Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 8:11-10:19

11 Nang matapos na ang palasyo na ipinagawa ni Solomon para sa kanyang asawa na anak ng Faraon,[a] inilipat niya ang kanyang asawa roon mula sa Lungsod ni David. Sapagkat sinabi niya, “Hindi pwedeng tumira ang asawa ko sa palasyo ni Haring David, dahil banal ang lugar na iyon dahil naroon dati ang Kahon ng Panginoon.”

12 Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng templo. 13 Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[b] at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taun-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 14 At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Dios at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain sa templo araw-araw. Ibinukod din niya ang mga guwardya ng bawat pintuan sa templo, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Dios. 15 Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.

16 Natapos ang lahat ng ipinagawa ni Solomon sa templo, mula sa paglalagay ng pundasyon nito hanggang sa matapos ito.

17 Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion Geber at Elat, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom. 18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinamahalaan ng sarili niyang mga opisyal na mahuhusay na mandaragat. Naglakbay sila kasama ng mga tauhan ni Solomon papuntang Ofir. At sa pagbalik nila, may dala silang mga 16 na toneladang ginto, at dinala nila ito kay Haring Solomon.

Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon(A)

Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem para subukin ang karunungan ni Solomon sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng nasa kanyang isipan. Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga katanungan at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at nang makita niya ang ganda ng palasyo na kanyang ipinatayo, lubos siyang namangha. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng kanyang mga alipin at mga tagasilbi ng kanyang alak na may magagandang uniporme, at ang mga handog na sinusunog na kanyang inihandog sa templo ng Panginoon.

Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan ninyo ay higit pa kaysa sa nabalitaan ko. Napakapalad ng mga tauhan ninyo! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. Purihin ang Panginoon na inyong Dios na nalugod sa inyo at naglagay sa inyo sa trono upang maghari para sa kanya. Dahil sa pag-ibig ng inyong Dios sa Israel at sa kagustuhan niyang manatili ang bansang ito magpakailanman, ginawa niya kayong hari nito, para mamahala na may katarungan at katuwiran.”

Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mamahaling mga bato. Wala nang makakapantay sa dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.

10 May dala rin kay Haring Solomon ang mga tauhan niya at ang mga tauhan ni Hiram na mga ginto, maraming kahoy na almug, at mamahaling mga bato galing sa Ofir. 11 Ginamit ng hari ang mga kahoy na almug para gawing hagdanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang ibaʼy ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Wala pang sinuman ang nakakita ng mga ganoong bagay sa Juda.

12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang kahit anong hingin nito. Mas sobra pa ang ibinigay ni Solomon sa kanya kaysa sa dinala niya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ng mga tauhan niya.

Ang Kayamanan ni Solomon(B)

13 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng mga 23 toneladang ginto, 14 bukod pa rito ang mga buwis na dala ng mga negosyante. Nagbibigay din sa kanya ng mga ginto at pilak ang lahat ng hari ng Arabia at ang mga gobernador ng Israel.

15 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong[c] kilong ginto. 16 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga tatlo at kalahating kilong ginto. Pinalagay niya itong lahat sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.

17 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante, at binalutan ito ng purong ginto. 18 May anim na baitang ang trono, at may tungtungan ito ng paa na ginto. Sa bawat gilid nito ay may estatwang leon na nakatayo. 19 At mayroon ding estatwa ng leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 20 Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto, at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay puro ginto rin. Hindi ito ginawa sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 21 May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo,[d] na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.

22 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 23 Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 24 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.[e]

25 May 4,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may 12,000 kabayo[f] na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 26 Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Egipto. 27 Noong panahon na siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng ordinaryong mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga ordinaryong kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[g] 28 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula sa Egipto at sa iba pang mga bansa.

Ang Pagkamatay ni Solomon(C)

29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Natan, sa Mga Mensahe ni Ahia na Taga-Shilo, at sa mga Pangitain ni Iddo na Propeta, na nagsasabi rin tungkol sa paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 31 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.

Nagrebelde ang Israel kay Rehoboam(D)

10 Pumunta si Rehoboam sa Shekem, kung saan nagtipon ang lahat ng mga Israelita para hirangin siya na hari. Nang mabalitaan ito ni Jeroboam na anak ni Nebat, bumalik siya sa Israel. (Sapagkat sa panahong ito, doon siya nakatira sa Egipto, kung saan tumakas siya kay Haring Solomon.) Ipinatawag ng mga Israelita si Jeroboam, at pumunta sila kay Rehoboam at sinabi, “Mabigat ang mga ipinapatupad ng inyong ama sa amin. Pero kung pagagaanin nʼyo ito, paglilingkuran namin kayo.”

Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw para pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao. Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga tagapamahala na naglilingkod sa ama niyang si Solomon nang nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?” Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”

Pero hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga kababata niya na naglilingkod sa kanya. Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.” 10 Sumagot ang mga binata, “Ito ang isagot mo sa mga taong iyon na humihiling sa iyo: ‘Ang aking kalingkingan ay mas malaki pa sa baywang ng aking ama. 11 Ang ibig kong sabihin mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo kaysa sa ipinapatupad ng aking ama. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.’ ”[h]

12 Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao kay Haring Rehoboam, ayon sa sinabi ng hari sa kanila. 13 Pero hindi tinupad ni Rehoboam ang ipinayo ng mga tagapamahala. Sa halip, pinagsalitaan niya nang masasakit ang mga tao 14 ayon sa ipinayo ng mga binata. Sinabi niya sa kanila, “Mabigat ang ipinapatupad ng aking ama sa inyo, pero mas mabigat pa ang ipapatupad ko sa inyo. Kung pinalo kayo ng aking ama ng latigo, papaluin ko kayo ng latigong may matalim na mga bakal.”

15 Kaya hindi nakinig ang hari sa mga tao, itoʼy niloob ng Dios para matupad ang kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahia na taga-Shilo. 16 Nang malaman ng mga Israelita na hindi sila pinakinggan ng hari, sinabi nila sa hari, “Hindi kami bahagi ng lahi ni David! Bahala ka na sa iyong kaharian! Halikayo mga Israelita, umuwi na tayo!” Kaya umuwi ang lahat ng mga Israelita. 17 Ang mga Israelita lang na nakatira sa mga bayan ng Juda ang pinamahalaan ni Rehoboam.

18 Ngayon, pinapunta ni Haring Rehoboam sa mga Israelita si Adoram, ang tagapamahala ng mga tao na pinagtatrabaho ng sapilitan, para makipag-ayos sa kanila. Pero binato siya ng mga Israelita hanggang sa mamatay. Nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas papunta sa Jerusalem. 19 Hanggang ngayon, nagrerebelde ang mga Israelita sa mga angkan ni David.

Roma 8:9-25

Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

12 Kaya nga mga kapatid, hindi tayo dapat mamuhay ayon sa ating makasalanang pagkatao. 13 Sapagkat mamamatay kayo kapag namuhay kayo ayon sa inyong makasalanang pagkatao. Pero mabubuhay kayo kung susupilin ninyo ang inyong makasalanang pagkatao sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.

Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap

18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios. 22 Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. 23 At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios. 24 Ligtas na tayo at naghihintay na lang na maging ganap ang kaligtasang ito. Umaasa tayo dahil wala pa ang inaasahan natin. Aasa pa ba tayo kung nariyan na ang ating inaasahan? 25 Pero kung ang inaasahan natiʼy wala pa, maghihintay tayo nang may pagtitiyaga.

Salmo 18:16-36

16 At mula sa langit akoʼy inabot nʼyo
    at inahon mula sa malalim na tubig.
17 Iniligtas nʼyo ako sa kapangyarihan ng aking mga kalaban na hindi ko kayang labanan.
18 Sinalakay nila ako sa oras ng aking kagipitan.
    Ngunit sinaklolohan nʼyo ako, Panginoon.
19 Dinala nʼyo ako sa lugar na walang kapahamakan dahil nalulugod kayo sa akin.
20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.
31 Kayo lang, Panginoon, ang tunay na Dios, at wala nang iba.
    At kayo lang talaga ang aming batong kanlungan.
32 Kayo ang nagbibigay sa akin ng kalakasan,
    at nagbabantay sa aking daraanan.
33 Pinatatatag nʼyo ang aking paa tulad ng paa ng usa,
    upang maging ligtas ang pag-akyat ko sa matataas na lugar.
34 Sinasanay nʼyo ako sa pakikipaglaban, tulad ng pagbanat ng matibay na pana.
35 Ang katulad nʼyo ay kalasag na nag-iingat sa akin.
    Inaakay nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,
    at dahil sa tulong nʼyo, naging tanyag ako.
36 Pinaluwang nʼyo ang aking dadaanan,
    kaya hindi ako natitisod.

Kawikaan 19:26

26 Kahiya-hiya ang anak na malupit sa kanyang ama at pinapalayas ang kanyang ina.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®