The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.
8 Paano ninyo nasasabing marunong kayo, dahil ba alam ninyo ang mga kautusan ng Panginoon? Ang totoo, binago iyon ng inyong mga guro. 9 Mapapahiya ang mga nagsasabing sila ay marurunong. Matatakot sila dahil bibihagin sila. Itinakwil nila ang mga salita ko – gagawin ba nila ito kung talagang marunong sila? 10 Kaya ibibigay ko sa iba ang mga asawa at mga bukirin nila. Sapagkat maging mga dakila man o mga dukha ay pare-parehong naging sakim sa pera, pati na ang mga propeta at mga pari. 11 Hindi nila siniseryoso ang paggamot sa sugat ng mga mamamayan ko, kahit malubha na ito. Sinasabi nilang mabuti ang lahat kahit na hindi ito mabuti. 12 Ikinakahiya ba nila ang mga ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Sapagkat wala na silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila pagdating ng araw na parurusahan sila. 13 Lubos ko silang lilipulin at sisirain ko ang mga bunga ng kanilang mga ubas at igos; pati ang mga dahon nitoʼy malalanta. Ang mga ibinigay ko sa kanila ay mawawala.
14 “Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”
17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko. 19 Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem?[a] Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?” 20 Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”
21 Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan. 22 Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?
9 “Kung balon sana ng tubig ang aking ulo, at ang aking mga mata ay bukal ng luha, iiyak ako araw at gabi para sa mga kababayan kong pinatay. 2 Kung mayroon lang sana akong matitirhan sa ilang para makalayo ako sa mga kababayan ko, dahil silang lahat ay nagtaksil na parang mga babaeng nangangalunya.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Lagi silang handang magsinungaling na parang pana na handa nang itudla. Kasinungalingan ang namamayani sa lupaing ito at hindi ang katotohanan. Malala na ang paggawa nila ng kasalanan at hindi nila ako kinikilala.
4 “Mag-ingat kayo sa kapwa nʼyo at huwag kayong magtiwala sa mga kamag-anak nʼyo, dahil ang bawat isa ay mandaraya at naninira ng kapwa. 5 Dinadaya ng bawat isa ang kapwa niya at wala ni isa ang nagsasalita ng katotohanan. Sanay na sa pagsisinungaling ang mga dila nila at pinapagod nila ang sarili nila sa paggawa ng kasalanan. 6 Puro na lang pandaraya ang ginagawa nila, at dahil sa pandaraya ay ayaw na nila akong kilalanin. 7 Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing dadalisayin ko sila na parang metal at susubukin ko sila. Ano pa ang maaari kong gawin sa kanila? 8 Ang kanilang mga dila ay parang panang nakakamatay. Puro na lang pandaraya ang kanilang sinasabi. Nakikipag-usap sila nang mabuti sa kapwa nila pero sa puso nilaʼy masama ang binabalak nila. 9 Hindi baʼt nararapat ko silang parusahan? Hindi ba dapat na paghigantihan ko ang bansang katulad nito? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
10 Sinabi ni Jeremias: Iiyak ako ng malakas para sa mga kabundukan at mananaghoy ako para sa mga pastulan. Dahil malungkot na ito at wala nang dumadaan. Hindi na marinig ang unga ng mga baka, at nag-alisan na ang mga ibon at mga hayop. 11 Dahil sinabi ng Panginoon, “Wawasakin ko ang Jerusalem, at magiging tirahan ito ng mga asong-gubat.[b] Gagawin kong parang ilang ang mga bayan ng Juda at wala nang titira rito.”
12 Nagtanong ako sa Panginoon, “Sino pong marunong na tao ang makakaunawa sa mga pangyayaring ito? Kanino nʼyo po ipinaliwanag ang tungkol dito para maipaliwanag ito sa mga tao? Bakit po nawasak ang lupaing ito at naging parang ilang na hindi na dinadaanan?”
13 Sumagot ang Panginoon, “Nangyari ito dahil hindi nila sinunod ang mga utos na ibinigay ko sa kanila. Hindi sila sumunod sa akin o sa mga utos ko. 14 Sa halip, sinunod nila ang kapasyahan ng matigas nilang mga puso. Sumamba sila kay Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng mga ninuno nila. 15 Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsabing pakakainin ko ang mga taong ito ng mapait na pagkain at paiinumin ng tubig na may lason. 16 Ipapangalat ko sila sa mga bansang hindi nila kilala maging ng mga ninuno nila. Magpapadala ako ng hukbong sasalakay sa kanila para lubusan silang malipol.”
17 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Isipin nʼyo kung ano ang mga nangyayari! Tawagin nʼyo ang mga babaeng tagaiyak, lalo na ang mga sanay sa pag-iyak. 18 Pagmadaliin silang pumunta para iyakan ang mga mamamayan ko hanggang sa dumaloy ang kanilang luha.[c] 19 Pakinggan ang mga pag-iyak sa Jerusalem.[d] Sinasabi ng mga tao, ‘Nawasak tayo! Nakakahiya ang nangyaring ito sa atin! Kailangang iwan na natin ang ating lupain dahil nawasak na ang ating mga tahanan!’ ”
20 Ngayon, kayong mga babae, pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon. Pakinggan ninyo itong mabuti. Turuan ninyo ang inyong mga anak na babae at ang inyong kapwa na umiyak at managhoy. 21 Dumating ang kamatayan sa ating mga sambahayan at sa matitibay na bahagi ng ating lungsod. Pinatay ang mga bata na naglalaro sa mga lansangan at ang mga kabataang lalaki na nagkakatipon sa mga plasa. 22 At sinabi ng Panginoon, “Kakalat ang mga bangkay na parang mga dumi sa kabukiran, at parang mga butil na naiwan ng mga nag-aani, at wala nang kukuha sa mga ito. 23 Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya. 24 Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Darating ang araw na parurusahan ko ang lahat ng tinuli, na ang kanilang pamumuhay ay hindi nabago – 26 ang mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab, at ang lahat ng nakatira sa malalayong ilang.[e] Ang totoo, lahat ng bansang ito pati na ang mga mamamayan ng Israel ay parang hindi rin mga tinuli.”
3 Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios. 2 Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. 3 Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatago sa Dios kasama ni Cristo. 4 Si Cristo ang buhay ninyo, at kapag dumating na ang panahon na nahayag na siya, mahahayag din kayo at makikibahagi sa kapangyarihan niya at karangalan.
Ang Dati at ang Bagong Buhay
5 Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan. 6 Parurusahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. 7 Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. 8 Pero ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, 10 at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan. 11 Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang naturuan sa hindi naturuan, at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.
12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.
16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo. 17 At anuman ang ginagawa nʼyo, sa salita man o sa gawa, gawin nʼyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus,[a] at magpasalamat kayo sa Dios Ama sa pamamagitan niya.
32 Sa kabila ng lahat ng ginawa ng Dios sa kanila,
nagpatuloy pa rin sila sa pagkakasala.
Kahit na gumawa siya ng mga himala,
hindi pa rin sila naniwala.
33 Kaya agad niyang winakasan ang buhay nila sa pamamagitan ng biglaang pagdating ng kapahamakan.
34 Nang patayin ng Dios ang ilan sa kanila,
ang mga natira ay lumapit na sa kanya,
nagsisi at nagbalik-loob sa kanya.
35 At naalala nila na ang Kataas-taasang Dios ang kanilang Bato na kanlungan at Tagapagligtas.
36 Nagpuri sila sa kanya, ngunit sa bibig lang, kaya sinungaling sila.
37 Hindi sila tapat sa kanya at sa kanilang kasunduan.
38 Ngunit naawa pa rin ang Dios sa kanila,
pinatawad ang mga kasalanan nila at hindi sila nilipol.
Maraming beses niyang pinigil ang kanyang galit kahit napakatindi na ng kanyang poot.
39 Naisip niyang mga tao lang sila,
parang hangin na dumadaan at biglang nawawala.
40 Madalas silang maghimagsik sa Dios doon sa ilang at pinalungkot nila siya.
41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Dios;
ginalit nila ang Banal na Dios ng Israel.
42 Kinalimutan nila ang kanyang kapangyarihan na ipinakita noong iniligtas niya sila mula sa kanilang mga kaaway,
43 pati ang mga ginawa niyang mga himala at mga kahanga-hangang gawa roon sa Zoan sa lupain ng Egipto.
44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog sa Egipto, at dahil dito wala silang mainom.
45 Nagpadala rin siya ng napakaraming langaw upang parusahan sila,
at mga palaka upang pinsalain sila.
46 Ipinakain niya sa mga balang ang kanilang mga pananim at mga ani.
47 Sinira niya ang kanilang mga tanim na ubas at mga punong sikomoro sa pamamagitan ng pagpapaulan ng yelo.
48 Pinagpapatay niya ang kanilang mga hayop sa pamamagitan ng kidlat at pag-ulan ng malalaking yelo.
49 Dahil sa napakatinding poot at galit niya sa kanila,
nagpadala rin siya ng mga anghel upang ipahamak sila.
50 Hindi pinigilan ng Dios ang kanyang poot.
Hindi niya sila iniligtas sa kamatayan.
Sa halip ay pinatay sila sa pamamagitan ng mga salot.
51 Pinatay niyang lahat ang mga panganay na lalaki sa Egipto na siyang lugar ng lahi ni Ham.
52 Ngunit inilabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na katulad ng mga tupa at pinatnubayan sila na parang kanyang kawan sa ilang.
53 Pinatnubayan niya sila, kaya hindi sila natakot.
Ngunit ang mga kaaway nila ay nalunod sa dagat.
54 Dinala sila ng Dios sa lupain na kanyang pinili,
doon sa kabundukan na kinuha niya sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
55 Itinaboy niya ang lahat ng naninirahan doon,
at hinati-hati ang lupain sa mga lahi ng Israel para maging pag-aari nila at maging tirahan.
27 Ihanda mo muna ang iyong pagkakakitaan, tulad ng iyong bukid na taniman bago ka magtatag ng sariling tahanan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®