Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CEV. Switch to the CEV to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 48:12-50:11

12 “Makinig kayo sa akin, kayong mga taga-Israel na aking pinili. Ako ang Dios; ako ang pasimula at ang wakas ng lahat. 13 Ako ang naglagay ng pundasyon ng mundo at ako rin ang nagladlad ng langit. Kapag nag-utos ako sa mga ito, itoʼy sumusunod.

14 “Magtipon kayong lahat at makinig: Sino sa mga dios-diosan ang humulang lulusubin ng aking kaibigan[a] ang Babilonia para sundin ang ipinapagawa ko laban sa bansang iyon? Wala! 15 Ako ang nagsabi sa kanya at ako rin ang tumawag sa kanya. Sinugo ko siya at pinagtagumpay sa kanyang ginawa. 16 Lumapit kayo sa akin at pakinggan ito: Mula pa ng pasimula hindi ako nagsalita nang lihim. Sa panahon na nangyari ang sinabi ko, naroon ako.”

At ngayon sinugo ako ng Panginoong Dios at ng kanyang Espiritu na sabihin ito: 17 “Sinasabi ng Panginoon na inyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel: Ako ang Panginoon na inyong Dios na nagturo sa inyo kung ano ang mabuti para sa inyo at ako ang pumatnubay sa inyo sa tamang daan. 18 Kung kayo lamang ay sumunod sa aking mga utos, dumaloy sana na parang ilog ang mga pagpapala sa inyo, at ang inyong tagumpay[b] ay sunud-sunod sana na parang alon na dumarating sa dalampasigan. 19 Ang inyo sanang mga lahi ay naging kasindami ng buhangin na hindi mabilang, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.”

20 Umalis kayo sa Babilonia! Buong galak ninyong ihayag sa buong mundo[c] na iniligtas ng Panginoon ang kanyang lingkod, ang mga mamamayan ng Israel.[d] 21 Hindi sila nauhaw nang patnubayan sila ng Dios sa ilang, dahil pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila. Biniyak niya ang bato at umagos ang tubig. 22 Pero ang masasama ay hindi magkakaroon ng kapayapaan, sabi ng Panginoon.

Ang mga Gawain ng Lingkod ng Dios

49 Makinig kayo sa akin, kayong mga naninirahan sa malalayong lugar:[e] Hindi pa man ako isinilang, tinawag na ako ng Panginoon para maglingkod sa kanya. Ginawa niyang kasintalim ng espada ang mga salita ko. Iningatan niya ako sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ginawa niya akong parang makinang na pana na handa nang itudla. Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko. Sa pamamagitan mo, pararangalan ako ng mga tao.” Pero sinabi ko, “Ang paghihirap koʼy walang kabuluhan; sinayang ko ang lakas ko sa walang kabuluhan.” Pero ipinaubaya ko ito sa Panginoon na aking Dios. Siya ang magbibigay ng gantimpala sa aking mga gawa.

Ang Panginoon ang pumili sa akin na maging lingkod niya, para pabalikin sa kanya at tipunin ang mga Israelita. Pinarangalan ako ng Panginoon na aking Dios at binigyan ng lakas. Sinabi niya, “Ikaw na lingkod ko, marami pang mga gawain ang ipapagawa ko sa iyo, maliban sa pagpapabalik sa mga Israelita na aking kinakalinga. Gagawin pa kitang[f] ilaw ng mga bansa para maligtas ang buong mundo.”[g]

Ang Panginoon, ang Tagapagligtas at Banal na Dios ng Israel ay nagsabi sa taong hinahamak at kinasusuklaman ng mga bansa at ng lingkod ng mga pinuno, “Makikita ng mga hari kung sino kang talaga at tatayo sila para magbigay galang sa iyo. Ang mga pinuno ay yuyuko sa iyo. Mangyayari ito dahil sa akin, ang Panginoong tapat, ang Banal na Dios ng Israel. Ako ang pumili sa iyo.”

Muling Itatayo ang Jerusalem

Ito ang sinabi ng Panginoon, “Sa tamang panahon[h] ay tutugunin kita, sa araw ng pagliligtas ay tutulungan kita. Iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Muli mong itatayo ang lupain ng Israel na nawasak, at muli mo itong ibibigay sa aking mga mamamayan. Sasabihin mo sa mga Israelitang binihag at piniit sa kadiliman, ‘Lumabas kayo! Malaya na kayo!’

“Matutulad sila sa mga tupang nanginginain sa tabi ng mga daan at mga burol. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw. Hindi sila maiinitan ng matinding init ng araw o ng mainit na hangin sa ilang. Sapagkat akong nagmamalasakit sa kanila ay magpapatnubay sa kanila sa mga bukal. 11 Gagawin kong daanan ang aking mga bundok na kanilang dadaanan. Ang mga lugar na matataas ay magiging pangunahing daan. 12 Darating ang aking mga mamamayan mula sa malayo. Manggagaling ang iba sa hilaga, ang iba namaʼy sa kanluran, at ang ibaʼy galing pa sa Sinim.”[i]

13 Umawit ka sa tuwa, O langit. At magalak ka, O mundo! Umawit kayo, kayong mga bundok. Sapagkat kaaawaan at aaliwin ng Panginoon ang kanyang mga mamamayang nahihirapan. 14 Pero sinabi ng mga taga-Jerusalem,[j] “Pinabayaan na kami ng Panginoon; nakalimutan na niya kami.”

15 Pero sumagot ang Panginoon, “Makakalimutan ba ng isang ina ang kanyang anak? Hindi ba niya pagmamalasakitan ang isinilang niyang sanggol? Maaaring makalimot ang isang ina, pero ako, hindi makalilimot sa inyo!

16 “O Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Isinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad. Palagi kong iniisip na maitayong muli ang iyong mga pader. 17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,[k] at ang mga nagwasak sa iyo ay paaalisin na. 18 Tingnan mo ang iyong paligid; nagtitipon na ang iyong mga mamamayan para umuwi sa iyo. At bilang Dios na buhay, sumusumpa akong ipagmamalaki mo sila katulad ng pagmamalaki ng nobyang ikakasal sa mga alahas na kanyang suot-suot. 19 Nawasak ka at pinabayaang giba, pero ngayon ay titirhan ka na ng iyong mga mamamayan. Hindi na sila halos magkakasya sa iyo. At ang mga nagwasak sa iyo ay lalayo na. 20 Sasabihin ng mga anak ninyong ipinanganak sa panahon ng inyong pagdadalamhati,[l] ‘Ang lugar na itoʼy napakaliit para sa amin. Kailangan namin ng mas malaking lugar.’ 21 At sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Sino ang nanganak ng mga ito para sa akin? Namatay ang karamihan ng aking mga mamamayan,[m] at dahil doon akoʼy nagluksa. Ang iba sa kanila ay binihag at dinala sa ibang bansa, at nag-iisa na lamang ako. Kaya saan galing ang mga ito? Sino ang nag-alaga sa kanila?’ ”

22 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios: “Sesenyasan ko ang mga bansa at ibabalik nila sa iyo ang iyong mga mamamayan na parang mga sanggol na kanilang kinalinga.[n] 23 Maglilingkod sa iyo ang mga hari at mga reyna. Sila ang mag-aalaga sa iyo. Luluhod sila sa iyo bilang paggalang, at magpapasakop sa iyo.[o] Sa ganoon malalaman mong ako ang Panginoon, at ang mga nagtitiwala sa akin ay hindi mabibigo.”

24 Mababawi mo pa ba ang mga sinamsam ng mga sundalong malulupit?[p] Maililigtas pa ba ang mga binihag nila?

25 Pero ito ang sagot ng Panginoon, “Oo, maililigtas mo pa ang mga binihag ng mga sundalong malulupit at mababawi mo pa ang mga sinamsam nila. Sapagkat lalabanan ko ang mga lumalaban sa iyo at ililigtas ko ang iyong mga mamamayan.[q] 26 Ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang sarili nilang katawan, at magiging parang mga lasing sila sa sarili nilang dugo. Dahil dito, malalaman ng lahat na ako, ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ay ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”

50 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Ang Jerusalem[r] baʼy itinakwil ko gaya ng lalaking humiwalay sa kanyang asawa? Patunayan ninyo![s] Ipinabihag ko na ba kayo tulad ng isang taong ipinagbili bilang alipin ang kanyang mga anak sa pinagkakautangan niya, para ipambayad sa utang? Hindi! Kayo ay ipinagbili dahil sa inyong mga kasalanan. Itinakwil ang Jerusalem dahil sa inyong mga pagsuway. Bakit hindi ninyo ako pinansin noong dumating ako? Bakit hindi kayo sumagot noong tinawag ko kayo? Hindi ko ba kayo kayang iligtas? Kaya ko ngang patuyuin ang dagat sa isang salita lang. At kaya kong gawing disyerto ang ilog para mamatay ang mga isda roon. At kaya ko ring padilimin na kasing-itim ng damit na panluksa[t] ang langit.”

Ang Masunuring Lingkod ng Dios

Tinuruan ako ng Panginoong Dios kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga para pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin. Nagsalita sa akin ang Panginoong Dios at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya. Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha. Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya. Malapit sa akin ang Dios na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako! Makinig kayo! Ang Panginoong Dios ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap. 10 Sino sa inyo ang may takot sa Panginoon at sumusunod sa mga itinuturo ng kanyang lingkod? Kinakailangang magtiwala siya sa Panginoon niyang Dios kahit sa daang madilim at walang liwanag. 11 Pero mag-ingat kayo, kayong mga nagbabalak na ipahamak ang iba, kayo rin ang mapapahamak sa sarili ninyong mga pakana! Mismong ang Panginoon ang magpaparusa sa inyo, at kayoʼy mamamatay sa matinding parusa.

Efeso 4:17-32

Ang Bagong Buhay kay Cristo

17 Sa pangalan ng Panginoon, iginigiit kong huwag na kayong mamuhay gaya ng mga taong hindi nakakakilala sa Dios. Walang kabuluhan ang iniisip nila, 18 dahil nadiliman ang isipan nila sa pag-unawa ng mga espiritwal na bagay. At nawalay sila sa buhay na ipinagkaloob ng Dios dahil sa kamangmangan nila at katigasan ng kanilang puso. 19 Nawalan na sila ng kahihiyan, kaya nawili sila sa kahalayan at laging sabik na sabik gumawa ng karumihan.

20 Ngunit hindi ganyan ang natutunan nʼyo tungkol kay Cristo. 21 Hindi baʼt alam na ninyo ang tungkol kay Jesus? At bilang mga mananampalataya niya, hindi baʼt naturuan na kayo ng katotohanang nasa kanya? 22 Kaya talikuran nʼyo na ang dati ninyong pamumuhay dahil gawain ito ng dati ninyong pagkatao. Ang pagkataong ito ang siyang nagpapahamak sa inyo dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa inyo. 23 Baguhin nʼyo na ang inyong pag-iisip at pag-uugali. 24 Ipakita nʼyong binago na kayo ng Dios at binigyan ng buhay na matuwid at banal katulad ng sa Dios.

25 Kaya huwag na kayong magsisinungaling. Ang bawat isaʼy magsabi ng katotohanan sa kanyang mga kapatid[a] kay Cristo, dahil kabilang tayong lahat sa iisang katawan. 26 Kung magalit man kayo, huwag kayong magkasala.[b] At huwag nʼyong hayaan na lumipas ang araw na galit pa rin kayo. 27 Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon si Satanas. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay maghanapbuhay siya nang marangal para makatulong din siya sa mga nangangailangan. 29 Huwag kayong magsasalita ng masama kundi iyong makabubuti at angkop sa sitwasyon para maging kapaki-pakinabang sa nakakarinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Dios. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang siyang tanda na kayoʼy sa Dios, at siya ang katiyakan ng kaligtasan nʼyo pagdating ng araw. 31 Alisin nʼyo ang anumang samaan ng loob, galit, pag-aaway, pambubulyaw, paninira sa kapwa, pati na ang lahat ng uri ng masasamang hangarin. 32 Sa halip, maging mabait kayo at maawain sa isaʼt isa. At magpatawad kayo sa isaʼt isa gaya ng pagpapatawad ng Dios sa inyo dahil kay Cristo.

Salmo 69:1-18

Ang Dalangin ng Taong Inuusig

69 O Dios, iligtas nʼyo ako dahil para akong isang taong malapit nang malunod.
Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutungtungan.
    Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan.
    Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Dios.
Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok.
    Gusto nila akong patayin ng walang dahilan.
    Pinipilit nilang isauli ko ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
O Dios, alam nʼyo ang aking kahangalan;
    hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, Dios ng Israel,
    huwag sanang malagay sa kahihiyan ang mga nagtitiwala at lumalapit sa inyo nang dahil sa akin.
Dahil sa inyo, iniinsulto ako at inilalagay sa kahihiyan.
Parang ibang tao ang turing sa akin ng mga kapatid ko,
    parang isang dayuhan sa aming sariling tahanan.
Dahil sa labis-labis na pagpapahalaga ko sa inyong templo,[a] halos mapahamak na ako.
    Tuwing iniinsulto kayo ng mga tao, nasasaktan din ako.
10 Kapag akoʼy umiiyak at nag-aayuno, hinihiya nila ako.
11 Kapag nakadamit ako ng sako upang ipakita ang aking pagdadalamhati,
    ginagawa nila akong katatawanan.
12 Pinagbubulung-bulungan din ako ng mga nakaupo sa pintuang bayan.
    At ang mga lasing ay kumakatha ng awit ng pangungutya tungkol sa akin.
13 Ngunit dumadalangin ako sa inyo, Panginoon.
    Sa inyong tinakdang panahon, sagutin nʼyo ang dalangin ko ayon sa tindi ng inyong pagmamahal sa akin.
    Dahil sa tapat kayo sa inyong pagliligtas,
14 tulungan nʼyo akong huwag lumubog sa putikan.
    Iligtas nʼyo ako sa aking mga kaaway na parang inililigtas nʼyo ako mula sa malalim na tubig.
15 Huwag nʼyong hayaang tabunan ako ng mga alon at mamatay.
16 Sagutin nʼyo ako, Panginoon,
    dahil sa inyong kabutihan at pagmamahal sa akin.
    Kahabagan nʼyo ako at bigyang pansin.
17 Huwag kayong tumalikod sa akin na inyong lingkod.
    Sagutin nʼyo agad ako dahil nasa kagipitan ako.
18 Lumapit kayo sa akin at iligtas ako sa aking mga kaaway.

Kawikaan 24:5-6

… 21 …

Ang taong marunong ay malaki ang maitutulong upang lalong lumakas ang mga nakikipaglaban, sapagkat kailangan nila ng mga payo sa pakikipaglaban. At higit na matitiyak ang tagumpay kung maraming nagpapayo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®