The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
1 Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.
Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem
Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. 2 Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag[a] sa Babilonia. 3 Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”
4 Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. 5 Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. 6 Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. 7 Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.
8 “Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. 9 Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’
10 “Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11 Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”
Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.
Pumunta si Nehemias sa Jerusalem
2 Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. 2 Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, 3 pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” 4 Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, 5 at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”
6 Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. 7 Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. 8 At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin.
9 Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. 10 Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.
Tiningnan ni Nehemias ang Pader ng Jerusalem
11 Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem, 12 umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Dios tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno. 13 Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon[b] hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa paliguan ng hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko. 15 Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.
16 Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Judio tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.
17 Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya.” 18 Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Dios sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin. Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila para simulan ang mabuting gawaing ito. 19 Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobia na isang opisyal na Ammonita, at ni Geshem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?” 20 Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Dios sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader ng Jerusalem. Pero kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
3 Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan[c] at sa Tore ni Hananel. 2 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri.
3 Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda.[d] Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
4 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. 5 At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain.
6 Ang nagtayo ng Lumang Pintuan[e] ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.
7 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. 8 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. 9 Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. 10 Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya.
11 Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. 12 Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.
13 Ang nagtayo ng pintuang nakaharap sa lambak ay si Hanun at ang mga taga-Zanoa. Ikinabit nila ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka. Ipinatayo rin nila ang 450 metro na pader sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.
14 Ang nagtayo ng pintuan ng pinagtatapunan ng basura ay ang anak ni Recab na si Malkia, na pinuno ng distrito ng Bet Hakerem. Ikinabit niya ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka.
Tungkol sa Pag-aasawa
7 Ngayon, ito naman ang masasabi ko tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin. Mas makabubuti sa isang lalaki kung hindi na lang mag-aasawa. 2 Ngunit dahil sa marami ang natutuksong gumawa ng sekswal na imoralidad, mas mabuti pa na mag-asawa na lang ang bawat lalaki o babae. 3 Dapat tuparin ng lalaki ang kanyang tungkulin sa kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae. 4 Sapagkat ang lalaki ay may karapatan sa katawan ng kanyang asawa. At ganoon din naman, ang babae sa kanyang asawa. 5 Kaya huwag ninyong ipagkait ang pagsiping sa inyong asawa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong ipagpaliban ito, upang mailaan ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkalipas ng inyong pinagkasunduan, magsiping na uli kayo dahil baka hindi na kayo makapagpigil at matukso kayo ni Satanas.
6 Ang sinasabi koʼy hindi isang utos kundi mungkahi lamang. 7 Kung pwede lang, gusto ko sanang kayong lahat ay maging katulad ko na walang asawa. Ngunit may kanya-kanyang kaloob sa atin ang Dios, at hindi ito pare-pareho.
8 Ngayon, ito naman ang masasabi ko sa mga wala pang asawa at sa mga biyuda: mas mabuti kung magpatuloy na lang kayo sa kalagayan ninyong iyan. 9 Ngunit kung hindi kayo makapagpigil sa inyong sarili, mag-asawa na lang kayo. Mas mabuti na ito kaysa sa magkasala kayo dahil sa matinding pagnanasa ng laman.
10-11 Ngayon, sa inyong mga may asawa, may utos ako na sinabi mismo ng Panginoon: Hindi dapat hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at ganoon din naman ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung hihiwalay ang babae sa kanyang asawa, dapat manatili siyang walang asawa o di kayaʼy bumalik na lang sa kanyang asawa.
12 Sa iba naman, ito ang masasabi ko (itoʼy opinyon ko lang; walang sinabi ang Panginoon tungkol dito): Kung ang isang mananampalatayang lalaki ay may asawa na hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang babae. 13 At kung ang isang babae naman ay may asawang hindi mananampalataya na gusto namang magsama sila, hindi niya dapat hiwalayan ang lalaki. 14 Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay tinatanggap ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa, at ang babaeng hindi mananampalataya ay tinatanggap din ng Dios dahil sa kanyang mananampalatayang asawa. Dahil kung hindi, maging ang mga anak nila ay hindi tatanggapin ng Dios. Ngunit ang totoo, tinatanggap din sila ng Dios. 15 Ngunit kung gustong humiwalay ng asawang hindi mananampalataya, hayaan siyang humiwalay. Sa ganitong pangyayari ay wala nang pananagutan ang mananampalatayang asawa, dahil tinawag tayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. 16 Kung sabagay, hindi naman kayo nakasisiguro kung ang inyong pagsasama ay magiging kasangkapan ng Dios para maligtas ang inyong asawa.
Mamuhay Ayon sa Kalagayang Ibinigay ng Dios
17 Ang bawat isa sa inyo ay dapat mamuhay ayon sa kalagayan na ibinigay ng Panginoon sa kanya. Dapat manatili siya sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios.[a] Ito ang iniuutos ko sa lahat ng iglesya. 18 Halimbawa, kung ang isang lalaki ay tuli nang siyaʼy tawagin ng Dios, hindi na niya dapat baguhin ang kanyang kalagayan. At kung hindi pa siya tuli nang siyaʼy tawagin, hindi na niya kailangang magpatuli pa. 19 Sapagkat hindi mahalaga kung tuli ang isang lalaki o hindi. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Dios. 20 Kaya mamuhay ang bawat isa ayon sa kanyang kalagayan nang tinawag siya ng Dios. 21 Ikaw baʼy isang alipin nang tawagin ng Dios? Hindi na bale, ngunit kung may magagawa ka naman para maging malaya, samantalahin mo ito. 22 Sapagkat ang alipin nang tawagin siya ng Panginoon ay malaya na sa harap ng Panginoon. Ang tao namang malaya nang tawagin siya ay alipin na ngayon ni Cristo. 23 Binili kayo ng Dios sa malaking halaga, kaya huwag kayong basta magpaalipin sa tao. 24 Kaya nga mga kapatid, mamuhay ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang kalagayan nang tawagin siya ng Dios.
19 O kay dakila ng inyong kabutihan;
sa mga may takot sa inyo, pagpapalaʼy inyong inilaan.
Nakikita ng karamihan ang mga ginawa nʼyong kabutihan sa mga taong kayo ang kanlungan.
20 Itinago nʼyo sila sa ilalim ng inyong pagkalinga.
At doon ay ligtas sila sa mga masamang balak at pang-iinsulto ng iba.
21 Purihin ang Panginoon,
dahil kahanga-hanga ang pag-ibig niyang ipinakita sa akin
noong akoʼy naipit sa isang sinasalakay na bayan.
22 Doon akoʼy natakot at nasabi ko,
“Binalewala na ako ng Panginoon.”
Ngunit narinig niya pala ang aking kahilingan, at akoʼy kanyang tinulungan.
23 O, kayong tapat niyang mga mamamayan,
mahalin ninyo ang Panginoon.
Iniingatan niya ang mga tapat sa kanya,
ngunit lubos ang kanyang parusa sa mga mapagmataas.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob,
kayong mga umaasa sa Panginoon.
4 Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®