The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
39 Ganito ang pagkawasak ng Jerusalem: Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem. 2 At noong ikaapat na buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod. 3 Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan[a] ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal Sharezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4 Nang makita sila ni Haring Zedekia at ng mga sundalo nito, tumakas sila pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Lambak ng Jordan.[b]
5 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedekia at dinala kay haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar. 6 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 7 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.
8 Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader. 9 Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan. 10 Pero iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.
11 Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya, 12 “Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.” 13 Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, Nebushazban, Nergal Sharezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 14 Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo at ibinigay kay Gedalia na anak ni Ahikam na apo ni Shafan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.
15 Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 16 “Pumunta ka kay Ebed Melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito. 17 Pero ililigtas kita sa mga panahong iyon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo. 18 Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Pinalaya si Jeremias
40 May sinabi ang Panginoon kay Jeremias pagkatapos siyang palayain ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya sa Rama. Nakakadena siya noon kasama ng mga bihag na mga taga-Jerusalem at taga-Juda na dadalhin sa Babilonia. 2 Nang makita ni Nebuzaradan si Jeremias, sinabi niya sa kanya, “Ang Panginoon na iyong Dios ay nagsabing wawasakin niya ang Jerusalem. 3 At nangyari ito ngayon. Talagang ginawa ng Panginoon ang sinabi niya. Nangyari ito dahil gumawa ng kasalanan sa Panginoon ang mga kababayan mo at hindi sila sumunod sa kanya. 4 Aalisin ko na ngayon ang kadena mo at palalayain na kita. Kung gusto mo, sumama ka sa akin sa Babilonia at aalagaan kita roon. Pero kung ayaw mo, nasa sa iyo iyon. Tingnan mo ang buong lupain; malaya kang pumunta kahit saan. 5 Kung gusto mo talagang magpaiwan dito, bumalik ka kay Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. Ginawa siyang tagapangasiwa ng hari ng Babilonia sa mga bayan ng Juda. Maaari kang makapanirahang kasama niya at ng mga nasasakupan niya o kahit saan man na nais mong pumunta.”
Pagkatapos, binigyan siya ni Nebuzaradan ng mga pagkain at regalo, at pinalaya. 6 Kaya umalis si Jeremias at pumunta kay Gedalia roon sa Mizpa at tumira roon kasama ng mga taong naiwan.
Ang Pamamahala ni Gedalia sa Juda
7 May ilang mga opisyal at mga sundalo ng Juda na nasa bukirin na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nilang si Gedalia ay ginawang gobernador ng hari ng Babilonia sa buong lupain para mamuno sa mga lalaki, babae at mga bata na siyang pinakamahirap ang kalagayan na naiwan at hindi dinalang bihag sa Babilonia. 8 Kaya pumunta ang mga pinunong ito kay Gedalia na nasa Mizpa. Ang mga pinunong ito ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan at Jonatan na mga anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Netofa, at Jaazania na anak ng taga-Maaca. Sumama sa kanila ang mga tauhan nila. 9 Sumumpa sa kanila si Gedalia na hindi sila mapapahamak kung magpapasakop sila sa mga taga-Babilonia. Sinabi niya sa kanila, “Manirahan kayo rito sa lupaing ito at maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo. 10 Mananatili ako rito sa Mizpa upang humarap sa mga taga-Babilonia para sa inyo kapag dumating sila rito. Manirahan kayo sa kahit saang lugar na inyong gusto, at anihin ninyo ang mga ubas, mga olibo, at ang iba pang mga prutas, at iimbak ninyo sa mga lalagyan.”
11 Nabalitaan din ng lahat ng Judio na nagsitakas sa Moab, Ammon, Edom at sa iba pang mga bansa na may mga taong iniwan si Haring Nebucadnezar na mga mamamayan ng Juda, at ginawa niyang gobernador si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan. 12 Kaya bumalik sila sa Juda mula sa ibaʼt ibang lugar na pinangalatan nila at pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. At nanguha sila ng mga ubas at iba pang mga prutas. 13 Pumunta rin kay Gedalia sa Mizpa si Johanan na anak ni Karea at ang iba pang mga opisyal ng mga sundalo na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. 14 Sinabi nila, “Hindi mo ba alam na isinugo ni Haring Baalis ng Ammon si Ishmael na anak ni Netania para patayin ka?” Pero hindi naniwala si Gedalia sa kanila.
15 Pagkatapos, nakipagkita si Johanan kay Gedalia ng lihim at sinabi niya sa kanya, “Papatayin ko ang anak ni Netania na si Ishmael ng walang sinumang nakakaalam. Huwag natin siyang pabayaan na patayin ka. Kung sakaling mangyari ito, ito ang magiging dahilan para mangalat at mawala ang mga Judiong naiwan dito sa Juda na pinamumunuan mo.” 16 Pero sinabi ni Gedalia na anak ni Ahikam kay Johanan, “Huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ishmael.”
Pinatay si Gedalia
41 Si Ishmael ay anak ni Netania at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ishmael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalia na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila, 2 tumayo si Ishmael na anak ni Netania at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain. 3 Pinatay din ni Ishmael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Judio roon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.
4 Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalia ay pinatay, 5 may 80 lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Shilo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila para ipakitang nagluluksa sila. May mga dala silang handog para parangalan ang Panginoon at mga insenso para ihandog sa templo ng Panginoon. 6 Sinalubong sila ni Ishmael na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalia.”
7 Pagdating nila sa lungsod, ang 70 sa kanila ay pinatay ni Ishmael at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon. 8 Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ishmael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.” 9 Ang balon na pinaghulugan ni Ishmael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalia ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasha ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ishmael ng mga bangkay.
10 Pagkatapos, binihag ni Ishmael ang mga taong natitira sa Mizpa – ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalia para alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ishmael sa Ammon na dala ang mga bihag.
11 Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ishmael na anak ni Netania. 12 Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netania na si Ishmael para labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon. 13 Nang makita ng mga bihag ni Ishmael si Johanan at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila. 14 Silang lahat na bihag ni Ishmael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan. 15 Pero tumakas sa Ammon ang anak ni Netania na si Ishmael at ang walo niyang kasama.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ishmael mula sa Mizpa, kabilang dito ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. At mula sa Gibeon, 17 pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Betlehem at tumuloy sa Egipto. 18 Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ishmael si Gedalia na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.
2 Timoteo, minamahal kong anak:
Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo
3 Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. 4 Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. 5 Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. 6 Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. 7 Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.
8 Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. 9 Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.
15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[b] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.
Ang Dios at ang Tao
90 Panginoon, kayo ang aming tahanan mula pa noon.
2 Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok at ang mundo, kayo ay Dios na,
at kayo pa rin ang Dios hanggang sa katapusan.
3 Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay ang isang tao.
Ibinabalik nʼyo siya sa lupa dahil sa lupa siya nagmula.
4 Ang 1,000 taon sa amin ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.
5 Winawakasan nʼyo ang aming buhay na parang isang panaginip na biglang nawawala,
6 o para ding damong tumutubo at lumalago sa umaga, ngunit kinahapunaʼy natutuyo at nalalanta.
7 Dahil sa inyong galit kami ay natutupok.
Sa tindi ng inyong poot kami ay natatakot.
8 Nakikita nʼyo ang aming mga kasalanan,
kahit na ang mga kasalanang lihim naming ginawa ay alam ninyo.
9 Totoong sa galit nʼyo kami ay mamamatay;
matatapos ang aming buhay sa isang buntong hininga lang.
10 Ang buhay namin ay hanggang 70 taon lang, o kung malakas pa ay aabot ng 80 taon.
Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon ay puno ng paghihirap at kaguluhan.
Talagang hindi magtatagal ang buhay namin at kami ay mawawala.
11 Walang lubos na nakakaunawa ng inyong matinding galit.
Matindi nga kayong magalit, kaya nararapat kayong katakutan.
12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.
Ang Dios ang Ating Tagapagtanggol
91 Ang sinumang nananahan sa piling ng Kataas-taasang Dios na Makapangyarihan ay kakalingain niya.
2 Masasabi niya[a] sa Panginoon, “Kayo ang kumakalinga sa akin at nagtatanggol.
Kayo ang aking Dios na pinagtitiwalaan.”
3 Tiyak na ililigtas ka niya sa bitag ng masasama at sa mga nakamamatay na salot.
4 Iingatan ka niya gaya ng isang ibong iniingatan ang kanyang mga inakay sa lilim ng kanyang pakpak.
Iingatan ka at ipagtatanggol ng kanyang katapatan.
5-6 Hindi ka dapat matakot sa mga bagay na nakakatakot,
o sa palaso ng mga kaaway, o sa sakit at mga salot na sumasapit sa gabi man o sa araw.
7 Kahit libu-libo pa ang mamatay sa paligid mo, walang mangyayari sa iyo.
8 Makikita mo kung paano pinaparusahan ang mga taong masama.
9 Dahil ginawa mong kanlungan ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios na aking tagapagtanggol,
10 walang kasamaan, kalamidad o anumang salot ang darating sa iyo o sa iyong tahanan.
11 Dahil uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel upang ingatan ka saan ka man magpunta.
12 Bubuhatin ka nila upang hindi masugatan ang iyong mga paa sa bato.[b]
13 Tatapakan mo ang mga leon at mga makamandag na ahas.
14 Sinabi ng Dios, “Ililigtas ko at iingatan ang umiibig at kumikilala sa akin.
15 Kapag tumawag siya sa akin, sasagutin ko siya;
sa oras ng kaguluhan, sasamahan ko siya.
Ililigtas ko siya at pararangalan.
16 Bibigyan ko siya ng mahabang buhay at ipapakita ko sa kanya ang aking pagliligtas.”
26 Kung paanong hindi bagay na mag-nyebe sa tag-araw at umulan sa panahon ng tag-ani, hindi rin bagay na papurihan ang taong hangal.
2 Ang sumpa ay hindi tatalab sa walang kasalanan. Tulad ito ng ibong hindi dumadapo at lilipad-lipad lamang.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®