The Daily Audio Bible
Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.
15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko. 16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko. 17 Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan. 18 Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila. 19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 20 Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan. 21 Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.
Ang Totoong Pag-aayuno
58 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo nang malakas na kasinglakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway. 2 Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ko. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol. 3 Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, pero hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpenitensya kami, pero binalewala ninyo.’
“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa. 4 Nag-aayuno nga kayo, pero nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin. 5 Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa[a] at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa akin? 6 Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan. 7 Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak. 8 Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan[b] na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. 9 At kung dumulog kayo sa akin para humingi ng tulong, kayoʼy aking sasagutin.
“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama, 10 at kung gagawin ninyo ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga dukha, darating sa inyo ang kaligtasan na magbibigay-liwanag sa madilim ninyong kalagayan na parang tanghaling-tapat. 11 Palagi ko kayong papatnubayan at bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan[c] ninyo. Palalakasin ko kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig. 12 Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga taong tagaayos ng kanilang mga gibang pader at mga bahay.
13 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan nʼyo ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan. 14 Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.
Babala sa mga Makasalanan
59 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya. 2 Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin. 3 Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama. 4 Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa. 5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo. 7 Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan. 8 Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay. 9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.
Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[d] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[e]
20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion[f] ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Pagbati mula kay Pablo
1 Mula kay Pablo, kasama si Timoteo na kapwa ko lingkod[a] ni Jesu-Cristo.
Mahal kong mga banal[b] na nakay Cristo Jesus diyan sa Filipos, kasama ng mga namumuno sa inyo at ng mga tumutulong sa kanila:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang galing sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Tuwing naaalala ko kayo, nagpapasalamat ako sa Dios, 4 at palagi akong masaya sa tuwing nananalangin ako para sa inyong lahat; 5 dahil mula pa nang sumampalataya kayo hanggang ngayon ay katulong ko na kayo sa pagpapalaganap ng Magandang Balita. 6 Natitiyak kong ipagpapatuloy ng Dios ang mabuting gawain na sinimulan niya sa inyo hanggang sa araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus. 7 Dapat lang na ganito ang maramdaman ko dahil mahal ko kayo. Naging kabahagi kayo sa gawaing ibinigay ng Dios sa akin, kahit na nakabilanggo ako ngayong nagtatanggol at nagpapatunay sa Magandang Balita. 8 Alam ng Dios na sabik na sabik na akong makita kayo dahil mahal ko kayo tulad ng pagmamahal ni Cristo Jesus sa inyo.
9 Ipinapanalangin ko na lalo pang lumago ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa nang may karunungan at pang-unawa, 10 para mapili nʼyo ang pinakamabuti sa lahat ng bagay at madatnan kayong malinis at walang kapintasan sa araw ng pagbabalik ni Cristo. 11 Mapuspos nawa kayo ng mga katangiang ipinagkaloob ni Jesu-Cristo sa inyo para maparangalan at mapapurihan ang Dios.
Ang Kagalakan ni Pablo na Naipapangaral si Cristo
12 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. 13 Sapagkat alam na ng lahat ng guwardya sa palasyo at ng iba pang naririto na nabilanggo ako dahil sa pagsunod ko kay Cristo. 14 Dahil din sa pagkakabilanggo ko, lalo pang tumibay ang pananampalataya ng karamihan sa ating mga kapatid sa Panginoon at lalo rin silang tumapang sa pagpapahayag ng Magandang Balita. 15 Totoong may ilan diyan na nangangaral lang tungkol kay Cristo dahil naiinggit sila sa akin at gusto nilang ipakita na mas magaling sila kaysa sa akin. Ngunit may ilan din namang tapat ang hangarin sa pangangaral. 16 Nangangaral sila dahil sa pagmamahal, at alam nilang dinala ako rito ng Dios para ipagtanggol ang Magandang Balita. 17 Ang mga taong naiinggit ay hindi tapat sa pangangaral nila tungkol kay Cristo. Ginagawa nila ito dahil sa pansariling hangarin. Inaakala nilang lalo pang madadagdagan ang mga paghihirap ko sa bilangguan dahil sa ginagawa nila. 18 Pero walang anuman ang lahat ng iyon sa akin. Nagagalak pa nga ako sa mga pangyayari dahil kahit papaano, naipapangaral si Cristo, tama man o mali ang hangarin nila. At patuloy akong magagalak, 19 dahil alam ko na sa pamamagitan ng mga panalangin nʼyo at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo ay makakalaya ako. 20 Malaki ang hangarin at pag-asa ko na hindi ako mapapahiya, kundi tulad ng dati, magkakaroon ako ng lakas ng loob para sa pamamagitan ng buhay o kamatayan ko ay maparangalan si Cristo. 21 Sapagkat para sa akin, ang buhay ko ay para kay Cristo. At kung mamatay man ako, kapakinabangan ito sa akin dahil makakapiling ko na siya. 22 Kung patuloy naman akong mabubuhay, makakagawa pa ako ng mabubuting bagay. Kaya hindi ko alam ngayon kung alin ang pipiliin ko. 23 Nahahati ang isip ko sa dalawa: Ang mabuhay o ang mamatay. Gusto ko na sanang pumanaw para makapiling na si Cristo, dahil ito ang mas mabuti. 24 Pero kailangan kong patuloy na mabuhay para sa kapakanan ninyo. 25 Dahil dito, natitiyak kong mabubuhay pa ako at makakasama nʼyo para matulungan kayong lumago at maging maligaya sa pananampalataya. 26 At kapag nakabalik na ako sa inyo, lalo pa kayong magkakaroon ng dahilan para purihin si Cristo.
Panalangin para sa Habang Buhay na Pagliligtas
71 Panginoon, sa inyo ako humihingi ng kalinga.
Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.
2 Tulungan nʼyo ako at iligtas sapagkat ikaw ay matuwid.
Dinggin nʼyo ako at iligtas.
3 Kayo ang aking maging batong kanlungan na lagi kong malalapitan.
Ipag-utos nʼyo na iligtas ako, dahil kayo ang aking matibay na batong pananggalang.
4 O Dios ko, iligtas nʼyo ako mula sa kamay ng masasama at malulupit na tao.
5 Kayo ang aking pag-asa, O Panginoong Dios.
Mula noong akoʼy bata pa, nagtiwala na ako sa inyo.
6 Mula nang akoʼy isilang, kasama na kita at akoʼy inyong iningatan.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
7 Naging halimbawa ang buhay ko para sa marami,
dahil kayo ang aking naging kalakasan at tagapag-ingat.
8 Maghapon ko kayong pinapupurihan dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.
9 Huwag nʼyo akong iiwan kapag akoʼy matanda na.
Huwag nʼyo akong pababayaan kapag akoʼy mahina na.
10 Dahil nag-uusap-usap ang aking mga kaaway at nagpaplano na akoʼy patayin.
11 Sinasabi nilang, “Pinabayaan na siya ng Dios,
kaya habulin natin siya at dakpin dahil wala namang magliligtas sa kanya.”
12 O Dios ko, huwag nʼyo po akong layuan;
at agad akong tulungan.
13 Nawa silang nagpaparatang sa akin ay mapahiya at mapahamak.
Ang mga nagnanais na akoʼy saktan ang siya sanang kutyain at malagay sa kahihiyan.
14 Ngunit ako, O Dios ay palaging aasa at lalo pang magpupuri sa inyo.
15 Maghapon kong sasabihin
na matuwid kayo at nagliligtas,
kahit na hindi ko lubusang maunawaan.
16 Pupunta ako sa inyong templo Panginoong Dios
at pupurihin ko ang inyong mga kahanga-hangang ginawa.
Ihahayag ko sa mga tao na kayo ay makatarungan.
17 O Dios, mula pagkabataʼy itinuro nʼyo na sa akin ang tungkol sa inyong mga kahanga-hangang gawa at hanggang ngayon,
inihahayag ko ito sa mga tao.
18 At ngayong akoʼy matanda na at maputi na ang buhok,
huwag nʼyo akong pabayaan, O Dios.
Maihayag ko sana ang inyong lakas at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,
at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.
19 O Dios, ang inyong katuwiran ay hindi kayang maunawaan ng lubusan.
Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.
Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.
20 Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako ng maraming hirap, bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.
Katulad koʼy patay na muli nʼyong bubuhayin.
21 Bibigyan nʼyo ako ng mas higit na karangalan,
at muli akong aaliwin.
22 O Dios ko, dahil sa inyong katapatan pupurihin ko kayo sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa.
O Banal na Dios ng Israel,
aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.
23 Dahil akoʼy iniligtas nʼyo, sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog
at umaawit ng papuri sa inyo.
24 Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan ang mga nagnais na mapahamak ako.
9 Anumang pakana ng hangal ay kasalanan, at kinasusuklaman ng mga tao ang sinumang nangungutya.
… 24 …
10 Kapag ikaw ay nawalan ng pag-asa sa panahon ng kahirapan, nagpapakita lang ito na ikaw ay mahina.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®