Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the EHV. Switch to the EHV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 16-19

Sumagot si Job

16 Sumagot si Job, “Napakinggan ko na iyan noon pa. Sa halip na aliwin ninyo ako, lalo nʼyo pang pinabigat ang paghihirap ko. Hindi na ba kayo titigil sa pagsasalita ng walang kabuluhan? Ano bang gumugulo sa isipan nʼyo at wala kayong tigil sa pakikipagtalo sa akin? Kung kayo ang nasa kalagayan ko, masasabi ko rin ang katulad ng mga sinasabi ninyo sa akin. Pagsasabihan ko kayo at kukutyain pa. Pero hindi ko gagawin iyon. Sa halip, magsasalita ako ng mga salitang makapagpapalakas at makapagpapaaliw sa inyo. Ngunit sa ngayon, patuloy pa rin ang paghihirap ko kahit ano pa ang sabihin ko. At kung tumahimik man ako, hindi rin ito mawawala.

O Dios, pinanghina nʼyo ako at winasak ang buong sambahayan ko. Pinapayat nʼyo ako; butoʼt balat na lang ako, at ayon sa iba ito ang katunayan na akoʼy nagkasala. Sa galit nʼyo, O Dios, sinalakay nʼyo ako. Para kayong mabangis na hayop na lumuray ng aking laman. Nagngangalit ang inyong ngipin at tinititigan nʼyo ako na parang akoʼy inyong kaaway.

10 “Kinukutya ako at pinagtatawanan ng mga tao. Sinasampal para hiyain. Nagkaisa sila laban sa akin. 11 Ipinaubaya ako ng Dios sa kamay ng taong masasama at makasalanan. 12 Maganda ang kalagayan ko noon, pero sinira niya ako. Hinawakan niya ako sa leeg, inilugmok, at ginawa niya akong puntiryahan. 13 Pinalibutan ako ng mga tagapana niya at walang awang pinagpapana. Tinamaan ang aking bato, at ang apdo koʼy bumulwak sa lupa. 14 Paulit-ulit niya akong sinusugatan. Sinasalakay niya akong parang mandirigma. 15 Nagdamit ako ng sako at naupo sa lupa para magluksa. 16 Namumula na ang mukha ko at namumugto na ang mga mata sa kakaiyak. 17 Wala akong nagawang kasalanan at tapat ang aking panalangin.

18 “Ang katulad koʼy isang taong pinatay na nakikiusap sa lupa na huwag tatabunan ang kanyang dugo hanggaʼt hindi niya nakakamtan ang katarungan. 19 Kahit ngayon ang saksi[a] koʼy nasa langit. Siya ang magpapatunay na wala akong kasalanan. 20 Hinahamak ako ng mga kaibigan ko; pero umiiyak ako sa Dios at humihingi ng tulong sa kanya. 21 Ang saksi ko ang siyang magmamakaawa sa Dios para sa akin, katulad ng taong nakikiusap para sa kanyang kaibigan. 22 Sapagkat malapit na akong pumanaw at hindi na babalik pa.

17 “Malapit na akong mamatay; parang malalagot na ang hininga ko. Nakahanda na ang libingan para sa akin. Napapaligiran ako ng mga mangungutya. Kitang-kita ko kung paano nila ako kutyain. O Dios, tulungan nʼyo po ako na makalaya. Tanging kayo lang ang makakatulong sa akin. Isinara nʼyo ang isipan ng aking mga kaibigan para hindi sila makaunawa. Kaya huwag ninyong payagan na magtagumpay sila sa kanilang mga paratang sa akin. Katulad sila ng taong nandadaya sa kanyang mga kaibigan para magkapera, at ito ang magiging dahilan ng paghihirap[b] ng kanyang mga anak.

“Ginawa akong katawa-tawa ng Dios sa mga tao at dinuraan pa nila ang mukha ko. Nagdilim na ang paningin ko dahil sa matinding kalungkutan; halos butoʼt balat na ako, at halos kasingnipis na ng anino. Ang mga taong nag-iisip na sila ay matuwid ay nagtataka sa nangyaring ito sa akin. Akala nilaʼy masama ako at hindi makadios. Para sa kanila ang matuwid ay matatag ang pamumuhay at lalo pang nagiging matatag. 10 Pero hinahamon ko sila na minsan pa nila akong siyasatin. At tiyak na matutuklasan kong wala kahit isa sa kanila ang nakakaunawa. 11 Malapit nang matapos ang mga araw ko. Bigo ang mga plano koʼt hinahangad. 12 Pero sinasabi ng iba na baka sakaling maging mabuti rin ang kalagayan ko sa hinaharap, dahil sa kabila raw ng dilim ay may liwanag. 13 Ngunit kung ako man ay may pag-asa pa, doon ito sa lugar ng mga patay kung saan ako titira. At nais ko nang ilagay ang higaan ko sa madilim na lugar na iyon. 14 Ituturing kong ama ang libingan ko at ang mga uod ang siya kong ina at babaeng kapatid. 15 May pag-asa pa kaya ako? Sinong makapagsasabi na may pag-asa pa ako? 16 Kasama kong malilibing ang pag-asa ko. Magkakasama kami roon sa ilalim ng lupa.”

Nagsalita si Bildad

18 Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua,

Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila?

“Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. Hindi na maalis doon ang mga paa niya. 10 Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. 11 Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. 12 Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. 13 Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. 14 Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. 15 Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. 16 Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. 17 Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. 18 Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. 19 Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya[c] niya. 20 Ang mga tao sa saanmang lugar[d] ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. 21 Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”

Sumagot si Job

19 Muling sumagot si Job,

“Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko.

“Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. 10 Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. 11 Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. 12 Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda.

13 “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak;[e] at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. 14 Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. 15 Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. 16 Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. 17 Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. 18 Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako,[f] pinagtatawanan nila ako. 19 Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. 20 Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na.

21 “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. 22 Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? 23 Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, 24 o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman.

25 “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. 26 Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios.[g] 27 Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya.

28 “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, 29 tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”

1 Corinto 16

Tulong para sa mga Taga-Judea

16 Ngayon, tungkol naman sa tulong na nalikom para sa mga mananampalataya[a] ng Dios sa Judea, gayahin ninyo ang ipinagawa ko sa mga iglesyang nasa Galacia. Sa bawat Linggo, ang bawat isa sa inyoʼy maglaan na ng halaga ayon sa inyong kita, at ipunin ninyo ito upang pagdating ko riyan ay nakahanda na ang inyong tulong. Pagdating ko riyan, papupuntahin ko sa Jerusalem ang mga taong pipiliin ninyo na magdadala ng inyong tulong, at gagawa ako ng sulat na magpapakilala sa kanila. At kung kinakailangan ding pumunta ako sa Jerusalem, isasama ko na sila.

Mga Plano ni Pablo

Tutuloy ako riyan sa Corinto pagkagaling ko sa Macedonia dahil kailangan kong dumaan doon. Maaaring magtagal ako riyan sa inyo. Baka riyan ako magpalipas ng taglamig, upang matulungan ninyo ako sa mga pangangailangan ko sa susunod kong paglalakbay, bagamaʼt hindi ko pa alam kung saan ako pupunta. Ayaw kong dadaan lang ako sa inyo. Gusto kong magtagal sa piling ninyo kung loloobin ng Panginoon.

Samantala, mananatili ako rito sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes, dahil nabigyan ako ng magandang pagkakataon upang maisulong ang gawain dito, kahit na maraming sumasalungat.

10 Kung dumating diyan si Timoteo, asikasuhin ninyo siyang mabuti upang mapanatag ang kanyang kalooban, dahil katulad ko rin siyang naglilingkod sa Panginoon. 11 Huwag ninyo siyang hamakin. At sa kanyang pag-alis, tulungan ninyo siya sa kanyang mga pangangailangan upang makabalik siya agad sa akin. Sapagkat inaasahan ko siya na dumating dito kasama ang iba pang mga kapatid sa pananampalataya.

12 Tungkol naman sa kapatid nating si Apolos, pinakiusapan ko siyang dumalaw diyan kasama ang ilang mga kapatid, ngunit hindi pa raw sila makakapunta riyan. Dadalaw na lang daw siya kung mayroon siyang pagkakataon.

Katapusang Tagubilin

13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[b] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[c] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[d]

21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.

Panginoon, bumalik na po kayo!

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.

24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.

Salmo 40:1-10

Awit ng Pagpupuri sa Panginoon

40 Akoʼy matiyagang naghintay sa Panginoon,
    at dininig niya ang aking mga daing.
Para akong nasa malalim at lubhang maputik na balon,
    ako ay kanyang iniahon at itinatayo sa malaking bato, upang hindi
    mapahamak.
Tinuruan niya ako ng bagong awit,
    ang awit ng pagpupuri sa ating Dios.
    Marami ang makakasaksi at matatakot sa Dios,
    at silaʼy magtitiwala sa kanya.
Mapalad ang taong sa Panginoon nagtitiwala,
    at hindi lumalapit sa mga mapagmataas,
    o sumasamba sa mga dios-diosan.

Panginoon kong Dios, wala kayong katulad.
    Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin,
    at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin.
    Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog.
    Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan.
    Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Kaya sinabi ko,
    “Narito ako. Sa inyong Kasulatan ay nakasulat ang tungkol sa akin.
O Dios, nais kong sundin ang kalooban ninyo.
    Ang inyong mga kautusan ay iniingatan ko sa aking puso.”

Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin.
    At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
10 Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin.
    Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan.
    Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan.
    Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.

Kawikaan 22:1

22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa sa maraming kayamanan. Ang paggalang ng tao sa iyo ay mas mahalaga pa kaysa pilak at ginto.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®