Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Jeremias 33-34

Mga Pangakong Pagpapala

33 Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses. Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito – Panginoon ang pangalan niya:

“Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway, papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.

“Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan. Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag[a], at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon. Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin. At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”

10 Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan. 11 Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

12 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Kahit na mapanglaw ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan. 13 Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negev, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel. 15 Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain. 16 At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”[b]

17 Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel. 18 At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.”

19 At sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras, 21 ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin. 22 Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.”

23 Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias, 24 “Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa. 25 Pero sinasabi ko na hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa, 26 mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”

Ang Babala kay Zedekia

34 1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,

“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’ Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia. Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan, kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.[c] Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.

Pagpapalaya ng mga Alipin

May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin. Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin. 10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae. 11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.

12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila, 14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo. 15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko. 16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.

17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig. 18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya,[d] at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati. 20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.

21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo, 22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”

1 Timoteo 4

Mga Huwad at Sinungaling na Guro

Malinaw ang sinasabi ng Banal na Espiritu na sa mga huling araw tatalikod ang iba sa pananampalataya nila sa Dios. Susunod sila sa mga mapanlinlang na mga espiritu at itinuturo ng mga demonyo. Ang mga aral na itoʼy itinuturo ng mga taong mandaraya, sinungaling at walang konsensya. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, kahit na ginawa ng Dios ang mga pagkaing ito para tanggapin nang may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaalam sa katotohanan. Lahat ng nilikha ng Dios ay mabuti, at dapat walang ituring na masama kung tinatanggap nang may pasasalamat, dahil nilinis ito ng salita ng Dios at ng panalangin.

Ang Mabuting Lingkod ni Cristo Jesus

Magiging mabuti kang lingkod ni Cristo Jesus kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito. At sa pagtuturo mo sa kanila, lalago ka rin sa pamamagitan ng mga katotohanan ng pananampalataya natin at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga walang kabuluhang alamat na sabi-sabi lang ng matatanda. Sa halip, sanayin mo sa kabanalan ang sarili mo. Sapagkat kung may mabuting naidudulot ang pagsasanay natin sa katawan, may mas mabuting maidudulot ang pagsasanay sa kabanalan sa lahat ng bagay, hindi lang sa buhay na ito kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang kasabihang ito, at dapat tanggapin at paniwalaan ng lahat. 10 At ito ang dahilan kung bakit nagsisikap at nagtitiyaga tayo sa pagtuturo sa mga tao, dahil umaasa tayo sa Dios na buhay na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga mananampalataya. 11 Ituro at ipatupad mo ang mga bagay na ito.

12 Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga mananampalataya sa iyong pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. 13 Habang wala pa ako riyan, gamitin mo ang panahon mo sa pagbabasa ng Kasulatan sa mga tao, sa pangangaral at pagtuturo. 14 Huwag mong pababayaan ang kaloob sa iyo ng Banal na Espiritu ayon sa inihayag ng mga namumuno sa iglesya nang ipatong nila ang kamay nila sa iyo. 15 Gawin mo ang mga tungkuling ito at lubos mong italaga ang sarili mo sa mga ito para makita ng lahat ang paglago mo. 16 Maging maingat ka sa pamumuhay at pagtuturo mo. Patuloy mong gawin ang mga bagay na ito para maligtas ka at ang mga nakikinig sa iyo.

Salmo 89:1-13

Ang Kasunduan ng Dios kay David

89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
    Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
    Ito ang ipinangako ko sa kanya:
Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
    ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
    Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
    Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
    makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
    pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
    Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
    Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!

Kawikaan 25:23-24

23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay[a] kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®