Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 37-38

Sumangguni si Haring Hezekia kay Isaias(A)

37 Nang marinig ni Haring Hezekia ang balita, pinunit niya ang kanyang damit, nagdamit siya ng sako para ipakita ang kalungkutan niya, at pumunta siya sa templo ng Panginoon para manalangin. Pinapunta niya kay Propeta Isaias na anak ni Amoz sina Eliakim na tagapamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at ang mga punong pari na nakadamit ng sako.

Pagdating nila kay Isaias, sinabi nila sa kanya, “Ito ang sinabi ni haring Hezekia: Ito ang panahon ng paghihirap, pagtutuwid at kahihiyan. Katulad tayo ng isang babae na malapit nang manganak na wala ng lakas para iluwal ang kanyang sanggol. Ipinadala ng hari ng Asiria ang kumander ng kanyang mga sundalo para kutyain ang Dios na buhay. Baka sakaling narinig ng Panginoon na iyong Dios ang sinabi ng kumander at parusahan ito sa sinabi niya. Kaya ipanalangin mo ang mga natira sa atin.”

Nang dumating ang mga opisyal, na ipinadala ni Haring Hezekia kay Isaias, sinabi ni Isaias sa kanila, “Sabihin ninyo sa inyong amo na ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Huwag kang matakot sa narinig mong paglapastangan sa akin ng mga tauhan ng hari ng Asiria. Pakinggan mo! Pupuspusin ko ng espiritu ang hari ng Asiria. Makakarinig siya ng balita na magpapabalik sa kanya sa sarili niyang bansa. At doon ko siya ipapapatay sa pamamagitan ng espada.’ ”

Muling Pinagbantaan ng Asiria ang Juda(B)

Nang marinig ng kumander na umalis na sa Lakish ang hari ng Asiria at kasalukuyang nakikipaglaban sa Libna, pumunta siya roon. Nang makatanggap ng balita si Haring Senakerib ng Asiria na lulusubin sila ni Haring Tirhaka ng Etiopia, nagsugo siya ng mga mensahero kay Hezekia para sabihin ito: 10 “Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. 11 Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka? 12 Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko. 13 May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?’ ”

Ang Panalangin ni Hezekia

14 Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon. 15 Pagkatapos, nanalangin siya, 16 Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo. 17 Panginoon, pakinggan nʼyo po ako, at tingnan nʼyo ang mga nangyari. O buhay na Dios, pakinggan nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo. 18 Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming mamamayan at mga lupain nila. 19 Winasak nila ang mga dios-diosan ng mga ito sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios, kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao. 20 Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”

21 Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng ganitong mensahe kay Hezekia: Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Dahil nanalangin ka tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria, 22 ito ang sinabi ko laban sa kanya: “Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka. 23 Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo? Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo? Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel? 24 Kinutya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga sugo. Sinabi mo pa, ‘Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na mga bundok pati ang tuktok ng bundok ng Lebanon. Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres[a] nito. Nakarating ako sa tuktok na may makapal na kagubatan. 25 Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar[b] at uminom ng tubig mula rito. Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Egipto.’

26 “Totoo ngang winasak mo ang mga napapaderang lungsod. Pero hindi mo ba alam na matagal ko nang itinakda iyon? Mula pa noon, naplano ko na ito at ngayon ginagawa ko na ito. 27 Ang mga mamamayan ng mga lungsod na iyong nilipol ay nawalan ng lakas. Natakot sila at napahiya. Para silang mga damo sa parang na madaling malanta, o mga damong tumutubo sa bubungan ng bahay na pagkatapos tumubo ay nalanta rin agad.

28 “Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,

kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin. 29     Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin, lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo, at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.”

30 Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo. At sa susunod na taon, ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa mga dating tanim lang ang kakainin ninyo. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito. 31 At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat ng malalim at namumunga. 32 Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.

33 “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi nga siya makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito. 34 Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. 35 Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”

36 Pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay. 37 Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.

38 Isang araw, habang sumasamba si Senakerib sa templo ng dios niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.

Nagkasakit si Hezekia(C)

38 Nang panahong iyon, nagkasakit si Hezekia na halos ikamatay niya. Pumunta sa kanya si Propeta Isaias na anak ni Amoz at sinabi, “Sinabi ng Panginoon na magbilin ka na sa sambahayan mo dahil hindi ka na gagaling, mamamatay ka na.”

Nang marinig ito ni Hezekia, humarap siya sa dingding at nanalangin sa Panginoon. Sinabi niya, “Panginoon, alalahanin po ninyo kung papaano ako namuhay nang tapat at buong pusong naglingkod sa inyo at kung papaano ako gumawa ng mabuti sa paningin ninyo.” At umiyak siya ng husto.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias na bumalik siya kay Hezekia at sabihin ito: “Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng iyong ninunong si David: Narinig ko ang iyong dalangin at nakita ko ang mga luha mo. Dadagdagan ko pa ng 15 taon ang buhay mo. Ililigtas kita pati ang lungsod na ito sa hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lungsod na ito. Ito ang tanda na aking ibibigay para patunayang gagawin ko ang ipinangako kong ito: Pababalikin ko ng sampung guhit ang anino ng araw sa orasang ipinagawa ni Ahaz.” At nangyari nga ito.

Ito ang isinulat ni Haring Hezekia ng Juda nang gumaling siya sa kanyang sakit: 10 Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay. 11 Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buhay o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo. 12 Muntik nang nawala ang buhay ko na parang tolda ng mga pastol ng mga tupa na iniligpit. Ang akala koʼy mapuputol na ang buhay ko na parang telang puputulin na sa habihan. Mula sa umaga hanggang gabi ay inaakala kong wawakasan mo na ang buhay ko. 13 Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang mamamatay na ako. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko. 14 Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.

15 Pero ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kapakumbabaan dahil sa mapait kong karanasan.

16 Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay. 17 Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan at pinatawad nʼyo ang aking mga kasalanan. 18 Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung patay na ako? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan. 19 Ang mga buhay lamang ang makakapagpuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan. 20 Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya sa saliw ng tugtog, aawit kami sa inyong templo habang kami ay nabubuhay.

21 Noong hindi pa gumagaling si Hezekia, sinabi sa kanya ni Isaias na patapalan niya sa kanyang mga katulong ng dinikdik na bunga ng igos ang bukol niya para gumaling. 22 Nagtanong si Hezekia, “Ano ang palatandaan na magpapatunay na ako ngaʼy gagaling at makakapunta sa templo ng Panginoon?”

Galacia 6

Magtulungan Tayo

Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Mga Huling Bilin

11 Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.

12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13 Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.

14 Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15 Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.

16 Sa lahat ng pinili ng Dios[a] at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios.

17 Mula ngayon, huwag nʼyo na akong guluhin. Ang tanda ng mga sugat sa katawan ko ay nagpapatunay na sinusunod ko si Jesus.

18 Mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Salmo 65

Pagpupuri at Pagpapasalamat

65 O Dios, marapat ka naming purihin sa Zion!
    Ang mga ipinangako namin sa inyo ay aming tutuparin.
Sa inyo lalapit ang lahat ng tao,
    dahil dinidinig nʼyo ang mga panalangin.
Napakarami ng aming kasalanan,
    ngunit pinapatawad nʼyo pa rin ang mga ito.
Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo.
    Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan,
    ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas,
    tinugon nʼyo ang aming mga dalangin
    sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin.
    Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Itinatag nʼyo ang mga bundok
    sa pamamagitan ng inyong lakas.
    Tunay ngang kayoʼy makapangyarihan.
Pinatatahimik nʼyo ang ingay ng mga alon,
    ang hampas ng karagatan,
    at ang pagkakagulo ng mga tao.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa,
    namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar.
    Mula sa silangan hanggang kanluran,
    ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan.
    Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito.
    Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos.
    Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao.
    Ganito ang itinakda ninyo.
10 Pinaulanan nʼyong mabuti ang lupang binungkal
    hanggang sa itoʼy lumambot at mapuno na ng tubig.
    Pagkatapos ay pinagpapala nʼyo ang mga pananim.
11 Pinag-aapaw nʼyo ang panahon ng anihan,
    at saan ka man dumaan ay puno ng kasaganaan.
12 Kahit na ang ilang ay naging pastulan dahil sagana sa mga damo at ang mga burol ay parang mga taong puno ng kagalakan.
13 Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim[a] ang makikita sa kapatagan.
    Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.

Kawikaan 23:24-25

24-25 Matutuwa ang iyong mga magulang kung matuwid ka at matalino. Ikaliligaya nila na sila ang naging iyong ama at ina.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®