Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezra 1-2

Pinabalik ni Haring Cyrus ang mga Judio sa Kanilang Lupain(A)

Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Jeremias.[a] Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa buo niyang kaharian.

“Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:

“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat na mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa Jerusalem at muli ninyong ipatayo roon ang templo ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na nakatira sa lungsod na iyon. At samahan niya sana kayo. Ang mga natitirang tao sa mga lugar na tinitirhan nʼyong mga Israelita ay dapat tumulong sa inyong paglalakbay. Magbibigay sila ng mga pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, at pagtulong na kusang-loob para sa templo ng Dios sa Jerusalem.”

May mga Israelitang hinipo ng Panginoon para bumalik sa Jerusalem. Kaya naghanda silang pumunta roon para ipatayo ang templo ng Panginoon. Kasama sa kanila ang mga pinuno ng mga pamilyang mula sa mga lahi ni Juda at ni Benjamin, pati ang mga pari, at ang mga Levita. Ang ibang mga tao ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamit na gawa sa pilak at ginto, mga kakailanganing bagay, mga hayop, iba pang mga mamahaling bagay, at pagtulong na kusang-loob para sa templo.

Ibinalik din sa kanila ni Haring Cyrus ang mga gamit sa templo ng Panginoon na kinuha ni Haring Nebucadnezar sa Jerusalem at dinala sa templo ng mga dios-diosan niya. Ipinagkatiwala ito ni Haring Cyrus kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian niya. Binilang ito ni Mitredat at ibinigay ang listahan kay Sheshbazar, ang gobernador ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga gamit:

mga gintong bandehado30
mga pilak na bandehado1,000
mga kutsilyo29
mga gintong mangkok30
mga pilak na mangkok410
iba pang mga gamit1,000

11 Sa kabuuan, may mga 5,400 gamit na ginto at pilak. Dinala lahat ito ni Sheshbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng ibang mga bihag.

Ang Talaan ng mga Bumalik Mula sa Pagkabihag(B)

Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. Ang mga namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Seraya, Reelaya, Mordecai, Bilshan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.

Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

3-20 Mga angkan nina

Paros2,172
Shefatia372
Ara775
Pahat Moab (mula sa mga pamilya nina Jeshua at Joab)2,812
Elam1,254
Zatu945
Zacai760
Bani642
Bebai623
Azgad1,222
Adonikam666
Bigvai2,056
Adin454
Ater (na tinatawag ding Hezekia)[b]98
Bezai323
Jora112
Hashum223
Gibar95

21-35 Ito ang bilang ng mga tao na nakabalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Betlehem123
Netofa56
Anatot128
Azmavet42
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot743
Rama at Geba621
Micmash122
Betel at Ai223
Nebo52
Magbis156
ang isa pang Elam1,254
Harim320
Lod, Hadid, at Ono725
Jerico345
Senaa3,630

36-39 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina

Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

40-42 Ito ang mga angkan ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia)74
Mga mang-aawit sa templo na mula sa angkan ni Asaf128
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mula sa angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai139

43-54 Ito naman ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Siaha, Padon, Lebana, Hagaba, Akub, Hagab, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Asna, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.

55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon:

Ang mga angkan nina Sotai, Hasoferet, Peruda, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ami.

58 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay 392.

59-60 May 652 din na bumalik sa Juda mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda, pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita.

61 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 62 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng mga ninuno nila, hindi sila tinanggap na mga pari. 63 Pinagbawalan sila ng gobernador ng Juda na kumain ng mga pagkaing inihandog sa Dios habang walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa pagkapari nila sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[c]

64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360, maliban sa 7,337 na mga alipin nila, at 200 lalaki at babaeng mang-aawit. May dala silang 736 na mga kabayo, 245 mola,[d] 435 kamelyo, at 6,720 asno. 68 Pagdating nila sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay ng kusang-loob na tulong sa muling pagpapatayo ng templo sa dati nitong pinagtayuan. 69 Nagbigay sila ayon sa makakaya nila para sa gawaing ito. At ang kabuuang natipon nila ay mga 500 kilong ginto, mga 3,000 kilong pilak, at 100 pirasong kasuotan para sa mga pari. 70 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa kani-kanilang bayan, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga mang-aawit, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga utusan sa templo.

1 Corinto 1:18-2:5

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Dios.

18 Ang mensahe ng pagkamatay ni Cristo sa krus ay kamangmangan para sa mga napapahamak, ngunit sa mga naliligtas, itoʼy kapangyarihan ng Dios. 19 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at ipapawalang-saysay ko ang katalinuhan ng matatalino.”[a] 20 Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, at ng mahuhusay sa debate sa panahong ito? Hindi baʼt ipinakita ng Dios na ang karunungan ng mundo ay kamangmangan?

21 Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito. Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa ipinangangaral na Magandang Balita, na ayon sa iba ay kamangmangan lamang. 22 Ang mga Judio ay ayaw maniwala hanggaʼt walang nakikitang himala, at ang mga Griego naman ay humahanap ng sinasabi nilang karunungan. 23 Ngunit kami naman ay ipinapangaral ang Cristo na ipinako sa krus – bagay na hindi matanggap ng mga Judio, at isang kamangmangan para sa mga hindi Judio. 24 Ngunit para sa mga tinawag ng Dios, Judio man o hindi, si Cristo ang siyang kapangyarihan at karunungan ng Dios. 25 Sapagkat ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Dios ay higit pa sa kalakasan ng tao. 26 Mga kapatid, isipin ninyo kung ano ang inyong kalagayan nang tawagin kayo ng Dios. Iilan lamang sa inyo ang masasabing matalino sa paningin ng mundo, at iilan lamang ang makapangyarihan o nagmula sa mga kilalang angkan. 27 Ngunit pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mangmang upang hiyain ang marurunong. Pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mahihina upang hiyain ang malalakas. 28 At pinili ng Dios ang mga itinuturing ng mundo na mababa at walang halaga upang mapawalang-halaga ang itinuturing ng mundo na mahalaga. 29 Kaya walang makakapagmalaki sa harap ng Dios. 30 Dahil sa kanya, tayoʼy nakay Cristo Jesus. Si Cristo ang karunungan ng Dios para sa atin. Sa pamamagitan niya, itinuring tayo ng Dios na matuwid, ibinukod para sa kanya, at tinubos sa ating mga kasalanan. 31 Kaya gaya ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios.”[b]

Ang Kamatayan ni Cristo sa Krus

Mga kapatid, nang pumunta ako riyan upang ipahayag ang lihim na plano ng Dios, hindi ako gumamit ng malalalim na pananalita o karunungan. Sapagkat ipinasya ko na wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesu-Cristo lang at ang kanyang pagkapako sa krus. Pumunta ako riyan na may kahinaan, at nanginginig pa sa takot. At nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao upang kumbinsihin kayo. Sa halip, pinatunayan ng Banal na Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nang sa ganoon, hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Dios.

Salmo 27:7-14

Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
    Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
    kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
    Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
    Kayo na laging tumutulong sa akin,
    huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
    O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
    kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
    Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
    dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
    dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
    at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
    habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.

14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
    Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
    Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!

Kawikaan 20:22-23

22 Huwag kang maghiganti. Magtiwala ka sa Panginoon, at tutulungan ka niya.
23 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nandadaya sa timbangan. Hindi ito mabuting gawain.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®