The Daily Audio Bible
Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.
22 Ganito ang sabi ng Panginoon, Bumaba ka sa bahay ng hari sa Juda, at iyong salitain doon ang salitang ito,
2 At iyong sabihin, Dinggin mo ang salita ng Panginoon, Oh hari sa Juda, na nauupo sa luklukan ni David, ikaw at ang iyong mga lingkod, at ang iyong bayan na pumapasok sa mga pintuang ito.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagsagawa kayo ng kahatulan at ng katuwiran, at iligtas ninyo ang nanakawan sa kamay ng mamimighati: at huwag kayong magsigawa ng kamalian, huwag kayong magsigawa ng pangdadahas sa mga nakikipamayan, sa ulila, o sa babaing bao man; o mangagbubo man ng walang salang dugo sa dakong ito.
4 Sapagka't kung tunay na inyong gawin ang bagay na ito, magsisipasok nga sa mga pintuang-daan ng bahay na ito ang mga hari na nangauupo sa luklukan ni David, na nakasakay sa mga karo at sa mga kabayo, siya at ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang bayan.
5 Nguni't kung hindi ninyo didinggin ang mga salitang ito, ako'y susumpa sa aking sarili, sabi ng Panginoon, na ang bahay na ito ay masisira.
6 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa sangbahayan ng hari sa Juda, Ikaw ay Galaad sa akin, at ulo ng Libano; gayon ma'y tunay na gagawin kitang isang ilang, at mga bayang hindi tinatahanan.
7 At ako'y maghahanda ng mga manglilipol laban sa iyo, bawa't isa'y may kaniyang mga almas; at kanilang puputulin ang iyong mga piling cedro, at ipaghahagis sa apoy.
8 At maraming bansa'y magsisipagdaan sa bayang ito, at mangagsasabi bawa't isa sa kanila sa kaniyang kapuwa, Ano't gumawa ang Panginoon ng ganito sa dakilang bayang ito?
9 Kung magkagayo'y magsisisagot sila, Sapagka't kanilang pinabayaan ang tipan ng Panginoon na kanilang Dios, at nagsisamba sa ibang mga dios, at mga pinaglingkuran.
10 Huwag ninyong iyakan ang patay, o panaghuyan man ninyo siya; kundi iyakan ninyong mainam ang yumayaon; sapagka't hindi na siya babalik, o makikita man niya ang kaniyang lupaing tinubuan.
11 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Sallum na anak ni Josias, na hari sa Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kaniyang ama, na lumabas sa dakong ito. Siya'y hindi na babalik pa rito:
12 Kundi sa dakong pinagdalhan sa kaniyang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya makikita ang lupaing ito.
13 Sa aba niya na nagtatayo ng kaniyang bahay sa pamamagitan ng kalikuan, at ng kaniyang mga silid sa pamamagitan ng kalisyaan; na pinapaglilingkod ng kaniyang kapuwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kaniyang kabayaran;
14 Na nagsasabi, Ako'y magtatayo ng maluwang na bahay at maluwang na mga silid, at nabubuksan ng mga dungawan; at nakikisamihan ng cedro, at nakukulayan ng pula.
15 Ikaw baga'y maghahari, sapagka't ikaw ay mayroong lalong maraming cedro? hindi ba ang iyong ama ay kumain at uminom, at naglapat ng kahatulan at kaganapan? nang magkagayo'y ikinabuti niya.
16 Kaniyang hinatulan ang usap ng dukha at mapagkailangan; nang magkagayo'y ikinabuti nga. Hindi baga ito ang pagkilala sa akin? sabi ng Panginoon.
17 Nguni't ang iyong mga mata at ang iyong puso ay sa kasakiman lamang, at upang magbubo ng walang salang dugo, at sa kapighatian, at sa karahasan, upang gawin.
18 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Joacim na anak ni Josias, na hari sa Juda, Hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah kapatid kong lalake! o, Ah kapatid na babae! hindi nila tataghuyan siya, na sasabihin, Ah panginoon! o, Ah kaniyang kaluwalhatian!
19 Siya'y malilibing ng libing asno, na hihilahin at itatapon sa labas ng mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
20 Ikaw ay sumampa sa Libano, at humiyaw; at ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay humiyaw mula sa Abarim; sapagka't lahat ng mangingibig sa iyo ay nalipol.
21 Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kaginhawahan; nguni't iyong sinabi, Hindi ko didinggin. Ito ang naging iyong paraan mula sa iyong kabataan, na hindi mo dininig ang aking tinig.
22 Lahat mong pastor ay pakakanin ng hangin, at ang mga mangingibig sa iyo ay mapapapasok sa pagkabihag; kung magkagayon ikaw ay mapapahiya at malilito dahil sa lahat mong kasamaan.
23 Oh nananahan sa Libano, na ginagawa mo ang iyong pugad sa mga cedro, kahabaghabag ka nga pagka ang mga pagdaramdam ay dumating sa iyo, ang hirap na gaya ng sa babae sa pagdaramdam!
24 Buhay ako, sabi ng Panginoon, bagaman si Conias na anak ni Joacim na hari sa Juda ay maging singsing na panatak sa aking kanang kamay, akin ngang huhugutin ka mula roon;
25 At aking ibibigay ka sa kamay ng nagsisiusig ng iyong buhay, at sa kamay nila na iyong kinatatakutan, sa kamay ni Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo.
26 At itataboy ka, at ang iyong ina na nanganak sa iyo, sa ibang lupain, na hindi pinapanganakan sa inyo; at doon kayo mangamamatay.
27 Nguni't sa lupain na pinagnanasaan ng kanilang kaluluwa na pagbalikan, doon hindi sila mababalik.
28 Ito bagang lalaking si Conias ay isang sisidlang basag na walang kabuluhan? siya baga'y sisidlan na hindi kinaluluguran? bakit kanilang itinataboy, siya at ang kaniyang angkan, at itinapon sa lupain na hindi nila kilala?
29 Oh lupa, lupa, lupa, iyong pakinggan ang salita ng Panginoon.
30 Ganito ang sabi ng Panginoon, Isulat ninyo ang lalaking ito na walang anak, ang lalake na hindi giginhawa sa kaniyang mga kaarawan; sapagka't walang tao sa kaniyang angkan na giginhawa pa, na nauupo sa luklukan ni David, hindi na magpupuno pa sa Juda.
23 Sa aba ng mga pastor na nangagpapahamak at nangagpapangalat sa mga tupa sa aking pastulan! sabi ng Panginoon.
2 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, laban sa mga pastor na nangagpastol ng aking bayan, Inyong pinangalat ang aking kawan, at inyong iniligaw sila, at hindi ninyo sila dinalaw; narito, dadalawin ko sa inyo ang kasamaan ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon.
3 At aking pipisanin ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat na lupain na aking pinagtabuyan sa kanila, at aking dadalhin sila uli sa kanilang mga kulungan; at sila'y magiging palaanak at magsisidami.
4 At ako'y maglalagay ng mga pastor sa kanila na kakandili sa kanila; at hindi na sila matatakot, o manglulupaypay pa, o kukulangin ang sinoman sa kanila, sabi ng Panginoon.
5 Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na ako'y magbabangon kay David ng matuwid na Sanga, at siya'y maghahari na gaya ng hari, at gagawang may kapantasan, at magsasagawa ng kahatulan at kaganapan sa lupain.
6 Sa kaniyang mga kaarawan ay maliligtas ang Juda, at ang Israel ay tatahang tiwasay; at ito ang kaniyang pangalan na itatawag sa kaniya, Ang Panginoon ay ating katuwiran.
7 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na nila sasabihin, Buhay ang Panginoon, na nagahon ng mga anak ni Israel mula sa lupain ng Egipto;
8 Kundi, Buhay ang Panginoon, na nagahon at pumatnubay sa angkan ng binhi ng Israel mula sa hilagaang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. At sila'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain.
9 Tungkol sa mga propeta. Ang puso ko sa loob ko ay bagbag, lahat kong buto ay nanginginig; ako'y parang langong tao, at parang taong dinaig ng alak, dahil sa Panginoon, at dahil sa kaniyang mga banal na salita.
10 Sapagka't ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; sapagka't dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi matuwid.
11 Sapagka't ang propeta ay gayon din ang saserdote ay marumi; oo, sa aking bahay ay nasumpungan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng Panginoon.
12 Kaya't ang kanilang daan ay magiging sa kanila'y parang mga madulas na dako sa kadiliman: sila'y isusudlong, at mangabubuwal doon; sapagka't ako'y magpaparating ng kasamaan sa kanila, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila, sabi ng Panginoon.
13 At nakita ko ang kamangmangan sa mga propeta ng Samaria; sila'y nanganghuhula sa pamamagitan ni Baal, at inililigaw ang aking bayang Israel.
14 Sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakita ko ang kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya, at nagsisilakad sa mga kasinungalingan; at kanilang pinalalakas ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, na anopa't walang humihiwalay sa kaniyang kasamaan: silang lahat ay naging parang Sodoma sa akin, at ang mga nananahan dito ay parang Gomorra.
15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo tungkol sa mga propeta, Narito, aking pakakanin sila ng ajenjo, at paiinumin ko sila ng inuming mapait, sapagka't mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumabas ang pagdudumi sa buong lupain.
16 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Huwag ninyong dinggin ang mga salita ng mga propeta na nanganghuhula sa inyo: sila'y nangagtuturo sa inyo ng walang kabuluhan; sila'y nangagsasalita ng pangitain ng kanilang sariling puso, at hindi mula sa bibig ng Panginoon.
17 Kanilang sinasabing lagi sa kanila na nagsisihamak sa akin, Sabi ng Panginoon, Kayo'y mangagkakaroon ng kapayapaan; at sa bawa't isa na lumalakad sa katigasan ng kaniyang sariling puso ay sinasabi nila, Walang kasamaang darating sa inyo.
18 Sapagka't sinong tumayo sa payo ng Panginoon, upang makamalas at makarinig ng kaniyang salita? sinong nakinig ng aking salita, at nakarinig?
19 Narito, ang bagyo ng Panginoon, ang kaniyang kapusukan, ay lumabas, oo, ipoipong bagyo: babagsak sa ulo ng masama.
20 Ang galit ng Panginoon ay hindi mapaparam, hanggang sa kaniyang magawa, at hanggang sa kaniyang maisagawa ang haka ng kaniyang puso: sa mga huling araw ay lubos ninyong mauunawa.
1 Si Pablo, at si Silvano, at si Timoteo, sa iglesia ng mga taga Tesalonica na nasa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo;
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 Kami ay nararapat, mga kapatid, na mangagpasalamat na lagi sa Dios dahil sa inyo, gaya ng marapat, dahil sa ang inyong pananampalataya ay lumalaking lubha, at ang pagibig ng bawa't isa sa iba't iba sa inyong lahat ay sumasagana;
4 Ano pa't kami sa aming sarili ay nangagkakapuri sa inyo sa mga iglesia ng Dios dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga paguusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis;
5 Na isang tandang hayag ng matuwid na paghukom ng Dios; upang kayo'y ariing karapatdapat sa kaharian ng Dios, na dahil dito'y nangagbabata rin naman kayo:
6 Kung isang bagay na matuwid sa Dios na gantihin ng kapighatian ang mga pumipighati sa inyo,
7 At kayong mga pinighati ay bigyang kasama namin ng kapahingahan sa pagpapakahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang mga anghel ng kaniyang kapangyarihan na nasa nagniningas na apoy,
8 Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:
9 Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan.
10 Pagka paririto siya upang luwalhatiin sa kaniyang mga banal, at upang siya'y maging kahangahanga sa lahat ng mga nagsisampalataya sa araw na yaon (sapagka't ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan).
11 Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo'y ariing karapatdapat ng ating Dios sa pagkatawag sa inyo, at ganaping may kapangyarihan ang bawa't nais sa kabutihan at gawa ng pananampalataya;
12 Upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kaniya, ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesucristo.
83 Oh Dios, huwag kang tumahimik: huwag kang mapayapa, at tumiwasay, Oh Dios.
2 Sapagka't narito, ang mga kaaway mo'y nanggugulo: at silang nangagtatanim sa iyo ay nangagtaas ng ulo.
3 Sila'y nagsisitanggap ng payong may katusuhan laban sa iyong bayan, at nangagsanggunian laban sa iyong nangakakubli.
4 Kanilang sinabi, Kayo'y parito, at atin silang ihiwalay sa pagkabansa; upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalaala pa.
5 Sapagka't sila'y nangagsangguniang magkakasama na may isang pagkakaayon; laban sa iyo ay nangagtitipanan:
6 Ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita; ang Moab at ang mga Agareno;
7 Ang Gebal, at ang Ammon, at ang Amalec; ang Filisteo na kasama ng mga taga Tiro:
8 Pati ng Asiria ay nalalakip sa kanila; kanilang tinulungan ang mga anak ni Lot.
9 Gumawa ka sa kanila ng gaya sa Madianita; gaya kay Sisara, gaya kay Jabin, sa ilog ng Cison:
10 Na nangamatay sa Endor; sila'y naging parang dumi sa lupa.
11 Gawin mo ang kanilang mga maginoo na gaya ni Oreb at ni Zeeb; Oo, lahat nilang mga pangulo ay gaya ni Zeba at ni Zalmuna;
12 Na siyang nagsipagsabi, kunin natin para sa atin na pinakaari ang mga tahanan ng Dios.
13 Oh Dios ko, gawin mo silang parang ipoipong alabok; Parang dayami sa harap ng hangin.
14 Parang apoy na sumusunog ng gubat, at parang liyab na nanunupok ng mga bundok;
15 Kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo, at pangilabutin mo sila ng iyong unos.
16 Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan; upang hanapin nila ang iyong pangalan, Oh Panginoon.
17 Mangapahiya sila at manganglupaypay magpakailan man; Oo, mangahiya sila at mangalipol:
18 Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa.
11 Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak.
12 Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig.
13 Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani, gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya; sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.
14 Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan, gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan.
Public Domain