The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
Nag-ayuno at Nanalangin Sina Ezra
21 Doon sa tabi ng Ilog Ahava, sinabi ko sa grupo na mag-ayuno kami at magpakumbaba ng mga sarili namin sa presensya ng aming Dios para hilingin sa kanya na ingatan kami sa paglalakbay, pati ang aming mga anak at mga ari-arian. 22 Sapagkat nahihiya akong humingi sa hari ng mga sundalo at mangangabayo na magbabantay sa amin laban sa mga kalaban habang naglalakbay kami, dahil sinabi na namin sa hari na tinutulungan ng aming Dios ang lahat ng nagtitiwala sa kanya, pero galit na galit siya sa mga nagtatakwil sa kanya. 23 Kaya nag-ayuno at nanalangin kami sa aming Dios na ingatan niya kami, at tinugon niya ang dalangin namin.
Ang mga Handog para sa Templo
24 Pumili ako ng 12 tao mula sa mga namumunong pari, hindi kabilang sina[a] Sherebia, Hashabia, at ang sampu sa kamag-anak nila. 25 Pagkatapos, ipinagkatiwala ko sa kanila ng walang kulang[b] ang mga pilak, ginto, at mga kagamitang ibinigay ng hari, at ng mga tagapayo niya at mga opisyal, at ng maraming Israelita, bilang tulong sa templo ng aming Dios. 26-27 Ito ang aking ipinagkatiwala sa kanila:
22 toneladang pilak
3 toneladang kasangkapang pilak
3 toneladang ginto
20 gintong mangkok na mga waloʼt kalahating kilo,
2 tansong mangkok[c] na pinakintab na kasinghalaga ng mga mangkok na ginto.
28 Sinabi ko sa mga pari, “Kayo at ang mga kagamitang ito ay ibinukod para sa Panginoon. Ang mga pilak at ginto ay handog na kusang-loob para sa Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno. 29 Ingatan nʼyo itong mabuti hanggang sa madala nʼyo ito sa mga bodega templo ng Panginoon sa Jerusalem na walang kulang,[d] sa harap ng mga namumunong pari, mga Levita, at ng mga pinuno ng mga pamilya ng mga Israelita.”
30 Kaya kinuha ng mga pari at ng mga Levita ang mga pilak, ginto, at ang mga kagamitan, na walang kulang, para dalhin sa templo ng aming Dios sa Jerusalem.
Ang Pagbalik sa Jerusalem
31 Umalis kami sa Ilog Ahava at naglakbay papuntang Jerusalem nang ika-12 araw ng unang buwan. Tinulungan kami ng aming Dios at iningatan kami sa mga kalaban at tulisan habang naglalakbay kami. 32 Pagdating namin sa Jerusalem, nagpahinga muna kami ng tatlong araw.
33 Nang ikaapat na araw, pumunta kami sa templo ng aming Dios at ipinagkatiwala namin ang mga pilak, ginto, at mga kagamitan ng walang kulang kay Meremot na pari na anak ni Uria. Kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas at ang dalawang Levita na sina Jozabad na anak ni Jeshua at Noadia na anak ni Binui. 34 Binilang at tinimbang ito lahat, at inilista.
35 Pagkatapos, ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay nag-alay sa Dios ng Israel ng mga handog na sinusunog: 12 toro para sa buong Israel, 96 na lalaking tupa, at 77 batang lalaking tupa. Nag-alay din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. Ang lahat ng ito ay ang mga handog na sinusunog para sa Panginoon. 36 Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga opisyal ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates ang dokumento kung saan nakasulat ang utos ng hari. At ang mga pinunong ito ay tumulong sa mga mamamayan ng Israel at sa templo ng Dios.
Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan ang mga Israelita
9 Sinabi pa ni Ezra: Pagkatapos ng pangyayaring iyon, pumunta sa akin ang mga pinuno ng mga Judio at nagsabi, “Marami sa mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari at mga Levita, ang namumuhay katulad ng mga tao sa paligid nila. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio, at Amoreo. 2 Nagsipag-asawa pa sila at ang mga anak nila ng mga babaeng mula sa mga mamamayang nabanggit. Kaya ang mga mamamayang pinili ng Dios ay nahaluan ng ibang mga lahi. At ang mga pinuno at mga opisyal pa natin ang siyang nangunguna sa paggawa nito.”
3 Nang marinig ko ito, pinunit ko ang damit ko, sinabunutan ko ang buhok ko, hinila ko ang balbas ko, at naupo akong tulala. 4 Nagtipon sa akin ang mga tao na takot sa mensahe ng Dios ng Israel dahil sa pagtataksil ng mga kapwa nila Israelitang bumalik galing sa pagkabihag. Naupo akong tulala, hanggang sa dumating ang oras ng panggabing paghahandog. 5 Pagdating ng oras na iyon, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Dios. 6 Sinabi ko, “Dios ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. 7 Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.
8 “At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Dios. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. 9 Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito para mabigyan kami ng bagong buhay, at para maipatayo namin muli ang templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga dito sa Juda at Jerusalem.
10 “Pero ngayong nagkasala kami, O aming Dios, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11 na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin para angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12 Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, para maging matibay at maunlad kami,[e] at para manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman. 13 Pinarusahan nʼyo kami, O aming Dios, dahil sa mga kasalanan namin. Pero ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14 Pero sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15 O Panginoon, Dios ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”
Parusahan ang Gumagawa ng Imoralidad
5 May nagbalita sa akin na mayroon diyan sa inyo na gumagawa ng sekswal na imoralidad – kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Itoʼy masahol pa sa ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios, dahil maging sila ay hindi gumagawa nito. 2 At sa kabila ng pangyayaring ito, nagawa pa ninyong magyabang! Dapat sana ay naghinagpis kayo at pinalayas na ninyo sa inyong grupo ang gumagawa nito. 3-4 Kahit na wala ako riyan ng personal, nariyan naman ako sa espiritu. At sa pangalan[a] ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hinatulan ko na ang taong iyon. Kaya sa pagtitipon ninyo, isipin ninyo na parang nariyan na rin ako sa espiritu. At sa kapangyarihang ibinigay sa atin ng ating Panginoong Jesu-Cristo, 5 ipaubaya ninyo kay Satanas ang taong iyon upang mapahamak ang kanyang katawan at maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng paghuhukom ng Panginoon.
6 Hindi tama ang pagyayabang ninyo. Hindi nʼyo ba alam ang kasabihang, “Ang kaunting pampaalsa ay nakakapagpaalsa sa buong masa ng harina”? 7 Kaya alisin ninyo ang lumang pampaalsa na walang iba kundi ang kasalanan, upang maging bago at malinis kayo. Sa katunayan, nilinis na kayo dahil inialay si Cristo para sa atin. Tulad siya ng tupang iniaalay tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. 8 Kaya ipagdiwang natin ang pistang ito hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa kundi ng tinapay na walang pampaalsa, na ang ibig sabihin ay talikuran na natin ang dati nating mga kasalanan at kasamaan, at mamuhay na tayo nang malinis at tapat.
9 Sumulat ako sa inyo noon na huwag kayong makikisama sa mga imoral.[b] 10 Hindi ko tinutukoy dito ang mga taong hindi sumasampalataya sa Dios – ang mga imoral, sakim, magnanakaw, at sumasamba sa dios-diosan. Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang mga nagsasabing silaʼy mga kapatid sa Panginoon pero mga imoral, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanlait, lasenggo, at magnanakaw. Ni huwag kayong makisalo sa kanila sa pagkain. 12-13 Kung sabagay, ano ba ang karapatan nating husgahan ang mga hindi mananampalataya? Ang Dios na ang huhusga sa kanila. Ngunit tungkulin ninyo na husgahan ang mga kapatid kung tama o mali ang kanilang ginagawa, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Paalisin ninyo sa inyong grupo ang taong masama.”[c]
Dalangin ng Pagtitiwala
31 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong hayaang mapahiya ako.
Iligtas nʼyo ako dahil matuwid kayo.
2 Pakinggan nʼyo ako at agad na iligtas.
Kayo ang aking batong kanlungan,
at pader na tanggulan para sa aking kaligtasan.
3 Dahil kayo ang bato na matibay na kong kanlungan,
pangunahan nʼyo ako at patnubayan nang kayo ay aking maparangalan.
4 Ilayo nʼyo ako sa bitag ng aking mga kaaway,
dahil kayo ang aking matibay na tanggulan.
5 Ipinauubaya ko sa inyo ang aking sarili.
Iligtas nʼyo ako, Panginoon,
dahil kayo ang Dios na maaasahan.
6 Panginoon, namumuhi ako sa mga sumasamba sa mga dios-diosan na walang kabuluhan,
dahil sa inyo ako nagtitiwala.
7 Akoʼy magagalak sa inyong pag-ibig,
dahil nakita nʼyo ang aking pagdurusa,
at nalalaman nʼyo ang tinitiis kong kahirapan.
8 Hindi nʼyo ako ibinigay sa aking mga kaaway,
sa halip iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan.
21 Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin.
2 Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®