The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.
Nangako ang Dios na Tutulungan niya ang Kanyang mga Mamamayan
14 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia[a] sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. 15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. 16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. 17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. 18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, 19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. 20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat[b] at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. 21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.
22 “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin. 23 Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso. 24 Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.
25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa. 26 Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan. 27 Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno. 28 Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.
Ang Panginoon Lamang ang Dios
44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. 2 Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. 3 Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. 4 Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog. 5 May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.
Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan
6 “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios. 7 Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap. 8 Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.” 9 Walang kwentang tao ang mga gumagawa ng mga rebultong dios-diosan. At ang mga rebultong ito na labis nilang pinahahalagahan ay walang halaga. Sila rin ang makakapagpatunay na ang mga iyon ay wala ring halaga. Sapagkat ang mga iyon ay hindi nakakakita at walang nalalaman. Kaya nga napapahiya ang mga sumasamba sa mga iyon. 10 Hangal ang taong gumagawa ng mga rebultong hindi naman napapakinabangan. 11 Tandaan ninyo! Ang lahat ng sumasamba sa mga rebulto ay mapapahiya, dahil ang mga iyan ay gawa lang ng tao. Magsama-sama man sila at akoʼy harapin, matatakot sila at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng kapirasong bakal at isinasalang sa baga. Pagkatapos, pupukpukin niya ito ng maso para maghugis rebulto. Nanghihina siya sa gutom at halos mawalan ng malay dahil sa uhaw. 13 Ang karpintero naman ay sumusukat ng kaputol na kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyo ng tao. Pagkatapos, uukit siya ng magandang larawan ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga gamit para ilagay sa isang templo. 14 At para may magamit siyang kahoy, pumuputol siya ng sedro, ensina, o sipres[c] na kanyang itinanim sa kagubatan. Nagtanim din siya ng puno ng abeto, at sa kadidilig ng ulan ay tumubo ito. 15 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagamit niyang panggatong para pampainit at panluto ng pagkain. At ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawa niyang rebulto na niluluhuran at sinasamba. 16 Ang ibang piraso naman ay ipinanggagatong niya at sa baga nitoʼy nag-iihaw siya ng karne, pagkatapos ay kumakain at nabubusog. Nagpapainit din siya sa apoy at sinasabi niya, “Ang sarap ng init.” 17 At ang ibang piraso ay ginagawa niyang rebulto at sa rebultong itoʼy nananalangin siya ng ganito, “Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking dios.”
18 Hindi alam at hindi nauunawaan ng mga taong ito ang kanilang ginagawa. Tinakpan ang mga mata nila kaya hindi sila makakita. Tinakpan din ang kanilang mga isip, kaya hindi sila makaunawa. 19 Walang nakakaisip na magsabi, “Ang kaputol ng kahoy ay ipinangluto ko ng pagkain, ipinang-ihaw ng karne, at aking kinain. Gagawin ko bang kasuklam-suklam na rebulto ang natirang kahoy? Sasambahin ko ba ang isang pirasong kahoy?”
20 Ang mga gumagawa nitoʼy parang kumain ng abo. Ang hangal niyang isip ang nagligaw sa kanya, at hindi niya maililigtas ang kanyang sarili. At hindi siya papayag na ang rebultong nasa kanya ay hindi dios.
21 Sinabi pa ng Panginoon, “Israel, dahil sa ikaw ay aking lingkod, isipin mo ito: Ginawa kita para maglingkod sa akin. Hindi kita kalilimutan. 22 Ang mga kasalanan moʼy parang ulap o ambon na pinaglaho ko na. Manumbalik ka sa akin para mailigtas kita.”
23 O kalangitan, umawit ka sa tuwa! O mundo, sumigaw ka nang malakas! Umawit kayo, kayong mga bundok at mga kagubatan. Sapagkat Ililigtas ng Panginoon ang lahi ni Jacob; ipapakita niya ang kanyang kapangyarihan sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas na lumikha sa inyo: Ako ang Panginoong lumikha ng lahat ng bagay. Ako lang mag-isa ang naglatag ng langit at ako lang din ang lumikha ng mundo. 25 Binigo ko ang mga hula ng mga huwad na propeta. At ginagawa kong mangmang ang mga nanghuhula. Binabaliktad ko ang sinasabi ng marurunong at ginagawa kong walang kabuluhan ang kanilang nalalaman. 26 Pero tinutupad ko ang propesiya ng aking mga lingkod at mga tagapagsalita. Sinabi kong ang Jerusalem ay muling titirhan, at ang iba pang bayan ng Juda na nagiba ay muling itatayo. 27 Kapag sinabi kong matutuyo ang ilog, matutuyo nga ito. 28 Sinabi ko kay Cyrus, “Ikaw ang tagapagbantay ng aking mga mamamayan at gagawin mo ang lahat ng nais ko. Mag-uutos ka na muling itayo ang Jerusalem at ang templo roon.”
Pinili ng Dios si Cyrus
45 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Cyrus na kanyang hinirang at pinalakas ang kapangyarihan, “Sakupin mo ang mga bansa at pasukuin mo ang mga hari. Buksan mo ang mga pintuan ng kanilang mga lungsod at agawin, at hindi na ito isasara. 2 Ako ang maghahanda ng iyong dadaanan, at papatagin ko ang mga bundok. Gigibain ko ang mga pintuang tanso at ang mga tarangkahang bakal nito. 3 Ibibigay ko sa iyo ang mga nakatagong kayamanan, para malaman mong ako ang Panginoon, ang Dios ng Israel na tumawag sa iyo. 4 Tinawag kita para tulungan mo ang Israel na aking lingkod at pinili. Pinarangalan kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala. 5 Ako ang Panginoon, at wala nang iba pa; maliban sa akin ay wala nang ibang Dios. Palalakasin kita kahit na hindi mo pa ako nakikilala 6 para malaman ng lahat sa buong mundo na walang ibang Dios maliban sa akin. Ako ang Panginoon at wala nang iba pa. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at ng dilim. Ako ang nagpapadala ng kabutihan at ng kapahamakan. Ako ang Panginoon na gumawa ng lahat ng ito. 8 Magbibigay ako ng tagumpay na parang ulan. Matatanggap ito ng mga tao sa mundo, at kakalat ang kaligtasan at tagumpay na parang tanim na tumutubo. Ako ang Panginoong gumawa nito. 9 Nakakaawa ang taong nakikipagtalo sa Dios na lumikha sa kanya. Ang katulad niyaʼy palayok lamang. Ang putik bang ginagawang palayok ay maaaring magsabi sa magpapalayok kung ano ang dapat niyang gawin? O makakapagreklamo ba siyang walang kakayahan ang magpapalayok? 10 Nakakaawa ang anak na nagsasabi sa kanyang mga magulang, ‘Bakit ba ninyo ako ginawang ganito?’ ”
Ang Plano ng Dios sa mga Hindi Judio
3 Akong si Pablo ay nabilanggo dahil sa paglilingkod ko kay Cristo sa pamamagitan ng pagtuturo na kayong mga hindi Judio ay kasama rin sa mga pagpapala ng Dios. 2 Siguradong nabalitaan nʼyo na dahil sa biyaya ng Dios, ipinagkatiwala niya sa akin ang pagpapahayag ng biyaya niya para sa inyo. 3 Gaya ng nabanggit ko sa sulat na ito,[a] ang Dios mismo ang nagpahayag sa akin tungkol sa kanyang lihim na plano para sa inyo. 4 Habang binabasa nʼyo ang sulat kong ito,[b] malalaman nʼyo ang pagkakaunawa ko tungkol sa lihim na plano ng Dios para sa inyo sa pamamagitan ni Cristo. 5 Hindi inihayag ng Dios ang planong ito sa mga tao noon, pero ipinahayag na niya ngayon sa mga banal[c] na apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 6 At ito nga ang plano ng Dios: na sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga hindi Judio ay tatanggap ng mga pangako ng Dios kasama ng mga Judio, at magiging bahagi rin sila ng iisang katawan dahil sa pakikipag-isa nila kay Cristo Jesus.
7 Dahil sa biyaya ng Dios, naging tagapangaral ako ng Magandang Balitang ito sa pamamagitan ng kapangyarihan niya. 8 Kahit ako ang pinakahamak sa lahat ng mga mananampalataya,[d] ipinagkaloob pa rin sa akin ng Dios ang pribilehiyong ipangaral sa mga hindi Judio ang hindi masukat na biyayang galing kay Cristo, 9 at ipaliwanag sa lahat kung paano maisasakatuparan ang plano ng Dios. Noong unaʼy inilihim ito ng Dios na lumikha ng lahat ng bagay, 10 para sa pamamagitan ng iglesya ay maipahayag ngayon sa mga namumuno at may kapangyarihan sa kalangitan ang karunungan niyang nahahayag sa ibaʼt ibang paraan. 11 Ito na ang plano niya sa simula pa lang, at natupad niya ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin. 12 Sa pananampalataya natin kay Cristo Jesus at pakikipag-isa sa kanya, tayo ngayon ay malaya nang makakalapit sa Dios nang walang takot o pag-aalinlangan. 13 Kaya huwag sana kayong panghinaan ng loob dahil sa mga paghihirap na dinaranas ko, dahil para ito sa ikabubuti[e] ninyo.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[f] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Awit ng Pagtatagumpay
68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
2 Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4 Awitan ninyo ang Dios,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5 Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6 Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
at binibigyan sila ng masaganang buhay.
Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7 O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.
11 Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12 “Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
Ang mga naiwan nilang kayamanan ay pinaghati-hatian ng mga babae ng Israel.
13 Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14 Nang ikalat ng makapangyarihang Dios ang mga haring iyon,
pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.[d]
15 Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan; maraming taluktok ang bundok na ito.
16 Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Dios bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17 Dumating ang Panginoong Dios sa kanyang templo mula sa Sinai kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18 Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[e] marami siyang dinalang bihag.
Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao, pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
At doon maninirahan ang Panginoong Dios.[f]
… 19 …
24 Huwag kang mainggit sa mga taong masama o hangarin mang makipagkaibigan sa kanila. 2 Sapagkat ang iniisip nila at sinasabi ay para sa kapahamakan ng iba.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®