Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 60:1-62:5

Ang Kadakilaan ng Jerusalem sa Hinaharap

60 “Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag katulad ng araw, dahil dumating na ang kaligtasan[a] mo. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ng Panginoon. Mababalot ng matinding kadiliman ang mga bansa sa mundo, pero ikaw ay liliwanagan ng kaluwalhatian ng Panginoon. Lalapit sa iyong liwanag ang mga bansa at ang kanilang mga hari. Tingnan mo ang iyong paligid, nagtitipon na ang iyong mga mamamayan sa malayo para umuwi. Para silang mga batang kinakarga.[b] Kapag nakita mo na ito, matutuwa ka at mag-uumapaw ang iyong kagalakan, dahil ang kayamanan ng mga bansa ay dadalhin dito sa iyo. Mapupuno ang iyong lupain ng mga kamelyo ng mga taga-Midian at ng mga taga-Efa. Darating sila sa iyo mula sa Sheba na may dalang mga ginto at mga insenso para sambahin ang Panginoon. Dadalhin ng mga taga-Kedar at mga taga-Nebayot ang kanilang mga tupa sa iyo, at ihahandog ito sa altar ng Panginoon para siyaʼy malugod. At lalo pang pararangalan ng Panginoon ang kanyang templo. 8-9 Maglalayag ang mga barko na parang mga ulap na lumilipad at parang mga kalapating papunta sa kanilang mga pugad. Ang mga barkong itoʼy pag-aari ng mga nakatira sa malalayong lugar,[c] na umaasa sa Panginoon.[d] Pangungunahan sila ng mga barko ng Tarshish para ihatid ang iyong mga mamamayan pauwi mula sa malalayong lugar. Magdadala sila ng mga ginto at pilak para sa Panginoon na iyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, dahil ikaw ay kanyang pinararangalan.”

10 Sinasabi ng Panginoon sa Jerusalem: “Itatayo ng mga dayuhan ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo. Kahit na pinarurusahan kita dahil sa galit ko sa iyo, kaaawaan kita dahil akoʼy mabuti. 11 Palaging magiging bukas ang iyong pintuan araw at gabi para tumanggap ng mga kayamanan ng mga bansa. Nakaparada ang mga hari na papasok sa iyo. 12 Sapagkat lubusang mawawasak ang mga bansa at kahariang hindi maglilingkod sa iyo. 13 Ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo – ang kanilang mga puno ng pino, enebro at sipres,[e] para mapaganda ang templo na aking tinitirhan. 14 Ang mga anak ng mga umapi sa iyo ay lalapit sa iyo at magbibigay galang. Luluhod sa paanan mo ang mga humamak sa iyo, at ikaw ay tatawagin nilang, ‘Lungsod ng Panginoon’ o ‘Zion, ang Lungsod ng Banal na Dios ng Israel.’ 15 Kahit na itinakwil at inusig ka, at walang nagpahalaga sa iyo, gagawin kitang dakila magpakailanman at ikaliligaya ito ng lahat ng salinlahi. 16 Aalagaan ka ng mga bansa at ng kanilang mga hari katulad ng sanggol na pinapasuso ng kanyang ina. Sa ganoon, malalaman mo na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob. 17 Papalitan ko ang mga kagamitan ng iyong templo. Ang mga tanso ay papalitan ko ng ginto, ang mga bakal ay papalitan ko ng pilak, at ang mga bato ay papalitan ko ng bakal. Iiral sa iyo ang kapayapaan at katuwiran. 18 Wala nang mababalitaang pagmamalupit sa iyong lupain. Wala na ring kapahamakan na darating sa iyo. Palilibutan ka ng kaligtasan na parang pader, at magpupuri sa akin ang mga pumapasok sa iyong pintuan.

19 “Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo sa umaga at hindi na ang buwan ang tatanglaw sa iyo sa gabi, dahil ako, ang Panginoon, ang iyong magiging liwanag magpakailanman. Ako, na iyong Dios, ang iyong tanglaw.[f] 20 Ako ang iyong magiging araw at buwan na hindi na lulubog kahit kailan. At mawawala na ang iyong mga pagtitiis. 21 Ang lahat mong mamamayan ay magiging matuwid, at sila na ang magmamay-ari ng lupain ng Israel magpakailanman. Ginawa ko silang parang halaman na itinanim ko para sa aking karangalan. 22 Kakaunti sila, pero dadami sila. Mga kapus-palad sila, pero sila ay magiging makapangyarihang bansa. Ako, ang Panginoon, ang gagawa nito pagdating ng takdang panahon.”

Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga Mamamayan

61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na. 2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon. Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.

Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan. Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo. Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.

“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila. Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”

10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.

62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. Siya na lumikha sa iyo[g] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo.

Filipos 1:27-2:18

27 Mamuhay kayo nang ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Nang sa ganoon, makadalaw man ako sa inyo o hindi, mababalitaan kong nagkakaisa kayo at sama-samang naninindigan para sa pananampalatayang ayon sa Magandang Balita. 28 Huwag kayong matakot sa mga kumakalaban sa inyo. Dahil kung hindi kayo natatakot, magiging palatandaan ito sa kanila na mapapahamak sila at ililigtas naman kayo ng Dios. 29 Sapagkat hindi lang ang pribilehiyong sumampalataya kay Cristo ang ibinigay sa inyo, kundi ang maghirap din para sa kanya. 30 Ngayon, dinaranas nʼyo na ang paghihirap na nakita ninyong dinanas ko noong una, at nababalitaan ninyong dinaranas ko pa rin hanggang ngayon.

Ang Pagpapakumbaba ni Cristo

Hindi baʼt masigla kayo dahil nakay Cristo kayo? Hindi baʼt masaya kayo dahil alam ninyong mahal niya kayo? Hindi baʼt may mabuti kayong pagsasamahan dahil sa Banal na Espiritu? At hindi baʼt may malasakit at pang-unawa kayo sa isaʼt isa? Kung ganoon, nakikiusap ako na lubusin na ninyo ang kagalakan ko: Magkasundo kayoʼt magmahalan, at magkaisa sa isip at layunin. Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo:

Kahit na nasa kanya ang katangian ng Dios, hindi niya itinuring ang pagiging kapantay ng Dios bilang isang bagay na dapat panghawakan.
Sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin.
Naging tao siyang tulad natin.     At sa pagiging tao niya, nagpakumbaba siya at naging masunurin sa Dios hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan sa krus.
Kaya naman itinaas siyang lubos ng Dios at binigyan ng titulong higit sa lahat ng titulo,
10 upang ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya.
11 At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama.

Magsilbi Kayong Ilaw na Nagliliwanag

12 Mga minamahal, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod noong magkakasama pa tayo, lalo sana kayong maging masunurin kahit ngayong malayo na ako sa inyo. Sikapin ninyong ipamuhay[a] ang kaligtasang tinanggap nʼyo, at gawin nʼyo ito nang may takot at paggalang sa Dios. 13 Sapagkat ang Dios ang siyang nagbibigay sa inyo ng pagnanais at kakayahang masunod nʼyo ang kalooban niya.

14 Gawin nʼyo ang lahat nang walang reklamo o pagtatalo, 15 para maging malinis kayo at walang kapintasang mga anak ng Dios sa gitna ng mga mapanlinlang at masasamang tao sa panahong ito. Kailangang magsilbi kayong ilaw na nagliliwanag sa kanila 16 habang pinaninindigan nʼyo[b] ang salita na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. At kung gagawin nʼyo ito, may maipagmamalaki ako sa pagbabalik ni Cristo, dahil alam kong hindi nasayang ang pagsisikap ko sa inyo. 17 Ang paglilingkod ninyo na bunga ng inyong pananampalataya ay tulad sa isang handog. At kung kinakailangang ibuhos ko ang aking dugo[c] sa handog na ito, maligaya pa rin ako at makikigalak sa inyo. 18 At dapat maligaya rin kayo at makigalak sa akin.

Salmo 72

Panalangin para sa Hari

72 O Dios, ituro nʼyo po sa hari ang iyong pamamaraan sa paghatol at katuwiran,
para makatarungan siyang makapaghatol sa inyong mga mamamayan, pati na sa mga dukha.
Sumagana sana ang mga kabundukan upang mapagpala ang inyong mga mamamayan dahil matuwid ang hari.
Tulungan nʼyo siyang maipagtanggol ang mga dukha
    at durugin ang mga umaapi sa kanila.
Manatili sana siya[a] magpakailanman,
    habang may araw at buwan.
Maging tulad sana siya ng ulan na dumidilig sa lupa.
Umunlad sana ang buhay ng mga matuwid sa panahon ng kanyang pamumuno,
    at maging maayos ang kalagayan ng tao hanggang sa wakas ng panahon.
Lumawak sana nang lumawak ang kanyang kaharian,[b]
    mula sa ilog ng Eufrates hanggang sa pinakadulo ng mundo.[c]
Magpasakop sana sa kanya ang mga kaaway niyang nakatira sa ilang.
10 Magbigay sana ng mga kaloob sa kanya ang mga hari ng Tarshish,
    ng malalayong isla, ng Sheba at Seba.
11 Magpasakop sana ang lahat ng hari sa kanya
    at ang lahat ng bansa ay maglingkod sa kanya.
12 Dahil tinutulungan niya ang mga napabayaang dukha
    na humingi ng tulong sa kanya.
13 Kahahabagan niya ang mga dukha at nangangailangan at silaʼy kanyang tutulungan.
14 Ililigtas niya sila sa mga malulupit at mapang-api dahil para sa kanya, ang buhay nilaʼy mahalaga.
15 Mabuhay sana ang hari nang matagal.
    Sanaʼy mabigyan siya ng ginto mula sa Sheba.
    Sanaʼy idalangin palagi ng mga tao na pagpalain siya ng Dios.
16 Sumagana sana ang ani sa lupain kahit na sa tuktok ng bundok, katulad ng mga ani sa Lebanon.
    At dumami rin sana ang mga tao sa mga lungsod,
    kasindami ng damo sa mga parang.
17 Huwag sanang malimutan ang pangalan ng hari magpakailanman, habang sumisikat pa ang araw.
    Sa pamamagitan sana niya ay pagpalain ng Dios ang lahat ng bansa,
    at sabihin sana ng mga ito na siyaʼy pinagpala ng Dios.
18 Purihin ang Panginoong Dios, ang Dios ng Israel,
    na siyang tanging nakagagawa ng mga bagay na kamangha-mangha.
19 Purihin ang kanyang dakilang pangalan magpakailanman!
    Mahayag sana sa buong mundo ang kanyang kaluwalhatian.
    Amen! Amen!

20 Dito nagwawakas ang mga panalangin ni David na anak ni Jesse.

Kawikaan 24:11-12

… 25 …

11 Huwag kang mag-atubiling iligtas ang walang kasalanan na hinatulan ng kamatayan. 12 Maaaring sabihin mo na wala kang nalalaman sa nangyari, pero alam ng Dios kung totoo o hindi ang iyong sinasabi, dahil binabantayan ka niya at alam niya ang nasa puso mo. Gagantimpalaan ka niya ayon sa iyong mga ginawa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®