Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Ezra 10

Ang Pagpapahayag ng mga Israelita ng Kanilang mga Kasalanan

10 Habang nakaluhod si Ezra na nananalangin sa harapan ng templo ng Dios, umiiyak siya at nagpapahayag ng mga kasalanan ng mga mamamayan ng Israel. Maraming Israelitang lalaki, babae, at mga kabataan ang nakapaligid sa kanya na umiiyak din nang malakas. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Shecania na anak ni Jehiel, na angkan ni Elam, “Hindi kami naging tapat sa Dios natin dahil nagsipag-asawa kami ng mga dayuhang babae na galing sa mga sambayanang nasa paligid natin. Pero sa kabila nito, may pag-asa pa rin ang mga mamamayan ng Israel. Kaya ngayon, susundin namin ang payo nʼyo at ng iba pang gumagalang sa mga utos ng ating Dios. Gagawa kami ng kasunduan sa ating Dios na palalayasin namin ang mga babaeng ito pati na ang kanilang mga anak. Tutuparin namin ang sinasabi ng Kautusan. Tumayo po kayo, dahil tungkulin nʼyo na gabayan kami sa mga bagay na ito. Magpakatatag kayo at gawin ang nararapat. Tutulungan namin kayo.”

Kaya tumayo si Ezra at pinanumpa niya ang mga namumunong pari, mga Levita, at ang lahat ng mga Israelita, na gagawin nila ang sinasabi ni Shecania. At nanumpa sila. Pagkatapos, umalis si Ezra sa harapan ng templo ng Dios at pumunta sa kwarto ni Jehohanan na anak ni Eliashib. Pagdating niya roon, hindi siya kumain at uminom, dahil nalulungkot siya dahil hindi naging tapat ang mga Israelitang bumalik mula sa pagkabihag.

7-8 Ipinabatid ng mga pinuno at mga tagapamahala sa mga Israelita sa buong Juda pati na sa Jerusalem na ang lahat ng bumalik galing sa pagkabihag ay magtipon sa Jerusalem. At ang sinumang hindi pupunta doon sa loob ng tatlong araw, kukunin sa kanya ang lahat niyang mga ari-arian at hindi na siya ituturing na kabilang sa mga tao na bumalik galing sa pagkabihag.

Kaya sa loob ng tatlong araw, nagtipon ang buong mamamayan ng Juda at Benjamin, at naupo sila doon sa plasa ng templo ng Dios sa Jerusalem. Nangyari ito nang ika-20 araw ng ikasiyam na buwan. Nanginginig ang mga tao dahil napakaseryoso ng pinag-uusapan nila at dahil sa malakas na ulan.

10 Pagkatapos, tumayo si Ezra na pari at sinabi, “Nagkasala kayo dahil nagsipag-asawa kayo ng mga dayuhan. Dahil dito, dinagdagan nʼyo pa ang kasalanan ng Israel. 11 Ngayon, ipahayag nʼyo ang mga kasalanan nʼyo sa Panginoon ng mga ninuno nʼyo, at gawin nʼyo ang kalooban niya. Ibukod nʼyo ang sarili nʼyo sa mga tao sa paligid ninyo, at hiwalayan nʼyo ang mga asawa nʼyong dayuhan.”

12 Sumagot nang malakas ang buong mamamayan, “Tama ka! Gagawin namin ang sinabi mo. 13 Ngunit ang bagay na ito ay hindi matatapos sa isa o dalawang araw lamang dahil napakarami sa amin ang nakagawa ng ganitong kasalanan. Tag-ulan pa ngayon, at hindi namin kayang magpaulan dito sa labas. 14 Ang mga opisyal na lang natin ang magpaiwan dito at mag-asikaso nito para sa buong mamamayan. Papuntahin na lang dito sa takdang oras ang mga nagsipag-asawa ng dayuhan kasama ang mga tagapamahala at mga hukom ng bayan nila. Gawin natin ito upang mapawi ang matinding galit ng Dios sa atin dahil sa bagay na ginawa natin.”

15 Walang sumuway sa planong ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazea na anak ni Tikva. Sinuportahan din sila nina Meshulam at Shabetai na Levita.

16-17 Tinupad ng mga bumalik sa pagkabihag ang planong iyon. Kaya pumili si Ezra na pari ng mga lalaking pinuno ng mga pamilya, at inilista ang pangalan nila. At nang unang araw ng ikasampung buwan, naupo sila at sinimulan nila ang pagsisiyasat tungkol sa pag-aasawa ng mga Israelita ng mga dayuhang babae. Natapos nila ang pagsisiyasat ng lahat ng kaso nang unang araw ng unang buwan, ng sumunod na taon.

Ang mga Lalaki na Nagsipag-asawa ng mga Dayuhan

18-19 Ito ang mga lalaking nagsipag-asawa ng mga dayuhan, at nangakong hihiwalayan nila ang mga asawa nila: (Naghandog sila ng mga lalaking tupa bilang pambayad sa mga kasalanan nila.)

Sa mga pari:

sina Maaseya, Eliezer, Jarib, at Gedalia, na galing sa pamilya ni Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kapatid niya;

20 sina Hanani at Zebadia, na galing sa pamilya ni Imer;

21 sina Maaseya, Elias, Shemaya, Jehiel at Uzia, na galing sa pamilya ni Harim;

22 sina Elyoenai, Maaseya, Ishmael, Natanael, Jozabad, at Elasa, na galing sa pamilya ni Pashur.

23 Mula sa mga Levita:

sina Jozabad, Shimei, Kelaya (na tinatawag din na Kelita), Petahia, Juda, at Eliezer.

24 Mula sa mga musikero:

si Eliashib.

Mula sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo ay sina:

Shalum, Telem, at Uri.

25 Mula sa iba pang mga Israelita:

sina Ramia, Izia, Malkia, Mijamin, Eleazar, Malkia, at Benaya, na galing sa pamilya ni Paros;

26 sina Matania, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremat, at Elias, na galing sa pamilya ni Elam;

27 sina Elyoenai, Eliashib, Matania, Jeremot, Zabad, at Asisa, na galing sa pamilya ni Zatu;

28 sina Jehohanan, Hanania, Zabai, at Atlai, na galing sa pamilya ni Bebai;

29 sina Meshulam, Maluc, Adaya, Jashub, Sheal, at Jeremot, na galing sa pamilya ni Bani;

30 sina Adna, Kelal, Benaya, Maaseya, Matania, Bezalel, Binui, at Manase, na galing sa pamilya ni Pahat Moab;

31-32 sina Eliezer, Ishya, Malkia, Shemaya, Simeon, Benjamin, Maluc at Shemaria, na galing sa pamilya ni Harim;

33 sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manase at Shimei, na galing sa pamilya ni Hashum;

34-37 sina Maadai, Amram, Uel, Benaya, Bedia, Keluhi, Vania, Meremot, Eliashib, Matania, Matenai at Jaasu, na galing sa pamilya ni Bani;

38-42 sina Shimei, Shelemia, Natan, Adaya, Macnadebai, Shasai, Sharai, Azarel, Shelemia, Shemaria, Shalum, Amaria at Jose, na galing sa pamilya ni Binui;

43 sina Jeyel, Matitia, Zabad, Zebina, Jadai, Joel at Benaya, na galing sa pamilya ni Nebo.

44 Silang lahat ang nagsipag-asawa ng mga dayuhang babae, at ang iba sa kanila ay may mga anak sa mga babaeng ito.[a]

1 Corinto 6

Demanda Laban sa Kapatid sa Panginoon

Kapag may reklamo ang isa sa inyo laban sa kanyang kapatid, bakit dinadala niya ito sa hukom na hindi sumasampalataya sa Dios? Dapat dalhin niya ito sa mga sumasampalataya sa Dios[a] Hindi nʼyo ba alam na sa mga huling araw tayong mga banal ang hahatol sa mga tao sa mundo? At kung kayo ang hahatol sa mga tao sa mundo, wala ba kayong kakayahang hatulan ang maliliit na bagay na iyan? Hindi nʼyo ba alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? At kung kaya nating gawin ito, mas lalong kaya ninyong ayusin ang mga alitan sa buhay na ito. Kaya kung mayroon kayong mga alitan, bakit dinadala pa ninyo ito sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Mahiya naman kayo! Wala na ba talagang marurunong sa inyo na may kakayahang umayos ng mga alitan ng mga mananampalataya? Ang nangyayari, nagdedemandahan ang magkakapatid sa Panginoon, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya!

Kayo mismo ang talo sa pagkakaroon ninyo ng mga kaso laban sa isaʼt isa. Bakit hindi na lang ninyo tiisin ang mga gumagawa ng masama at nandaraya sa inyo? Ngunit ang nangyayari, kayo pa mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, at ginagawa ninyo ito mismo sa inyong kapatid sa Panginoon. 9-10 Hindi nʼyo ba alam na hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang masasama? Huwag kayong palilinlang! Sapagkat kailanmaʼy hindi magmamana ng kaharian ng Dios ang mga imoral,[b] sumasamba sa dios-diosan, nangangalunya, nakikipagrelasyon sa kapwa lalaki o babae, magnanakaw, sakim, lasenggo, mapanlait, at mandarambong. 11 At ganyan nga ang ilan sa inyo noon. Ngunit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ibinukod na kayo ng Dios para maging kanya; itinuring na kayong matuwid dahil sa Panginoong Jesu-Cristo at sa Espiritu ng ating Dios.

Ang Katawan Ninyo ay Templo ng Banal na Espiritu

12 Maaaring may magsabi sa inyo ng ganito, “Pwede kong gawin ang kahit ano.” Totoo iyan, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit pwede kong gawin ang kahit ano, hindi naman ako paaalipin dito. 13 Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay ginawa para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Dios. Ang katawan ay hindi para sa sekswal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Dios; at ang Dios ang nag-iingat nito. 14 Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.

15 Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Cristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Cristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16 Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong babae ay nagiging kaisang-katawan niya? Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”[c] 17 At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Jesu-Cristo kaisa niya tayo sa espiritu.

18 Kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng sekswal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19 Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, 20 dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios.

Salmo 31:9-18

Panginoon, kahabagan nʼyo po ako,
    dahil akoʼy labis nang nahihirapan.
    Namumugto na ang aking mga mata sa pag-iyak,
    at nanghihina na ako.
10 Ang buhay koʼy punong-puno ng kasawian;
    umiikli ang buhay ko dahil sa pag-iyak at kalungkutan.
    Nanghihina na ako sa kapighatiang aking nararanasan,
    at parang nadudurog na ang aking mga buto.
11 Kinukutya ako ng aking mga kaaway,
    at hinahamak ng aking mga kapitbahay.
    Iniiwasan na ako ng mga dati kong kaibigan;
    kapag nakikita nila ako sa daan, akoʼy kanilang nilalayuan.
12 Para akong patay na kanilang kinalimutan,
    at parang basag na sisidlan na wala nang halaga.
13 Marami akong naririnig na banta laban sa akin.
    Natatakot akong pumunta kahit saan,
    dahil plano nilang patayin ako.
14 Ngunit ako ay nagtitiwala sa inyo, Panginoon.
    Sinasabi kong,
    “Kayo ang aking Dios!”
15 Ang aking kinabukasan ay nasa inyong mga kamay.
    Iligtas nʼyo po ako sa aking mga kaaway na umuusig sa akin.
16 Ipadama nʼyo ang inyong kabutihan sa akin na inyong lingkod.
    Sa inyong pagmamahal, iligtas nʼyo ako.
17 Panginoon, huwag nʼyong payagang akoʼy mapahiya,
    dahil sa inyo ako tumatawag.
    Ang masasama sana ang mapahiya
    at manahimik doon sa libingan.
18 Patahimikin nʼyo silang mga sinungaling,
    pati ang mga mayayabang at mapagmataas
    na binabalewala at hinahamak ang mga matuwid.

Kawikaan 21:3

Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®