Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 62:6-65:25

Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”

10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[a] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[b] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”

Ang Paghihiganti ng Panginoon

63 Sino itong dumarating mula sa Bozra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan.

Siya ang Panginoon na nagpapapahayag ng tagumpay ng kanyang mga mamamayan at may kapangyarihang magligtas. Bakit napakapula ng kanyang damit, kasimpula ng damit ng taong nagpipisa ng ubas? Sumagot ang Panginoon, “Sa aking galit, pinisa ko na parang ubas ang mga bansa. Mag-isa akong nagpisa; wala akong kasama. Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit; kaya namantsahan ang damit ko. Ginawa ko ito dahil dumating na ang araw ng aking paghihiganti sa aking mga kaaway at ililigtas ko ang aking mga mamamayan. Nagtaka ako dahil nakita kong wala kahit isa ang tumulong sa akin. Kaya ako lang ang nagligtas sa aking mga mamamayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ang galit ko ang nagtulak sa akin para parusahan ang aking mga kaaway. At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa at pinasuray-suray sila na parang mga lasing. Ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.”

Ang Kabutihan ng Panginoon

Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.

Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[c] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”

Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo. 15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[d] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.

17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.

64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan. 10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan. 11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin. 12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?

Parusa at Kaligtasan

65 Sumagot ang Panginoon, “Nagpakilala ako sa mga taong hindi nagtatanong tungkol sa akin. Natagpuan nila ako kahit na hindi nila ako hinahanap. Ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila kahit na hindi sila tumatawag sa akin.

“Patuloy akong naghintay sa mga mamamayan kong matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mabuting pag-uugali. Ang sinusunod nila ay ang sarili nilang isipan. Ginagalit nila ako. Ipinapakita nila sa akin ang patuloy nilang pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa pamamagitan ng paghahandog sa mga halamanan at pagsusunog ng mga insenso sa bubong ng kanilang mga bahay. Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin. Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”

6-7 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako. Gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga kasalanan pati ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso at nilapastangan ako sa mga bundok at mga burol. Kaya gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga ginawa.” Sinabi pa ng Panginoon, “Hindi sinisira ang kumpol ng ubas na may mga sirang bunga, dahil ang magandang bunga ay mapapakinabangan pa. Ganyan din ang gagawin ko sa aking mga mamamayan, hindi ko sila lilipulin lahat. Ililigtas ko ang mga naglilingkod sa akin. May ititira akong mga buhay sa mga lahi ni Jacob pati sa lahi ni Juda at sila ang magmamana ng aking lupain na may maraming bundok. Sila na aking mga pinili at mga lingkod ang siyang maninirahan sa lupaing ito. 10 Pagpalain ko silang mga lumalapit sa akin. Ang mga Lambak ng Sharon at Acor ay magiging pastulan ng kanilang mga hayop. 11 Pero paparusahan ko kayong mga nagtakwil sa akin at nagbalewala sa banal kong bundok. Sa halip ay naghandog kayo sa mga dios-diosang pinaniniwalaan ninyong nagbibigay sa inyo ng suwerte at magandang kapalaran. 12 Kaya inilaan ko sa inyong lahat ang kapalarang mamamatay. Sapagkat nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig. Gumawa kayo ng masama sa harapan ko; kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa ninyo. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ang aking mga lingkod ay kakain at iinom, pero kayoʼy magugutom at mauuhaw. Matutuwa sila, pero kayoʼy mapapahiya. 14 Aawit sila sa tuwa, pero kayoʼy iiyak sa lungkot at sama ng loob. 15 Ang inyong mga pangalan ay susumpain ng aking mga pinili, at ako, ang Panginoong Dios, ang papatay sa inyo. Pero ang aking mga lingkod ay bibigyan ko ng bagong pangalan. 16 Ang sinumang magsasabi ng pagpapala o manunumpa sa lupain ng Israel, gagawin niya ito sa pangalan ko – ang Dios na tapat.[e] Sapagkat kakalimutan ko na ang mga nagdaang hirap, at itoʼy papawiin ko na sa aking paningin.

17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Filipos 2:19-3:3

Si Timoteo at si Epafroditus

19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko riyan si Timoteo sa lalong madaling panahon, para masiyahan naman ako kapag naibalita niya ang tungkol sa inyo. 20 Siya lang ang kilala ko na katulad kong nagmamalasakit sa inyo nang totoo. 21 Ang ibaʼy walang ibang iniisip kundi ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam nʼyo kung paano pinatunayan ni Timoteo ang kanyang sarili. Para ko siyang tunay na anak sa pagtulong niya sa akin sa pangangaral ng Magandang Balita. 23 Binabalak kong papuntahin siya sa inyo kapag nalaman ko na ang magiging hatol sa akin dito. 24 At umaasa ako sa Panginoon na ako mismo ay makakapunta sa inyo sa lalong madaling panahon.

25 Sa ngayon, naisip kong kailangan nang pabalikin ang kapatid nating si Epafroditus na pinapunta nʼyo rito para tulungan ako. Tulad ko rin siyang manggagawa at tagapagtanggol ng Magandang Balita. 26 Pababalikin ko na siya sa inyo dahil sabik na sabik na siyang makita kayo, at hindi siya mapalagay dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. 27 Totoo ngang nagkasakit siya, at muntik nang mamatay. Ngunit naawa ang Dios sa kanya at maging sa akin, dahil pinagaling siya at naligtas naman ako sa matinding kalungkutan. 28 Kaya gusto ko na siyang pabalikin para matuwa kayo kapag nakita nʼyo na siya ulit, at hindi na rin ako mag-aalala para sa inyo. 29 Kaya tanggapin nʼyo siya nang buong galak bilang kapatid sa Panginoon. Igalang nʼyo ang mga taong tulad niya, 30 dahil nalagay sa panganib ang buhay niya para sa gawain ni Cristo. Itinaya niya ang buhay niya para matulungan ako bilang kinatawan ninyo.

Ang Tunay na Pagiging Matuwid

Ngayon, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi ako magsasawang sabihin ito nang paulit-ulit dahil para ito sa kabutihan ninyo. Mag-ingat kayo sa mga Judio na namimilit na tuliin ang mga hindi Judio. Mga asal-hayop sila at gumagawa ng masama. Ngunit tayo ang totoong tuli,[a] dahil sumasamba tayo sa Dios sa tulong ng Banal na Espiritu, at ipinagmamalaki ang ginawa ni Cristo Jesus. Hindi tayo nagtitiwala sa mga panlabas na seremonya o panuntunan para maligtas tayo.

Salmo 73

Ang Makatarungang Hatol ng Dios

73 Tunay na mabuti ang Dios sa Israel,
    lalo na sa mga taong malilinis ang puso.
Ngunit ako, halos mawalan na ako ng pananampalataya.
Nainggit ako nang makita ko na ang mayayabang at masasama ay umuunlad.
Malulusog ang kanilang mga katawan
    at hindi sila nahihirapan.
Hindi sila naghihirap at nababagabag na tulad ng iba.
Kaya ipinapakita nila ang kanilang kayabangan at kalupitan.[a]
Ang kanilang puso ay puno ng kasamaan,
    at ang laging iniisip ay paggawa ng masama.
Kinukutya nila at pinagsasabihan ng masama ang iba.
    Mayayabang sila at nagbabantang manakit.
Nagsasalita sila ng masama laban sa Dios at sa mga tao.
10 Kaya kahit na ang mga mamamayan ng Dios ay lumilingon sa kanila at pinaniniwalaan ang mga sinasabi nila.
11 Sinasabi nila, “Paano malalaman ng Dios?
    Walang alam ang Kataas-taasang Dios.”

12 Ganito ang buhay ng masasama:
    wala nang problema, yumayaman pa.
13 Bakit ganoon? Wala bang kabuluhan ang malinis kong pamumuhay at paglayo sa kasalanan?
14 Nagdurusa ako buong araw.
    Bawat umaga akoʼy inyong pinarurusahan.
15 Kung sasabihin ko rin ang sinabi nila,
    para na rin akong nagtraydor sa inyong mga mamamayan.
16 Kaya sinikap kong unawain ang mga bagay na ito,
    ngunit napakahirap.
17 Pero nang pumunta ako sa inyong templo,
    doon ko naunawaan ang kahihinatnan ng masama.
18 Tunay na inilalagay nʼyo sila sa madulas na daan,
    at ibinabagsak sa kapahamakan.
19 Bigla silang mapapahamak;
    mamamatay silang lahat at nakakatakot ang kanilang kahahantungan.
20 Para silang isang panaginip na pagsapit ng umaga ay wala na.
    Makakalimutan na sila kapag pinarusahan nʼyo na.

21 Nang nasaktan ang aking damdamin at nagtanim ako ng sama ng loob,
22 para akong naging hayop sa inyong paningin,
    mangmang at hindi nakakaunawa.
23 Ngunit patuloy akong lumapit sa inyo at inakay nʼyo ako.
24 Ginagabayan ako ng inyong mga payo,
    at pagkatapos ay tatanggapin nʼyo ako bilang isang pangunahing pandangal.
25 Walang sinuman sa langit ang kailangan ko kundi kayo lamang.
    At walang sinuman sa mundo ang hinahangad ko maliban sa inyo.
26 Manghina man ang aking katawan at isipan, kayo, O Dios, ang aking kalakasan.
    Kayo lang ang kailangan ko magpakailanman.
27 Ang mga taong lumalayo sa inyo ay tiyak na mapapahamak.
    Ang mga nagtaksil sa inyo ay lilipuling lahat.
28 Ngunit ako, minabuti kong maging malapit sa Dios.
    Kayo, Panginoong Dios, ang pinili kong kanlungan,
    upang maihayag ko ang lahat ng inyong mga ginawa.

Kawikaan 24:13-14

… 26 …

13-14 Anak, kung papaanong matamis at mabuti para sa iyo ang pulot, ganoon din naman ang karunungan. Sapagkat kung marunong ka, mapapabuti ang iyong kinabukasan at mapapasaiyo ang iyong mga hinahangad.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®