Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Hari 15-16

Ang Paghahari ni Azaria sa Juda(A)

15 Naging hari ng Juda ang anak ni Amazia na si Azaria[a] nang ika-27 taon ng paghahari ni Jeroboam II sa Israel. Si Azaria ay 16 na taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 52 taon. Ang ina niya ay si Jecolia na taga-Jerusalem. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Amazia. Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar,[b] kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng mga insenso roon.

Binigyan siya ng Panginoon ng malubhang sakit sa balat,[c] na hindi gumaling hanggang sa araw nang kamatayan niya. Nakatira siya sa isang bukod na bahay. Si Jotam na anak niya ang siyang namahala sa palasyo ng Juda at sa mga mamamayan. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Azaria, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. Nang mamatay si Azaria, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Jotam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Zacarias sa Israel

Naging hari ng Israel ang anak ni Jeroboam II na si Zacarias nang ika-38 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Nakatira siya sa Samaria at naghari siya sa loob ng anim na buwan. Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ng mga ninuno niya. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.

10 Nagplano ng masama ang anak ni Jabes na si Shalum laban kay Zacarias. Pinatay niya si Zacarias sa harap ng mga tao at siya ang pumalit bilang hari. 11 Ang iba pang pangyayari tungkol sa paghahari ni Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

12 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Ang mga angkan mo ay maghahari sa Israel hanggang sa ikaapat na henerasyon.”

Ang Paghahari ni Shalum sa Israel

13 Naging hari ng Israel ang anak ni Jabes na si Shalum nang ika-39 na taon ng paghahari ni Uzia[d] sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng isang buwan. 14 Pinatay siya ni Menahem na anak ni Gadi nang dumating ito sa Samaria galing Tirza. Si Menahem ang pumalit kay Shalum bilang hari.

15 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Shalum, pati ang balak niyang pagpatay kay Zacarias ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

16 Nang mga panahong iyon, nilusob ni Menahem ang Tifsa at ang mga lugar sa paligid nito hanggang sa Tirza, dahil ang mga naninirahan dito ay ayaw sumuko sa kanya. Pinatay niya ang lahat ng naninirahan dito at hinati ang tiyan ng mga buntis.

Ang Paghahari ni Menahem sa Israel

17 Naging hari ng Israel ang anak ni Gadi na si Menahem nang ika-39 na taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng sampung taon. 18 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito sa buong paghahari niya.

19 Nang pumunta si Haring Tiglat Pileser[e] ng Asiria sa Israel para lusubin ito, binigyan siya ni Menahem ng 35 toneladang pilak para tulungan siya nito na mapatibay pa ng husto ang paghahari niya. 20 Kinuha ni Menahem ang mga pilak sa mga mayayaman ng Israel sa pamamagitan ng pagpilit sa bawat isa sa kanila na magbigay ng tig-50 pirasong pilak. Kaya huminto sa paglusob ang hari ng Asiria at umuwi sa bansa niya.

21 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Menahem at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 22 Nang mamatay si Menahem, ang anak niyang si Pekaya ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Pekaya sa Israel

23 Naging hari ng Israel ang anak ni Menahem na si Pekaya nang ika-50 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 24 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

25 Nagplano ng masama ang anak ni Remalia na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng 50 tao mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.

26 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Peka sa Israel

27 Naging hari ng Israel ang anak ni Remalia na si Peka nang ika-52 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 20 taon. 28 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

29 Nang panahon ng paghahari ni Peka, nilusob ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria ang Israel at nasakop niya ang mga lungsod ng Ijon, Abel Bet Maaca, Janoa, Kedesh at Hazor. Nasakop din niya ang Gilead, Galilea at ang buong lupain ng Naftali. At dinala niya sa Asiria ang mga naninirahan dito bilang mga bihag.

30 Pagkatapos, nagplano ng masama ang anak ni Elah na si Hoshea laban sa anak ni Remalia na si Peka. Pinatay niya si Peka at pinalitan bilang hari. Nangyari ito nang ika-20 taon ng paghahari ng anak ni Uzia na si Jotam sa Juda.

31 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Peka, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.

Ang Paghahari ni Jotam sa Juda(B)

32 Naging hari ng Juda ang anak ni Uzia na si Jotam nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel. 33 Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok. 34 Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Uzia. 35 Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon.

36 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 37 Nang panahon ng paghahari niya, sinimulang ipadala ng Panginoon sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel para lusubin ang Juda. 38 Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ahaz sa Juda(C)

16 Naging hari ng Juda ang anak ni Jotam na si Ahaz nang ika-17 taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel. Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga naging hari ng Israel, at kahit ang kanyang anak ay inihandog niya sa apoy. Ginaya niya ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

Nakipaglaban sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel kay Ahaz. Nilusob nila ang Jerusalem pero hindi nila ito nasakop. Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram[f] ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo[g] roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.

Nagsugo ng mga mensahero si Ahaz para sabihin kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria, “Lingkod mo ako at kakampi. Iligtas mo ako sa mga kamay ng hari ng Aram at ng hari ng Israel na lumulusob sa akin.” Kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa templo ng Panginoon at mga kabang-yaman sa palasyo at ipinadala ito bilang regalo sa hari ng Asiria. Pumayag ang hari ng Asiria sa kahilingan ni Ahaz, kaya nilusob niya ang Damascus at sinakop ito. Dinala niya sa Kir ang mga naninirahan dito bilang mga bihag at pinatay niya si Rezin.

10 Pagkatapos, pumunta si Haring Ahaz sa Damascus para makipagkita kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria. Nang naroon na siya, may nakita siyang altar. Kaya pinadalhan niya ang paring si Uria ng plano ng altar kasama ang mga detalye sa paggawa nito. 11 Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus. 12-13 Pagdating ni Haring Ahaz mula sa Damascus, nakita niya ang altar. Lumapit siya dito at nag-alay[h] ng handog na sinusunog at handog na pagpaparangal at ibinuhos niya sa altar ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.[i] 14 Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar. 15 Inutusan niya ang paring si Uria, “Gamitin mo ang bagong altar para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon tuwing gabi. Gamitin mo rin ito sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at handog ng pagpaparangal ng hari at ng mga tao, pati na rin ang kanilang mga handog na inumin. Iwisik mo sa bagong altar ang dugo ng handog na sinusunog at ng iba pang mga handog. Pero gagawin kong lugar na aking dalanginan ang tansong altar.” 16 At ginawa nga ng paring si Uria ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz sa kanya.

17 Pagkatapos, inalis ni Haring Ahaz ang mga dingding ng kariton at mga planggana na nasa ibabaw nito. Inalis rin niya ang malaking kawa ng tubig na tinatawag na Dagat sa likod ng mga tansong toro at inilagay ito sa patungang bato. 18 Para masiyahan ang hari ng Asiria, inalis ni Ahaz sa palasyo ang bubong na ginagamit kung Araw ng Pamamahinga at isinara ang daanan ng mga hari ng Juda papasok sa templo.

19 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda. 20 Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.

Gawa 19:13-41

13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.

24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa. 30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus. 31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.

32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon. 33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik. 34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.

35 Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayang taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong bato na nahulog mula sa langit. 36 Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong pabigla-bigla. 37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diosa. 38 Kung si Demetrius at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo. 39 Pero kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan. 40 Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng mga opisyal ng Roma ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.” 41 Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.

Salmo 147

Papuri sa Dios na Makapangyarihan

147 Purihin ang Panginoon!
    Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin.
Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem,
    at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita.
Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo,
    at ginagamot ang kanilang mga sugat.
Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman
    at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan.

Makapangyarihan ang ating Panginoon.
    Ang kanyang karunungan ay walang hangganan.
Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi,
    ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama.
Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon.
    Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios.
Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan,
    at pinauulanan niya ang mundo,
    at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan.
Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito.
10 Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal.
11 Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya
    at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.

12 Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem!
13 Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan,
    at kayoʼy kanyang pinagpapala.
14 Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar,
    at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo.
15 Inuutusan niya ang mundo,
    at agad naman itong sumusunod.
16 Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot,
    at ikinakalat na parang abo.
17 Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato.
    Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito.
18 Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw.
    Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos.
19 Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob.
20 Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa;
    hindi nila alam ang kanyang mga utos.

    Purihin ang Panginoon!

Kawikaan 18:4-5

Ang salita ng taong marunong ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba; ito ay katulad ng tubig na umaagos mula sa malalim na batis.
Hindi mabuti na kampihan ang taong nagkasala at hindi mabuti na ipagkait ang katarungan sa taong walang kasalanan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®