang lahat ng propeta, pari ni Baal at ang lahat ng naglilingkod sa kanya. Kailangang nandito silang lahat, dahil mag-aalay ako ng malaking handog para kay Baal. Ipapapatay ko ang hindi pupunta.” Pero nagkukunwari lang si Jehu para mapatay niya ang mga naglilingkod kay Baal.
20 Sinabi ni Jehu, “Maghanda ng banal na pagtitipon para sambahin si Baal.” Kaya ipinaalam nila ito sa mga tao. 21 Ipinatawag ni Jehu sa buong Israel ang lahat ng naglilingkod kay Baal. Pumunta silang lahat at walang naiwan sa bahay nila. Pumasok silang lahat sa templo ni Baal at napuno ito. 22 Sinabi ni Jehu sa nangangasiwa ng espesyal na kasuotan, “Ipasuot mo ito sa bawat isa na sasamba kay Baal.” Kaya binigyan niya ng damit ang mga ito.
23 Pagkatapos, pumasok si Jehu at ang anak ni Recab na si Jehonadab sa templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa mga naglilingkod kay Baal, “Tiyakin ninyo na walang sumasamba sa Panginoon na napasama sa inyo. Kayo lang na mga sumasamba kay Baal ang dapat na nandito.” 24 Nang nandoon sila sa loob ng templo, nag-alay sila ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog. Mayroong 80 tauhan si Jehu sa labas ng templo. Sinabi niya sa kanila, “Ibinigay ko sila sa inyong mga kamay para patayin. Ang sinuman sa inyo ang magpabaya na makatakas kahit isa sa kanila ay papatayin ko.”
25 Matapos ialay ni Jehu ang mga handog na sinusunog, inutusan niya ang mga guwardya at mga opisyal, “Pumasok kayo at patayin ninyo ang mga sumasamba kay Baal! Huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Kaya pinatay nila ang mga ito sa pamamagitan ng espada at itinapon ang mga bangkay nila sa labas. Pagkatapos, pumasok sila sa pinakaloob na bahagi ng templo ni Baal 26 at kinuha nila roon ang alaalang bato at dinala sa labas ng templo, at sinunog. 27 Dinurog nila ang alaalang bato ni Baal at giniba nila ang templo nito. Ginawa nila itong pampublikong palikuran hanggang ngayon. 28 Sa ganitong paraan sinira ni Jehu ang pagsamba ng Israel kay Baal. 29 Pero sinunod pa rin niya ang mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Ito ay ang pagsamba sa mga gintong baka sa Betel at Dan.
30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Mabuti ang ginawa mong pagsunod sa mga utos ko na patayin ang pamilya ni Ahab. Dahil sa ginawa mong ito, magiging hari sa Israel ang angkan mo hanggang sa ikaapat na henerasyon.” 31 Pero hindi sumunod si Jehu sa kautusan ng Panginoon, ang Dios ng Israel, nang buong puso. Sa halip, sinunod niya ang kasalanan ni Jeroboam, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
Nangaral si Pablo sa Tesalonica
17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. 2 At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan 3 para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4 Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.
5 Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. 6 Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. 7 Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” 8 Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. 9 Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.
Sina Pablo at Silas sa Berea
10 Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio. 11 Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan para tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi nina Pablo. 12 Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griegong babae na kilala sa lipunan at mga Griegong lalaki. 13 Pero nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Dios sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo. 14 Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Pero sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea. 15 Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Athens. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea na dala ang bilin ni Pablo na pasunurin sa kanya sa Athens sina Silas at Timoteo.
Nangaral si Pablo sa Athens
16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)
22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”
32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Pero sinabi naman ng iba, “Bumalik ka uli rito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.” 33 Pagkatapos, umalis si Pablo sa kanilang pinagtitipunan. 34 May ilang lalaking kumampi kay Pablo at sumampalataya kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisius na miyembro ng Areopagus, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.
Pasasalamat ng Hari sa Dios Dahil sa Tagumpay
144 Purihin ang Panginoon na aking batong kanlungan.
Siya na nagsasanay sa akin sa pakikipaglaban.
2 Siya ang aking Dios na mapagmahal at matibay na kanlungan.
Siya ang kumakanlong sa akin kaya sa kanya ako humihingi ng kalinga.
Ipinasakop niya sa akin ang mga bansa.
3 Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo?
Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip?
4 Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan,
at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
5 Panginoon, buksan nʼyo ang langit at bumaba kayo.
Hipuin nʼyo ang mga bundok upang magsiusok.
6 Gamitin nʼyong parang pana ang mga kidlat, upang magsitakas at mangalat ang aking mga kaaway.
7 Mula sa langit, abutin nʼyo ako at iligtas sa kapangyarihan ng aking mga kaaway na mula sa ibang bansa, na parang malakas na agos ng tubig.
8 Silaʼy mga sinungaling, sumusumpa silang magsasabi ng katotohanan, ngunit silaʼy nagsisinungaling.
9 O Dios, aawitan kita ng bagong awit na sinasabayan ng alpa.
10 Kayo ang nagbigay ng tagumpay sa mga hari at nagligtas sa inyong lingkod na si David mula sa kamatayan.
11 Iligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng mga dayuhang kaaway, na hindi nagsasabi ng totoo. Silaʼy sumusumpang magsasabi ng katotohanan ngunit silaʼy nagsisinungaling.
12 Sana habang bata pa ang aming mga anak na lalaki ay maging katulad sila ng tanim na tumutubong matibay,
at sana ang aming mga anak na babae ay maging tulad ng naggagandahang haligi ng palasyo.
13 Sanaʼy mapuno ng lahat ng uri ng ani ang aming mga bodega.
Dumami sana ng libu-libo ang aming mga tupa sa pastulan,
14 at dumami rin sana ang maikargang produkto ng aming mga baka.
Hindi na sana kami salakayin at bihagin ng mga kaaway.
Wala na rin sanang iyakan sa aming mga lansangan dahil sa kalungkutan.
15 Mapalad ang mga taong ganito ang kalagayan.
Mapalad ang mga taong ang Dios ang kanilang Panginoon.
27 Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos.
28 Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®