The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Mensahe tungkol sa Moab
15 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab:
Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. 2 Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. 3 Nakadamit sila ng sako[a] habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. 4 Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. 5 Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. 6 Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, 7 kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. 8 Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. 9 Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon,[b] pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.
16 Ang mga taga-Moab na nagsitakas sa Sela, na isang bayan sa ilang ay nagpadala ng mga batang tupa bilang regalo sa hari ng Jerusalem.[c] 2 Ang mga babaeng taga-Moab na nasa tawiran ng Arnon ay parang mga ibong binulabog sa kanilang mga pugad.
3 Sinabi ng mga taga-Moab sa mga taga-Juda, “Payuhan ninyo kami kung ano ang dapat naming gawin. Kalingain ninyo kami, tulad ng lilim na ibinibigay ng punongkahoy sa tanghaling-tapat. Nagsitakas kami mula sa aming bayan, at ngayon ay wala nang sariling tahanan. Kupkupin nʼyo sana kami at huwag pababayaan. 4 Patirahin nʼyo sana kaming mga taga-Moab sa inyong lupain. Ipagtanggol nʼyo kami sa mga gustong pumatay sa amin.”
Matitigil ang mga pang-aapi at pamumuksa. At mawawala na ang pang-aapi sa lupain ng Israel. 5 At maghahari ang isa sa mga angkan ni David na may katapatan at pag-ibig. Paiiralin niya ang katarungan sa kanyang paghatol. At masigasig siyang gagawa ng matuwid.
6 Nabalitaan naming masyadong mapagmalaki ang mga taga-Moab. Ang pagmamataas at kahambugan nila ay walang kabuluhan. 7 Kaya iiyakan ng mga taga-Moab ang kanilang bansa. Iiyak silang lahat dahil sa pagkawala ng masasarap nilang pagkain sa Kir Hareset. 8 Nasira ang mga bukid sa Heshbon pati na ang mga ubasan sa Sibma. Winasak ng mga pinuno ng mga bansa ang mga ubasan hanggang sa Jazer patungo sa disyerto at umabot pa hanggang sa Dagat na Patay. 9 Kaya umiiyak ako tulad ng mga taga-Jazer, dahil sa ubasan ng Sibma. Iniiyakan ko ang Heshbon at Eleale dahil hindi na maririnig ang masasaya nilang hiyawan dahil sa masaganang ani. 10 Naglaho ang kagalakan nila at kasayahan sa kanilang mga ubasan. Wala nang umaawit o humihiyaw sa mga ubasan. Wala na ring pumipisa ng ubas para gawing alak. Pinatigil na ng Panginoon[d] ang kanilang hiyawan. 11 Kaya nalulungkot ako sa sinapit ng Moab na katulad ng malungkot na tugtugin ng alpa. Nalulungkot din ako sa sinapit ng Kir Hareset. 12 Mapapagod lang ang mga taga-Moab sa kababalik sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar.[e] At wala ring kabuluhan ang kanilang pagpunta nila sa templo para manalangin.
13 Iyon ang sinabi noon ng Panginoon tungkol sa Moab. 14 At ngayon, ito ang kanyang sinabi, “Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kayamanan ng Moab at malalagay sa kahihiyan ang kanyang mga mamamayan. Iilan lang ang matitirang buhay sa mga mamamayan nito at mahihina pa.”
Ang Mensahe Tungkol sa Damascus
17 Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Damascus:[f] “Makinig kayo! Ang Damascus ay hindi na magiging lungsod dahil magigiba ito. 2 Wala nang titira sa lungsod ng Aroer. Magiging pastulan na lamang ito ng mga hayop, at walang gagambala sa kanila roon. 3 Mawawasak ang mga napapaderang mga lungsod ng Israel,[g] at mawawala ang kapangyarihan ng Damascus. Ang sasapitin ng mga matitira sa Aram[h] ay katulad ng sinapit ng mga taga-Israel. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.
4 “Pagdating ng araw na iyon, mawawala na ang kapangyarihan ng Israel, at ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. 5 Matutulad siya sa taniman ng mga butil na ginapas na ng mga nag-aani, tulad ng taniman sa Lambak ng Refaim pagkatapos ng anihan. 6 Iilan lang ang matitira sa kanyang mga mamamayan. Matutulad siya sa puno ng olibo pagkatapos pitasin ang mga bunga. Maaaring dalawa o tatlo lamang ang bungang matitira sa pinakamataas na mga sanga, at apat o limang bunga sa ibang mga sanga. Ako, ang Panginoong Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
7 Sa araw na iyon, lalapit na ang mga tao sa lumikha sa kanila, sa Banal na Dios ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila mismo ang gumawa. Hindi na rin nila papansinin ang mga posteng simbolo ng diosang si Ashera, pati ang mga altar na pinagsusunugan nila ng insenso na gawa rin lang ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay mawawasak at iiwan na lang nila, katulad ng mga lungsod ng mga Amoreo at Hiveo[i] na iniwan ng mga ito nang dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Dios na inyong Tagapagligtas at Bato na kanlungan. Kaya kahit na magtanim kayo ng magagandang klaseng tanim, katulad ng ubas na galing sa ibang lugar, 11 at kahit na tumubo ito at mamulaklak sa araw din na inyong itinanim, wala kayong makukuhang bunga. Nagpagod lang kayo at naghirap.
12 Tingnan nʼyo! Nagkakagulo ang napakaraming tao mula sa mga bansa. Ang ingay nila ay parang ugong ng malalaking alon. 13 Pero kahit na katulad sila ng malalaking alon na umuugong, tatakas sila kapag sinaway sila ng Dios. Matutulad sila sa ipa sa mga burol na ipinapadpad ng hangin at ng dayaming tinatangay ng ipu-ipo. 14 Sa gabiʼy naghahasik sila ng lagim, pero kinaumagahan nilipol sila. Iyan ang mangyayari sa mga sumasalakay sa atin at mananamsam ng mga ari-arian natin.
Ang Mensahe tungkol sa Etiopia
18 Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia,[j] na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig.[k] 2 Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo[l] at dumadaan sa Ilog ng Nilo.
Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.
3 Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. 4 Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”
5 Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. 6 Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. 7 Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.
1 1-2 Mula kay Pablo na isang apostol, kasama ang lahat ng kapatid dito. Ang pagka-apostol ko ay hindi galing sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo at ng Dios Ama na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan.
Mahal kong mga kapatid sa mga iglesya[a] diyan sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Inialay ni Cristo ang sarili niya para sa mga kasalanan natin, ayon sa kalooban ng ating Dios at Ama. Ginawa niya ito para mailigtas tayo sa kasamaan nitong kasalukuyang mundo. 5 Purihin natin ang Dios magpakailanman! Amen.
Iisa Lang ang Magandang Balita
6 Nagtaka ako dahil ang dali ninyong tumalikod sa Dios na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. Bumaling kayo sa ibang magandang balita na hindi naman totoo. 7 Ang totoo, walang ibang magandang balita. Nasabi ko ito dahil may mga taong nanggugulo sa inyo, at gusto nilang baluktutin ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 8 Sumpain nawa ng Dios ang sinuman – kami o maging isang anghel galing sa langit – na mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa ipinangaral namin sa inyo. 9 Sinabi na namin sa inyo noon at muli kong sasabihin: Kung may mangangaral sa inyo ng magandang balita na iba kaysa sa tinanggap ninyo, sumpain siya ng Dios! 10 Huwag ninyong isipin na ang nais ko ay malugod sa akin ang tao. Hindi! Ang nais ko ay malugod sa akin ang Dios. Kung ang ikalulugod ng tao ang hinahanap ko, hindi ako tunay na lingkod ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo ay hindi gawa-gawa lang ng tao. 12 At hindi ko rin ito tinanggap o natutunan mula sa mga tao, kundi ipinahayag mismo sa akin ni Jesu-Cristo.
13 Alam naman ninyo ang dati kong pamumuhay noong kasapi ako sa relihiyon ng mga Judio. Inusig ko nang lubos ang iglesya ng Dios at sinikap ko itong lipulin. 14 At tungkol naman sa pagsunod sa relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang marami sa mga kaedad ko, dahil tapat kong sinunod ang mga tradisyong nanggaling pa sa mga ninuno namin.
15-16 Ngunit sa awa ng Dios, bago pa man ako ipanganak, pinili na niya ako at tinawag upang ihayag sa akin ang kanyang Anak para maipangaral siya sa mga hindi Judio. Nang mangyari ito, hindi ako sumangguni kaninuman. 17 Hindi rin ako pumunta sa Jerusalem para makipagkita sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip, pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damascus. 18 Pagkatapos ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem para makipagkita kay Pedro. Dalawang linggo akong namalagi sa kanya. 19 Wala na akong nakita pang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoo ang lahat ng sinasabi ko sa sulat na ito, at alam ng Dios na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta na ako sa Syria at Cilicia. 22 Nang panahong iyon, hindi pa ako personal na nakikita ng mga iglesya sa Judea na nakay Cristo. 23 Nabalitaan lang nila na ang dating umuusig sa kanila ay nangangaral na ngayon ng tungkol sa pananampalatayang sinikap niyang puksain noon. 24 Kaya pinapurihan nila ang Dios dahil sa ginawa niya sa akin.
Mapapahamak ang Masasama
58 Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao?
2 Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon.
3 Ang masasama ay lumalayo sa Dios
at mula nang isilang ay nagsisinungaling na.
4-5 Para silang mga ahas na makamandag.
Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya.
6 O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala
na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon!
7 Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo
at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas.
8 Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang,
o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag.
9 Mabilis silang tatangayin ng Dios,
maging ang mga nabubuhay pa,
mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas.
10 Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo.[a]
11 At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid
at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”
… 11 …
12 Makinig ka kapag itinutuwid ang iyong pag-uugali upang ikaw ay matuto.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®