The Daily Audio Bible
Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.
24 Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga taga-Juda na nakatira rito sa Egipto. 25 Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Talagang sinunod ninyo at ng inyong mga asawa ang ipinangako ninyong pagsusunog ng insenso at pag-aalay ng handog na inumin sa Reyna ng Langit. Sige, ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Tuparin ninyo ang inyong ipinangako. 26 Pero makinig kayo sa sasabihin ko, kayong mga taga-Juda na nakatira sa Egipto. Isinusumpa ko sa sarili ko na mula ngayoʼy wala nang babanggit sa inyo ng pangalan ko. Hindi ko na papayagang gamitin ninyo ang pangalan ko sa inyong panunumpa katulad nito, “Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoong Dios.” 27 Sapagkat sa halip na ingatan ko kayo para sa ikabubuti ninyo, ipapahamak ko kayo. Mamamatay kayo rito sa Egipto sa digmaan o gutom hanggang sa maubos kayong lahat. 28 Kung mayroon mang matitira sa digmaan at makakabalik sa Juda ay kakaunti lamang. Dahil dito, malalaman ng mga natitira na naninirahan ngayon dito sa Egipto kung kaninong salita ang masusunod – ang sa kanila o ang sa akin. 29 Ito ang tanda na parurusahan ko kayo sa lugar na ito para malaman ninyo na talagang matutupad ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo: 30 Ibibigay ko si Faraon Hofra na hari ng Egipto sa mga kaaway niya na nais pumatay sa kanya katulad ng ginawa ko kay Zedekia ng Juda sa kaaway niyang si Haring Nebucadnezar ng Babilonia na nais ding pumatay sa kanya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe para kay Baruc
45 Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, isinulat ni Baruc ang mga sinabi ni Propeta Jeremias sa kanya. 2 Sinabi ni Jeremias, “Baruc, ito ang sinabi sa iyo ng Panginoon, ang Dios ng Israel: 3 ‘Sinabi mong nakakaawa ka, dahil dinagdagan ng Panginoon ang paghihirap mo. Pagod ka na sa pagdaing at wala kang kapahingahan!’
4 “Baruc, ito pa ang sinabi ng Panginoon, ‘Wawasakin ko ang bansang ito na itinayo ko. Bubunutin ko ang itinanim ko. At gagawin ko ito sa buong lupain. 5 Huwag ka nang maghahangad pa ng mga dakilang bagay. Sapagkat pasasapitin ko ang kapahamakan sa lahat ng tao, pero ikaw ay ililigtas ko kahit saan ka pumunta. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Ang Mensahe tungkol sa mga Bansa
46 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa mga bansa:
2 Ito ang mensahe laban sa mga sundalo ni Faraon Neco na hari ng Egipto:
Tinalo sila ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia roon sa Carkemish malapit sa Ilog ng Eufrates, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda:
3 “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag at pumunta kayo sa digmaan! 4 Ihanda rin ninyo ang inyong mga kabayong pandigma. Isuot ang inyong mga helmet, hasain ang inyong mga sibat, at isukbit ang inyong mga sandata. 5 Pero ano itong nakita ko? Natatakot kayo at umuurong. Natalo kayo at mabilis na tumakas na hindi man lang lumilingon dahil sa takot. 6 Malakas kayo at mabilis tumakbo pero hindi pa rin kayo makakatakas. Mabubuwal kayo at mamamatay malapit sa Ilog ng Eufrates.
7 “Ano itong bansang naging makapangyarihan, na katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang? 8 Ito ay ang bansang Egipto, na naging makapangyarihan katulad ng Ilog ng Nilo na tumataas ang tubig at umaapaw hanggang sa pampang. Sinabi ng Egipto, ‘Naging makapangyarihan ako gaya ng baha na umapaw sa buong mundo. Wawasakin ko ang mga lungsod at ang mga mamamayan nito.’
9 “Sige, mga taga-Egipto, patakbuhin na ninyo ang mga kabayo at karwahe ninyo! Sumalakay na kayo pati ang lahat ng kakampi ninyo na mula sa Etiopia, Put, at Lydia na bihasa sa paggamit ng mga kalasag at pana. 10 Pero mananalo ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa digmaang ito. Maghihiganti siya sa mga kaaway niya sa araw na ito. Ang espada niyaʼy parang gutom na hayop na lalamon sa kanila at iinom ng dugo nila hanggang sa mabusog. Ang mga bangkay nilaʼy parang mga handog sa Panginoong Dios na Makapangyarihan doon sa lupain sa hilaga malapit sa Ilog ng Eufrates.
11 “O mga taga-Egipto, kahit na pumunta pa kayo sa Gilead para maghanap ng panlunas na gamot, ang lahat ng gamot ay wala nang bisa at hindi na makapagpapagaling sa inyo. 12 Mababalitaan ng mga bansa sa buong daigdig ang kahihiyan at pagtangis ninyo. Mabubuwal ang inyong mga sundalo nang patung-patong.”
13 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa pagsalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa Egipto:
14 “Jeremias ipahayag ito sa Egipto, Migdol, Memfis at Tapanhes: Humanda na kayo dahil nakahanda na ang espada para lipulin kayo. 15 Bakit tumakas ang matatapang nʼyong kawal?[a] Tumakas sila dahil itinaboy sila ng Panginoon. 16 Patung-patong na mabubuwal ang inyong mga sundalo. Sasabihin nila, ‘Bumangon tayo at umuwi sa lupaing sinilangan natin, sa mga kababayan natin, para makaiwas tayo sa espada ng mga kaaway natin.’ 17 Sasabihin din nila, ‘Ang Faraon na hari ng Egipto ay magaling lang sa salita, at sinasayang lang niya ang mga pagkakataon.’
18 “Ako, ang buhay na Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, isinusumpa kong mayroong sasalakay sa Egipto na nakahihigit sa kanya, katulad ng Bundok ng Tabor sa gitna ng mga kabundukan o ng Bundok ng Carmel sa tabi ng dagat. 19 Kayong mga mamamayan ng Egipto, ihanda na ninyo ang inyong mga dala-dalahan dahil bibihagin kayo. Mawawasak ang Memfis, magiging mapanglaw ito at wala ng maninirahan dito. 20 Ang Egipto ay parang dumalagang baka, pero may insektong mula sa hilaga na sasalakay sa kanya. 21 Pati ang mga upahang sundalo niya ay uurong at tatakas. Para silang mga guyang pinataba para katayin. Mangyayari ito dahil panahon na para parusahan at wasakin ang mga taga-Egipto. 22 Tatakas ang mga taga-Egipto na parang ahas na mabilis na tumatalilis habang sumasalakay ang mga kaaway. Sasalakay ang mga kaaway na may dalang mga palakol na katulad ng taong namumutol ng punongkahoy. 23 Papatayin nila ang mga taga-Egipto na parang pumuputol lang ng mayayabong na mga punongkahoy. Ang mga kaaway na itoʼy mas marami kaysa sa balang na hindi mabilang. 24 Mapapahiya ang mga taga-Egipto. Ibibigay sila sa mga taga-hilaga.”
25 Patuloy pang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Parurusahan ko na si Ammon, ang dios-diosan ng Tebes, at ang iba pang mga dios-diosan ng Egipto. Parurusahan ko rin ang Faraon pati ang mga tagapamahala niya, at ang mga nagtitiwala sa kanya. 26 Ibibigay ko sila sa kamay ng mga gustong pumatay sa kanila – kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pero darating din ang araw na ang Egipto ay tatahanan ng mga tao katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
27 “Pero kayong mga taga-Israel na lahi ng lingkod ko na si Jacob, huwag kayong manlulupaypay o matatakot. Sapagkat ililigtas ko kayo mula sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Muli kayong mamumuhay nang payapa at walang anumang panganib, at walang sinumang mananakot pa sa inyo. 28 Kaya huwag kayong matakot, kayong mga lahi ng lingkod kong si Jacob, dahil kasama ninyo ako. Wawasakin ko nang lubusan ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo, pero hindi ko kayo wawasakin nang lubusan. Parurusahan ko kayo nang nararapat. Hindi maaaring hindi ko kayo parusahan. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Filistia
47 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Propeta Jeremias tungkol sa Filistia noong hindi pa sinasalakay ng Faraon[b] ang Gaza:
2 “May bansang sasalakay mula sa hilaga na parang baha na aapaw sa buong lupain. Wawasakin ng bansang ito ang lahat ng lungsod pati ang mga mamamayan nito. Magsisigawan at mag-iiyakan nang malakas ang mga tao dahil sa takot. 3 Maririnig nila ang ingay ng lagapak at mga yabag ng mga kabayo at mga karwahe. Hindi na lilingon ang mga ama para tulungan ang mga anak nila dahil sa takot. 4 Sapagkat darating ang araw na wawasakin ang lahat ng Filisteo pati ang mga kakampi nila na tumutulong sa kanila mula sa Tyre at Sidon. Wawasakin ng Panginoon ang mga Filisteo. Ito ang mga taong mula sa Caftor.[c] 5 Ang mga taga-Gaza ay magpapakalbo, tanda ng pagluluksa nila, at ang mga taga-Ashkelon ay tatahimik sa kalungkutan. Kayong mga mamamayan sa kapatagan, hanggang kailan ninyo susugatan ang inyong sarili upang ipakita ang inyong kalungkutan? 6 Nagtatanong kayo kung kailan ko ititigil ang pagpaparusa sa inyo sa pamamagitan ng espada ko. Sinasabi ninyong ibalik ko na sa lalagyan ang espada ko at pabayaan na lang kayo. 7 Pero paano ito mapipigil dahil inutusan ko na ito na salakayin ang Ashkelon at ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat?”
22 Kaya iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan. Pagsikapan mong mamuhay nang matuwid, tapat, mapagmahal at may mabuting pakikitungo sa kapwa, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon nang may malinis na puso. 23 Iwasan mo ang mga walang kwentang pakikipagtalo at kalokohan lamang, dahil alam mong hahantong lang ito sa alitan. 24 Ang lingkod ng Dios ay hindi dapat nakikipag-away, kundi mabait sa lahat, marunong magturo at mapagtimpi. 25 Kailangang mahinahon siya sa pagtutuwid sa mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sa ganitong paraan ay bigyan sila ng Dios ng pagkakataong magsisi at malaman ang katotohanan. 26 Sa ganoon, maliliwanagan ang isip nila at makakawala sila sa bitag ng diablo na bumihag sa kanila para gawin ang nais nito.
Ang mga Huling Araw
3 Tandaan mo ito: Magiging mahirap ang mga huling araw, 2 dahil magiging makasarili ang mga tao, sakim sa salapi, mayabang, mapagmataas, mapang-insulto, masuwayin sa magulang, walang utang na loob, at hindi makadios. 3 Ayaw nilang makipagkasundo sa kaaway nila, malupit, walang awa, mapanira sa kapwa, walang pagpipigil sa sarili, at galit sa anumang mabuti. 4 Hindi lang iyan, mga taksil sila, mapusok, mapagmataas, mahilig sa kalayawan sa halip na maibigin sa Dios. 5 Ipinapakita nilang makadios sila pero hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa buhay nila. Iwasan mo ang mga taong ganito. 6 May ilan sa kanilang gumagawa ng paraan para makapasok sa mga tahanan at manloko ng mga babaeng mahihina ang loob, na lulong na sa kasalanan at alipin ng sari-saring pagnanasa. 7 Nais laging matuto ng mga babaeng ito, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan kailanman. 8 Ang pagkontra sa katotohanan ng mga lalaking nangangaral sa kanila ay gaya ng pagkontra nina Jannes at Jambres kay Moises. Hindi matino ang pag-iisip nila, at ang sinasabi nilang pananampalataya ay walang kabuluhan. 9 Pero hindi rin magpapatuloy ang ginagawa nila dahil mahahalata ng lahat ang kahangalan nila, gaya ng nangyari kina Jannes at Jambres.
Mga Bilin
10 Ngunit ikaw, Timoteo, alam mo lahat ang itinuturo mo, ang aking pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis. 11 Alam mo rin ang mga dinanas kong pag-uusig at paghihirap, katulad ng nangyari sa akin sa Antioc, Iconium at Lystra. Ngunit iniligtas ako ng Panginoon sa lahat ng mga iyon. 12 Ang totoo, lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. 13 Ang masasama at manlilinlang namaʼy lalo pang sasama at patuloy na manlilinlang. Maging sila mismoʼy malilinlang. 14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga bagay na natutunan mo at pinanaligan, dahil alam mo kung kanino mo ito natutunan. 15 Mula pa sa pagkabata, alam mo na ang Banal na Kasulatan, na nakapagbibigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Lahat ng Kasulatan ay isinulat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, at mapapakinabangan sa pagtuturo ng katotohanan, pagsasaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa matuwid na pamumuhay, 17 para maging handa sa lahat ng mabubuting gawa ang naglilingkod sa Dios.
Ang Dios ang Hukom ng Lahat
94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
2 Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
kaya sige na po Panginoon,
gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
3 Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
4 Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
5 Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
6 Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
7 Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”
8 Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
Unawain ninyo ito:
9 Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.
6 Kapag nagpadala ka ng mensahe sa pamamagitan ng isang mangmang, para mo na ring pinutol ang iyong mga paa, at para ka na ring gumawa ng sariling kapahamakan.
7 Ang pilay na paa ay walang kabuluhan, katulad ng kawikaan sa bibig ng hangal.
8 Ang isang papuri na sa hangal iniuukol ay parang batong nakatali sa tirador.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®