The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang mga Recabita
35 Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”
3 Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. 4 Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. 5 Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.
6 Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. 7 Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ 8 Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, 9 hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10 Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11 Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,[a] kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”
12-13 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14 Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15 sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16 Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17 Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19 kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon
36 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2 “Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. 3 Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”
4 Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. 5 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. 6 Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. 7 Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”
8 Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. 9 Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10 Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12 pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13 Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14 Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.
15 Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16 Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17 Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”
18 Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19 Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”
20 Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21 Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22 Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23 Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24 Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25 Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26 Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.
27 Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28 “Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29 Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30 Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31 Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”
32 Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.
Ang mga Responsibilidad ng mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsasabihan nang marahas ang matatandang lalaki, sa halip kausapin mo sila na parang iyong ama. Ituring mo ang mga kabataang lalaki na parang mga kapatid, 2 at ang matatandang babae na parang iyong ina. Pakitunguhan mo nang may malinis na puso ang mga nakababatang babae na parang kapatid mo na rin.
3 Bigyan mo ng kaukulang pansin at tulong ang mga biyuda na wala nang ibang inaasahan. 4 Ngunit kung may mga anak o apo ang isang biyuda, sila ang dapat kumalinga sa kanya bilang pagpapakita ng takot nila sa Dios at bilang pagtanaw ng utang na loob sa magulang nila. Sapagkat nakalulugod ito sa Dios. 5 Ang biyudang nag-iisa na lang sa buhay ay umaasa na lang sa Dios. Araw-gabi siyang nananalangin at humihingi ng tulong sa Dios. 6 Ngunit ang biyudang mahilig sa kalayawan ay patay na sa paningin ng Dios kahit na buhay pa siya. 7 Ituro mo sa mga kapatid ang mga tuntuning ito upang walang masabing masama laban sa kanila. 8 Ang sinumang hindi kumakalinga sa sariling kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa mga hindi mananampalataya.
9 Ang isama mo lang sa listahan ng mga biyuda na tutulungan ay ang mga hindi bababa sa 60 taong gulang at naging tapat sa asawa niya,[a] 10 kilala sa paggawa ng mabuti gaya ng maayos na pagpapalaki ng mga anak, bukas ang tahanan sa mga nakikituloy, naglilingkod[b] sa mga pinabanal[c] ng Dios, tumutulong sa mga nangangailangan, at inilalaan ang sarili sa mabubuting gawa.
11 Ngunit huwag mong isama sa listahan ang mga biyuda na bata pa; dahil kung dumating ang panahon na nais nilang mag-asawa ulit, mapapabayaan nila ang paglilingkod kay Cristo. 12 At dahil dito, magkakasala sila dahil magiging walang saysay ang pangako nila na maglingkod na lang kay Cristo. 13 Maliban dito, matututo silang maging tamad at mag-aksaya ng panahon sa pangangapit-bahay. Hindi lang sila magiging tamad kundi magiging tsismosa at pakialamera, at kung anu-ano ang mga sinasabi. 14 Kaya para sa akin, kung ganito lang ang mangyayari, mas mabuti pang muli na lang silang mag-asawa at magkaanak, at mag-asikaso sa sariling pamilya. Sa ganoon, walang masasabing masama ang mga sumasalungat sa atin. 15 Sinasabi ko ito dahil may ilang biyuda na ang tumalikod sa pananampalataya at sumusunod na kay Satanas. 16 Kung ang isang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na biyuda, dapat niya itong tulungan. Sa ganoon, hindi mabibigatan ang iglesya sa pag-aaruga sa kanila, at matutulungan pa ang mga biyuda na talagang wala nang inaasahan.
17 Ang mga namumuno sa iglesya na naglilingkod nang mabuti ay dapat bigyan ng nararapat na sahod, lalo na ang mga naglilingkod sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Dios. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik”[d] at sinasabi pa, “Nararapat bigyan ng sahod ang manggagawa.”[e] 19 Huwag mong papansinin ang paratang sa isang namumuno sa iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. 20 At tungkol naman sa mga nagpapatuloy sa mga kasalanan nila, pagsabihan mo sila sa harap ng lahat ng mananampalataya para maging babala sa iba.
21 Sa presensya ng Dios at ni Cristo Jesus at ng kanyang mga anghel, iniuutos ko sa iyo na sundin mo ang mga utos na ito nang walang kinikilingan o kinakampihan. 22 Huwag kang padalos-dalos sa pagpapatong ng kamay mo sa kahit sino para bigyan ng kapangyarihang mamuno sa iglesya. Ingatan mong huwag masangkot sa kasalanan ng iba. Manatili kang walang bahid ng kasalanan.
23 Dahil sa madalas na pananakit ng sikmura mo, uminom ka ng kaunting alak.[f]
24 May mga taong lantad na lantad ang mga kasalanan nila bago pa man sila hatulan. Pero ang iba namaʼy sa bandang huli na lang nalalantad ang kasalanan. 25 Ganoon din naman, may mabubuting gawa na lantad na ngayon pa lang, habang ang iba naman ay malalantad din balang araw.
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
19 Noon, nagsalita kayo sa inyong mga tapat na lingkod sa pamamagitan ng pangitain.
Sinabi nʼyo, “May hinubog akong isang mandirigma.
Pinili ko siya mula sa mga karaniwang tao,
at ginawang hari.
20 Si David na aking lingkod ang pinili kong hari sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya ng banal na langis.
21 Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya, at magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.
Hindi magtatagumpay laban sa kanya ang masasama.
23 Dudurugin ko sa kanyang harapan ang kanyang mga kaaway,
at lilipulin ang mga may galit sa kanya.
24 Mamahalin ko siya at dadamayan.
At sa pamamagitan ng aking kapangyarihan
ay magtatagumpay siya.
25 Paghahariin ko siya mula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Ilog ng Eufrates.[a]
26 Sasabihin niya sa akin, ‘Kayo ang aking Ama at Dios;
kayo ang bato na aking kanlungan at kaligtasan.’
27 Ituturing ko siyang panganay kong anak,
ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng hari.
28 Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.
29 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang angkan;
ang kanyang paghahari ay magiging matatag tulad ng kalangitan at mananatili magpakailanman.
30 Ngunit kung ang mga anak niya ay tumalikod sa aking kautusan at hindi mamuhay ayon sa aking pamamaraan,
31 at kung labagin nila ang aking mga tuntunin at kautusan,
32 parurusahan ko sila sa kanilang mga kasalanan.
33 Ngunit mamahalin ko pa rin at dadamayan si David.
34 Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,
at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.
35 Nangako na ako kay David ayon sa aking kabanalan at hindi ako maaaring magsinungaling.
36 Ang bawat hari ng Israel ay magmumula sa kanyang lahi magpakailanman gaya ng araw,
37 at magpapatuloy ito magpakailanman
katulad ng buwan na itinuturing na tapat na saksi sa kalangitan.”
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®