Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 12-14

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon, aawit kayo:

Panginoon, pinupuri[a] ko kayo. Nagalit kayo sa akin, pero hindi na ngayon, at ngayoʼy inaaliw nʼyo na ako.
Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
    Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
    Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
    Kayo nga ang nagligtas sa akin.”

Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:

    “Purihin ninyo ang Panginoon!
    Sambahin nʼyo siya!
    Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
    Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[b]
Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
    Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
    Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”

Ang Mensahe tungkol sa Babilonia

13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:

Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.

Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.

Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.

11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”

14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.

17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[c] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[d] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.

Babalik ang mga Israelita mula sa Pagkabihag

14 Kaaawaan ng Panginoon ang Israel at muli niyang pipiliin bilang mga mamamayan niya. Muli niyang patitirahin ang mga ito sa sarili nilang lupain, at may mga dayuhang maninirahang kasama nila. Tutulungan ng ibang bansa ang Israel para makabalik sila sa lupaing ibinigay sa kanila ng Panginoon. At magiging alipin nila roon ang mga dayuhan. Bibihagin nila ang mga bumihag sa kanila noon, at sasakupin nila ang mga umapi sa kanila.

Mamamatay ang Hari ng Babilonia

Mga Israelita, sa araw na pagpapahingahin kayo ng Panginoon sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, kukutyain ninyo ng ganito ang hari ng Babilonia:

“Bumagsak na ang mapang-aping hari. Tapos na ang kanyang pagpapahirap. Winakasan na ng Panginoon ang kapangyarihan ng masasamang pinuno, na sa galit nilaʼy walang tigil ang pagpapahirap nila sa mga tao, at matindi kung umusig ng mga bansa. Sa wakas ay magiging payapa na rin ang buong mundo. At mag-aawitan ang mga tao sa tuwa. Magagalak pati ang mga puno ng sipres[e] at sedro sa Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Para silang tao na nagsasabi, ‘Ngayong wala ka na, wala nang puputol sa amin.’

“Nagkakagulo ang mga patay sa iyong pagdating at handang-handa na silang salubungin ka. Ang kaluluwa ng mga dating makapangyarihan sa mundo ay nagkakagulo sa pagbati sa iyo. Tumatayo sa kanilang mga trono ang kaluluwa ng mga hari para salubungin ka. 10 Sasabihin nilang lahat sa iyo, ‘Humina ka na rin pala katulad namin. Pare-pareho na tayo. 11 Ngayong patay ka na, wala ka nang kapangyarihan, at wala na rin ang mga tugtugan ng mga alpa para parangalan ka. Uod na ang higaan at ang kumot mo.’

12 “Nahulog ka mula sa langit, ikaw na tinatawag na tala sa umaga. Ibinagsak ka sa lupa, ikaw na nagpasuko ng mga bansa. 13 Sinabi mo sa iyong sarili, ‘Aakyat ako sa langit, at ilalagay ko ang aking trono sa itaas ng mga bituin ng Dios. Uupo ako sa itaas ng bundok na pinagtitipunan ng mga dios sa bandang hilaga. 14 Aakyat ako sa itaas ng mga ulap, at magiging gaya ng Kataas-taasang Dios.’

15 “Pero ano ang nangyari sa iyo? Dinala ka sa lugar ng mga patay, sa pinakamalalim na hukay. 16 Tititigan kang mabuti ng mga patay at sasabihin nila, ‘Hindi baʼt ito ang taong kinatatakutan ng mga tao sa mundo, at ang yumanig ng mga kaharian? 17 Hindi baʼt siya ang nagwasak ng mga lungsod, ginawang parang ilang ang buong mundo, at hindi nagpalaya sa kanyang mga bihag?’

18 “Ang lahat ng hari sa mundo ay marangal na nakahimlay sa sarili nilang libingan. 19 Pero ikaw naman ay itatapon na parang sanga na walang silbi. Tatambakan ka ng mga bangkay ng mga sundalong namatay sa digmaan. Ihuhulog ka sa hukay kasama nila at tatambakan ng mga bato. Matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan ng mga tao. 20 Hindi ka ililibing na katulad ng ibang hari, dahil winasak mo ang sarili mong bansa at pinatay ang mga mamamayan mo. Walang matitira sa masamang lahi mo.

21 “Ihanda na ang lugar kung saan papatayin ang mga anak niya dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Hindi na sila papayagang sumakop pa ng mga lupain o magtayo ng mga lungsod sa buong mundo.”

22 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Lulusubin ko at wawasakin ang Babilonia. Wala akong ititirang buhay sa lugar na ito. Walang matitira sa kanilang mga lahi. 23 Gagawin ko itong ilang, na may maraming latian, at gigibain ko na parang winalisan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe tungkol sa Asiria

24 Nanumpa ang Panginoong Makapangyarihan at sinabi, “Mangyayari ang plano ko; matutupad ang desisyon ko. 25 Lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa lupain ng Israel. Dudurugin ko sila sa aking mga bundok. Hindi na nila maaaring alipinin ang mga mamamayan ko. 26 Ito ang binabalak kong gawin sa buong mundo. Ganito ang parusang ipapakita ko sa lahat ng bansa.” 27 Sino ang makakapagbago ng plano ng Panginoong Makapangyarihan? Sino ang makakapigil sa kanyang pagpaparusa?

Ang Mensahe tungkol sa mga Filisteo

28 Ang mensaheng itoʼy sinabi ng Dios noong namatay si Haring Ahaz:

29 Mga Filisteo, huwag muna kayong magalak sa pagkamatay ng haring sumalakay sa inyo. Sapagkat ang anak niyang papalit ay mas mabagsik kaysa sa kanya, parang isang ahas na namatay pero nagkaanak ng mas makamandag na ahas na tila lumilipad. 30 Ang mga mahihirap kong mamamayan ay pakakainin ko at bibigyan ng kapahingahan nang walang anumang kinatatakutan. Pero pababayaan kong mamatay sa gutom ang mga lahi mo, at ang matitira sa kanila ay papatayin ko pa rin. 31 Umiyak kayo nang malakas, kayong mga mamamayan ng mga bayan ng Filistia. Sapagkat sasalakay sa inyo ang inyong mga kaaway na parang usok mula sa hilaga at silaʼy pawang matatapang.

32 Ano ang isasagot natin sa mga sugo ng bansang iyon? Sabihin natin sa kanila na ang Panginoon ang nagtayo ng Zion, at dito manganganlong ang nahihirapan niyang mga mamamayan.

2 Corinto 13

Pangwakas na mga Bilin at mga Pangangamusta

13 Ito na ang pangatlong pagdalaw ko sa inyo. Sinasabi sa Kasulatan, “Ang anumang kaso ng isa laban sa kapwa ay dapat patotohanan ng dalawa o tatlong saksi.”[a] Ngayon, binabalaan ko ang mga nagkasala noon, pati na rin ang lahat, na walang sinumang makakaligtas sa aking pagdidisiplina. Sinabi ko na ito noong pangalawang pagbisita ko riyan, at inuulit ko ngayon habang hindi pa ako nakakarating. Gagawin ko ito para patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko, dahil ito rin ang hinahanap ninyo sa akin. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na nagpakababa siya[b] nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Dios. Ganoon din naman, nagpapakababa rin kami[c] bilang mga mananampalataya ni Cristo. Pero nabubuhay kami sa kapangyarihan ng Dios para makapaglingkod sa inyo.

Suriin ninyo ang inyong sarili kung talagang may pananampalataya kayo kay Cristo. Tingnan ninyong mabuti ang inyong sarili. Hindi nʼyo ba alam na si Cristo ay nasa inyo? – maliban na lang kung hindi kayo tunay na mananampalataya. Umaasa akong makikita ninyo na tunay kaming mga apostol ni Cristo. Ipinapanalangin namin sa Dios na hindi kayo gagawa ng kahit anumang masama. Ginagawa namin ito hindi para ipakita sa mga tao na sinusunod ninyo ang aming mga itinuturo, kundi para patuloy kayong gumawa ng tama, kahit sabihin man nilang hindi kami tunay na mga apostol. Kailanman ay hindi kami gagawa ng labag sa katotohanan, kundi ang naaayon lamang sa katotohanan. Nagagalak kami dahil sa aming pagpapakumbaba ay naging matatag kayo sa inyong pananampalataya. At ipinapanalangin namin na walang makitang kapintasan sa inyo. 10 Kaya nga isinusulat ko ito ngayon habang wala pa ako riyan, para pagdating ko, hindi ko na kailangang maging marahas sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay ng Panginoon sa akin. Sapagkat nais kong gamitin ang kapangyarihang ito para sa inyong ikabubuti at hindi sa inyong ikapapahamak.

11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo.[d] Sikapin ninyo na walang makitang kapintasan sa inyo, at sundin ninyo ang mga payo ko. Magkaisa kayo at mamuhay nang payapa. Nang sa ganoon, ang Dios na pinanggagalingan ng pag-ibig at kapayapaan ay sasainyo.

12 Magbatian kayo bilang mga magkakapatid kay Cristo.[e]

Kinukumusta kayong lahat ng mga mananampalataya[f] rito.

13 Nawaʼy sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Dios, at ang pakikipag-isa ng Banal na Espiritu.[g]

Salmo 57

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

Kawikaan 23:9-11

… 9 …

Huwag kang magsasalita sa hangal, sapagkat ang sasabihin mong karunungan sa kanya ay wala ring kabuluhan.

… 10 …

10 Huwag mong agawin o sakupin ang lupa ng mga ulila sa pamamagitan ng paglilipat ng mga muhon na matagal nang nakalagay. 11 Sapagkat ang kanilang makapangyarihang tagapagtanggol ay ang Panginoon. Siya ang magtatanggol sa kanila laban sa iyo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®